Ikatlong Kabanata: Pangungulila

1040 Words
"Nay, hindi ba sinabi ko sa iyo na huwag kang lalabas ng bahay?" may pag-aalala sa tonong wika ng binata. "Nagpahangin lamang ako, anak," sagot nito. "Pinuntahan mo ba si Tatay?" malumanay pero may bahid pa rin ng pag-aalala ang tanong ng binata. "Masisisi mo ba ako, anak kung hanggang ngayon ay nangungulila pa rin ako sa tatay mo?" naluluha na sagot nito. Agad namang nilapitan ng binata ang matanda at niyakap ito. "Alam ko po, Inay. Alam ko kung gaano mo kamahal si Tatay. Ayaw ko lamang po nn may mangyaring masama sa iyo. Mahal na mahal ko po kayo, Inay," pag-aalo ng binata. "Gusto kong makasama ang ama mo, anak. Gusto ko siyang maka-usap. At alam kong may isang taong makakatulong sa akin," natigilan ang binata. Alam niya ang tinutukoy ng ina. "Inay, hindi po maaari. Masama ang pangitain ko sa sinasabi mong iyan. Ayaw kong mawala kayo, Inay," aniya pero hindi sumagot ang kaniyang ina. "Magpapahinga na ako, anak. Kalimutan mo na lamang ang sinabi ko. Alam kong may trabaho ka pa bukas. Magpahinga ka na rin," iyon lamang ang naisagot ng kaniyang ina. Bago siya talikuran ay hinalikan niya ito sa pisngi. Samantala... Matapos ang dalawang araw ay pinuntahan ng pintor ang bahay ni Mang Crispin. Kahit alam na niya ang nangyari ay kumatok pa rin muna ito bilang pagrespeto na rin sa may-ari ng tahanan. Nakailang katok din siya pero walang sumasagot. Kaya napagpasiyahan niyang pumasok. Pinagmasdan niya ang loob. Nakiramdam kung mayroon tao. Wala. Walang tao. Hindi naman siya magtatagal dahil may kukunin lang ito. Nang makapasok ay nagulat siya sa nakita dahil nasa sala nakahiga at nakatali ang katawan ni Mang Crispin. Napailing na lamang ito. Iginala niya ang paningin sa loob at napansin ang nakatiwangwang at bukas na kuwarto sa itaas. Doon siya pumunta. Nang buksan ito ay nakita niya roon ang nakasabit na larawan ni Laurena. Kinuha niya ito at binalot sa isang papel. Agad siyang lumabas ng silid. Nang makababa ay muli niyang nilingon ang bangkay ni Mang Crispin. "Ipagpaumanhin mo, Mang Crispin. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Alam kong nagkita na kayo ng iyong mahal na si Laurena. Paaalam na po sa iyo." Lumabas na siya ng tahanang iyon at sumakay sa kaniyang sasakyan pabalik sa kaniyang mansiyon. Nang nasa tapat na ng kaniyang bahay ay nagulat siya sa hindi inaasahang bisita - si Aling Pasing. Tumigil ang sasakyan nito at binuksan ang bintana ng kaniyang kotse. "Magandang araw sa iyo, iho," nakangiting bati ni Aling Pasing. "Magandang araw din po, Aling Pasing. Ano po ang sadya natin?" tanong niya rito kahit alam na niya ang pakay ng matanda sa kaniya. "Nais ko sanang humingi ng tulong sa iyo. Alam kong ikaw lamang ang puwede kong lapitan. Maaari ba?" isang ngiti ang iginawad sa kaniya ni Aling Pasing. "Sumakay na po muna kayo sa aking kotse at doon na po sa aking tanggapan natin pag-usapan ang nais niyo," naging masigla ang mukha ng kanina ay nag-aalangan pang si Aling Pasing. Sumakay siya sa back seat at awtomatikong bumukas ang gate ng mansiyon. Hawak nito ang controller kaya alam niyang iyon lamang ang paraan upang makapasok ang sino man sa kaniyang mansiyon. Mula sa gate ay kinse minutos pa gamit ang kotse bago marating ang tarangkahan at tapat ng bahay nito. Bumaba silang pareho at pansamantala munang iniwan ang painting sa likuran ng kaniyang kotse. Hindi naman ito napansin ng matanda. Nang makababa ay ginabayan niya si Aling Pasing papasok sa kaniyang tanggapan. "Gusto niyo po ba ng maiinom?" alok nito kay Aling Pasing. Umiling ang matanda tanda ng hindi nito pagpayag. "Kung ganoon, maupo po kayo at sabihin ninyo sa akin ang inyong pakay," magalang na paanya nito sa matanda. "Nangungulila ako sa aking asawa at gusto ko sanang iguhit mo siya. Alam kong ikaw ang tanyag na pintor dito sa aming baryo, kaya sa iyo ako lumapit," ang buong akala niya ay gustong buhayin o kausapin ni Aling Pasing ang kaniyang namayapang asawa. Mali pala. "May dala po ba kayong larawan niya?" tanong nito. "Inihanda ko na iyan dahil alam kong kailangan mo ito. Kaya heto ang larawan ng aking asawa," kinuha niya iyon at pansamantalang tinitigan. "Magbabayad po ako kahit magkano. Kahit pa ang lupaing mayroon ako ay ibabayad ko. Gusto kong magkaroon ng buhay ang silid ko kahit man lamang sa larawan ng aking asawa na iguguhit mo," pakiusap niya. "Huwag na po kayong mag-alala sa bayad. Para po sa inyo ay ibibigay ko na po ito ng libre. Maiwan ko po muna kayo rito at iguguhit ko na po sa taas ang iyong mahal na asawa, Aling Pasing. Hintayin niyo na lamang po ako. Saglit lamang po ito." Tumango si Aling Pasing at pansamantala siyang iniwan ng lalaki. Umakyat ito sa kaniyang studio. At bago simulan ang pagpipinta ay may kina-usap na naman siya. Ilang sandali pa, nagsimula siyang gumuhit. Tumagal lamang ng trenta y minutos ang paglikha niya ng obra. Inayos niya muna ito at ibinalot sa kulay dilaw na manila paper. Nang makababa ay masayang nakangiti si Aling Pasing sa kaniya at iniabot ang pakay nito. "Sana magustuhan po ninyo ang aking iginuhit. Dahil wala naman pong kabayaran iyan, nais ko po sanang iwan na lamang po ninyo ang larawang ito ng inyong asawa sa akin. Maaari po ba?" hindi na sumagot si Aling Pasing. Tumango na lamang ito. "Puwede ko na po kayo ihatid sa labas. Sa bahay na lamang po ninyo buksan ang iginuhit ko." Walang pagsidlan pa rin ang kasiyahan ni Aling Pasing. Sa wakas ay may makakasama na rin siya sa kaniyang silid. Kahit sa larawan man lamang ay makita niya ang mukha ng kaniyang pinakamamahal na asawa. Ayaw niyang ipaalam ito sa kaniyang anak dahil magagalit ito kapag nalaman niyang pinuntahan niya ang pintor. "Paalam na po, Aling Pasing." Hindi na ito narinig ng matanda. Nagtuloy-tuloy lang ito sa paglalakad. Nang makalabas sa gate ng mansiyon ay masaya itong naglakad pauwi ng kaniyang bahay. Hindi na niya nilingon ang gate na unti-unti ay sumasara sa kaniyang likuran. Someone's POV "Huwag po sana kayong magdamdam kung ang obrang hawak ninyo ang siyang kikitil sa inyong buhay upang makasama na po ninyo ang iyong mahal na asawa, Aling Pasing. Paalam."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD