Princess 4

2065 Words
Pagkalipas ng apat na taon... Sa isang madilim at tagong sulok ng palasyo ay tahimik na nagmamasid si Prinsesa Kataleya sa mga kilos ng mga tagasilbi ng kanyang palasyo. Lahat ang mga ito ay abalang abala sa kanya-kanyang ginagawang mga trabaho. Pagkatapos ay dahan dahan na lumabas ang batang prinsesa mula sa kanyang pinagtataguan para subukan na supresahin ang mga ito. Nang mapansin ng mga tagasilbi na naroroon siya ay saglit na natigilan ang mga ito sa kani-kanilang ginagawa. Ngunit pagkalipas ng ilang segundo ay nagpatuloy lamang sila sa kanilang mga ginagawa at umakto na hindi siya nakita na naroroon. Dismayado na napayuko tuloy ng ulo si Prinsesa Kataleya. Hindi niya alam kung ilang beses niya sinubukan na lapitan at kausapin ang ilang tagasilbi ng kanyang palasyo. Pero lalo lang yata naging mailap ang mga ito sa kanya sa hindi niya alam na dahilan. Labis din ang pagtataka niya kung bakit ganito na lang ang turing sa kanya ng mga tagasilbi bukod kay Nana Remy. Wala naman siya maisip na ginawang mali para iwasan siya ng mga ito na akala mo may nakakahawang sakit. Hanggang sa bigla na lang napasubsob si Prinsesa Kataleya sa sahig nang malakas na mabangga siya ng isang tagasilbing napadaan sa kanyang kinaroroonan. Ngunit kaysa tulungan siya nito na makatayo muli ay dumiretso lang ito ng lakad na para bang walang nangyari o ginawa sa kanya. Agarang inilibot niya ang tingin sa paligid para maghanap ng taong makakatulong sa kanya roon. Kaso katulad ng dati ay mga patay malisya ang mga ito at tinuring lamang siya na isang hangin. Dahil doon ay malungkot na tumayo si Prinsesa Kataleya mula sa pagkalugmok sa sahig at pinagpagan ang nadumihan niyang damit. Medyo napangiwi pa siya sa hapdi nang makita na nagasgasan ang kanyang magkabilang siko mula sa pagkakatumba. Kaya kaysa manatili pa roon ay naisipan na lang ni Prinsesa Kataleya na bumalik sa kanyang kwarto at maipagamot kay Nana Remy ang mga sugat niya. Pagbalik niya naman ng kanyang kwarto ay nakita niya ang matandang tagasilbi na tila nag-aalala sa muling pag-alis niya ng kwarto na hindi ito kasama. Nang makita ni Nana Remy ang pagbabalik niya sa kwarto ay agaran na nakahinga ito ng maluwag. Ngunit agad din napasimangot nang mapansin ang sugat sa mga siko ng prinsesa. Nagmamadali na nagtungo siya sa isang lagayan at kinuha ang itinago roon na gamot bago ipinahid ito sa sugat ng munting prinsesa. Napangiwi naman sa sakit si Prinsesa Kataleya habang pinapahiran ito ng gamot ni Nana Remy. "Prinsesa... Sinabi ko naman sa inyo na itigil niyo ang pagsubok na lapitan sila. Mabuti na lamang ay ito lang ang sinapit niyo kanina," pagbibigay payo ng matanda, "Ipangako niyo sa akin na hindi niyo na uulitin pa ito." Nangilid ang luha sa mata ng munting prinsesa. "N-Nana Remy, b-bakit po ba ganoon ang pagtingin at pagtrato na binibigay nila sa akin?" punung puno ng lungkot na tanong ni Prinsesa Kataleya sa tanging tagasilbi na nangangalaga sa kanya mula noon pa man na sanggol siya, "M-May mali po ba sa akin?" Mula kasi sa ilang daan na bilang na mga tagasilbi na naninibihan sa palasyo ng prinsesa ay tanging si Nana Remy lang ang nakikitaan niya ng may sinseridad para alagaan siya. Kahit pa may titulo siyang isang prinsesa at kabilang sa maharlikang pamilya ng Suzdal kung ituring naman siya ng mga tagasilbi ay akala mo isang hangin na hindi nakikita at nadadaan daanan lang. At kung wala lang siguro si Nana Remy na siyang naatasan na mamahala ng kanyang palasyo ay baka ano na lang ang nangyari sa prinsesa ngayon. Baka nakaranas na siya ngayon ng matinding pang-aabuso at unti unti nanakaw ang pondo ng ibinibigay ng emperor sa kanyang palasyo. Ngunit dahil sa biglang itinanong na iyon ng prinsesa ay isang malungkot na ngiti ang inihandog ng matandang tagasilbi sa kanya. Hindi nito alam kung paano ipapaliwanag sa munting prinsesa ang katotohanan ng kanyang sitwasyon dahil nasa murang edad pa lang nito. Masyado pa kasi ito bata para maunawaan ang pinaka-dulo't punong dahilan ng kakaibang pakikitungo sa kanya ng ibang tagasilbi. Lalo pa na namulat si Prinsesa Kataleya sa mundo na nakakulong lamang sa loob ng mataas na harang ng kanyang palasyo. Kaya wala ito kamalayan sa mga nangyari o nangyayari sa labas sa kanyang palasyo. Iyon din ang dahilan kaya wala kaalam-alam ang prinsesa sa anumang posible na hirap o panganib sa buhay niya sa labas ng kanyang palasyo. Dahil para sa munting prinsesa ay dito lamang umiikot ang kanyang buhay. Gusto man agad na imulat ni Nana Remy ang prisesa sa katotohanan pero ayaw niya maputol agad ang anumang kamuwang na mayroon ito. Wala din naman siyang lakas ng loob para ungkatin ang tungkol sa malungkot na pangyayari noon. Dahil nagbaba rin ng kautusan ang emperor kung saan ipinagbabawal ang pagbanggit sa pangalan ni Empress Maxima sa loob ng buong palasyo. Si Empress Maxima na siya ang ina ni Prinsesa Kataleya na pilit na binabaon ngayon ng lahat sa kanilang mga alaala. Gayun pa man, sa tingin ng karamihan ay naging ma-swerte pa rin si Prinsesa Kataleya dahil patuloy na kinikilala siya na prinsesa ng kanilang emporyo. Binigyan pa siya ng sariling palasyo ng emperor kahit pa nasa pinakadulong parte ito ng kaharian at malayong malayo sa palasyo ng emperor. Pagkatapos ay patuloy na binibigyan pa rin siya ng mga tagasilbi ng emperor para may mangangalaga sa kanya sa palasyong ito. Ibig sabihin ay hindi pa rin siya tuluyan na pinabayaan o inaabandona ng emperor kahit may matinding galit ito sa ina niyang si Empress Maxima. Kaya ganoon na lang ang labis na galit ng ibang tao na nakakaalam ng pagtrato na ito ng emperor sa prinsesa. Pakiramdam nila ay hindi nararapat na maranasan ng prinsesa ang ganitong karangyang buhay dahil hindi naman talaga siya isang Suzdal. Ngunit dahil nasa ilalim ng pangangalaga ng emperor pa rin si Prinsesa Kataleya ay tanging pag-ignora pa lamang ang kayang gawin ng ibang tagasilbi laban sa prinsesa. "N-Nana..." malungkot na pagtawag muli ng munting prinsesa habang hinihila ang laylayan ng bestida niya, "A-Alam niyo po ba ang dahilan kaya ganoon sila sa akin? B-B-Bakit po ba? M-May ginawa po ba ako kasalanan na hindi ko nalalaman?" Pilit na ngumiti muli ang matanda at malambing na hinaplos niya ang kulay na rosas na buhok ni Prinsesa Kataleya. Ang buhok nito na siyang naging dahilan kaya naging ganitong kapait ang kapalaran nila ng empress. "Wala kang ginawang anumang kamalian, prinsesa," madamdaming sagot naman ng matanda, "Sadyang mapaghusga at makitid lang ang pananaw ng mga tao. Hindi ka nila dapat sisihin dahil sa pinanganak ka sa ganitong anyo at kakaiba sa ibang maharlika." Napayuko ng kanyang ulo si Prinsesa Kataleya upang pag-isipan ang ibig sabihin ng sinabi ng kanyang Nana Remy. Tila hindi kasi sinagot nito ang nais niya malaman. Labis na kasi ang pagtataka niya sa malamig na pakikitungo sa kanya ng lahat kahit siya pa ang nag-iisang prinsesa ng emporyo. Hindi naman ganito ang pag-trato sa mga prinsesa sa mga pambatang libro na binabasa ng matandang tagasilbi sa kanya bago matulog. "Hindi ko po talaga maintindihan, Nana," nahihirapang pag-iisip pa niya sa ibig iparating ng matanda. "Masyado ka pa kasi bata para maitindihan ito ngayon. Darating din ang araw na mauunawaan mo rin kung bakit nangyayari ito," makahulugan na sambit muli ni Nana Remy, "Sana lang maging matatag ang puso mo sa araw na iyon." "Ang tagal naman po yata 'nun, Nana," nakangusong pag-angal ng batang prinsesa, "Gusto ko na po malaman ang lahat ngayon." Ngunit makahulugan na nginitian lang muli siya ng matanda pagkatapos ay inalalayan siya nito patungo sa kanyang nakaayos na higaan. Binuhat pa siya ni Nana Remy at inihiga sa gitna ng kamang iyon. Walang angal naman nahiga roon ang prinsesa kahit sobrang nagnanais pa siya na alamin ang katotohanan mula sa matandang tagasilbi. Ngunit sa huli ay naisip niya na tumigil na lang sa pangungulit sa matanda. Natatakot siya na ito ang maging sanhi para magalit na din sa kanya ang tanging kakampi niya sa palasyo. Ngayon pa na tanging si Nana Remy lang ang taong kaya niyang dependehan sa lahat ng bagay. Hindi niya hahayaan na dumating ang araw na aayawan din siya nito. Kaya susubukan niya maging mabait at masunurin na prinsesa hanggang maaari sa harap ng matandang tagasilbi. Pagkalipas ng ilang sandali ay inaantok na kinusot na ni Prinsesa Kataleya ang kanyang mga mata hanggang sa hindi nagtagal ay tuluyan na nga siya na nakatulog. Malungkot na pinagmasdan naman siya ng matandang tagasilbi habang inaalala nito ang kanyang nakaraan. Ang panahon kung saan isa siya sa tapat na tagasilbi ni Empress Maxima. Bilang personal na tagasilbi ni Empress Maxima ay nasaksihan niya kung gaano kamahal ng empress ang asawang emperor. Ni hindi na nga ito makapaghintay na makita ang kanilang magiging anak pagkatapos ng limang taon na pag-aantay ng kanilang supling. Kaya lang nang maipanganak ng empress ang kanyang prinsesa ay ito ang naging sanhi ng malaking kaguluhan sa palasyo. Ang masakit ay tanging si Nana Remy lamang ang hindi naniniwala sa akusa ng lahat laban sa empress. Sinubukan pa nga ng matanda na tulungan ang empress pero hindi ganoon kalaki ang impluwensiya niya at ng kanyang pamilya. Kaya sa huli ay nauwi rin sa hindi magandang kapalaran ang lahat. Ngayon ang tanging magagawa na lang niya ay pagsilbihan at gabayan ang munting prinsesa na walang awa na inilayo ng emperor sa kanyang inang empress. Sa ganitong paraan lang din magagampanan ni Nana Remy ang mga bagay na dapat na ginagawa niya ngayon sa empress. Doon ay nagsimula na mangilid ang luha sa mga mata ng matanda at hindi niya maiwasan na maawa para sa prinsesa dahil wala itong kaalam alam sa masalimuot na pangyayari sa palasyo mula ng isilang siya ni Empress Maxima. Na ito ang dahilan kaya hindi niya kailanman nakilala ang kanyang sariling ina at kung bakit ganito na lamang ang pagtrato sa kanya ng emperor. Ngunit sa paningin ng matandang tagasilbi ay mas makakabuti pa yata na hindi na makaharap ng batang prinsesa ang kanilang emperor. Ayaw niya na madamay pa ang inosenteng bata sa anumang galit nito sa kanyang hinihinalang nagtaksil na empress. Gayun pa man ay hindi niya maiwasang mangamba para sa hinaharap. Dahil marahil sa panahon na ito ay kinikilalang prinsesa ng emporyo si Prinsesa Kataleya pero biglang mababago ang lahat ng iyon sa oras na mag-asawa muli ang emperor at magkaroon sila ng anak ng magiging bagong empress. At sa oras na mangyari iyon ay agarang aabandonahin na ng lahat ang inaalagaan niyang prinsesa. Kaya muling nakaramdam ang matanda ng pagkaawa sa kanyang alaga. Kapag dumating ang araw na iyon ay tuluyang mawawalan ng lugar sa palasyo si Prinsesa Kataleya. Alam niya ang maaaring danasin na hirap ng prinsesa. Wala naman siya kakayahan para manatili sa tabi nito pang-habang buhay. Lalo na masyadong matanda na siya at bilang na lang ang taon para mabuhay. "Ngunit mukhang malapit lapit na mangyari ang ikinababahala ko na ito..." nag-aalalang bulong pa ni Nana Remy sa kanyang sarili, "May usap usapan na kumakalat na nagsisimula na mamili ang emperor ng magiging panibagong empress dahil na rin sa patuloy na pamimilit ng mga opisyales na ipakasal ang dalaga nilang anak. Sabagay, sino ba naman sa kanila ang magnanais na maging tagapagmana ng mahalagang posisyon si Prinsesa Kataleya? Lalo na kung inaakala ng lahat na wala naman siyang dugong Suzdal?" Mahigpit na napakuyom ng kamay si Nana Remy. "Kung pwede ko lang siya ampunin at isama palayo rito," naghihinayang pa niyang sambit, "Pero hindi maaari. Lalo lang magkakagulo kapag ginawa ko iyon." Dahil habang wala pa sa hustong gulang si Prinsesa Kataleya ay wala siya pa siyang karapatan na makapamili. Idagdag pa na ang emperor ang kinikilalang ama niya at taga-patnubay. Ibig sabihin naka-depende pa ngayon sa desisyon ng emperor ang magiging kapalaran ng batang prinsesa. Kaya kung maisipan man na ipapatay ni Emperor Hadrian ang prinsesa sa oras na magkaanak sila ng bagong empress ay wala siyang kakayahan na pigilan ito. Muling malungkot na hinaplos ng matanda ang kulay rosas na buhok ng batang prinsesa. "S-Sana ay magawa mong malampasan ang lahat ng ito, P-Prinsesa Kataleya," nanalangin na bulong ng matanda sa natutulog na bata, "A-Anuman ang mangyari... H-Huwag kang susuko na mabuhay. Alam ko na malalampasan mo rin balang araw ang pagsubok sa buhay mong ito. Makakaranas ka rin ng tunay na saya at kaginahawaan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD