Masayang naglibot sa magandang hardin ng kanyang palasyo si Prinsesa Kataleya para maglaro ng bagong laruang bola na ibinigay sa kanya ni Nana Remy. Iyon nga lang pagkahatid na pagkahatid kasi sa kanya roon ng mga tagasilbi na napag-utusan ni Nana Remy ay agarang iniwanan siya roon na mag-isa.
Tila ba wala silang pakialam kung maaksidente man siya o ano basta nagampanan nila ang anumang inutos sa kanila ng matandang tagasilbi. Ayaw man nila sumunod sa utos na iyon ay hindi maaari dahil mas mataas pa rin ang posisyon ni Nana Remy kumpara sa kanila.
Hindi naman minasama ni Prinsesa Kataleya ang pag-iwan sa kanya ng mga tagasilbi na iyon. Medyo inaasahan din naman niya na iiwan siya ng mga ito. Kaya kaysa maging malungkot sa patuloy na malamig na pakikitungo sa kanya ng mga tagasilbi ay nagpakasaya na lang siya sa paglalaro.
Nagkataon kasi na naging abala sa pag-aasikaso ng kusina ang Nana Remy niya kaya hindi siya masasamahan nito sa hardin. Naiintindihan ni Prinsesa Kataleya na may trabaho naman din ang matanda na dapat gawin sa palasyo kaya hindi sa lahat ng oras ay masasamahan siya nito.
Sa kalagitnaan ng paglalaro ni Prinsesa Kataleya sa hardin ay hindi sinasadya na gumulong ang dala niyang bola sa ilalim ng halamanan. Inilibot niya ang tingin para maghanap ng makakatulong sa kanya na kuhanin iyon ngunit wala ni anino ng mga tagasilbi siya na nahanap sa paligid.
Kaya itinaas niya ang laylayan ng suot na bestida bago dumapa para subukan na abutin ang kanyang laruan. Iyon nga lang ay medyo malayo ang nirating ng bola kaya gumapang pa siya pailalim sa mga halaman.
Hindi naman nagtagal ay nakuha niya ang laruang bola niya. Ngunit napakunot siya ng noo nang makita na may hindi gaano kalaki na butas sa mataas harang ng kanyang palasyo mula sa likuran ng mga makakapal na halaman na iyon.
Dahil sa inosente pa at may kuryosidad ang prinsesa sa anuman na nasa labas ng kanyang palasyo ay walang pagdadalawang isip na isinuot niya ang sarili sa butas na iyon. Tamang tama lang ang butas na iyon sa hindi pa kalakihan niyang katawan.
Nang makabangon mula sa paglusot doon ay bumungad sa kanyang harapan ang isang malawak na kagubatan. Manghang napatingala pa siya habang tinitignan ang tuktok ng mga matatayog na puno. Ngunit kaysa matakot sa tanawin ay tila natuwa pa ito sa kanyang nadiskubre. Kaya wala takot na pinasok niya ang kagubatan na iyon para tignan ang anuman na naroroon.
Lakad lang siya ng lakad na walang partikular na destinasyon. Pakanta kanta pa siya habang masayang namamasyal sa loob ng malawak na kagubatan. Hindi niya man lang alintana ang anumang panganib na siyang nakatira sa kagubatan.
Gayun pa man ay tila naging ma-swerte muli ang munting prinsesa. Ligtas na nakalabas siya sa kagubatan na iyon at mapadpad sa isang parte ng palasyo. Iyon nga lang ay hindi sinasadya na ang palasyo ng emperor ang napuntahan niya.
Inosente na nagpalakad lakad siya roon habang pinagmamasdan ang panibagong nadiskubre na lugar. Wala siyang makitang kamalian sa ginagawa niyang iyon. Para sa kanya ay masaya at naging makabuluhan ang pamamasyal niyang iyon dahil nakakita siya ng mga bagong tanawin bukod sa loob ng kanyang palasyo.
Hanggang sa biglang pagliko niya ay may makabangga sa kanya. Iyon nga lang dahil sa nasa labas siya ngayon ay mas masakit ang naging pagtumba niya. Nagkataon kasi na sa mabatong lugar pa siya napahiga. Naiiyak tuloy na napatingala si Prinsesa Kataleya para tignan kung sinuman na bumangga sa kanya.
Ngunit agarang nanginig siya sa takot nang makakita ng tatlong malalaking lalaki na matamam na nakatingin sa kanyang kabuuan. At base sa tingin na binibigay nila sa kanya ay hindi magiging maganda ang susunod na mangyayari.
"Tch! Sino kaya ang hangal na nagdala ng batang ito sa loob ng palasyo ng emperor?" hindi natutuwang pagrereklamo pa ng nakabangga kay Prinsesa Kataleya bago sobrang talim na tinignan muli ang munting prinsesa.
"Bilisan niyo! Tawagin niyo ang mga kawal para maidispatya na agad ang bata paalis dito bago pa siya makita ng ating emperor!" utos pa ng isa sa mga lalaki na iyon sa mga kasunod nilang tagasilbi, "Dalian niyo! Nakakasira ng imahe ng palasyo ang pananatili niya rito."
Dahil doon ay narinig ni Prinsesa Kataleya ang malakas at nagmamadaling pagtawag ng tagasilbi sa mga kawal. Hindi nagtagal ay may sunud sunod at malalakas na yabag ang papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Doon ay dumating na nga ang mga kawal. Nalilito pa napatingin ang mga ito kay Prinsesa Kataleya pati sa mga tatlong lalaking kaharap nito. Hanggang sa biglang mahigpit na hiklatin ng isa sa mga lalaki na iyon ang braso ni Prinsesa Kataleya.
"A-Aray..." nakangiwing reklamo ng prinsesa at sinubukan na pakawalan ang sarili mula sa hawak ng lalaki.
Ngunit mas humigpit ang paghawak nito sa braso niya at kulang na lang ay baliin ng lalaki na iyon ang braso niya.
"M-Masakit..." mangiyak ngiyak na bulalas pa ni Prinsesa Kataleya at muling nagpumiglas.
"V-Viscount Phocas..." seryosong pagtawag ng isang kawal sa may hawak kay Prinsesa Kataleya, "Ang batang iyan... Hindi ba siya si Prinsesa Kataleya...?"
Nang tignan ng prinsesa ang mukha ng mga kawal ay nakita niya na tila nakilala siya ng mga ito. Ngunit kahit nakikilala siya ng mga ito ay hindi sila naglakas loob na pumagitna sa viscount na may hawak sa kanya.
"Mula sa mala-rosas na kulay na buhok at kanyang berdeng mga mata... Tingin ko nga ay siya nga ang batang iyon," nag-uuyam na komento ni Viscount Phocas habang tinitignan ang kawawang anyo ng prinsesang hawak hawak niya, "Pero ano naman ngayon? Isang sampid lang naman siya sa maharlikang pamilyang Suzdal. Anuman oras ay ididispatya na rin siya ng ating emperor. Kailangan na lang natin na intayin na makapamili siya ng bagong empress."
Nag-aalangan na nagkatinginan sa bawat isa ang mga kawal dahil sa lantaran na pagsasabi na iyon ng viscount sa harapan ng munting prinsesa. Dahil doon ay nalilitong napakunot ng kanyang noo si Prinsesa Kataleya. Hindi niya kasi maintindihan kung bakit tinawag siya na sampid ng maharlikang pamilya at ididispatya din siya ng kanyang amang emperor sa oras na makahanap ito ng bagong empress.
Tsaka ang ina niya ay ang kasalukuyan na empress kaya bakit kakailanganin pa ng emperor na humanap ng bago?
Pagkaalam niya rin ay buhay na buhay pa rin naman ang kanyang ina.
"H-Hindi totoo iyan!" malakas na pagtutol niya sa sinabi ng viscount, "H-Hindi iyon magagawa ng aking amang emperor!"
Ngunit nang tawagin niya kanyang ama ang emperor ay namayani ang katahimikan sa buong paligid. Puno ng galit na tinignan pa siya ng lahat. Doon ay alam niya na isang malaking pagkakamali ang pagtawag niyang ama sa emperor.
"Ha?! Narinig niyo ba ang sinabi niya?! Ang lakas ng loob ng batang ito na tawagin na ama ang ating emperor!" hindi natutuwang hiyaw ni Viscount Phocas at mas humigpit ang pagkahawak niya sa braso ng prinsesa, "Eh putok sa buho lang naman siya ni Empress Maxima sa pakikiapid niya sa kanyang personal na kawal! Hindi ko nga alam kung bakit hinayaan pa ng emperor na manatili na buhay ang batang ito kahit hindi naman niya kadugo. Sana isinama na lang din siya noon sa hukay ng kanyang totoong ama na si Sir Leo. Sayang lang kasi ang parte ng buwis na binibigay ng mga mamamayan para lang sa kanyang palasyo."
Biglang nanginig ang buong pagkatao ni Prinsesa Kataleya sa kanyang narinig mula sa bibig ng mayabang na viscount. Na hindi pala siya totoong anak ng emperor kundi anak siya ng inang empress sa kalaguyo nitong kawal.
Mabagal na iniling iling ni Prinsesa Kataleya ang kanyang ulo. "H-Hindi totoo iyang sinasabi niyo..." ayaw maniwalang sambit ni Prinsesa Kataleya sa kanyang nalaman, "P-Prinsesa ako ng emporyo... A-Anak ako ng emperor..."
Umingos ang mga kasamahan ng viscount at natatawang pinagmasdan ang prinsesa. "Tumitingin ka ba sa salamin?" nag-uuyam na komento muli ni Viscount Phocas sa kanya, "Anumang tingin ang gawin namin ay wala kang katangian ng isang Suzdal. Wala ka ngang pilak na buhok at bughaw na mga mata na siyang natatanging katangian ng maharlikang pamilya. Kaya paano mo masasabi na anak ka nga ng emperor?"
Doon ay tila nagbalik tanaw sa isipan ng prinsesa ang napapansin na dahilan ng pag-iwas ng mga tagasilbi sa kanya. Iyon ay dahil sa kulay rosas niyang buhok at berdeng mga mata.
Ibig sabihin ito ang sikreto na ayaw ipaalam sa kanya ni Nana Remy. Na hindi talaga siya totoong anak ng emperor. Na isa lamang siyang pekeng prinsesa na pinakakilala lang ng inang empress sa emperor.
Sa natuklasan ay naiiyak na bumagsak ang mga balikat ni Prinsesa Kataleya. Hindi niya akalain na ganito ang kanyang malalaman. Pakiramdam niya tuloy ay wala na siyang lugar sa palasyo na iyon. Na hindi siya nararapat na manatili pa roon.
Pagkatapos ay desperadang inilibot ni Prinsesa Kataleya ang tingin sa kanyang paligid para maghingi ng taong makakatulong sa kanya. Pero katulad nang nasa sariling palasyo siya ay wala niisa sa mga naroroon ang magnanais na tulungan siya.
Iyon ay dahil siya lang naman si Prinsesa Kataleya Antonette Suzdal. Ang pekeng prinsesa ng kanilang emporyo.
"Umaasa ka talaga na may tutulong sa iyo rito?" nag-uuyam na komento pa ng mga opisyales, "Huwag kang umasa dahil walang tutulong sa isang pekeng maharlika."
Kahit namulat na sa katotohanan ang kaisipan ng munting prinsesa ay masakit pa rin para sa kanya na direktang tawagin siya na isang peke. Kaya hindi na niya naiwasan at biglang malakas na umiyak. Lalo tuloy nanggigil ang mga opisyales na narindi sa kanyang malakas na pag-iyak.
Naramdaman pa niya ang malaking palad na sumampal sa kanyang kanang pisngi. Kagagawan iyon ng isa sa mga opisyales sa nais na patahimikin siya sa kanyang pag-iyak pero sa nangyari ay lalo lang siya napaiyak dahil sa sobrang pamamanhid ng kanyang mukha.
"Tumahimik ka! Huwag ka nga mag-eskandalo sa loob ng palasyo ng emperor! Mahiya ka naman!" singhal pa sa kanya ni Marquis Basil, "Huwag mong naisin na maipakita pa ang mukha mong iyan sa aming emperor!"
Ngunit natigilan ang mga opisyales sa marahas na pananakit sa munting prinsesa nang may marinig na pamilyar na boses sa kanilang likuran.
"Anong kaguluhan ito?" maawtoridad na tanong ng isang baritonong boses.
Doon ay bahagya natigilan ang mga opisyales pati na rin ang mga kawal. Pagkatalos ay biglang nagmamadaling napaluhod at napayuko sila ng mga ulo sa direksyon ng taong nagsalita.
Nang lingunin ni Prinsesa Kataleya kung sino ang taong iyon ay may anong saya na lumukob sa puso niya nang makilala ang bagong dating. Walang iba ito kundi ang ama na si Emperor Hadrian.
Ito man ang unang beses na makita niya ito ng personal pero sigurado siya na ito ang emperor. Dahil na rin sa namumukod tangi n pilak na buhok at bughaw na mata na tinataglay nito.
Isa isa na pinasadahan sila ng tingin ng emperor hanggang sa magawi ito sa kanyang direksyon. Nakita pa niya kung gaano ang naging ang pagkunot ng noo ng emperor na tila nakikilala rin siya nito.
Umayos naman siya ng tayo at umaasang tinignan si Emperor Hadrian. "A-Ama..." sumisinok sinok na tawag pa niya mula sa kanyang pag-iyak kanina.
Hinintay niya na lapitan siya ng emperor katulad ng ama ng nag-aalala sa kanilang anak. Ngunit dahil sa pagtawag niyang ama kay Emperor Hadrian ay biglang may dumaan na kakaibang galit sa mukha nito. Kitang kita na labis na hindi nito nagustuhan ang kanyang itinawag sa kanya.
Dahil doon ay napapitlag siya sa takot at naalala ang mga narinig mula sa bibig ng mga opisyales. Na hindi siya totoong anak ng emperor at anak lamang siya ng empress sa naging kawal nito.
"Ano ang ginagawa ng prinsesa sa aking palasyo?" madiing tanong niya sa mga kaharap na kawal at opisyales para mapayuko ang mga ito sa takot.
Asar na napahilot ng sintido si Emperor Hadrian dahil sa hindi pagsagot ng mga ito. "Ibalik niyo siya sa kanyang palasyo. Siguraduhin niyo na hindi na mauulit ito at makakalabas muli siya roon," mahigpit na utos pa niya sa mga kawal na tila aayaw na ayaw niya makita pang muli ang prinsesa, "Mas pahigpitan niyo ang pagbabantay sa kanya. Kung maaari ay gawan niyo pa ng pangalawang harang ang kanyang palasyo para hindi na muli siya makatakas doon."
Bata pa man si Prinsesa Kataleya ay alam niya ang ibig ipagawa ni Emperor Hadrian. Nais siya ikulong nito sa kanyang palasyo nang habang buhay.
Doon ay mabilis na naglapitan na ang mga kawal kay Prinsesa Kataleya. Bahagyang natakot pa ang munting prinsesa dahil sa laki ng mga katawan ng mga kawal kumpara sa liit ng katawan na mayroon siya.
"P-Prinsesa... I-Ibabalik na namin kayo sa inyong palasyo," seryosong sambit ng nangungunang kawal, "Sumama na po kayo sa amin."
Nauiyak na tinignan lang siya ng prinsesa. Pagkatapos ay binalingan muli ng tingin ni Prinsesa Kataleya ang emperor. Sinubukan niya humakbang para lapitan ang emperor ngunit sinalubong lamang ang tingin niya nito ng puno ng pagka-poot sa kanyang kabuuan.
Dahil doon ay muling natatakot na napaurong siya ng ilang hakbang palayo sa kinikilalang ama. Wala siyang makitang kahit anong pagkilala sa kanya bilang anak ng emperor. Tila ba sa oras na lapitan niya ito ay ito na rin ang magiging katapusan ng kanyang buhay.
Pagkatapos ng ilang sandali ay walang paalam na tumalikod at umalis ang emperor doon. Ni hindi rin siya binigyan pa nito ng isang tingin man lang. Naging dire-diretso lang ang emperor sa kanyang lakad papalayo. Habang nakasunod sa kanyang likuran ang mga natutuwang opisyales na nanakit sa kanya.
At habang pinapanuod niya ang papalayong pigura ng emperor ay unting unti bumigat ang puso ni Prinsesa Kataleya. Dati ay umaasa siya na mababago ang kanyang sitwasyon sa oras na makita siya ng personal ng kanyang ama. Ngunit kabaliktaran pala sa kanyang inaasahan ang nangyari.
Natuklasan lamang niya na hindi siya totoong anak ng emperor kundi anak ng inang empress sa ibang lalaki. Na isa pala siyang pekeng prinsesa na napabilang sa maharlikang pamilya.
"P-Prinsesa, sumunod kayo sa amin," malamig na sambit ng kawal.
Ngunit hindi kumilos si Prinsesa Kataleya at nakadungaw lang ito sa direksyon na tinungo ni Emperor Hadrian.
Dahil doon ay pwersahan na hinila siya ng mga kawal para mabilis na makabalik sa kinaroroonan ng kanyang palasyo. Halos madapa at masubsob ang prinsesa habang kinakaladkad siya ng mga kawal na iyon.
Lumipas ang ilang sandali ay nakita na niya ang pamilyar na palasyo. Ang palasyo na nasisilbing kulungan niya.
"Prinsesa, sa ikabubuti ng lahat. Huwag na kayo muling lalabas sa inyong palasyo. Para na ito sa inyong kaligtasan at sa patuloy na kapayapaan sa loob ng palasyo. Mamuhay kayo ng tahimik hanggang dumating ang araw ng kamatayan niyo," bagot na pagpayo pa ng mga kawal na iyon sa kanya bago siya patulak na iwanan ng mga ito sa mga galit na kawal ng kanyang palasyo.