Princess 3

1257 Words
Naging usap usapan sa buong emporyo ang ginawang panloloko ni Empress Maxima kay Emperor Hadrian. Samu't sari ang naging opinyon ng bawat mamamayan dahil sa balitang ito. Sobrang nagagalit sila ngayon sa empress dahil sa ginawang pagpapakilala nito ng isang pekeng prinsesa. Ngayon ay hindi na mababawi pa ang titulong prinsesa sa hinihinalang bastarda at walang dugong royal na sanggol na iyon. Idagdag pa na binigyan sila nito ng pag-asa na may panibagong royal na maipapanganak pero isang pawang kasinungalingan lang pala ang lahat. Pero ang mas ikinagagalit nila sa isyu na ito dahil hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pagsisinungaling ang empress. Hindi pa rin kasi umaamin si Empress Maxima na anak ni Sir Leo ang prinsesa at sa halip ay patuloy na pinipilit niya na anak ito ng kanilang emperor. "Iniisip talaga ng empress na mapapaniwala niya ang lahat na anak ng emperor ang prinsesang ito?" nag-uuyam na komento ng isang opisyales na nagtungo sa palasyo ng empress para tignan ang itsura ng batang ipinanganak nito, "Anuman ang gawin niya at walang katangian ito ng isang royal! Wala man lang ito pilak na buhok o bughaw na mga mata." "Mukhang ito na ang pagkakataon natin para maidispatya ang empress na iyan... Mailalagay na rin natin sa wakas sa pwesto niya ang ating mga dalagang anak," nakangising mungkahi naman ni Viscount Phocas. Doon ay sabay sabay na napangisi na rin ang mga kasama niyang opisyales. Nang kumalat kasi ang balita na nagdadalang tao si Empress Maxima ay biglang gumuho ang kanilang pagnanais na makuha ang posisyon nito at maglagay ng kanilang kadugo na siyang susunod ng magmamana sa trono ng emperor. Dahil sa oras na kilalanin na tagapagmana ang anak ni Empress Maxima ay tuluyang isasarado na ng emperor ang kanyang palasyo para pumili pa ng ibang asawa. Ngunit sa naging takbo ng pangyayari ay mukhang sila ang pinapanigan ng tadhana. Iintayin na lang nila na ipabitay mismo ng emperor ang kanyang pinakamamahal na asawa. Sa ganoong paraan ay magiging bakante ang posisyon na empress. Gagamitin din nila ang kaguluhan na ito para pilitin ang emperor na mag-asawa muli. "Kailan ba nakatakdang litisin ang empress?" nagkahalukipkip na tanong naman ni Count Khazar. "Sa susunod na linggo," natutuwang pagbibigay alam ni Marquis Basil. "Hmmm... Mas mabilis pa pala sa inaasahan ko," tumatangong komento naman ni Viscount Phocas. "Mukhang hindi na makapaghintay ang emperor na bigyan ng kaparusahan ang empress," komento naman ni Count Khazar, "Madalas kasi inaabot ng isang buwan bago siya magbaba ng hatol di ba?" "Marahil naisip niya na mas makakabuti na ibalik sa ayos ang emporyo nang mas maaga," umaayong komento naman ni Marquis Basil, "Masyadong malaki ang eskandalo na ginawa ng empress. Kung tatagalan pa niya ay baka makasira lang ito sa magandang imahe ng kanyang palasyo." "Kung ganoon, kailangan na lang natin mag-intay na tuluyang mawala sa ating landas ang empress para maipagtuloy ang ating mga plano," buong pag-asang komento ni Viscount Phocas. *** Pagkalipas ng isang linggo... Nakaabang ang lahat ng mamamayan sa labas ng palasyo para masaksihan ang araw na ito. Ngayon araw kasi lilitisin sa mga paratang sina Empress Maxima at ang knight nito na si Sir Leo. Gamit ang isang mahika ay nakagawa ng malaking screen sa harapan ng palasyo para mapanuod ng mga tao ang mangyayaring paglilitis sa loob ng palasyo. Sinimulan ng kaladkarin patungo sa gitna ng entablado ang dalawang hahatulan. Nakaposas ang mga kamay nila habang may kaladkad na bakal na bola ang kanilang kanang paa. Gayun pa man ay wala man sila makitang pagka-guilty sa mukha ng dalawa. Taas noo sila naglakad patungo sa entablado na iyon. Talagang pinaninindigan nila hanggang huli na wala silang ginawang kasalanan sa emperor. "Tignan niyo kung paano pa rin sila mga umasta!" "Ipapatay na ang mga iyan!" "Oo nga! Ang kakapal nila! Hanggang sa huling sandali ay wala silang balak na umamin sa kanilang ginawang kasalanan!" "Mga lapastangan talaga! Paninindigan nila ang kasinungalingan nila hanggang sa kanilang huling hininga!" "Hindi na sila naawa sa ating emperor! Harapan na nga nila niloko ito!" Marami pang mga masasamang komento ang umalingawngaw sa kanilang paligid. Lahat ng iyon ay nagnanais na ipapatay ang dalawang hahatulan. Mariin naman napakagat ng kanyang labi si Empress Maxima. Hindi niya kailanman naisip na mangyayari ito sa oras na maipanganak niya ang anak nila ng emperor. Maisip lang niya ang asawang emperor ay may kakaibang bigat at sakit namuo sa kanyang puso. Dahil ang taong akala niya na maniniwala sa kanya, ang siya mismo na nagdala sa kanya sa sitwasyon na ito. Dahil doon ay matalim ang tingin niya habang tinitingala mula sa trono ang nakaupong asawa. Pinaramdam niya sa kanyang titig ang labis na paghihinakit sa paratang na ito ni Emperor Hadrian laban sa kanya. Talagang paninindigan niya sa harapan nito na siya lang ang kanyang inibig na lalaki at anak niya ang prinsesa. Dahil wala siyang anumang naging relasyon kay Sir Leo o sinuman pang ibang lalaki. "Patawarin mo ko, Sir Leo," naiiyak na paumanhin ni Empress Maxima sa katabing knight, "N-Nadamay ka pa sa gulong ito nang dahil sa akin." Malungkot na ngumiti naman si Sir Leo sa sinabi na iyon ng empress. Handa naman siya ibuwis ang kanyang buhay anumang oras para sa pinagsisilbihang empress. Pero ang masakit sa damdamin niya ay maparatangan siya na kabit ng empress at mahatulan ng maling paratang. Hindi niya rin lubos maisip ang maaaring maging epekto nito sa kanyang mag-iina. Na ang dapat masayang araw niya kapiling ang kanyang pamilya ay biglang nauwi sa trahedya. Ngayon dadalhin ng kanyang asawa at mga anak habang buhay ang maling paratang na ito. Sila ang magdadala ng masamang imahe na nakakabit sa pangalan niya ngayon. Maalisan niya rin ng magandang kinabukasan ang mga paslit pa niyang anak. "Tingin niyo po ba ay lalabas pa ngayon ang katotohanan?" tanging naitanong na lang ni Sir Leo sa empress. Hindi makaimik ang empress. Batay kasi sa kanilang sitwasyon ay dehado silang dalawa. Wala niisa sa mga nandito ang iniisip na mga inosente sila. Wala niisa ang naniniwala na anak ng emperor ang prinsesa. "Sana... Umasa na lang tayo na malampasan natin ang pagsubok na ito," tanging naikomento na lang ni Empress Maxima, "Nasa mahabag pa si Hadrian sa ating dalawa." Napayuko na lang ng ulo si Sir Leo. Unti unti na siya nawalan ng pag-asa na makakaligtas pa siya. "Kung sakali po na makaligtas kayo sa kaparusahan na kamatayan... Kung maaari lang po sana ay kayo na ang bahala sa mag-iina ko," mangiyak ngiyak na pagbibilin ni Sir Leo sa empress, "I-I-Iyon lang po sana... K-Kayo na po ang bahala sa kanila..." Tuluyang naiyak na si Empress Maxima nang marinig ang pagbibigay ng huling bilin ni Sir Leo sa kanya. Alam niya na isa lang ang magiging hatol sa kanya rito. Dahil kung may posible na makaligtas man sa kanila ngayon at manatili na buhay ay ang empress iyon. "Makakaasa ka," iyon na lang ang tanging naisambit ni Empress Maxima sa kanya, "Ako na ang bahala sa iyong pamilya... Maraming salamat sa matapat na serbisyo mo sa akin, Sir Leo." Umiiyak na ngumiti si Sir Leo. Tanging pagaanin lang ang loob ng kanyang kawal ang magagawa ng empress ngayon. Kaya kung buhay man siya pagkatapos ng araw na ito ay habang buhay niya dadalhin ang responsibilidad na ito sa kanyang balikat. Doon ay nagsimula na ang pagbasa ng ibinababang hatol ng emperor sa kanila. Katulad ng kanilang inaasahan ay hinatulan ng kamatayan si Sir Leo. Habang habang buhay na pagkakakulong naman sa isang tower ang ibinigay na hatol kay Empress Maxima.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD