Masayang-masayang umuwi si Aling Pasing dahil bitbit na niya ang larawang ipinaguhit niya sa pintor. At ito ay ang larawan ng kanyang yumaong asawa. Kulang na lamang ay maglulundag ito sa tuwa. Hindi niya maitago ang sobrang saya. Yakap-yakap niya ang larawang iginuhit sa canvass. Siniguradong mahigpit ang pagkakayakap at pagkakahawak nito upang hindi ito madumihan o mahulog.
Samantala, malayo naman sa kanilang bahay ang trabaho ng kanyang nag-iisang anak kaya, alam niyang bukas pa ito uuwi. Mas marami siyang oras na mailalaang kausapin at mahagkan ang kaniyang yumaong asawa kahit sa latawan lamang. Ngunit, walang kaalam-alam si Aling Pasing na huling gabi na pala siyang makakatulog nang mahimbing at makakahinga sa loob ng kaniyang tahanan.
Pagkapasok sa kaniyang simple at maayos na bahay, na gawa sa yero ang bubong, at kawayan ang poste at mga muwebles, agad niyang tinungo ang kuwarto. Ang silid kung saan maraming alaala ang nabuo ng kasama ang mahal niyang asawa. Dali-dali niyang inilapag sa kama ang larawan at maingat na binuksan ito. Pinagpupunit niya ang nakabalot dito at nang masilayan ang resulta ng ginawang painting, manghang-mangha si Aling Pasing sa nakitang imahe. Ang hugis at tangos ng ilong, ang korte ng mga mata, ang ayos ng buhok, at ang napakalapad at paboritong ngiti ng kaniyang asawa ay perpektong naiguhit sa larawang iyon.
Hinawakan niya ang magkabilang dulo nito at itinaas niya ang larawan. Umikot-ikot pa ang matanda na parang sumasayaw habang niyayakap ang painting. Nagpalinga-linga rin ang kaniyang mata sa bawat sulok ng silid niya upang hanapan ng mapagkakabitan. Nang walang makitang magandang anggulong pagkakabitan ay nagpasya na lamang siyang ihiga iyon sa kama, sa kaniyang tabi. Maliligo muna siya at magpapahinga katabi ang larawan ng kaniyang mahal na si Dominador alyas Domeng.
Nang sumapit na ang alas siyete ng gabi ay pumanhik na si Aling Pasing at humiga sa kaniyang kama. Yakap-yakap na nito ang larawan. Hinalikan niya ang litrato at nagsalita, na tila kinakausap itong may buhay.
"Kung sana ay naririnig mo ako, Domeng. Nais ko lamang ipabatid sa iyo na sabik na sabik akong ikaw ay makita nang personal. Kahit pa sa panaginip ko ay hindi ka mawala-wala. Alam kong darating ang panahong makakasama rin kita pero labis-labis ang aking pangungulila sa iyo simula nang iwan mo ako, mahal ko. Hindi mo alam kung gaano ako nananabik na muli kitang masilayan. Walang araw na hindi ikaw ang laman ng isipan ko, Domeng."
Matapos ang mga katagang iyon ay mabilis na nakaidlip si Aling Pasing. Nakapatong sa kaniyang dibdib ang larawan kung saan ang harapang iginuhit ay nakatapat sa kisame. Yakap-yakap niya ito. Siniguradong hindi ito makukuha ng kahit na sinuman.
Matuling lumipas ang mga oras at pumatak ang ikalabingdose ng hatinggabi. Isang malamig at kakaibang simoy ng hangin ang unti-unting pumasok sa silid kung saan ay mahimbing pa ring natutulog si Aling Pasing, yakap-yakap ang canvass. Ilang sandali pa ay gumalaw-galaw ang mga mata sa larawan. Nakikiramdam at nagmamasid ng paggalaw ng ibang bagay, maliban sa kaniya sa paligid. Pagkatapos ng matatalim na mga titig na iyon ay ang pagsilay ng isang nakamamatay na ngiti ng larawan na si Dominador.
Unti-unti ring lumabas ang mukha nito sa frame. Nauna ang ulo at sinundan ng mga mata nito hanggang sa nagkaroon ng kamay at parang frame lamang ng bintana nang siya ay makalabas doon.
"Napahimbing yata ang tulog ko sa yakap ng matandang ito. Nauuhaw ako kaya lalabas muna ako at iinom ng tubig."
Nagsalita pa ito na parang siya ay buhay na tao. Uhaw na uhaw. Nanunuyo ang mga lalamunan.
Ganoon nga ang kaniyang ginawa. Marahan siyang naglakad na ang tanging suot ay ang kulay puting barong at itim na pantalon na walang sapin pa sa paa at hinanap ang maliit na kusina ng tirahan ni Aling Pasing. Nang marating ang maliit na banggirahan ay nakita niya ang isang malaking banga at sumalok ng tubig na maiinom doon.
"Ang sarap talaga ng lasa ng tubig sa bangang ito. Natural na natural ang tubig at sariwang-sariwa pa."
Napa-wow at napa-ah pa siya sa lasa ng tubig na kaniyang ininom mula sa banga. Napapapikit pa ito habang ninanamnam ang bawat patak ng tubig mula sa salukang kaniyang ipinansalok sa loob ng banga. Nang mapawi ang uhaw ay agad siyang naghanap ng bagay na makita niya sa kusina. Isang bagay na gagamitin niya upang patahimikin na ang matandang babae at isunod ito sa namatay na asawa.
Nahagip ng kaniyang mata ang isang kulay puting bote na may nakasulat na zonrox. Kinuha niya iyon at babalik na sana sa silid ni Aling Pasing nang muli na namang makakita ang kaniyang mga mata ng isang hugis parihabang klase ng kutsilyo na ginagamit ng mga tindero sa palengkeng nagbebenta ng baboy. Dinampot niya rin ito at ngingisi-ngising bumalik sa kuwarto kung saan naroon ang canvass na walang larawang yakap pa rin ng matandang si Aling Pasing.
Pagkapasok na pagkapasok sa kuwarto ay mataman niyang pinagmasdan ang mukha ng natutulog na si Aling Pasing. Kulubot na ang mukha nito. Kulay puti na rin halos ang buhok nito. Ang mga balat nito sa kamay at paa ay kakikitaan na rin ng panghihina dahil sa katandaan. Senyales na ring malapit na itong sumunod sa yumaong asawa.
"Nakakapanghinayang ka, Pasing. Alam mong sa simula pa lamang ay buhay mo na ang magiging kapalit sa pagpapaguhit ng larawan ng iyong namatay na asawa. Ikinalulungkot ko ring sabihin sa iyo na ito na ang huling araw mo sa lupa. Masaya ako ngayon dahil malapit na rin akong mabuhay sa mundong ito at isa ka sa buhay na kukunin ko. Nawa ay pagkatapos nito ay makapiling mo na ang iyong yumaong asawang si Dominador."
Lumapit siya sa natutulog na si Pasing at agad itong sinakal nang napakahigpit. Ramdam ng matanda na nahihirapan siyang huminga kaya agad itong dumilat. Nagising naman ang matanda at tirik na tirik ang matang nagtataka sa taong sumasakal sa kaniya. Pinilit ni Pasing na kumawala. Sadyang mahigpit ang mga kamay nito. Ramdam na rin niya ang mga kuko nitong bumabaon sa kaniyang leeg.
Nagpupumiglas ito pero malakas ang kaniyang asawa. O asawa nga ba niya ang nasa harapan niya? Iyon ang pag-aakala niyang si Dominador ang sumasakal sa kaniya. Ilang sandali pa ay may isang kulay puting boteng iniangat si Domeng. Nakangiti itong tumingin sa kaniya habang siya naman ay maluha-luha na. Hindi niya napansin ang unti-unting pagbuhos ng laman nito sa kaniyang nakaawang na bunganga.
Dahil nga nakabuka ang kaniyang bunganga ay ibinuhos nito ang lahat ng laman ng zonrox at agad na binitiwan sa leeg. Nalunok ni Pasing ang zonrox na iyon at makalipas ang ilang minuto ay nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib hanggang sa magsuka siya nang magsuka. Pilit niyang inaabot ang kamay ni Domeng pero atras naman nang atras ang huli sa kaniya. Nagmamakaawa na tulungan siya nito pero walang nangyari. Nahulog ang matanda sa kaniyang kama at napadapang sumubsob ang mukha sa sahig.
Naging kulay ube na ang balat nito at litaw na litaw na rin ang mga ugat na parang na-i-stroke sa loob ang buong katawan. Napangiti na naman ang nilalang na iyon sa katauhan ni Domeng. Isang masamang gawain na naman ang idadagdag niya sa katawan ni Pasing at iyon ay ang buhatin siya at muling ipatihaya sa kama.
Nang maihiga na sa kama ang katawan ni Pasing ay agad niyang kinuha ang patalim. Parang nagkakatay lamang ito ng baboy. Isa-isa niyang tinadtad, pinagpira-piraso, at putul-putulin ang mga kamay, braso, paa, binti, at maging ang mga daliri ng patay na si Pasing. Hindi pa siya nakuntento ay winakwak pa niya ang tiyan nito at pinugutan ng ulo.
Ang mga pira-pirasong katawan ni Pasing ay pinagtapon-tapon at ikinalat niya ito sa bawat parte ng silid ng matanda. Mistulang katayan ang buong kuwartp dahil sa dami ng dugong tumilamsik at dumikit sa pader at dingding. Nang makuntento na siya ay agad siyang pumikit at bumalik sa loob ng canvass na parang itim na hangin lang sa frame kung saan nakaukit ang larawan ni Dominador.
Kinabukasan...
Maagang umuwi ang binata dahil sabik na siyang makita ang kaniyang inang si Pasing. Bumili pa ito ng pandesal at pansit na paborito nilang dalawa. At dahil nagpuyat siya sa trabaho ay kailangan niyang makabawi sa kaniyang ina. Alam niyang malungkot pa rin ito dahil sa pagpanaw ng kaniyang ama sa sakit sa bato. Hindi buo ang araw niya kapag hindi nasisilayan ang mahal na ina.
Nang makarating sa tarangkahan ay agad siyang pumasok. Tinawag-tinawag pa niya ang nanay niya pero hindi ito sumasagot. Walang sumasagot, ika nga. Walang tinig siyang narinig mula sa loob. Tahimik ang bahay. Kaya agad niyang pinuntahan ang kuwarto nito at laking gulat niya nang makitang punong-puno ito ng dugo. Kalat na kalat din ang mga daliri, kamay, paa at ibang bahagi ng katawang nakita niya. At doon niya napagtantong ang nagkalat na parte ng katawan ng tao ay walang iba kung hindi ang kaniyang inang si Pasing. Nakahiwalay pa ang ulo nito sa sahig sa katawan nitong nasa kama. Maduwal-duwal at iyak nang iyak ang binata sa dinatnang sinapit ng ina.