Episode 4: Sa Huling Hantungan

1845 Words
"Catalinaa, anaak koo!" "Sa ngalan ng ama, ng anak, at ng espiritu santo. Ikaw Catalina Sebastian, na nasa pangangalaga ng ng ating Panginoon ay matiwasay na aalis sa mundong ito. Ang alaala mo ang maiiwan sa mga mahal mo sa buhay, nasa puso at isipan ka ng nakakarami at bukas ang palad sa langit sa pagtanggap sa'yo patungo sa buhay na walang hanggan." "Catalinaaa, ang anaaak koo!" "Tita, tama na po." Mangiyak-ngiyak na inalalayan ng isang binata ang ginang nang basbasan na ng pari ang kabaong ng yumao. "Ang bilis mong nawala, Catalina," ubod na pait na anas ng lalaki habang nakatingin sa kabaong ng pinsan. "P-pangako, pinsan, hinding-hindi ko pababayaan si Tita." "Ang bata-bata pa ng anak ko, b-bakit siya namatay agad? Kasalanan 'to ni Amir!" "Sshh, T-Tita, huminahon ka, p-please. Wala na siya, wala na tayong magagawa." Mabilis nang inalalayan ng binata ang tiyahin para pansamantala itong ilabas sa simbahan. Nang makalabas na, inupo agad ito ng binata sa nakabukas na sasakyan nito. "T-tama ka, T-Tita, kung hindi hinabol ng pinsan ko ang Amir na 'yon, hindi s-sana siya naaksidente." "Gusto kong makita ang anak ko, Jadey. Dalhin mo'ko sa kanya." "Tita, calm down, ok? We're here for you, hindi ka namin iiwanan kahit wala na si Catalina." "Oh, Diyos ko, ang anak ko! B-bakit siya pa, Jadey? Bakit siya pa? Maraming pangarap ang anak ko." Napatiim bagang na lang si Jadey nang magsimula nang maglabasan ang ilang binatilyo at mga bata na mga pamangkin lang din nito. May kanya-kanyang bitbit na puting bulaklak ang mga ito. Napatingala pa ang lalaki para pagmasdan ang buong iskultura ng simbahan; sa simbahan na ito dapat ikakasal ang mabait nitong pinsan pero—dito na rin pala ihahatid sa huling araw nito ang babae. Spanish type na simbahan ito na gawa pa sa panahon ng Kastila kaya ito ang napili ng pinsan dahil mahilig ito sa mga makalumang disenyo. Napakasakit na dagok ito sa pamilya. Natagpuang patay ang dalaga nang mahulog ang sinasakyan nitong tricycle sa isang bangin. Na-recover ang katawan nito ng mga residente matapos itong mawala ng isang araw. Nai-report nila ito sa pulisya nang hindi umuwi ng gabing iyon si Catalina. Ayaw nang alalahanin pa ng binata ang lahat. "Catalina ko, ang anaaak koo!" Pumalahaw na naman ng iyak ang matandang babae nang akay na ng mga kalalakihan ang kabaong ng dalaga palabas ng simbahan. Napalapit agad ang ginang sa kabaong para agapayan ito. "Bakit mo'ko iniwan, anak, b-bakiit?" Isang malakas na kulog ang nangingibabaw na sumabay sa pag-iyak ng mga naghihinagpis nang ipasok na sa sasakyan ang kabaong ng namatay. Nagsimula na ring umambon nang mahina pero hindi ito inalintana ng mga tao sa paligid. "Tita," anas ni Jadey kay Lucia makalipas ang mahabang sandali. "Sa sasakyan na tayo, let's go." Mahigpit ang yakap ng binata sa tiyahin nang maglupasay na lang ito bigla. "Help me, Kian." Mabilis na nakalapit ang isa pa nitong pinsan nang pagtulungan nilang itayo ang tiyahin. "Sa sasakyan ko, bro." Sa isang private cemetery humantong ang mga kamag-anakan at kaibigan ng namatay. Maririnig ang hiyawan at iyak na nagmumula sa mga malalapit na tao kay Catalina. Mas nangingibabaw ang boses ng ina nito na tinatawag nang paulit-ulit ang pangalan ng anak. Isang pagtunghay pa sa mukha ng yumao ang ginawa ng karamihan bago na ito pinasok sa nitso. Binukas ng mga kalalakihan ang kabaong para sa huling sulyap sa yumao. Parang natutulog nang mahimbing ang maamong mukha ng dalaga nang masilayan ito ng mga um-attend ng libing. Agad niyakap ni Lucia ang kabaong ng anak nang makita nito ang mukha ng dalaga sa loob. Gawa sa kalahating salamin at kalahating metal ang katawan ng kabaong nito. "Lucia, 'wag tutuluan ng luha mo ang salamin ng kabaong niya para makaalis nang matiwasay si Catalina. Bawal daw 'yan kaya mag-ingat ka!" halos pabulong na saad ng kapatid nito. "Magiging mabigat ang pag-alis niya kaya umayos ka." "Lydia!" agad na sabat ng isa pang kapatid ni Lucia. "Nagpapaniwala ka sa pamahiin na 'yan. Hayaan mo si Lucia dahil huli na 'yan, hindi na natin makikita ang mabait kong pamangkin. Sino pa ang laging sasalubong sa'kin kapag dumadalaw tayo sa kanila? W-wala na!" Naiyak ang babae nang ito naman ang tumunghay sa mukha ng yumao. Halos mapuno ng luha ang salamin kung sa'n nakatapat ang mukha ng bangkay dahil sa salitang pag-iyak ng magkapatid. "Oh, Diyos ko, ang maganda kong p-pamangkin. Wala na!" hiyaw ni Lydia nang madala na rin ito sa pag-iyak ng iba pang kapatid. Napayakap na rin ito sa kabaong ng yumao. "Anak ko, b-bakit mo'ko iniwan? Hindi ko matanggap ito, hindii!" Halos magwala na ang ina ng dalaga nang pukpokin pa nito nang malakas ang kabaong ng dalaga. "B-bumangon ka, a-anak. Bumangon ka!" "Tita," usal ni Jadey na awang-awa na sa tiyahin. Saglit pa nitong sinulyapan ang mukha ni Catalina na animo natutulog lamang. Impit din itong napaiyak nang masdan ang napakagandang mukha nito. "P-paalam, p-pinsan. Kung alam ko lang na sa ganito hahantong ang lahat, s-sana pala, hinabol kita. Buhay ka pa sana. Mahal na m-mahal ka namin, C-Catalina." "Anaaak koo!" muling hiyaw ni Lucia. "Sandali lamang po," singit ng isang lalaki nang humawi na ang mga tao. "Ipapasok na namin ito." Apat na kalalakihan ang nagtulong-tulong na ipasok sa nitso ang kabaong. Iyakan ang maririnig sa buong lugar na pawang sa kamag-anak ng dalaga nanggagaling. Tanging pamilya lamang nito ang um-attend at malalapit na mga kaibigan. Hindi na mapigil ng ina nito ang maglupasay nang tuluyan nang naipasok ang buong katawan ng kabaong sa loob ng nitso. "Anak ko, b-bumalik kaaa. Paano na si Mommy kung w-wala ka, Catalina ko?!" "Tita, p-please," umiiyak na anas ni Jadey sa tiyahin nang yakapin ito ng binata. "Wala na siya, Tita. Wala na ang pinakamabait kong p-pinsan." Punong-puno ng galit ang mata ng binata nang titigan nito ang nitso ng pinsan. Tuluyan nang nilagay ng ilang tao ang takip nito. "Tang-ina mo, Amir. Hayop ka! Kung hindi dahil sa'yo, hindi magkakaganito si Catalina." Mahigpit nitong niyakap ang tiyahin nang tuluyan nang nalagay ang takip ng nitso nito. "Paalam, mahal kong p-pinsan. Sa m-muling pagkikita natin sa kabilang b-buhay. Mahal na mahal ka namin, pakatandaan mo 'yan. Hinding-hindi ka namin makakalimutan." Isang marahas na paghinga ang ginawa ng binata bago hinigpitan ang yakap sa tiyahin nang biglang umulan. Nagsipagtakbuhan ang ilang tao para magkanya-kanyang silong at pasok sa kani-kanilang sasakyan. Biglang kumulog at kumidlat, wari'y naghihinagpis din ang langit sa pagkawala ng butihing dalaga pero huli na. Napatiim bagang na lang si Jadey nang tuluyan nang lamunin ng ulan ang buong lugar. Pinalis ng hangin ang paghihinagpis ng ina nito nang umihip ito nang malakas. Wari'y nakikisampatiya pati ang kalangitan at nagbabadya ng paparating na unos. Nang humupa ang ulan, mabilis nang pinasok ni Jadey ang tiyahin sa sasakyan. Huling sulyap pa ang ginawa nito kung saan nakalagak si Catalina bago pinaandar ang makina ng kotse nito. Ang tiyahin nito, hindi maampat-ampat ang pag-iyak. Pare-pareho silang apektado pero mas kailangan ng ina nito ang alalay at pagmamahal ngayong wala na ang kaisa-isa nitong anak. Biyuda na ang tiyahin ng ilang taon dahil maagang namatay ang asawa nito nang magkasakit ito. Sinagasa na nila ang ambon dahil ayon sa balita, may low pressure ngayon. "Jadey, araw-araw tayong dadalaw kay Catalina." Napatango nang malungkot ang binata. "Oo naman, Tita, nasa likod mo lang kami. Lagi nating bibisitahin si Catalina rito." Isang oras na ang lumipas nang unti-unti na namang bumuhos ang malakas na ulan. Unti-unti na ring nagdidilim ang paligid dahil sa pagsusungit ng panahon. Sa mismong bahay ng mga Sebastian tumungo ang lahat ng nakilibing. Isang malaking palanggana na puno ng nilagang dahon na pinakuluan ang nasa bungad ng pinto nang biglang humarang ang isang tiyahin ni Catalina. "Kayong mga nakilibing, ako ang nag-prepare nito, maghugas kayo ng kamay rito. Kapag galing kayo ng sementeryo, kailangang hindi sumama ang anumang masasamang espiritu rito sa bahay ni Lucia. Hala, magsihugas kayo." Napaawang lamang ang bibig ng babae nang lagpasan siya ng mga kamag-anak at mga kaibigan. "Hoy, ano ba kayo?" "Tita," sabat ni Jadey na akay si Lucia. "Sa kuwarto muna kami ni Tita Lucia, pagpapahingahin ko lang siya." "Ikaw, Jadey, sabihan mo 'yang mga pinsan mo na sumunod sa'kin. Ang titigas ng ulo, nagsipasok lang, ni hindi nagsipaghugas ng kamay." Napailing na lang ang binata bago dinikit ang ulo sa mukha ng tiyahin na isa. "I appreciate your effort, Tita Let, but we're in the modern time na po. Pamahiin lang 'yan, Tita. Sa'n niyo ho ba natutunan ang lahat ng ito? Wala naman akong nakikita sa mga kakilala ko na ganitong set-up." Napailing lang ang binata nang lampasan na nito ang tiyahin. Nanenermon na ito nang malingunan ng lalaki, kausap ang iba pa nilang kaanak at mga kaibigan. Natigilan ang binata nang bigla siyang tampalin ng tiyahin sa likod nang humabol pa ito. "Jadey, ngayon ko lamang nalaman na wala palang padasal kay Catalina? Kararating ko lamang galing probinsya kaya wala akong kaalam-alam." "Tita Let, please. Pagod tayong lahat dahil sa biglaang pagkamatay ni Catalina." "Kailangang may padalasal sa loob ng siyam na araw ang namatay kaya gagawin natin 'yon para maging matiwasay ang pag-alis niya. Sa ika-40 na araw, siguradong ligtas na ang kaluluwa niya. Kailangan nating gawin, Lucia, Jadey? Sana maaga niyo kong in-inform para nagabayan ko kayo." "Let," naiiyak nang tumingin si Lucia sa kapatid. "H-hayaan mo muna kaming magpahinga; pagod ako sobra. May amoy na ang katawan ni Catalina nang matagpuan kaya hindi na tumagal ang paglibing sa kanya. Nagawa'n lamang ng paraan na ma-preserve pa ang katawan niya. May amoy na ang patay kaya kahit masakit, wala rin akong magawa at alam mo namang nabasbasan na rin 'yan ng pari sa simbahan." Saglit na nag-isip ang babae. "Sapat na 'yon. Ayokong ipa-cremate ang anak ko dahil mas gusto ko siyang makita pa kaysa maging abo siya." Tumulo ang luha ng babae nang masabi ito. "Hindi ko m-matanggap na wala na ang anak ko. Hindiii." Napailing ang babae nang hawakan nito ang kamay ni Lucia. "Hindi mo'ko naiintindihan. Hindi magandang pangitain ito para sa'kin; kailan ka pa naging ganito, Lucia? Ipagdasal natin ang kaluluwa ng pamangkin ko." Pero ang kinausap, tumalikod na ito na ikinailing ng huli. "Hindi matatahimik ang kaluluwa niya; hindi, Lucia, oras na hindi niyo ginawa ang payo ko," tanging anas ng babae. Lumakas lamang ang buhos ng ulan sa labas kasabay ng pagpatay-sindi ng ilaw sa loob ng kabahayan. "Aay, ano ba 'yan?" hiyaw ng isang bisita. Sinundan pa ito ng isang sigaw na nagmumula sa sala. "Isara niyo ang pinto! Malakas ang hangin." Nagmistulang gabi na dahil sa pagdilim ng paligid; ang malalakas na kulog na sinusundan ng kidlat ang nakakapanghilakbot sa lahat. Nakabibingi ang sobrang lakas nito na nagbigay din ng takot sa ilang nakilibing. "Ang ganda ng sikat ng araw kanina," anas ni Let. " Pero bakit--bakit biglaan naman ang b-bagyong ito?" Napatingala ang babae para tingnan ang ilaw hanggang tuluyan nang magdilim ang loob ng kabahayan kasabay ng pagsigawan ng lahat nang tuluyan nang mawala ang kuryente.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD