"Bhe, gising na." Tila ihip ng hangin sa lambing na saad ng isang boses sa kanya.
Naaaninag niya ang puting pigura nito sa kanyang harapan, ilang saglit din siya inabot bago bahagyang luminaw ang naturang anyo.
"Bobby?" puno ng galak na tawag ni Sheryll.
Hindi siya makapaniwala na nasa harapan niya itong muli at mukhang malusog at nagniningning pa habang nakangiti.
"Gising na Bhe, kailangan ka ng mga anak natin." Parang nagmumuni ang boses ng lalake habang sinasabi ang mga iyon.
Ang mga katagang iyon ang gumising sa diwa ni Sheryll, agad na lamang siya napadilat na lumuluha.
Subalit pagmulat niya ng mga mata ay wala siyang gaanong maaninag. Naroon ang matinding labo ng kanyang kapaligiran habang pinapaikot ang tingin.
"Nasaan ako!" tarantang sigaw niya na lang dahil sa matinding takot dulo’t ng kakaibagn dilim.
"Nanay!" alingawngaw ng boses ni Sharmaine.
"Nay!" sunod naman ng boses ni Shean dito.
May naaninag na lang siyang dalawang anino sa harapan bago madama ang dalawang kamay na maingat at maarugang humawak sa kanya.
"Mga anak!"
hila na lang ni Sheryll sa dalawa para yakapin.
Nagtuloy-tuloy na sa pag-agos ang kanyang mga luha dahil sa sobrang tuwa at pasasalamat na nagawa niya pang magising matapos ng mga nangyari, idagdag pa roon ang pagpaparamdam sa kanya ni Bobby.
Kahit naroon ang kirot sa kanyang katawan ay pinilit niyang bumangon para mas mailapit ang mga mga anak sa kanyang katawan.
"Nay, ayos lang po ba kayo?" maingat na lang na hinaplos ni Sharmaine ang pisngi ng ina para ayusin ang nagulong buhok nito.
"Ayos lang si nanay, Sharmaine." Lingon na lang ni Sheryll kay Shean.
"Nanay?" kabadong napatingin na lang si Sharmaine sa kapatid.
Ganoon din naman si Shean dito, bakas ang pag-aalala sa dalawa nang mabatid ang mga nangyayari.
"Bakit?" sambit na lang ni Sheryll nang tila tumahimik ang dalawang anak.
"Shean, tumawag ka ng doctor," utos na lang ni Sharmaine sa kapatid.
Napatakbo na lang sa labas si Shean. Kahit na pilit niya pa rin itong kinakapitan.
"Sharmaine, bakit?" alalang hawak na lang ni Sheryll sa kamay ng katabing anak.
"Nay, nakikita niyo ba ako?" pagkaway na lang ni Sharmaine sa mukha ng ina. Pero nanatili lang na nasa harapan ang mga matang parang walang buhay.
"Ayos lang si nanay anak, ayos lang ako." Pinilit na lang pakiramdaman ni Sheryll kung nasaan ang mukha ng anak, nang madama ito ay maingat niya iyong hinaplos.
Agad niyang pinunasan ang ilang patak ng luhang umagos na sa pisngi ng dalaga nang madama iyon.
Sa ngayon ay wala siyang paki-alam sa kung anong nangyayari sa kanya, kahit naroon ang takot ay mas nangibabaw na sa kanya ang alalahanin ng mga anak, mas mahalaga sa kanya ang huwag ng mahirapan pa lalo ang mga ito sa kasalukuyang kalagayan.
"Nay," hagulgol na lamang ni Sharmaine sa ina, "Sorry po nay," mahigpit na yakap na lamang nito sa kanya.
"Ano bang sinasabi mo." Maingat na lang na hinaplos ni Sheryll ang bunbunan nito.
"Sabi kasi nina Aling Pelomena, hinahanap niyo raw ako noon nabangga kayo," sumisinghot-singhot na lang na sabi ni Sharmaine.
Ganoon na lang tuloy ang bigat ng kanyang pakiramdam ng mga oras na iyon, kung tutuusin kasi ay hindi naman talaga siya dapat maaaksidente kung nasa tamang pag-iisip lang sana siya ng mga panahon na iyon.
"Hindi mo ito kasalanan." Buong ingat na niyakap ni Sharmaine ang anak habang panaka-naka ang tapik sa likuran nito para aluhin.
"Nanay," lalo lamang napahagulgol si Sharmaine sa ina.
Naalarma lang si Sheryll muli nang mapakiramdaman na ng mas maayos ang temperatura ng anak, "Bakit parang ang init mo yata, nilalagnat ka ba?" sermon niya na sa anak.
Naroon nanaman ang matinding pagsisisi niya sa sarili dahil sa pagiging pabaya, mukhang nagdulot na iyon ng masama sa kanyang mga anak dahil sa halos ang mga ito na ang nagtratrabaho para sa ikabubuhay nila.
Hindi naman sumagot si Sharmaine, bagkos ay lalo lang itong nagsumiksik sa kanyang kandungan, habang yakap-yakap siya.
Hinayaan na lang ni Sheryll ang dalaga, ilang saglit pa at dumating na ang mga doctor kasama si Shean. Matapos siya nitong tingnan ay doon nila napag-alaman na ang malakas na pagkabangga sa kanya ang maaaring dahilan ng pagkawala ng kanyang paningin.
Ang masaklap pa ay tinakasan siya ng naturang sasakyan kaya lahat ng gastos sa hospital ay sa mga anak niya nakapatong.
"Mababalik pa po ba ang paningin ni nanay?" alalang sambit ni Shean.
"Kailangan natin siya ipa MRI at CT scan para mas makasigurado tayo, malakas kasi ang pagkakatama sa ulo ng mama niyo," sagot ng doctor habang nagsusulat sa clipboard nito.
"Mga magkano naman po kaya iyon aabutin?" lapit na lang ni Sharmaine rito.
Ngiting binalingan na lang ito ng doctor. "Depende iyan sa pupuntahan niyong hospital," agad na sagot ng lalake.
"Wala po kayo dito noon?" muling singit ni Shean.
Napabuntong hininga na lamang ang doctor. "Pasensya na pero wala kasi dito sa atin ng ganoon." Tipid na ngiti nito.
Hindi niya man nakikita ang mga nangyayari ay alam niyang nababalot na ng matinding takot at pag-aalala ang mga anak.
"Shean, Sharmaine, ayos lang ako," tawag na lang ni Sheryll sa mga anak.
Ayaw na niyang makaabala pa sa mga ito, kaya naman kahit naroon ang matindi niyang takot at pagsisisi ay minabuti na lang niya ang ipagsawalang bahala ang kalagayan.
Agad naman na lumapit si Sharmaine sa ina, maingat nitong hinawakan ang kamay niya para idampi sa pisngi nito.
"Pero nanay," buong lambing na saad ng dalaga.
Isang tipid na ngiti ang ipinukol ni Sheryll sa anak. "Wala na tayong perang pang gastos sa ganoon." Buong ingat na haplos na lang niya sa pisngi ng anak.
Alam niya sa sarili na wala na silang mailalabas pang pera, naibenta na niya ang lahat. Isang pagkakamali na bunga ng hindi niya pakikinig kay Bobby noon, dulo’t na rin ng sobrang pagkapit at pagkamakasarili niya sa pag-asa at pagbabakasakali na mapapanatili ito.
Subalit ngayon ay hindi niya na bibiguin pa ang yumaong lalake, hindi niya na hahayaan pang maulit ang mga naging maling desisyon noon, kaya naman wala na siyang paki-alam para sa sarili, makasiguro lang siya na magiging maayos at hindi na makakadagdag sa hirap ng kanyang kambal.
"Pero nay, magagawan naman po namin iyon ng paraan," agaran na sagot ni Shean.
"Hindi na Shean, ayos lang ako," pagdidiin niya.
Tanggap niya na sa sarili na ang bahagyang pagkawala ng paningin ang kabayaran niya sa mga pagkukulang sa mga anak.
"Hindi po namin kayo pababayaan nay, pinangako ko po iyan kay tatay," buong tapang na sagot ni Shean. Batid sa boses nito ang pagkadesidido sa bagay na iyon.
Hindi na nakapagsalita pa si Sheryll, lalo na nang banggitin ng anak ang amain nito.
Nahigit na lang niya ang kanyang hininga, dahil na rin sa kung anong humaplos sa kanyang dibdib. Hindi niya tuloy napigilan ang mapahikbi dahil sa matinding pagsisisi sa kamalian na nagawa at sa ilang buwan na pagpapabaya sa dalawang anak dahil sa matinding kalungkutan.
"Nay, wag na po kayong umiyak." Alo na lang ni Sharmaine.
"Kami pong bahala sa inyo nay." Buong lambing na pagyakap naman ni Shean.
Kahit naroon ang sakit ng kanyang katawan ay pinilit niya pa rin maikulong sa mga bisig ang mga anak. Sobra-sobra ang pagpapasalamat ni Sheryll ng mga sandaling iyon dahil kahit papaano napalaki nila ng maayos ni Bobby ang mga anak.
Makalipas ang ilang linggo ay nagsimula nanaman makadama si Sheryll ng pangamba, lalo pa at ayaw pa rin siyang payagan ng mga doctor na makalabas ng dahil sa maselan niyang kondisyon.
Alam niyang hindi basta-basta ang magiging bayarin nila sa hospital, kahit sabihin pang pampubliko ito. Maliban doon ay nakasisigurado siyang kayod kalabaw nanaman ang kanyang kambal mapanatili lamang siya roon, dahil halos araw-araw ay nagsasalitan ang dalawa sa pagbabantay sa kanya.
Ganoon na lang ang lalong pag-aalala niya para sa kalusugan ng dalawa dahil sa tila hindi na nakakapagpahinga ang mga ito. Subalit ang talagang nagdulot ng matinding pangamba sa kanya ay nang mabatid na mas madalas na si Sharmaine na lang ang nagpupunta roon at hindi na nakakabisita si Shean. Mas lalo lamang bumigat ang kanyang pakiramdam nang mapag-alaman mula sa anak na kumuha ito ng dalawang trabaho kaya hindi na nakakabisita ng mga panahon iyon.
Hindi na tuloy magawang mapanatag ni Sheryll, kaya naman halos hindi na rin siya mapakali at makatulog dahil sa matinding pagkabahala sa nagiging lagay nila.
"Anong nangyayari?" alalang sambit niya na lang habang pilit pinapakiramdaman ang paligid.
Tulad noon ay hindi nanaman siya nakatulog ng araw na iyon dahil na rin sa walang patid na pag-iisip sa kalagayan ng mga anak.
"Ililipat na po kayo ng hospital mam," magiliw na sagot na lang ng isang malumanay na boses.
Nakilala niya naman ang tono na iyon na isa sa mga nurse na madalas na mag-asikaso sa kanya.
"Huh! Bakit?" hindi makapaniwalang sabi ni Sheryll.
Mabilis na kumusot ang kanyang mukha sa matinding pagtataka at pangamba sa mga nangyayari, dahil na rin sa wala roon ang mga anak niya pero nadarama niya na ang paggalaw ng kinahihigaan na halatang inaayos na ito.
"Para po makapag pa MRI at CT scan na kayo mam," masayang pagpapaalam ng nurse sa kanya.
"Talaga, nandiyaan na ba iyong mga anak ko?" ngiting tanong niya na lang.
Magkahalong bugso ng tuwa, kaba at sorpresa ang bumalot sa kanya dahil sa kaalaman na iyon, kahit hindi niya kita ang oras ay alam niyang masyado pang maaga para magpunta roon si Sharmaine. Sigurado niyang abala pa ito sa paglalako ng mga paninda, kaya naman naisip niyang baka si Shean ang naroon.
"Po?" lapit na lamang ng nurse sa kanya.
"Sino sa mga anak ko ang nandiyan?" natatawang paglilinaw niya na lang sa nurse.
"Ay, wala pa po iyong mga anak niyo. Pero iyong asawa niyo po nandiyan na," hagikgik na lang ng nurse na sagot.
Tila mabilis na napalitan ng simangot ang ngiti niya dulo’t ng pagkalito, "Ano?" napalunok na lang siya ng mapait nang wala siyang nadinig na sagot mula sa babae. "Nurse?" muling tawag na lang ni Sheryll.
Ilang mabibigat na yabag na lang ang nadinig niya, kasunod ng pakiramdam ng pagupo ng isang tao sa tabi ng kanyang higaan.
"Hello sweety," malokong sambit na lang ng isang pamilyar at malalim na boses.
Mabilis na nagtaasan ang kanyang mga balahibo, kasunod noon ang pagdagundong ng kanyang dibdib sa sobrang takot. Humahangos na rin siya sa paghinga dahil sa taranta at matinding pagkabalisa ng mapagtanto kung sino ang taong tinutukoy nito.
"Nurse!" buong lakas na tili ni Sheryll.
Pero hindi niya na iyon na ulit pa nang hawakan ng isang kamay ni Raymond ang kanyang mga pisngi sabay paharap dito.
"Now, now sweety, you don't want to make me angry now, do you?" malalim ang boses ni Raymond pakasabi noon.
Naroon ang pagdampi ng hininga nito sa kanyang pisngi kaya nakasisiguro siyang napakalapit lang nito.
"Anong kailangan mo." Pagpipigil na lamang ni Sheryll ng hikbi.
Doon na bumitaw si Raymond. Lumayo na ito at humalukipkip habang pinapakatitigan si Sheryll. Nag salubong na lang ang kilay ng lalake nang mabatid ang pananatili ng tingin ng babae sa iisang lugar, kaya naman inilapit-lapit pa nito ang kamay sa mukha ni Sheryll para makasigurado. Halata ang lalong pagkairita sa mukha ng lalake sa kompirmasyon.
"Look at you, is this the life you dreamed of," tiim bagang na singhal ni Raymond.
Nanginig na lang si Sheryll sa pagdagundong ng boses nito sa loob ng kuwarto, pero hindi siya nagpatinag sa takot, lalo pa nang maalalang kailangan niyang protektahan ang kambal.
"Wala kang paki-alam," pilit balik na lang niya pakalunok ng malalim.
Mabilis naman namutawi ang isang malokong ngisi sa mukha ni Raymond, "Now, now sweety, I'm still your husband just to remind you. So I would really appreciate it if you just cooperate and come quietly." Haplos na lang ng likod ng kamay nito sa pisngi ni Sheryll.
Nakadama na lang siya muli ng pangingilabot, mabilis niyang hinampas paalis ang kamay nito, sabay pilit na tingin ng matalim sa kung saan niya man naririnig ang boses ng lalake.
"Hindi ako sasama sa iyo!" buong tapang na bulyaw niya.
Tila nagawa niya ng makahupa sa gulat at makakuha ng sapat na lakas ng loob dahil na rin sa pag-iisip sa mga anak niya.
"I know, that's why I'm going to make a deal with you," malokong sambit ni Raymond pakaupo sa silya malapit sa higaan ni Sheryll.
"Hindi ko kailangan ng tulong mo!"
buong lakas na bulyaw na lang niya.
"Are you sure about that?"
napapahalakhak na sambit na lang nito.
“Kahit ano pang sabihin mo, hindi ako sasama sa iyo,” buong tapang na balik niya, kahit nanginginig na siya ng mga sandaling iyon.
Napangisi na lamang si Raymond bago dahan-dahan na inilapit ang kinauupuan kay Sheryll, "Did you know that your son is in prison for kidnapping, while your daughter on the other hand is currently working her ass off just to keep you here,"
tuwid nitong sambit.
Ganoon na lamang ang bigla niyang panlalamig, pero hindi niya iyon magawang paniwalaan dahil na rin sa sigurado niyang niloloko lang siya nito.
"Hindi iyan totoo, hindi iyon magagawa ng anak ko!" dikit ngipin na sambit niya na lang sa lalake.
Napapigil na lamang muli ng halakhak si Raymond, inabot din ito ng ilang sandali para makahupa.
"Are you sure about that?" taas kilay na tuya ng lalake.
"Anong ibig mong sabihin?" buong tapang na lang na bara ni Sheryll, kahit walang patid na ang sikip sa kanyang dibdib ng mga oras na iyon dahil sa tila hindi na nawala sa kanyang isipan ang mga sinabi nito.
"Haven't you noticed, he hasn't visited you in quite awhile, I wonder why?" lalo lang lumapad ang ngisi ni Raymond pakakita ng pamumutla ng mukha ni Sheryll.
"Umalis ka na! Hindi kita kailangan!" naiiyak na sigaw na lang niya.
Hindi na matanggap ng kanyang isipan ang paniniwala na pwede iyong mangyari, lalo pa at pursigido si Shean na mapagamot siya.
"Will see about that. By the way, I suggest you confirm things with your daughter, I hear she usually visits you in the evening," malokong sambit ni Raymond.
Napatili na lang si Sheryll nang madama ang pagdampi ng labi nito sa kanyang pisngi. Inis at nandidiri niya na lang na pinunasan iyon bago ihampas sa paligid ang kamay.
Ngumisi naman ng mapait si Raymond habang pinagmamasdan ang walang kwenta nitong paglaban, nakalayo na ang lalake kaya naman para na lang tangang pumapalo sa hangin si Sheryll.
Nagdesisyon na itong umalis nang mapansin na napapatingin na ang ilan sa mga bantay doon at panaka-naka na rin ang silip ng mga nurse.
Nang may dumating na pamilyar na doctor sa tabi ni Sheryll ay dito lang ito kumalma, pinayuhan na lamang siya nito na magpahinga dahil na rin sa dulot ng mga nangyari.
Dala na rin ng pag-aalala, takot at pag-iisip ay hindi rin namna siya nakatulog, kaya naman nanatili siyang nakatulala buong araw.
"Nanay!" masayang bati ni Sharmaine.
Dapit hapon na nang makabisita ito sa kanya, may dala itong ilang piraso ng tinapay para sa kanyang hapunan. Pinakiramdaman niya muna ang paligid pero ng hindi pa rin madinig ang boses ng anak na lalake ay doon na siya nangamba.
"Sharmaine, nasaan ang kapatid mo?" tuwid na mukhang sambit niya.
Tila nanginig na lang si Sharmaine sa narinig, "Nay?" nagkunwaring bingi ito sa sinabi ng ina dahil sa takot.
"Si Shean, nasaan?" ulit ni Sharmaine na mas malalim na ang boses.
"Ano...kasi po, nag...pinagstay-in po siya ng amo niya, marami po kasi siyang trabaho ngayon," utal na sagot na lang ni Sharmaine.
Batid na batid ni Sheryll ang panginginig ng boses ng anak, kaya naman sigurado niyang may mali sa mga sinasabi nito.
"Sharmaine, alam mong ayaw kong nagsisinungaling ka. Nasaan ang kapatid mo!" muli niyang pagdidiin.
Kilala niya ito at alam niyang hirap magsinungaling sa kanya ang anak na dalaga, lalo pa kapag nagagalit na siya.
"Nanay, kasi po...kasi po." Pigil hikbi na ni Sharmaine sa takot.
"Ano bang nangyari?"
hampas na ni Sheryll sa sarili.
Mabilis naman ang pagkataranta ni Sharmaine, kaya agad niyakap ng dalaga ang ina para pakalmahin.
"Bigla na lang po dinampot si Shean ng mga pulis," sa wakas ay bulalas na ng dalaga nang hindi magawang mapigilan ang ina.
Doon na siya natuod at agad nahinto sa pagwawasiwas ng kamay. "Ano! Bakit daw?" nadama na lang ni Sheryll ang matinding sikip sa kanyang dibdib dahil sa kaalaman at katotohanan na iyon.
Napahawak na lang siya sa bandang puso, kasabay ng pananahimik sa pilit na paghabol ng hininga, unti-unti na kasi siyang kinakapos ng hangin, habang naiisip ang kalagayan ng anak na lalake.
"Nanay!" tili na lang ni Sharmaine nang unti-unti ng bumagsak si Sheryll harapan nito.
Hindi na niya nakayanan pang labanan ang matinding panghihina at tuluyan na siyang nilukob noon. 'Shean' kapos hiningang sambit na lag niya bago siya tuluyang sumuko sa matinding hatak ng namimilipit na pakiramdam.