Ikalimang Kabanata: Isang Pangako Sa Puntod ng Magulang

1551 Words
Halos gumuho ang mundo ng binata nang makita ang karumal-dumal na sinapit ng katawan ng kaniyang ina. Patuloy sa pag-agos ang mga luha sa kaniyang mga mata habang isa-isang pinaghahanap at pinagpupulot ang pira-pirasong katawan nito. Nagkalat ito sa bawat sulok ng silid ng kaniyang magulang. Hindi na inalintana ng binata ang mandiri o masuka dahil buhay ng kaniyang ina ang nawala. Hindi lang niya matanggap na ang kaisa-isa pang taong masasandalan niya ay kinuha na rin. Ang masaklap pa ay walang awa ang gumawa nito sa kaniyanh ina. Sa bawat pagpulot niya ng mga putol na parte ng katawan ng ina ay ang matinding galit at paninisi sa sarili. Galit na galit siya dahil alam niyang may kinalaman ang pintor sa nangyari sa kaniyang ina. Pagsisisi dahil hindi siya nakauwi ng kanilang bahay nang gabing may mangyari sa kaniya. Kung pinilit sana niya ang sarili na umuwi ay may dadatnan pa sana siyang nakangiting iba. Ngunit, ngayon ay wala na. Naisumpa na lamang niya sa kaniyang sarili na kamatayan din ang magiging kabayaran sa buhay na inagaw sa kaniya. Pagsisisihan ng pumatay sa kaniyang ina ang ginawa niya rito. Hinding-hindi niua patatawarin ang may sala. Magbabayad ito sa pagpaslang sa walang kalaban-labang matanda. "Hintayin mo ang araw na matapos ang aking pagluluksa dahil bibilangin ko sa mga daliri ko ang ginawa mong pagpuputol-putol, at pagwasak sa buhay ng aking ina! Isinusumpa ko sa bangkay ng aking ina na tutuklasin ko ang misteryo at papatayin ko ang puno at dulo ng bagay na ito. Isinusumpa ko maging sa libingan ng aking yumaong ama, na magbabayad nang mahal ang pumatay sa aking mahal na ina. ISINUSUMPA KO!" Sigaw nang sigaw ito. Pumalahaw nang pumalahaw sa pag-iiyak habang ipinagpatuloy ang pagpupulot ng mga pirasong katawan ng ina. Ang lahat ng mga nahiwalay sa katawan nito ay siniguro niyang maililibing niya nang maayos. Gamit ang mahabanv kumot ay binalot niya ang katawan ng ina at binuhat ito palabas ng kanilang tahanan upang ilibing ito, katabi ng puntod ng amang nauna nang umalis sa mundo niya. ... SAMANTALA, nagdesisyon ang pintor na puntahan na ang bahay ni Aling Pasing upang kunin ang kaniyang obra. Nakagawian na niya itong kunin kinabukasan upang idagdag sa kaniyang mga koleksyon. Hindi puwedeng hindi niya makuha ito dahil magiging palamuti niya itong isasabit sa kaniyang bahay. Sakay ng kaniyang kotse ay tinungo niya ang kinatitirikang bahay ni Aling Pasing. Nang tumigil ang kaniyang sasakyan sa tarangkahan niyon ay agad siyang bumaba. Marahan itong naglakad at kumatok sa pintuan. Nakailang katok na rin siya pero walang sumasagot. Tanghaling tapat na iyon nang siya ay magawi sa bahay ni Pasing kaya naman ay hindi maiwasang pagpawisan siya. Tirik na tirik na kasi ang araw. Nakailang katok na siya pero wala pa ring nagbubukas sa kaniya ng pinto. Upang hindi masayang ang oras ay sinadya na lamang niyang buksan ito at pumasok nang hindi nagpapaalam. At dahil wala namang naroon o anino ng tao sa loob ay hinanap niya ang silid ni Pasing. Unang tumambad sa kaniya ay ang gitnang kuwarto ng bahay kaya doon siya dumiretso. Pagkapasok niya roon ay agad siyang napatakip sa kaniyang ilong. Muntik pa siyang masuka sa masangsang na amoy ng mga natuyong dugo. Halos magkulay pula na rin ang buong silid. Kulang na lamang ay gawing venue ng exhibit ang kuwarto sa kulay pulang dingding na akala mo ay mga pinturang nakadikit doon. Inilibot pa niya ang paningin sa kabuuan nito at napangiti nang makita ang kaniyang pakay. Lumapit siya roon at kinuha ang canvass. Intact pa rin ito. Walang bahid ng pagkasira, gasgas, o anumang dumi. Kahit tilamsik ng dugo ay wala. Agad siyang lumabas ng silid at tinungo ang kinaroroonan ng nakaparadang sasakyan sa labas ng bahay ni Aling Pasing na walang nakakakita sa kaniya. ... LUMIPAS ang halos isang taon ay sa Maynila na nanirahan ang pintor dala ang kaniyang mga obra. Sa loob din ng isang taong iyon ay naging matagumpay ang kabi-kabila niyang exhibit dahil sa iba't ibang uri ng larawang kaniyang iginuhit. Mas dumami ang naging kliyente niya at lalong naging masagana ang buhay niya. Sa tuwing may exhibit siya, agaw-pansin nang marami sa kaniyang bisita ang mga obra niyang kakaiba. Parang buhay na buhay kasi ito kung titingnan. Kaya kaliwa at kanang papuri din ang kaniyang natatanggap. Ang hindi alam ng mga nakakita ng paintings na iyon na patay na ang mga taong nakaukit sa bawat larawang nakapaskil o naka-display sa mga exhibit nito. Sa loob nga ng halos isang taon na iyon ay marami na siyang naging koleksyon. Naging dahilan iyon ng kaniyang pag-angat at pagkabuhay ng taong matagal niyang pinangarap na makasamang muli— ang kaniyang ina. "Hi, Mom! How's New York?" bati ni Leo sa inang si Leana na sinundo niya sa airport. Hindi maputol-putol ang ngiti nito sa labi. "I am perfectly fine, my son. Thanks to you, I was able to relax in United States. And by the way, congratulations to your exhibit here. It's been a while. I mean it has been a long, long time since the last time I visited our country, the Philippines," masayang sagot ni Leana. Maaliwalas na maaliwalas ang mukha ng ina. Parang hindi ito dumaan sa matinding karamdaman. "I am doing great here, my dear mother. Let's go and I have to sent you home now, so you can rest," hindi na pinahaba pa ni Leo ang usapan at sinabihan nito ang ina na pumasok na sa sasakyan. Hindi kasi niya matantiya na baka bigla na lamang itong atakihin at mawalan nang malay. Isang taon na nga ang lumipas pero parang kailan lang ay malungkot na malungkot siya at matamlay na matamlay ang kaniyang buhay. Ngumingiti lamang si Leo kapag may taong pumupunta sa kanilang bahay upang humingi ng tulong at iyon ay ang makausap ang kanilang mga mahal sa buhay gaya nila Aling Pasing at Mang Crispin. Kapalit ng bawat libreng tulong na hinihingi nila sa kaniya ay ang mismong buhay naman nila nang hindi nila nalalaman. Sinisiguro naman ni Leo na walang nakakaalam ng kaniyang lihim. Ang mga nagpapaguhit sa kaniya ay mga biyudo at biyuda na, o mga anak ng namayapa. Kaya assured na assured siyang wala siyang magiging problema, maliban na lamang sa matandang si Aling Pasing at ang anak nitong matagal na niyang hindi nakikita. Umalis ito sa kanilang nayon nang hindi nagpapaalam. Sila ay dalawa lamang sa mga taong naging malapit sa kanilang mag-ina noon sa kanilang maliit na pamayanan. Walang kaalam-alam ang kaniyang mga biktima na buhay rin pala nila ang magiging kapalit sa bawat pigurang iguguhit niya sa canvass kapag gusto nilang makasama, makapiling o makausap ang kani-kanilang mga yumaong pamilya, mapa-asawa man o anak, o kamag-anak. Kung paano niya iyon nagawa, walang nakakaalam. Nang mabuhay nga ang kaniyang ina ay hindi na maputol-putol ang bawat ngiting sumisilay sa kaniyang mga labi. Ngunit, may mga araw namang nalulungkot din siya dahil nagkakasakit ang kaniyang ina at nagiging matamlay ito na parang nawawalan ng dugo. Kaya kinakailangan niyang muling magpinta nang magpinta ng mga tao upang manumbalik ang sigla at lakas ng kaniyang ina kapalit ng bawat buhay na iginuguhit niya. SA LOOB NAMAN NG ISANG TAON ay payapang namuhay ang isang binata sa nayong kaniyang kinalakihan, pero hindi pa rin niya nakakalimutan ang sinapit ng kaniyang ina. Sa isang taong pananihimik niya ay nagawa niyang pagtagpi-tagpiin ang bawat pangyayaring natuklasan niya sa kanilang munting pamayanan tungkol sa mga katawan o pagkamatay ng mga biktimang naroroon sa kanilang munting nayon na walang nahuhuli pang suspek. Isa nga sa mga napatay roon ay ang kaniyang ina. Hindi man niya naabutan ang pintor na gumuhit sa larawan ng kaniyang amang si Dominador, ngunit alam niya na may kinalaman ito at malakas ang suspetsa niyang ito ang salarin. Nailapag kasi niya noon sa kama ng kaniyang ina ang larawan ng kaniyang patay na ama. Ilang oras lang siyang nawala dahil inilibing muna niya ang bangkay ng pira-pirasong katawan ng kaniyang ina katabi ng libingan ng ama noon. Subalit, nang bumalik siya ay wala na roon ang canvass. Duda niya ay kinuha ito ng pintor. Nang makabalik sa bahay ay nawawala ang larawan. Nang hanapin nga niya ang larawan ay wala na ito sa silid ng kaniyang ina. May bahid man ng pagtataka ay alam niya sa kaniyang puso na isa lang ang may kagagawan at iyon ay ang pintor na gumuhit sa larawan, hindi lamang ng kaniyang ama kung hindi kasama na ang mga taong nawalan ng mahal sa buhay at pinaslang sa kanilang baryo. Kung paano napaslang at sino nga ba ang tunay na salarin, iyon ang nais pa niyang alamin at tuklasin. Sa puntod ng kaniyang magulang ay nagpaalam ito at isinumpa nitong maghihiganti. "Ito na ang tamang panahon ng aking paglisan sa bayang ito, mahal kong ama at ina. Ina, pangako ko po sa inyo na hindi ako titigil hangga't hindi ko natutuklasan at nalalaman ang tunay na salarin na pumaslang sa iyo at sa iba pa nating kababaryo. Ipinangako ko sa aking sarili na ako mismo ang papatay sa taong iyon. Mahal na mahal ko po kayo ama at ina. Sabik na sabik na po ako sa inyo pero alam kong nasa mabuting lugar na po kayo at magkasamang dalawa. Aalis na po ako, ama, ina. Paalam po sa inyo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD