07 - Her Life

2287 Words
07 - Her Life Summer’s Point of View Pauwi na ako ngayon sa bahay dala-dala ang supot na may lamang gamot ng aking ina. Pagod na pagod na ang isip at katawan ko, pero wala akong ibang choice kundi ang magpatuloy. Idagdag mo pa ang inis na nararamdaman ko kay Sir Alexander dahil sa ginawa niyang pagnanakaw ng halik. Alam kong hindi na ito big deal sa iba, pero para sa akin ay napaka-big deal ng ginawa niya. It was my first kiss. Ang dami kong naiisip na paraan kung paano ko ibibigay ang first kiss ko sa lalaking mahal ko, pero ninakaw lang ng walanghiya kong boss. At ang mas nakakainis pa ay hindi man lang siya humingi ng sorry. Pagkarating ko sa bahay ay nadatnan ko si Lenlen, ang nakababatang kapatid ko, na nanonood ng TV sa sala. Agad siyang tumayo at sinalubong ako. “Si Mama?” tanong ko sa kanya. “Natutulog, ate,” tugon niya. “Kakatapos ko lang siyang punasan at bihisan. Pinakain ko na rin siya,” dagdag niya. Bakas sa mukha niya ang pagod pero ngumiti pa rin siya sa akin. “Gano’n ba? Salamat, Len,” sabi ko sabay pakita sa kanya ng dala kong supot. “May dala rin akong ulam. Maghapunan na tayo.” “Sige, ate. Ihahanda ko lang ang mesa,” aniya at kinuha sa akin ang dala kong ulam. Habang naghihintay na matapos siya ay pumasok na muna ako sa kwarto ni Mama para silipin siya. Mahimbing siyang natutulog. At habang pinagmamasdan ko siya ay hindi ko mapigilang malungkot. Naaawa ako sa sitwasyon niya. Isang taon na mula nang ma-stroke siya. Naging paralisado ang kanang katawan niya at hindi na rin siya makapagsalita. Tanging paggalaw na lang ng kaliwang kamay at mata ang nagagawa niya at paglikha ng mga ugong at iba pang mga ingay. Ni hindi ko man lang nagawang iparanas sa kanya ang marangyang buhay na ipinangako ko. May trabaho na nga ako pero hindi na niya maa-appreciate pa ang mga bagay na kaya kong bilhin at gawin para sa kanya. Hindi ko na maririnig sa bibig niya ang salitang ‘salamat’ at ‘proud ako sa ‘yo, anak’. “Ate, handa na ang pagkain. Kumain na tayo,” tawag sa akin ni Lenlen. Marahan kong isinara ang pinto para hindi siya magising at pumunta na ako sa kusina. Nagdasal muna kami bago kumain. “Len, kumusta ang pag-aaral mo?” tanong ko sa kanya. “Hindi mo naman siguro napapabayaan, ‘no?” “Ayos lang, ate. Kasali pa rin ako sa mga with honors,” nakangiti niyang sagot sa akin. “Huwag mo akong alalahanin, ate. Kaya ko naman, eh,” paninigurado niya. “Mabuti. Basta kung pakiramdam mo ay hindi mo na kayang pagsabayin ang pag-aaral mo at pag-aalaga kay mama sa hapon, magsabi ka sa akin at hahanapan ko ng paraan. Ayokong nalalagay sa alanganin ang pag-aaral mo.” “Opo, ate.” Graduating na si Lenlen ng Senior High School. Magka-college na sa susunod na pasukan. Isa siya sa mga dahilan kung bakit nagtitiis ako sa trabaho ko dahil gusto ko siyang ilakad sa foundation para maging scholar din gaya ko. Hindi ko kasi kaya na solohin ang gastusin niya sa pag-aaral lalo na’t may mga gastusin din para sa medications ni mama at bills dito sa bahay. Nagbabayad din ako sa caregiver ni mama na siyang nag-aalaga sa kanya tuwing tuwing weekdays from 7:00 AM to 5:00 PM. Pagkatapos niyan ay si Lenlen na ang mag-aalaga kay mama. “Nga pala, ate, wala na tayong bigas,” aniya. Kumunot ang noo ko. “Ha? Kakabili ko lang last week, ah?” Kita ko ang pag-aalangan sa mukha niya. Mukhang may alam siya na ayaw niyang sabihin sa akin. At hindi na niya kailangan pang magsabi dahil isa lang ang agad na pumasok sa isipan ko. “Kinuha na naman ni kuya, ‘no?” diretsong tanong ko sa kanya bago ako tumayo at tiningnan ang cabinet kung saan namin nilalagay ang groceries namin. At napabuga na lang ako ng hangin nang makitang pati mga de-lata at instant noodles ay wala na rin. Naikuyom ko ang kamay ko. Huminga ako nang malalim para kontrolin ang galit ko pero hindi ko talaga mapigilan. Napainom na lang ako ng tubig para pakalmahin ang sarili ko. “Hindi na nga siya tumutulong sa medications ni mama, nagnanakaw pa,” naibulong ko na lang sa hangin. “Konting-konti na lang talaga at susugurin ko na ‘yang magaling nating kapatid.” “Sorry, ate. Si Ate Marlyn lang kasi ang nandito noong dumating si Kuya kaya hindi siya napigilan.” “Huwag kang mag-sorry, Len. Walang may kasalanan sa inyo ni Ate Marlyn,” sabi ko na lang at muling uminom ng tubig. Napapikit na lang ako dahil sumakit yata ang ulo ko sa labis na inis. Naghalo-halo na—pagod, stress, puyat, inis. Lahat na. Si Kuya Eric ang panganay sa aming tatlo. Pero maaga siyang nagkapamilya kaya hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Ngayon ay may tatlo na silang anak. Wala siyang trabaho at umaasa lang sa asawa. At sa tuwing walang-wala sila ay pumupunta siya sa bahay para humingi ng tulong. Sa totoo lang ay wala namang issue sa akin, lalo na’t kapatid ko siya. Ang hindi ko lang talaga matanggap ay hindi siya tumutulong kahit man lang mag-alaga kay mama. Wala naman siyang ginagawa kundi ang bumarkada, mag-inom, at kung ano-ano pa. Isa pa sa hindi ko nagugustuhan sa kanya ay ang pang-aabusó niya sa tulong na ibinibigay ko. Tingin ko nga’y nasasanay na. Minsan nagde-demand at nagrereklamo pa kapag maliit na halaga lang ang naiaabot ko. Hindi na lang ako nagsasalita dahil ayokong magkagulo kami. Ayaw pa naman ni mama ng gano’n. Pero tao lang din ako at may limitasyon. Kapag ako napuno, aba’y susugurin ko talaga siya at ilalabas ko lahat ng hinanaing ko sa kanya. Matapos naming kumain ay pinapunta ko na si Lenlen sa kwarto niya para mag-review at gawin ang requirements niya. Pagkatapos ay niligpit ko na ang mga pinagkainan namin at naghugas na ako ng plato. At nang matapos ay pumasok na ako sa kwarto ni mama na siyang naging kwarto ko na rin dahil dito na ako natutulog sa tuwing may klase si Lenlen. Nadatnan kong tulog pa rin si mama kaya dumiretso na ako sa banyo para makapag-half bath. At nang natapos ako ay inayos ko na ang hihigaan ko. Magkatabi lang ang kama namin ni mama para marinig ko siya. May mga pagkakataon kasi na nagigising siya dahil napupuno na ang diaper niya. Nang pahiga na sana ako ay biglang nagising si mama. Kita ko ang paggalaw ng mga mata niya papunta sa akin. At para hindi na siya mahirapan pa ay umupo ako para makita niya ang mukha ko. Agad kong kinuha ang kamay niya at dinala sa pisngi ko saka siya nginitian nang matamis. “Kumusta ka, ‘ma?” tanong ko sa kanya at inisip ko na lang na nakakapagsalita siya. “Ako, okay lang naman ako. Medyo stressed ako ngayon sa trabaho, pero kaya lang.” Gumalaw-galaw ang mata niya habang umuugong siya. Para bang nakikipag-usap siya sa akin. “Kayang-kaya ko, ‘ma. Ako pa,” paninigurado ko sa kanya. “Daig ko pa si Darna sa lakas at tibay ko.” Nagpatuloy ako sa pagkukwento sa kanya. Wala akong pakialam kung magmukha akong tanga dahil parang kinakausap ko lang ang sarili ko. Nasanay na akong laging kausap si mama kahit noon pa man. Nasanay na ako na ikwento sa kanya ang araw ko—ang masasaya at malulungkot na nangyari sa buhay ko. Siya ang best friend ko bukod kay Latrisse. Kaya miss na miss ko na siyang makausap. Miss na miss ko na ang boses niya, ang tawa niya, at ang sermon niya. Miss na miss ko na ang mga umagang tinatalakan niya ako dahil nali-late ako ng gising. Miss na miss ko na ang mga pagkakataong naririnig ko ang pagpapasalamat niya sa akin at kung gaano siya ka-proud sa akin. Miss na miss ko na siyang makasama sa pamamalengke, sa pagluluto, paglilinis, at kung ano-ano pa. Miss na miss ko na ang dating mama ko. Alam kong sinabi na ng doktor na wala nang pag-asa pang bumalik siya sa dati, pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Umaasa pa rin ako na balang araw ay babalik siya sa dati. Siguro kung hindi kami iniwan ni papa, hindi siya magkakaganito. Hindi siguro hahantong sa ganito ang kalagayan ni mama. Pero hindi, eh; mas pinili niya ang kabit niya. Mas pinili niya ang bumuo ng panibagong pamilya. Tinalikuran niya kami at iniwan niya kay mama ang responsibilidad na sana’y siya ang pumapasan. Alas-dose na nang tuluyang makatulog si mama. Hinintay ko talagang makatulog siya bago ako matulog dahil hindi ako mapapakali kung mauuna akong matulog dahil natatakot ako na baka may mangyari sa kanya habang tulog ako. Naglagay rin ako ng tali sa kaliwang kamay niya na nakadugtong sa kamay ko, para kung sakaling hindi ako magising sa ingay ay magigising ako kung sakaling hilain niya ang tali. “Good night, ‘ma,” bulong ko at hinalikan ang noo niya. At ilang saglit lang ay nakatulog na ako. ---- “Pasok na po ako, ‘ma,” paalam ko sa kanya at hinalikan siya sa noo. “Ate Mar, ikaw na po ang bahala kay mama, ha?” habilin ko bago ako tuluyang umalis ng bahay. Pagkarating ko sa opisina ay agad ko nang sinimulan ang mga gagawin ko para hindi na ako makapag-overtime pa. Sa totoo lang ay kaya ko naman talaga na hindi mag-OT, it’s just paminsan-minsan ay sinasalo ko ang trabaho ng walang kwenta kong amo. Ilang minuto lang ay dumating na siya. Nakangiti pa niya akong binati pero hindi ko siya pinansin. Naiinis pa rin ako sa kanya. Mas tumindi pa nga, eh. Nagkunwari na lang akong wala siya sa opisina. Pinapansin ko lang siya kapag kailangan na talaga. Pero sa tuwing sinusubukan niyang kausapin ako na hindi na related sa trabaho ay hindi ko na siya kinikibo. At nakaya kong gawin ‘yon buong maghapon. Pagpatak ng 5:00 PM ay nagpaalam na akong uuwi na. Mabuti na lang at hindi na niya ako pinigilan pa. Palabas na sana ako ng building nang tumawag sa akin si Latrisse at gustong makipagkita, at doon ko naalalang hindi ko pa nga pala nasasabi sa kanya ang tungkol sa nangyari noong nakaraan; kaya pumayag na rin ako na magkita kami. Tinawagan ko lang si Lenlen na baka medyo ma-late ako ng uwi. Hinintay ko na lang na dumating si Tris at susunduin niya raw ako. Maya-maya lang ay dumating na siya dala ang kotse niya. Pumasok na ako agad at nakita siyang nakasuot ng business suit. Mukhang kakagaling niya lang sa isang meeting. “So, bakit mo ako gustong makita?” tanong ko sa kanya at nginitian siya. “I have something really important to say,” aniya bago itinabi ang sasakyan sa gilid. Pagkatapos ay agad siyang tumingin sa akin. “Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Summer.” “Ako rin, Tris. May sasabihin ako sa ‘yo,” tugon ko. “Paunahin mo na ako,” hirit ko pa. “Sige, ano ‘yon?” “Palpak ang blind date. Kilala ako ng ka-blind date mo. He’s my boss,” pagtatapat ko sa kanya. “I know,” diretsong sabi niya. “He personally came to see me and threatened me na isusumbong niya sa mga magulang ko ang kalokohan nating dalawa. Pero hindi ako nag-aalala sa sarili ko dahil alam kong makakalusot ako sa mga magulang ko. I am worried about you dahil baka anong gawin nila mama at papa sa ‘yo,” aniya at malungkot na tumingin sa akin. Hindi ako agad nakasagot. Doon ko lang din naisip ang pwedeng gawin sa akin nina Mr. and Mrs. Yapchengco. “But he gave me an offer,” bawi niya sa sinabi niya. “He told me that if you’d go out on dates with him, hindi niya sasabihin,” dagdag niya. “Five dates, Summer. You have to go out with him five times and he won’t tell my parents about it.” Kumunot ang noo ko sa narinig. “At bakit naman ‘yon ang kondisyon niya?” “I don’t know,” naguguluhan din niyang tugon. “But are you willing to do it? Of course, I will stay pay you. Pandagdag na rin ng medications ni Tita Sha.” “I just need to go out with him five times, right?” pagkaklaro ko. Hindi ko alam kung anong nasa isip ng walang kwenta kong boss pero hindi na rin masama ang offer niya. May responsibilidad din naman ako sa kapalpakan ng plano namin. Ayoko ring masira si Tris sa mga magulang niya lalo na’t may paraan naman para maiwasan ‘yon. At isa pa, kilala ko na si Sir Alexander. Kayang-kaya ko na siyang tiisin buong araw. Kung kialangan kong makipagplastikan sa kanya buong araw ay magagawa ko ‘yon nang walang kahirap-hirap. “Okay. Tell him I’d date him,” tugon ko. “But, make sure na gumawa ka ng written agreement para hindi niya tayo maisahan,” mahigpit kong bilin sa kanya. “Got it,” aniya at niyakap ako nang mahigpit. “Thank you, Summer. Thank you.” Niyakap ko siya pabalik. “No worries, Tris,” sagot ko sa kanya. But at the back of my mind, napapaisip ako kung anong mangyayari sa loob ng limang dates namin ni Sir Alexander. Wala naman siguro siyang gagawing hindi maganda gaya ng pagnanakaw ng halik sa akin, ‘no?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD