"Ano pa ba ang tinutunganga niyo riyan?! Jusko! Hanapin niyo ang prinsesa! Baka napano na siya sa kagubatan!"
Dumagundong ang malakas at nag-aalala na boses ni Nana Remy sa loob ng palasyo. Kaharap niya ang mga kapwa tagasilbi at ilang mga kawal ng palasyo ni Prinsesa Kataleya. Ngunit kahit anong sigaw at pangungumbinsi niya sa mga ito na hanapin ang nawawala nilang prinsesa ay wala niisa sa kanila ang nagboluntaryo na kumilos.
Tinignan pa siya ng mga ito na tila siya pa ang nasisiraan ng ulo para naisin na hanapin ang prinsesa. Nahihirapang tuloy napahawak sa tapat ng kanyang puso si Nana Remy. Naninikip ang dibdib niya sa ginagawa ng mga ito na pabayaan sa pinagsisilbihan nilang prinsesa.
Napakawalang nilang puso at hindi na sila naawa sa munting prinsesa na wala namang ginawang masama kundi maipanganak lang sa mundong ito.
"A-Aking prinsesa..." naiiyak na bulalas ni Nana Remy dahil wala siyang magawa para matulungan ang prinsesa, "S-Sana naman ay nasa mabuti pa siyang lagay..." tanging naidalangin niya para sa patuloy na kaligtasan ng inaalagaang prinsesa.
Pakiramdam niya ay maling mali ang naging desisyon niya na hayaan na maglaro mag-isa sa hardin ang prinsesa kanina. Sana hindi niya na lang ito hinayaan na lumabas ng kwarto na hindi siya kasama.
Dahil kung hindi pa siya natapos nang maaga sa kanyang ginagawa sa kusina ay hindi niya matutuklasan na nawawala na ang munting prinsesa. Kaya dali-dali niya ipinatawag ang mga kapwa tagasilbi at ilang mga kawal sa paligid para ipaalam ang pagkawala ni Prinsesa Kataleya.
Umaasa siya na kikilos ang mga ito para tulungan siya na hanapin ang prinsesa. Ngunit ilang oras na siya nagdudumakdak dito pero wala niisa sa kanila ang handa na tumulong sa kanya sa paghahanap. Tila mas gusto pa nila na mamatay na lang kung saan ngayon ang prinsesa.
"M-M-Mahabag naman kayo... W-Wala naging kasalanan sa inyo ang prinsesa... M-May mga anak kayo na kasing edaran niya... H-Huwag naman kayo maging malupit sa kanya," pangongonsensiya pa ni Nana Remy sa mga ito.
Ngunit walang naging pagbabago sa pakikitungo ng mga ito. Sa halip ay walang mga pakialam na umalis na ang iba sa kanila para bumalik sa kani-kanilang mga trabaho.
"T-Teka..." pagpigil ni Nana Remy na mag-alisan ang mga ito.
"Nana Remy, tama na kasi iyan... Bakit niyo pa ba pinag-aaksayahan ng oras ang prinsesa na maaari naman mamatay anumang oras?" nagtatakang tanong sa kanya ni Nikki, isa sa mga matatagal ng tagasilbi ng palasyo ng prinsesa, "Wala naman kayo mapapala sa pag-aalaga sa kanya. Dahil wala naman talaga posisyon ang pekeng prinsesa sa palasyo. Darating ang araw na ididispatya rin siya ng ating emperor."
Mahigpit na napakuyom ng kamay si Nana Remy. Siya lang ang tanging naniniwala na totoong anak ni Emperor Hadrian ang prinsesa.
Kaya hindi niya lubos maisip na magagawang pabayaan ng emperor ng ganito ang sarili niyang kadugo. Dahil lang sa paghihinala nito na may naging kalaguyong kawal si Empress Maxima.
"H-Hindi niyo alam ang sinasabi niyo... D-Darating ang araw... M-Malalaman ng lahat kung sino ba talaga si Prinsesa Kataleya..." nanghihinang hayag ni Nana Remy sa pagiging sarado ng isip ng lahat sa katotohanan, "P-Pagsisihan niyo ang naging pag-trato niyo sa kanya ng ganito..."
Nagkatinginan ang mga tagasilbi na kaharap ni Nana Remy. Pagkatapos ay napahalakhak sila. Iniisip nila na nabaliw na ang matandang tagasilbi. Anuman isip ang gawin nila ay imposible na maging totoong anak ng emperor ang munting prinsesa.
Isang malaking kalokohan na lang iyon...
"Nana Remy, sa totoo lang ay mas makakabuti na mamatay na lang ang prinsesa mula sa gitna ng kagubatan kaysa mamatay siya sa marahas na kamay ng ating emperor di ba?" komento naman ng isa pang tagasilbi na si Mona, "Sa ganoon ay iisipin lang ng lahat na hindi siya naging mapalad para mamatay mag-isa sa gitna ng kagubatan."
Napasinghap si Nana Remy sa gusto mangyari ng mga kapwa niyang tagasilbi. Hindi niya akalain na hahayaan nila talaga na mamatay na lang ang prinsesa kaysa patuloy na pagsilbihan ito.
Ngunit bago pa makausap muli si Nana Remy ay biglang bumukas ang pinto at pumasok ang ilang kawal na nagbabantay sa labas ng palasyo. Nakita niya na kinakaladkad ng mga ito ang munting prinsesa papasok sa loob ng palasyo.
"A-Aray! B-Bitawan niyo ko! N-Nasasaktan ako!" umiiyak na reklamo ni Prinsesa Kataleya sa mga ito at pilit na nagpumiglas.
Mabilis naman na lumapit si Nana Remy at agarang inagaw mula sa kamay ng mga kawal ang munting prinsesa.
"N-Nana Remy..." pag-ngawa pa ni Prinsesa Kataleya bago nanginginig na yumakap sa kanyang bewang.
Dahil doon ay galit na binalingan niya ng tingin ang mga kawal na iyon. "Ano sa tingin niyo ang ginagawa niyo?! Nakalimutan niyo ba na isang prinsesa ang batang ito?!" galit na galit na pagsinghal ni Nana Remy saka buong pag-aalala na pinasadahan ng tingin ang kabuuan ni Prinsesa Kataleya.
Malakas na napasinghap pa siya nang makita na namamaga ang pisngi ng bata dahil sa may malakas na sumampal dito. May mga sugat din ito sa siko at tuhod mula sa ilang ulit na pagkakatumba at pagkakaladkad. Idagdag pa ang mga patong patong na pasa sa kanyang magkabilang braso. Senyales na ilang ulit siya marahas na hinawakan sa kanyang braso.
Ngunit puno ng galit na tinignan lang ang matandang tagalsilbi ng mga kawal na iyon. Halatang may anong rason kaya ganoon na lang sila naging karahas ngayon sa prinsesa.
"Tch! Ano ngayon kung prinsesa siya? Nang dahil lang naman sa paglabas niya sa palasyo na ito ay kinagalitan kami ngayon ng aming mga pinuno!" galit na hiyaw naman ng kawal na iyon para lalo manginig sa takot ang munting prinsesa, "Kung hindi siya lumabas at nagtungo sa palasyo ng emperor ay sana hindi kami mabibigyan ng kaparusahan! E di sana makakaltasan ang sweldo namin ng kalahati dahil lang sa kanya! Urrrgh! Kung hindi lang maganda ang sweldo rito ay sa tingin mo may magnanais na manatili sa palasyong ito? Wala! Walang gugustuhin na pagsilbihan ang isang pekeng prinsesa!"
Lalong napaiyak si Prinsesa Kataleya nang marinig niya muli ang katagang 'peke'. Mahigpit na niyakap naman siya ni Nana Remy at pilit na pinatatahan.
Inangat pa niya ang tingin para tignan ang matandang tagasilbi. Gusto niya marinig na itanggi ni Nana Remy ang pagtawag sa kanya na peke ng lahat. Ngunit hindi na nagsalita pa ang matanda dahil anuman ang sabihin niya ay wala naman din mababago sa kaisipan ng mga ito laban sa inaalagaang prinsesa.
Nagtagisan lang ng mga tingin ang mga tagasilbi. Pagkatapos ay padabog na umalis ang mga kawal na iyon. Kinuha naman ni Nana Remy ang pagkakataon na iyon para umalis at ibalik sa kanyang kwarto si Prinsesa Kataleya.
Pagkapasok sa kwarto ay dali-dali na kumuha ng mga gamot ang matandang tagasilbi. Tahimik at walang imik si Nana Remy habang ginagamot niya ang mga sugat ng munting prinsesa.
Nakatitig naman si Prinsesa Kataleya sa mukha ng matanda. Inaantay niya kung sasabihin na ba nito ang lahat na dapat niyang malaman tungkol sa pagkatao niya. Ngunit base sa pananahimik ng matandang tagasilbi ay alam niya na hindi ito magsasalita hanggang hindi siya mismo ang mag-uungkat.
Kaya humugot muna ng malalim na hininga ang prinsesa bago lakas loob na hinarap ang tingin muli ng tagasilbi.
"N-Nana... R-Remy..." medyo utal na pagtawag pa niya sa atensyon ng matandang tagasilbi, "T-Totoo po ba na isa lang akong pekeng prinsesa...? N-N-Na... H-Hindi po ako totoong anak ni Emperor Hadrian...?"
Bahagya natigilan si Nana Remy sa paggagamot sa kanyang mga sugat. "H-Ha? S-Saan mo naman narinig ang mga iyan?" pabalik na tanong nito sa kanya.
Mahigpit na napakapit si Prinsesa Kataleya sa nadumihang laylayan ng kanyang suot na bestida. "I-Iyon po ang sinasabi ng lahat sa akin..." malungkot na sambit niya nang maalala ang mga narinig at nalaman sa paglabas sa kanyang palasyo, "N-Nakita ko rin po kanina si A-Ama... P-Pero puno ng galit niya lang ako na tinignan... W-Walang kahit anong pagkilala sa akin bilang kanyang anak..." madamdaming pagkwe-kwento pa niya.
Mahigpit na hinawakan ni Nana Remy ang kamay ng munting prinsesa. Puno ng awa niya pinagmasdan ang mukha nito.
"Iyon kasi ang pinaniniwalaan ng lahat... Kahit ang emperor ay nabubulagan lang sa oras na ito at hindi niya makita na totoo ka niyang anak..." malungkot na sambit ni Nana Remy, "Pero sigurado ako na tunay na anak ka ng emperor... Kaya huwag ka panghinaan ng loob. Darating ang araw na mabubunyag din ang anumang katotohanan. Isa kang totoong Suzdal."
Napakunot ng noo si Prinsesa Kataleya sa sinabi na iyon ni Nana Remy. Na totoo siyang anak ng emperor. Ngunit kahit anong tingin at isip niya ay wala siyang makitang anumang pagkakatulad sa itsura ng emperor. Kaya inisip niya na lang na baka sinabi iyon ng matandang tagasilbi para palubagin ang kalooban niya sa natuklasan.
Pagkalipas muli ng ilang taon...
Sumapit ang ika-walong kaarawan ni Prinsesa Kataleya pero katulad ng mga nagdaang taon, ang araw na ito ang pinakaayaw na araw ng karamihan na dumating.
Ito kasi ang makasaysayang araw kung kailan natuklasan ng emperor ang panloloko sa kanya ng asawang empress. Kaya wala sinuman na magnanais na gumawa ng kahit anong kasiyahan para ipagdiwang ang araw ng kapanganakan ng prinsesa.
Kaysa maging pinakanasayang araw ito para kay Prinsesa Kataleya ay ito ang naging pinakamalungkot na araw para sa kanya. Kaya sa tuwing sumasapit ang kaarawan niya ay mas pinipili na lamang niya na magkulong buong maghapon sa kanyang kwarto.
Iyon ay dahil ayaw niyang lumabas para salubungin ang hindi magagandang pakikitungo ng mga tagasilbi sa kanya. Sa araw na ito kasi mas nagiging triple ang pagkasuklam sa kanya ng lahat. Ipinaparamdam nila sa kanya kung gaano hindi katanggap tanggap ang kanyang presensiya sa palasyo na iyon.
Gayun pa man, ngayon na nasa walong taong gulang na siya ay unti unti na niya nauunawaan ang kinakaharap na sitwasyon. Na kung bakit ganoon na lang kalamig ang pagtrato sa kanya ng lahat.
Sa totoo lang ay hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman nang matuklasan ang buong kwento ng kanyang kapanganakan. Sa ginawang malaking kasalanan ng sariling ina sa emperor.
Dapat ba na magalit siya o ano?
Dapat ba na kasuklaman niya rin ang empress katulad ng lahat?
Doon ay malakas na napabuga siya ng hininga. Hindi niya na talaga alam ang dapat isipin. Idagdag pa kasi sa kanyang problema na hanggang ngayon ay iginigiit ni Empress Maxima na totoong anak siya ni Emperor Hadrian.
"Ano ba ang totoo? Sino ba talaga ako?"
Sa huli ay naisip na lang ni Prinsesa Kataleya na baka ginagawa iyon ng empress para patuloy na isalba ang munting buhay niya at manatili bilang prinsesa ng emporyo.
Ito ang dahilan kaya hindi niya rin lubusan na magawang magalit sa kanyang sariling ina. Alam niya kahit nakakakulong ito sa isang malayong tower ay patuloy pa rin siya nito inaalagaan. Hindi siya hinayaan nito na mapahamak sa kamay ng emperor.
Pero sa kabilang banda... naisip niya kung papaano totoo pala ang sinasabi ng empress na anak nga siya ng emperor?
Biglang nagbalik tanaw sa kanyang isipan ang naging malamig na pakikitungo sa kanya ng emperor nang magkita sila nang unang beses. Dahil doon ay muling bumigat ang puso niya.
Kung may katotohanan ang sinasabi ng ina niya ay ibig sabihin dapat makaramdam siya ng galit sa emperor di ba? Dahil parehong hinatulan sila ng empress sa kasalanang wala naman pala katotohanan.
Napahawak sa kanyang ulo si Prinsesa Kataleya sa pag-iisip na mga posibilidad. Hindi niya alam ang dapat mas paniwalaan sa oras na ito.
Sino ba ang nagsasabi ng totoo sa hindi?
Gusto man niya kausapin ng personal ang ina para maliwanagan ang katanungan sa isip niya pero nakakulong ito na nasa kabilang dulo ng emporyo. Pagkaalam pa nga niya ay napakahigpit ng pagbabantay doon sa empress. Kaya napaka-imposible na makaharap niya ito na hindi nalalaman ng emperor.
Dahil doon, malakas na nagpakawala ng buntong hininga si Prinsesa Kataleya habang nakatingin sa sarili niyang repleksyon sa salamin. Kapansin pansin kasi roon ang kulay rosas niyang buhok at berdeng mga mata. Na siyang ibang iba sa kulay pilak na buhok at bughaw ng mga mata ng maharlikang Suzdal.
"Prinsesa Kataleya Antonette Suzdal..." pagtawag niya sa kanyang buong pangalan pero pakiramdam niya ay ibang tao ang nagmamay-ari ng pangalan na kanyang binanggit.
Ito ang pangalan na ibinigay mismo sa kanya ng emperor. Ito lang ang tanging natanggap niya bilang isang Suzdal.
Dahil na rin sa agarang inilayo siya ng emperor sa inang empress ay hindi na tuloy siya nabigyan man lang ng pangalan. Kaya sa ayaw man o gusto ng emperor ay siya na lang ang nagbigay ng pangalan niya bago ipinatapon siya sa pinakamalayong palasyo.
Hindi niya tuloy alam kung nararapat ba na mamuhay siya bilang si Prinsesa Kataleya sa palasyo na ito. Kung titignan nga naman kasi sa pisikal na anyo ay wala naman magpapatunay na may dugong maharlika siya.
Kaso kung titignan sa ibang anggulo ay biktima lang naman din siya ng pangyayari na ito. At ang tanging magagawa na lang niya ay isisi ang masaklap na kapalaran sa kanyang sarili dahil sa ipinanganak siya sa ganitong kaanyuan.
Gusto man niyang takasan ang masaklap na pamumuhay na ito ngunit wala naman siya ibang mapupuntahan. Wala pa din siya sa hustong gulang para magkaroon ng kalayaan.
Tsaka hindi niya naman alam ang anumang klase ng pamumuhay na maaaring maranasan niya sa labas. Alam niya na hindi pa siya handa na makipagsapalaran para baguhin ang kanyang buhay.
Muling napabuga siya ng malalim na hininga saka naisipan na magtungo sa bintana. Tinanaw niya roon ang mga ibon na malaya na lumilipad sa himpapawid.
"Marami ang magnanais na maipanganak na isang prinsesa... Pero sa sitwasyon ko ay mas nanaisin ko pa na ipinanganak ako na isang ibon kaya makulong lang dito ng habang buhay," malungkot na bulong niya sa kanyang sarili kasabay ang pagbagsak ng luha sa kanyang mga mata.