Episode 1: Pagkabuhay ni Catalina
Naranasan mo na bang mahulog sa animo balon na napakalalim; walang katapusang pagsigaw ang ginagawa mo pero walang salitang nanulas mula sa'yo? Ang pagsigaw na ginagawa mo ay nanatili lamang sa iyong lalamunan; walang salitang lumalabas pero ito ang nilalaman ng iyong utak?
"Ahhh," sigaw ng iyong utak nang binalot ka ng sobrang takot dahil pawang kadiliman ang nakikita mo sa paligid. "T-tuloong. T-tulungan niyo akooo."
Ang paligid, bakit nanunuot ang lamig sa mga kalamnan mo na nagdudulot din ng takot sa'yo? Nasaan ka? Napakalamig na hangin ang bumabalot sa iyong katawan at pinanginigan ka na? Napaiyak ka na dahil ang pakiramdam mo, nasa kabilang ibayo ka na. Bakit walang katao-tao at ang pabulusok mong pagkahulog ay tuloy-tuloy lamang? Walang katapusan...
"Catalinaaa!"
Isang mahabang pagsinghap ang nagawa mo nang idilat mo bigla ang iyong namimigat na mata matapos mong marinig ang iyong pangalan. "N-nasaan ako?" Sinubukan mong gumalaw pero nakalagay ka sa isang pahabang metal na kasya lamang ang katawan mo. "Hindii, Mommy, where are you? Help me, pleaase."
Ano ang nangyayari? Punong-puno ng takot ang dibdib mo nang pilit mong igalaw ang ulo mo pero ang espasyo ay lubhang napakaliit kaya hindi ka makagalaw nang maayos. Sa labis mong paninibugho, iniyak mo na lang ang takot na iyong nararamdaman. Nakapakadilim kung nasaan ka.
"B-bakit nakapalamig?" hiyaw mo. "N-nasaan ako?"
Sinubukan mong takpan ang bibig mo kung may maririnig kang boses ng tao pero wala. Bakit nakabibinging katahimikan ang nanunuot sa iyong pandinig na labis ding nagbigay ng takot sa'yo? Malakas na hiyaw ang umalpas sa iyong lalamunan nang pilit mong humingi ng tulong. Paulit-ulit. Walang hinto ang ginawa mong pagsigaw; paghingi ng tulong para mailabas ka sa pahabang lugar na ito na tanging katawan mo lamang ang nagkasya.
"Buksan niyo ito, pakawalan niyo akoo." Nanghihina mong sigaw pero pinilit mo pa ring magpakakatatag hangga't may lakas kang taglay. "Mommy... M-Mommy... where a-are you?"
Ang ina mo lang una mong naisip; ang naiisip mong magulang na siyang karamay mo sa lahat ng bagay. Bakit sa paggising mo sa madilim na lugar na ito, wala siya sa tabi mo? Ang huling tanda mo, ang iyong kasal sa simbahan kung saan hinihintay mo ang iyong katipan. Si Amir, umiiyak kang napangiti nang maalala mo ang pinakamamahal mong kasintahan. Nasa simbahan ka at hinihintay siya—'yon lang ang huling natatandaan mo bago ka nagising nang ganito.
"N-nasaan ka, A-Amir," panaghoy mo sa pagbabakasakaling marinig ka rin ng iyong mahal. Siya ang lalaking nagtanong kung pwede ka ba niyang gawing asawa sa harap ng Diyos. Ang sagot mo sa kanya, siya lang at wala nang iba kaya nakabuo kayo ng desisyong maging isa.
"Sa ngalan ng ama... ng anak... at ng espiritu Santo. Amen!" Boses ng iyong ina na nanggaling sa malayo pero hindi mo siya makita dahil nakakulong ka. "Catalina, kung nasaan ka man, sana'y masaya ka. Hindi ka na maghihirap, anak."
Hindi na maghihirap? Takang-taka ka nang pinilit mong gumalaw pero para kang nakakulong sa isang maliit na eskinita na hindi mo alam kung papa'no pa makakalabas. Naipit ka sa gitna!
"Catalina, anak ko!"
Nanlaki bigla ang iyong mata nang marinig mo na naman ang boses na iyon; ang boses ng pinakamamahal mong ina.
"Bumangon ka, a-anak. Kailangan ka pa ni Mommy!" Sinundan ito ng malakas na pag-iyak ng iyong ina kaya takang-taka ka kung nasaan ka. "Catalinaaa ko."
"Mommy ko!" hiyaw mo sa pagbabakasakaling marinig ka niya. "Nandito ako, My. Someone h-help me."
Muli na namang umalpas ang iyak mo sa iyong lalamunan dahil kahit naririnig mo siya; hindi mo rin makita hanggang—dahan-dahan kang umangat mula sa iyong kinalalagyan. Pataas nang pataas hanggang maramdaman mo na ang bigat mo'y parang napakagaan na lang dahil sumasama ka na sa hangin. Nanlaki ang mata mo nang muli mong ikutin ang buong paligid ng iyong tingin. Madilim man pero nabuo na ang mga imahe sa iyong harapan.
Sementeryo!
Bakit nasa sementeryo ka? Nakikita mo ang naggagandahang disenyo ng kinalalagakan ng mga patay. Nahintakutan ka! Umihip ang malakas na hangin hanggang tinangay ka. Nasaan na ang boses ng ina na iyong narinig?
"Hindii," naiiyak mong anas nang makita mong para kang naging papel na napapasunod na lamang sa hangin. "Ano ang n-nangyayari sa 'kin?"
Panay lang ang iyak mo hanggang sumayad ang mga paa mo sa lupa. May mga kabahayan sa harap kaya napatakbo ka bigla para humingi ng tulong. Napakagaan ng katawan mo nang tumakbo ka pero napakalamig naman ng pakiramdam mo. Hindi mo maintindihan kung bakit ganito. Bigla kang nasilaw sa isang liwanag nang ibukas ng isang may edad na babae ang pinto. Nakatayo ka na sa harap ng isang bahay; sementado ito at may dalawang palapag pero walang harang na gate.
"Naku, Mario, b-baka may low pressure ngayon," sigaw ng isang babae sa iyong harapan. "Pumasok ka na rito sa bahay at 'wag ka nang pagala-gala sa labas."
Ang Mario-ng tinutukoy ng babae ay isang bata na agad pumasok sa loob ng bahay. "Tulungan niyo po a-ako," natataranta mong sambit sa babae pero bakit hindi ka niya naririnig? "Hindi ko a-alam kung ano ang nangyayari, k-kailangan kong makabalik sa p-pamilya ko." Pero naisara na bigla ng babae ang pinto matapos mong sabihin iyon.
Napalapit ka sa pinto at umiiyak na kinatok ito pero sa unang tangka mong katukin ito, lumusot lamang ang kamay mo. Nahihiwagaan kang tiningnan ang kamay mo hanggang ulitin mo ulit ito. Napaurong ka nang masiguro mong lumulusot lamang ito sa tablang pintuan sa iyong harapan.
Natagpuan mo na lamang ang sarili mong tumatakbo at pumapalahaw ng iyak. Takot. Takot na takot ka habang sumisigaw ka ng tulong pero kahit may mga taong naglalakad sa kalsada, lumulusot ka lang sa kanila. Napahinto ka sa kalagitnaan ng iyong pagtakbo at pilit mong pinakalma ang iyong sarili para makapag-isip ng paraan para may makatulong sa'yo. Bigla mong naisip ang iyong ina at nilibot mo ang paningin mo. Hindi ka pamilyar sa lugar pero sa unahan, nakikita mo ang ilang sasakyang dumadaan kaya tumakbo ka nang matulin para makasakay at nang mayakap mo nang mahigpit ang iyong nanay.
"D-Diyos ko, ano ang nangyayari?" Hindi ka nakikita ng ilang sasakyang pilit mong pinapahinto. Mas lalo ka lang natakot nang pilit kang tumayo sa gitna ng kalsada para hintuan ka nila pero—lumusot ang katawan mo; ano ang ibig sabihin nito?
Isang sasakyan ang biglang huminto sa iyong harapan nang may isang babaeng sumakay kaya nagmadali ka ring sumunod sa kanya. Labis ang tuwang naramdaman mo nang magawa ito at makapwesto na nang maayos sa loob ng isang pampasaherong jeep. Ngayon mo lamang napansin ang suot mo, isa itong napakagandang bestida na kulay puti. Napakahaba nito at abot hanggang talampakan mo pero—wala kang suot na sapin sa paa pero hindi na ito mahalaga. Napapakagat ka sa labi mo nang ilabas mo ang ulo sa jeep para alamin kung sa'ng parte ka na lugar. Napatakip ka sa bibig mo nang matandaan ang ilang lugar na nadaanan ng jeep. Edsa. Nasa Edsa ka na kaya labis ang tuwa mo dahil nasa Paranaque nakatira ang iyong ina. Napasunod ka sa ilang taong bumaba nang makarating na ng Baclaran kaya mabilis kang naghanap ng isa pang sasakyan na maghahatid sa'yo sa lugar ng iyong ina.
"Excuse me po," napalakas ang boses mo para humingi ng tulong sa isang tindera roon pero hindi ka man lang nito tinapunan kahit isang sulyap. "Hello, t-tulungan niyo naman po ako," naiiyak mo nang sigaw sa mga tao pero ni isa, walang pumansin sa'yo.
Baclaran ang binabaan mo dahil madalas sa lugar na ito kayo nagsisimba ng iyong mommy. Napatakbo ka na patungo sa sakayan ng jeep na may sign ng Paranaque nang masigurong alam mo na ang lugar. Dito pa nga dapat ang kasal mo kay Amir pero bakit wala ang mahal mo?
"Nasa'n ka na, Amir?" Napaiyak ka bigla nang maalala ang pinakamamahal mong katipan. "God, bakit ganito? Naguguluhan ako sobra." Habang naglalakad ka, naibulalas mo na lang ito hanggang makarating ka sa kinaparadahan ng isang jeep.
Halos natutulog na si Manong Driver nang masdan mo. Nawalan ka na ng pag-asa dahil sinubukan mong kausapin ang ilang tao kanina pero dedma lang sila. Parang wala silang nakikita. Mabilis kang pumasok at umupo sa pampasaherong jeep kahit wala kang kapera-pera. Bahala na!
"Miss, w-wala na'kong byahe. Pauwi na'ko, sa'n ka ba?" humihikab na tanong ng driver sa'yo nang mamataan kang nakaupo sa isang sulok. "Wala na'kong byahe ngayon dahil gabi na at araw ng mga patay bukas. Sarado ang ilang kalsada. Pinaayos ko lang 'tong jeep at igagarahe ko na sa bahay ng may-ari."
Umangat bigla ang mukha mo sa pagkagulat dahil nakikita ka naman pala ni Mamang Driver. "K-Kuya," nautal mong tawag sa kanya. "T-tulungan niyo po ako, gusto ko nang makauwi. Please."
"Taga-san ka nga?" ulit na tanong ng driver. "Kung dadaanan ko lang, pwede naman kitang isabay total pagarahe na rin naman a-ako."
"Paranaque p-po," naluluha mong sagot. Matapos sabihin ang address sa lalaki, napangiti ka nang sumagot siya.
"Oo naman, iha, madadaanan ko ang lugar na 'yan. Oh siya, lalarga na tayo."
Hindi ka magkamayaw sa saya sa nalalapit mong pag-uwi sa bahay niyo. "Salamat po—"
Walang traffic! Habang nakadungaw ka sa bintana, nililipad ang mahaba mong buhok ng malamig na hangin. Ang ilaw na nagkikislapan sa ilang kabahayan na nadadaanan mo, nagbibigay din ito pag-asa sa'yo dahil makakauwi ka na. Labis kang natakot kanina pero ngayon, unti-unti nang nawawala ang takot na iyon dahil papalapit ka na nang papalapit sa bahay ng iyong pinakamamahal na ina, si Mommy Lucia. Isa siyang single parent na nagpalaki sa'yo kaya mahal na mahal mo siya. Bumuo ka ng pangarap hindi para sa sarili mo kundi para sa kanya dahil naging ina at ama siya sa'yo nang talikuran ka ng daddy mo kapalit ng ibang babae. Halos lumundag ka sa tuwa matapos makababa ng jeep at takbuhin ang subdivision kung nasaan ang bahay niyo.
"Mommy, Mommy." Natatawa ka na lang dahil para kang bata at isang dakilang mommy's girl. Totoo naman talaga. "I'm home, My. Nasa'n ka?"
Halos mapaiyak ka pa nang makita ang ilang paggalaw ng tao sa loob ng bahay kaya napatakbo ka sa nakasarado niyong pinto pero lumusot ka bigla papasok sa sala. Natigilan ka. Napalingon sa iyong likuran kung bakit ka lumusot bigla na tangka mo lang sanang pipindutin ang doorbel. Nawalan ka ng balanse sa mabilis mong pagtakbo makarating lang sa tapat ng bahay mo pero nasa loob ka na sa 'di mo maipaliwanag na pangyayari.
"Catalina, anak ko!" tawag ng iyong mommy pero nakatalikod siya sa'yo. "Kung naririnig mo ako, miss na miss na kita sobra."
Naiiyak ka na nang makita mo siya sa harapan mo. May takot kang lumapit sa kanya at hinawakan siya pero—"B-bakit tumatagos ang kamay ko sa katawan ni Mommy? No. No! B-bakit ganito? Mommy, humarap ka sa'kin, nandito na ako." Napaluhod na ang iyong ina kaya nagtaka ka bigla.
"Oh, Diyos ko, Catalina," paghihinapis ni Lucia kasabay ng muling pag-iyak nito. " Ang bata-bata mo pa para mamatay. M-miss na miss ka na ni Mommy."
Tumambad sa iyong harapan ang isang altar na may mga kandilang nakasindi kasama ang isang litrato mo. Napalunok ka bigla at salit-salitang tiningnan ang iyong ina at ang litrato. Sinubukan mong hawakan muli ang iyong ina pero tumatagos lang ang kamay mo.
"Tita, t-tama na po." Biglang sumulpot si Jadey para aluin ang ngumangawang tiyahin. "Patay na si Catalina. 'Wag na natin siyang pahirapan dahil siguradong nasa langit na siya kasama ng Diyos. Tapos na ang padasal pero nandito ka pa rin. Magpahinga na tayo dahil alas dose na ng gabi."
Ikaw, patay na? Labis kang naguluhan kaya sinubukan mong hawakan si Jadey pero kagaya kanina, lumusot lang din ang kamay mo. Hindi ka nila nakikita nang tumayo ka sa harap nila. Hindi ka nila naririnig nang sumigaw ka at umiyak din.
"Buhay pa ako, h-hindi ako namatay!" hiyaw mo bigla dahil hindi mo matanggap ang sinabi nila. "Nandito na ako, Mommy, Jadey. Nandito ako sa harap niyoo." Umiiyak kang niyakap sila pero lumusot ka lang ulit sa katawan nila.
Napatayo bigla si Jadey para lumapit sa bintana. "Isasara ko lang 'to, Tita. Ba't kaya biglang lumamig dito sa loob eh, ang init-init kanina? Ikaw kasi, panay ang tawag mo kay Catalina. Alam mo namang isang taon na siyang patay; baka magmulto 'yon at dalawin tayo bigla."