Heto ka—nakaupo sa isang sulok matapos bumaha ang kadiliman sa bahay ng iyong ina. Nakaramdam ka ng sobrang lamig kung nasaan ka. Mukhang sinukuan mo na ang kasisigaw mo kanina para mapansin ka nila pero hindi ka talaga nila naririnig. Hindi ka nila nakikita...
"M-Mommy... J-Jadey," nanghihina mong tawag sa kanila nang dahan-dahan kang tumayo. Napatingin ka sa taas ng hagdan kung nasaan ang kwarto ng mommy mo. "Mommy," muli mong usal dahil natatakot ka na. Umiiyak ka habang dahan-dahang umakyat sa hagdan.
Napakaitim ng paa mo at basa sa hindi mo malamang kadahilanan. Sa bawat pag-apak mo, napapatingin ka na lang sa baitang ng hagdan dahil bumabakat ang paa mo. Lumilikha din ito ng ingit dahil sa bigat mo lalo't gawa lamang sa tabla ang hagdan. Napahawak ka sa dibdib mo dahil buhay ka pa. Mali ang sinasabi nila kanina na isang taon ka nang patay. Nandito ka sa taas ng hagdan; nahahawakan mo nga ang railings paakyat. Sa bawat paghakbang mo, tumutunog pa ito kaya papa'nong patay ka na? Umiyak ka nang mahina habang binabagtas ang daan papunta sa kwarto ng iyong mommy. Niyakap mo ang sarili mo nang makaramdam ka ng lamig pati na ang sobrang kalungkutan, kinakain nito ang buong pagkatao mo. Kahit nasa bahay ka na ninyo, hindi pa rin ligtas at panatag ang loob mo.
Natigilan ka nang mapatapat sa kwarto ng iyong ina, "M-Mommy?" anas lang ito nang una hanggang maging malakas mo nang sigaw. Napatingin ka sa nakasaradong pinto at may takot sa puso mo na baka tumagos ka ulit pero dahan-dahang bumaba ang kamay mo hanggang—umingit ang pinto nang mabuksan mo ito. "B-buhay ako!" napasigaw ka sa tuwa nang mahawakan mo ang seradura. "M-Mommy," naiiyak mong tawag sa kanya pero tulog na tulog na siya nang mabuglawan mo.
Nakita mo ang hirap niya kanina habang umiiyak at tinatawag nang paulit-ulit ang pangalan mo. Sa sobrang excited mo, bigla mo siyang hinawakan sa braso pero tumagos ang kamay mo kaya kagyat kang natigilan. Na naman? Napaiyak ka ulit at muling inulit ang paghawak sa kanya kaya nakuntento ka na lang na tingnan siya. Nakatayo ka sa harap niya at dahan-dahang yumuko para sana halikan siya.
"Hmm," anas ng matanda kasabay ng paghilamos nito ng kamay sa mukha.
Nakita mo ang mahaba mong buhok na nakatabon na sa mukha ng iyong ina. Bukas pala ang bintana nang mapatingin ka rito pero may window screen naman ito. Panay ang paling ng mukha ng mommy mo nang animo magsayaw ang buhok mo sa harap ng mukha nito. Pababa nang pababa hanggang magmulat siya ng mata. Natitigan mo siya nang matagal kasabay ng pagngiti mo pero bumangon siya bigla at tumagos ka lang ulit. Nagpalinga-linga ang babae at nang makita ang bukas na bintana, tumayo ito.
"N-naku naman," anas ng matanda. "Tama siguro ang balitang may bagyong paparating." Agad itong napahawak sa balakang nang makaramdam ng pananakit. "Hay naku, tumatanda na talaga ako. K-kung nandito ka lang s-sana Catalina ko, ikaw ang mag-aalaga kay Mommy."
Awang-awa mong tiningnan ang iyong ina kaya napalapit ka at tinawag siya, "Mommy? I-I'm h-here," pero wala itong narinig kaya muli nitong pinagpatuloy ang ginagawa.
Nakita mo ang isang litrato mo kasama ang iyong ina nang maliit ka pa. Karga ka ng iyong mommy at masayang-masaya siyang nakatingin sa camera. Sinubukan mo itong hawakan pero tumagos lang ang kamay mo. Paulit-ulit mong ginawa hanggang napaiyak ka na lang sa sobrang paninibugho mo. Multo ka na ba talaga? Ganito pala ang maging isang kaluluwa; kung 'yon ang tamang termino mo sa pangyayaring ito. Sa sobrang galit mo, ubod lakas kang sumigaw sa sobra mong frustration.
"Ahh, h-hindi pa'ko patay. Buhay pa'koooo!" hiyaw mo bigla kasabay ng malakas mong pagtabig sa frame ng litrato sa iyong harapan. Napasunod ang tingin mo rito nang tumilapon ito malapit sa bintana kung nasaan ang matanda. "M-mommy?" tawag mo sa kanya dahil muntikan na siyang matamaan nito. "S-sorry, Mommy," naiiyak mo siyang nilapitan.
Hawak na ng matanda ang basag na frame at nagkalat na rin ang salamin sa sahig nang damputin ito ng huli.
"Anak ko," naluluhang saad ng babae. "Ito lang ang nag-iisang litrato mo nang 5 years old ka pa lang. Ito rin ang edad mo nang una at huli mong nakita ang daddy mo."
Napatingin ka sa litrato. Dalawa lamang kayo ng mommy mo pero bakas ang saya sa mga mukha niyo sa hawak niyang litrato. Sa hindi mo inaasahang tagpo, bigla na itong napaiyak hawak na ang litrato mo. Napaiyak ang iyong mommy pero napasigaw ito nang lumabas ang kulay pulang likido mula sa nasugatan nitong kamay.
"Mommy, may sugat ka," taranta mong sigaw kasabay ng paghawak mo sa kanya pero—tumagos ka lang muli, "M-Mommy, h-hindi mo ba'ko nakikita? H-hindi mo ba'ko nararamdaman?" Nakaramdam ka ng sobrang lungkot nang makuntento ka lamang tanawin siya habang binubuksan niya ang cabinet. "P-patay na b-ba talaga ako, 'My?" umiiyak mong anas sa kanya. "Mommy?" muli mong tawag sa kanya sa may kalakasan mo nang boses pero hindi ka niya naririnig. "Siguro nga, p-patay na'ko..."
Mas pinili mong sumiksik na lang sa isang sulok habang tinitingnan ang nanay mong nagsimula nang walisin ang kalat sa lapag. Umiiyak ka habang tinatawag siya pero bigo kang iparamdam sa kanya na nasa loob ka lamang ng kwarto niya.
Ilang oras pa ang lumipas, lumapit ka sa kama ng iyong mommy at ubod pait na ngumiti. Sinubukan mo siyang hawakan at bulungan na nasa tabi ka lang niya pero bumaluktot lang ito at hinila pataas ang kumot nang lamigin ito bigla. Nakaramdam ka ng hungkag nang taluntunin mo ang kwarto ni Jadey. Si Jadey, pinsang-buo mo siya sa mother side pero mas pinili nitong manirahan na kasama ng iyong mommy dahil—patay ka na? Napapailing ka dahil kay hirap tanggapin na isa ka na lamang kaluluwa; kung ito ba ang tamang salita para sa'yo dahil mukhang hindi ka na isang tao.
"J-Jadey?" anas mo sa tainga ng lalaki nang makapasok ka sa kwarto niya. "J-Jadey, p-pinsan, 'wag mong p-pababayaan si Mommy." Sinundan ito ng paghikbi mo ilang sandali pa. "D-dapat ako ang nag-aalaga sa kanya pero mukhang p-patay na nga ako, J-Jadey. T-tulngan mo'ko, pinsan. N-natatakot ako," bulong mong muli kay Jadey.
"Hmm," yamot na anas ni Jadey nang kamutin nito ang tainga. "Ano ba, T-Tita, m-matulog ka na. W-wala na si Catalina, m-magpahinga ka na sa k-kwarto mo."
Sinundan ito ng pagtalukbong ng kumot ng lalaki. Nagtaka ka bigla kaya muli mong nilapit ang mukha sa ulo niya. "J-Jadey?" mahinang bulong mo sa kanya.
"W-what, Tita?" tinatamad pang sagot nito. "Ba't g-gising ka pa, madaling a-araw na."
Napatakip ka sa iyong bunganga dahil mukhang naririnig ka ng lalaki. Huminga ka nang malalim bago inilapit pang lalo ang bibig mo sa tainga niya banda kahit pa nakatatukbong na ito.
"J-Jadey, n-natatakot ako," sinabayan mo ito ng hikbi habang nakaluhod ka. "T-tulungan mo'ko, Jadey, t-tulungan mo'ko." Nang hindi sumagot ang lalaki, sinubukan mong hawakan ang ulo niya pero hindi lumapat ang kamay mo sa takot na tatagos lang muli ito. "Si C-Catalina 'to."
"Tita?" hindi humihingang tanong nito sa'yo. "Is that you?"
Sinubukan mong hilahin nang dahan-dahan ang kumot niya nang tumayo ka malapit sa paanan niya. Sana maramdaman ka ni Jadey; sana marinig ka niya dahil kailangan mo ng tulong. Kasabay ng pagpikit mo ang pagdantay ng isang kamay mo sa talampakan nito. Biglang pumiksi ang lalaki nang maupo ito. Saglit itong nakiramdam sa paligid nang tanggalin nito ang kumot sa katawan.
"T-Tita?"
Nakatayo ka lamang habang pinagmamasdan siya. Nang muling bumalik ito ng higa, hinawakan mo na ang kumot na pilit nitong binalabal sa katawan. Nakipaghilahan pa ang lalaki hanggang mahila mo ito nang tuluyan.
Nahintakutang umupo muli si Jadey, "Who's t-that?" malakas nitong hiyaw habang iniikot ang paningin.
"J-Jadey?" bulong mo sa tainga niya nang muli kang makalapit sa kanya. Biglang napapitlag ang lalaki nang mapatingin ito sa gawi mo pero bakit hindi ka niya nakikita? "Tulong, J-Jadey, kailangan ko ng tulong m-mo."
"Tulong?" takang tanong ng binata nang tumayo ito yakap ang isang unan. "Sino ka? Lumabas ka diyan sa pinagtataguan mo!"
Nakatayo ka lamang sa harap ng pinsan mo pero bakit hindi ka niya nakikita pero may dulot na saya ito sa'yo dahil nararamdaman ka niya. Sinubukan mo siyang hawakan sa pisngi pero napapitlag ito bigla nang hawakan nito ang pisngi.
"s**t, what's going on?" nahintakutang anas nito nang bumaha ang ilaw pagkatapos nitong pindutin ang switch ng ilaw. "Hello, is anyone here? Lumabas ka." Nang walang sumagot, isa-isang binuksan ng lalaki ang cabinet pero bigo itong umupo sa kama nang walang makitang anuman.
Nang makita mo ang ginawa niya, napatingin ka bigla sa isang lamp shade pero ilang beses mo pilit itinutumba ito para mapansin ka ni Jadey na nakaupo lamang sa iyong harapan.
"J-Jadey, nandito ako," pero sa pagkakataong ito, hindi ka na niya naririnig. Nakahiga na muli ito nang sulyapan mo habang nakatitig siya sa kisame. "J-Jadey!" hiyaw mo pero hindi gumagalaw ang lalaki.
Napaiyak ka nang malakas nang muli kang magsisigaw sa harap niya pero nakahiga lang ang lalaki habang nag-iisp ito. Lumakas ang iyak mo hanggang nakaramdam ka ng sobrang galit sa sarili mo. Hindi mo maintindihan ang nangyayari! Wala kang matandaan!
"Jadeeey, b-bakit hindi mo'ko makitaaa?" umiiyak mong sigaw nang ubod lakas mong tabigin ang lampshade na biglang tumilapon sa lapag. "N-Nandito akooo, bakit ganun?! B-bakit h-hindi niyo nakikitaaaa?!"
Galit mong hinawakan ang lampshade at paulit-ulit itong pinaghahampas sa lapag hanggang halos madurog na ito. Saglit kang natigilan nang ma-realize mong nahawakan mo ito bigla at sira na ito sa iyong harapan. Napatingin ka bigla kay Jadey. Namumutla ang lalaki at nanlalaki ang matang nakatutok ang tingin nito sa lampshade.
"Shiiit!" hiyaw nito bigla kasabay ng pagtalon sa kama. "M-May multo sa kwartoo kooo!" Kumaripas ito ng takbo palabas ng kwarto.
Natigilan ka bigla nang muli kang mapatingin sa sirang lampshade. Kahit ang bombilya nito, basag na rin nang tingnan mo. Bigla ka na namang napaiyak nang tumakbo ka para sundan si Jadey. Natigilan ka nang bigla ka na lamang lumusot sa pader papunta sa kwarto ng mommy mo.
"Tita, believe me, hindi ko ma-explain sobra pero may multo sa bahay na'to," hinihingal na explain ni Jadey kasabay ng pagkumpas ng mga kamay nito. "Bigla na lang nahulog ang lampshade then, may kung sinong humampas nito h-hanggang masira. Walang tao sa kwarto, Tita, basta... basta—"
"Jadey, huminahon ka nga!" takang-taka na saad ng matanda kasabay ng pagturo nito sa isang pitsel na naglalaman ng tubig. "Uminom ka at ikwento mo ang nangyari."
Katabi na ng lalaki ang mommy mo sa kama nang datnan mo sila. Namumutla ang mukha ni Jadey nang suriin mo pero napangiti ka dahil naramdaman ka niya. Hindi ka titigil hangga't 'di nila nalalaman na nasa loob ka lamang ng bahay na ito. Magkasama kayong nakinig ng mommy mo sa salaysay ni Jadey pero napangiti ka dahil alam mong matapang itong pinsan mo; pero matatakutin din pala ito. Biglang pinalis ng malamig na pakiramdam mo ang katotohanang hindi ka na kabilang sa kanila; lubos ka mang naguluhan, gusto mo pa ring masiguro kung patay ka na. Napapikit ka nang mariin at nakaramdam na naman ng 'di maipaliwanag na lungkot. Sobrang sakit na nagdulot ng kawalan mo ng pag-asa sa buhay. Kaharap ang dalawa, nagsimula ka na namang humikbi nang 'di mo mapigil ang sarili mo.
"Shiit, Tita! Narinig mo iyon, haaa? May umiiyak... baka... baka multo iyon."
Lalo ka lang nasaktan sa sinabi ni Jadey kaya lalong lumakas ang iyak mo. Sobrang sakit na parang hinihiwa na ng kutsilyo ito at hindi ka makahinga. Nagdulot pa ng lamig sa pakiramdam mo ang biglang pagbukas ng bintana. Natuon dito ang pansin mo kasabay ng pagsigaw ng iyong pinsan.
"See, Tita, ang iyak na iyon naririnig mo ba?" Bumukas-sara ang bintana ilang sandali pa dahil sa lakas ng hangin kasabay ng pagtayo ni Jadey. "Tita, I'll sleep here para may kasama ka." Nang maisara na ito, muling tumalon sa kama ang lalaki para makatabi ang natitigilang matanda. "Naririnig mo 'yon, Tita?" Nang tumango ang tiyahin, binulungan ito ng lalaki. "Nandito na siya sa k-kwarto mo," anas nito bigla.
"Alam ko, J-Jadey. Naririnig ko s-siya," mabilis na tugon ng matanda kasunod ng pag-iyak nito. "Hindi kaya si C-Catalina ko 'yan, J-Jadey? Hindi k-kaya nagpaparamdam siya sa'tin dahil lagpas alas dose na at araw na ng mga patay n-ngayon? November 1 na ngayon—"
Nang marinig ito sa ina, napatayo ka at agad tinakbo ang kinaroroonan nito," Mommy, nandito ako. T-tulungan mo'kooo." Nanlaki ang mata mo nang maramdaman mo ang init na nagmumula sa katawan nito. "M-Mommy?" Dahan-dahang mong tiningnan ang iyong ina nang mapagtanto mong hindi ka na tumatagos.