HALOS DALAWANG oras na ang lumipas hanggang sa nakarating siya sa city. Alas syete pa ng gabi at hanggang sa syudad ay sobrang lakas pa din ng ulan.
Biglang tumunog ang tiyan niya. Hindi siya kumain ng agahan at tanghalian kanina kaya siguradong gutom na gutom na siya ngayon.
Inihinto niya muna ang sasakyan sa harapan ng isang maliit na restaurant. Gusto sana niyang kumain pero nagdadalawang-isip siyang lumabas ng kotse. Ayaw niyang sayangin ang oras pero muling tumunog ang tiyan niya.
Lalabas na sana siya ng kotse pero napatingin siya sa lalaking nakatayo sa kabilang daan. Isa ito sa tauhan ng ama niya at nakatingin sa direksyon niya. Muling bumalik ang kaba at takot na nararamdaman niya.
Mabilis niyang pinaandar ang kotse at pinaharurot ito. Nanginginig ang mga kamay niyang mahigpit na nakahawak sa steering wheel.
“Bakit? Bakit ang dali nila akong nakita?” bulong niya sa sarili.
Napatingin siya sa side mirror at alam niyang humahabol sa kanya ang mga ito.
“Oh God! Please help me!” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Mas lalo siyang kinabahan nang makita ang mahabang traffic. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ihinto ang sasakyan. Lumabas siya nang kotse kahit malakas pa rin ang ulan nang makitang nagsilabasan din ang ibang driver ng mga sasakyan.
“Anyare!? Kanina pa tayo dito ah?!” tanong ng isang driver sa isa pang driver.
“May banggaan raw eh. Anim hanggang walong sasakyan ata ang nadamay,” sagot ng isa.
“Mukhang matatagalan pa talaga tayo rito," sagot ng isa.
Kinakabahan siyang lumingon sa likuran. Kailangan niyang umalis. Kailangan niyang tumakbo. Gusto niyang makatakas at tuluyang mamuhay ng matiwasay.
Iniwan niya ang kotse niya at lakad-takbong tinahak ang daan. Kung saan-saang iskinita siya napadpad. Basang-basa na din ng ulan ang buong katawan niya.
Huminto siya sa isang bakery at bumili ng tubig. Iinumin na sana niya ito pero nakita niya ang mga tauhan ng ama niya. Nabitawan niya ito at muli siyang tumakbo.
Puno ng kaba at takot ang puso niya habang tinatahak ang madilim na iskinita.
“Grecela!”
Mas lalo siyang kinabahan nang marinig niya ang pangalan niya na tinawag ng mga tauhan ng ama niya. Napaigtad siya sa gulat nang muling kumidlat at kumulog ng malakas.
Hindi niya nakita ang batong naapakan niya kaya bumagsak siya sa kalsada. Nakagat niya ang pang-ibabang labi dahil sa sakit na nararamdaman niya.
Pero ininda niya ito at mabilis na tumayo at muling tumakbo. Mabilis siyang lumiko sa kabilang iskinita nang makita niya ang isa sa mga tauhan.
Huminto siya sa pagtakbo nang mapagtanto niyang mukhang napapalibutan na siya ng mga ito. Pinunasan niya ang luhang kanina pa tumutulo sa pisngi niya kasabay ng pagtulo ng ulan.
“Grecela!”
Mabilis niyang tinakpan ang bibig niya at nagtago sa madilim na parte ng mga bahay at pader.
“Mas mabuti pang lumabas ka dyan at sumama sa amin. Mapapatawad ka pa ng ama mo kapag sumama ka sa amin ngayon!”
Ipinikit niya ang mga mata niya at walang ingay na umiyak. Nanginginig na ang buong katawan niya dahil sa magkahalong kaba, takot, at gutom na nararamdaman niya.
“Grecela!”
Idinilat niya ang mga mata niya nang mapansing papalapit na ang boses nito sa pinagtataguan niya.
Ayokong makulong ulit sa kamay ng ama ko!
Walang ingay siyang naglakad sa madilim na parte ng lugar.
“Grecela!”
Nagawa niyang makalayo mula sa boses kaya nakahinga siya ng maluwag. Muli siyang tumakbo ng mabilis pero napahinto siya nang makita niya ang mga tauhan ng ama niya.
“Habulin siya!”
Mabilis siyang tumakbo sa kabilang direksyon. Lumiko siya at muling lumiko sa kabilang daan. Tumakbo siya ng tumakbo. Minsan ay napapaigtad pa siya sa kidlat at kulog.
Muli siyang lumiko pero napahinto siya nang mabangga siya sa isang bagay. Muntik na siyang bumagsak sa kalsada pero may sumalo sa kanya.
Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata niya. Puno ng kaba at takot ang puso niya nang sumalubong sa mga mata niya ang mukha ng isang estrangherong lalaki.
Muling kumidlat at kumulog. Nakita niya ang mga mata nitong matiim na nakatitig sa kanya. Saka lang din niya napansin ang braso nitong mahigpit na nakapalibot sa bewang niya.
Hindi siya tauhan ng ama niya.
Wala siyang dalang baril.
Pero ano ang ginagawa niya sa tahimik na lugar na ito?
Tila mas lalong lumakas ang buhos ng ulan. Muling kumidlat at kumulog. Pero wala siyang ibang naririnig kundi ang paghinga niya habang nakatitig sa mukha ng estrangherong lalaki.
“Bilisan niyo!”
Muli siyang nabalik sa katinuan nang marinig ang boses ng tauhan ng ama niya. Tatakbo na sana ulit siya pero hindi siya pinapakawalan ng lalaking nasa harap niya.
Mangiyak-ngiyak niya itong tinitigan. “Please, let me go,” mahinang bulong niya.
Nagulat siya nang bigla nitong hinawi ang ilang hibla ng buhok na nasa mukha niya.
Umiwas siya ng tingin at yumuko. “Please, help me,” pagsusumamo niya.
Nagulat siya nang bigla nitong hinawakan ng mahigpit ang kamay niya. Hinayaan niya itong hilain siya. Tumakbo sila ng tumakbo at hindi na niya alam kung anong lugar na itong napuntahan nila.
Pumasok sila sa mga gusali at sa tuwing lilingon siya ay may nakikita pa rin siyang mga tauhan ng ama niya na nakasunod sa kanila.
Nagulat siya nang bigla silang pumasok sa isang bar. Unang beses niyang makapasok sa ganitong klaseng lugar kung kaya't napapaigtad siya sa malakas na tunog ng musika.
Muli siyang lumingon sa likuran nila at nakita niya ang dalawang tauhan ng ama niya na nasa pintuan ng bar. Napalingon siya sa estrangherong lalaking kasama niya nang bigla itong umakbay sa kanya.
Tinahak nila ang pasilyo kung saan madaming lalaki at babae ang naghahalikan at gumagawa ng milagro. Gulat na gulat niyang tinignan ang mga ito at hindi siya makapaniwala na may ganitong kaganapan sa ganitong klaseng lugar.
Nagulat siya nang makitang kinuha ng lalaking kasama niya ang mga damit na nasa sahig. Umakyat sila sa hagdan at muling naglakad sa mahabang pasilyo.
Huminto sila sa harap ng pinto ng isang kwarto. Binuksan nito ang pinto at hinila siya papasok. Ikinalat nito sa sahig ang damit na pambabae at panlalaki na nakuha nito sa baba kanina. At nagulat siya nang bigla nitong hinubad ang damit nito.
“W-what a-are—.” Hindi niya natapos ang sasabihin niya nang bigla itong lumapit sa kanya at pinunit ang dress na suot niya. Kasama ng basa nitong damit ay itinago nito ang mga damit nila sa ilalim ng kama.
Mabilis nitong hinawakan ang kamay niya at dinala siya sa kama. Ang tanging nagsisilbing ilaw ng silid ay ang lamp shade na nakabukas na nasa gilid.
Hubo't-hubad silang nakatitig sa mukha ng isa’t-isa. Naiintindihan niya ang ginagawa nito. Kailangang magpanggap silang may ginagawa sa kama para kapag mapadpad ang tauhan ng ama niya ay iisipin ng mga ito na wala siya rito.
Mabilis siyang napalingon sa pinto nang may biglang kumatok. Kinakabahan na tumingin siya sa lalaking nasa harap niya.
Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya at inihiga siya sa kama. Agad naman itong pumatong sa ibabaw niya.
Bigla niyang nakagat ang sariling labi nang maramdaman niya ang mainit nitong katawan na dumampi sa katawan niya.
Sunod-sunod na katok ang narinig niya. Puno ng pag-aalalang tumitig siya sa mga mata nito at biglang tumulo ang luha mula sa mga mata niya.
“Please, help me,” muling bulong niya.
Nagulat siya nang bigla nitong hinalikan ang pisngi niya.
“Close your eyes, baby. I promise you, you're safe with me,” bulong nito sa kanya at biglang hinalikan ang leeg niya.
Dahil sa kaba, takot, pagod, at gutom na nararamdaman niya ay ipinikit niya ang mga mata niya at agad na nakaramdam ng antok. Hinayaan niya ang estrangherong lalaki na halikan ang leeg at pisngi niya.
Nawala na ang kaba at takot sa puso niya habang nararamdaman niya ang mainit nitong labi na dumadampi sa kanya.
“Sleep well, baby. You're safe now.”
********