*** Malumanay na hangin ang sumalubong kay Mang Ariel habang naglalakad patungo sa puntod ng pangalawang anak. Bitbit niya ang isang basket ng sariwang bulaklak na ibibigay niya rito. Kasalukuyan siyang narito sa memorial park na nasa isang bahagi ng burol at napalilibutan ng naglalakihang puno. Siya'y napatingala kasunod ng pagbuntong-hininga, kaya't nasilayan niya ang araw na patungo na sa Kanluran. Itinatago iyon ng makakapal na ulap, kaya siguro medyo makulimlim ang kalangitan. Limang taon na rin ang nakalipas, pero para sa kanilang pamilya, buhay na buhay pa rin si Jizelle. Sa tuwing ito'y pinag-uusapan, iniisip lang nila na nasa ibang bansa ito katulad ni Manuel, ang kaniyang panganay. Para sa kanila, hindi talaga ito nawala, 'pagkat pakiramdam nila'y nabubuh