SA CONDO PA RIN NI MIKO TALAVERA
Dahil sa kasipagan niyang iyon ay nakapag-ipon siya at nakabili ng sarili niyang bahay. Nakapagpundar ng mga bagay na gusto niya para sa ina. Ang bahay ang pinakapundasyon ng kaniyang sakripisyo. At regalo niya ito sa kaniyang inang hindi niya kailnman kinalimutan. Hindi lamang ito isang simpleng bahay dahil ito ay may tatlong palapag at may isang malaking garahe at fountain pa ito sa labas. Sa ikalawang palapag ay naroon ang kaniyang studio at mga painting. Doon siya nagpipinta at malimit nagkukulong upang matapos ang mga orders na mula sa mga masisipag niyang kliyente ng gustong-gusto ang kaniyang obra.
Nakahinga rin nang maluwag ang ina niya sa paggabay at pagtulong sa kaniya. Tinupad nito ang pangakong ibalik ang bawat sakripisyo ng ina sa kaniya. Tumigil na rin ito sa wakas sa paglalabada. Kaya hindi rin maubos-ubos ang biyayang ipinagkaloob niya sa ina. Paroo't parito din sila sa loob at labas ng bansa upang magbakasyon. Paraan na rin niya ito upang pasalamatan ang ina sa lahat ng ginawa niya. Nang minsang idaos niya ang kaarawan ng ina ay napaiyak ito sa kaniyang mensaheng kahit sinong ina na makaririnig ay luluha sa kaniyang mga salita. Mga katagang tagos sa puso ang pagbigkas na isang napakalaki at hindi malilimutang mensahe niya para sa nag-iisa niyang ina.
Mahal kong nanay, Mama ko,
Walang salita ang hihigit pa
Sa pagmamahal na ibinahagi mo sa akin
Kahit noong ako ay musmos pa.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ko
Dahil lagi kang nariyan, magkasama tayo.
Hindi ka bumitaw, hindi ka sumuko.
Sa iyo ko natutunan ang ngumiti,
Sa iyo ko natutunan ang magbanat ng buto,
Sa iyo ko rin natutunan ang magmahal kahit walang-wala tayo.
Dahil sa iyo, nagkaroon ako ng pangarap na ibalik sa iyo ang mga sakripisyo mo.
Dahil sa iyo, niregalo ko ang malaking bahay na ito.
Sa kaarawan mong ito, hinihiling ko
Na sana bigyan ka pa ng Panginoon ng mahabang buhay,
Mahabang buhay na kasama mo ako, laging masaya at malayo sa disgrasya at peligro.
Dahil ikaw, o nanay ko, higit kailanman ay walang papantay sa pagmamahal at sakripisyong ibinahagi mo.
Mama, dahil sa iyo natupad ang mga pangarap ko, at ikaw ang inspirasyon ko.
Pangako kong magsasama tayo habambuhay.
Ikaw at ako sa bawat darating pang unos at mga sakripisyo.
Ikaw at ako sa mga masasayang araw na atn pang bubuuin.
Ikaw at ako ay ngingiti at pipikit nang walang ibang iisipin kung hindi tayong dalawa lamang.
Nanay, Mama ko, mahal na mahal kita,
Pangako kong gagawi ko rin ang lahat para sa iyo.
Nagmamahal,
Ang iyong sikat na pintor na anak.
Agad niyang niyakap ang inang luhaan. Mahigpit na mahigpit na tila wala nang bukas at walang gustong bumitaw. Labis-labis na pasasalamat, buong pusong pagtanggap sa bawat sakripisyong naibahagi ng ina sa kaniya. Na kahit dalawa lang sila ay hindi masukat ang kaligayan pareho ng isa't isa.
Subalit, sa bawat tagumpay at kasiyahan ay mayroon din itong kalungkutan at kababagsakan. Dahil isang aksidente ang hindi nila inasahang darating sa kanila. Katatapos lamang nilang maligo sa karagatan, sa isang beach resort sa Antique noon. Masayang nagkakantahan ang dalawa sa loob ng kotse kung saan ang siya ang nagmamaneho at ang ina nito ay nakaupo sa front seat.
Aliw na aliw sila pareho sa pagkanta ng paboritong kanta ng kaniyang ina na My Way nang hindi sinasadyang mabangga sila ng isang malaking trak na may karga-kargang sugar canes. Mabilis na inilihis nito ang manibela pero nakaligtaan pala nila parehong magsuot ng seat belt at dumiretso sa bangin ang kotseng minamaneho niya.
Nagpagulong-gulong ang sasakyan at pareho silang nawalan pa ng malay. Nagising na lang siya dalawang linggo ang nakalipas at doon ay kaniyang nalaman na ang kaniyang ina ay dalawang linggo na ring nakaratay sa higaan nito sa ospital. Kahit hindi pa magaling ay tinangka nito na tanggalin ang mga nakatusok sa kaniyang mga aparatu upang puntahan at makita ang kalagayan ng ina.
Hindi siya pinayagan ng mga nars at doktor, kaya nagsisigaw na lamang ito at nagwawala.
"Gawin niyo ang lahat mabuhay lang ang ina ko. Gusto ko siyang makita. Bitiwan niyo ako! Dalhin niyo ako sa aking ina!"
"Hindi po maaari ang gusto niyo, sir. Wala pa po kayong lakas. Sinasabi lamang po namin sa iyo na wala pa pong malay ang iyong ina. Huminahon po kayo. Kailangan niyo rin pong magpagaling."
"Hindi! Gusto kong makita ang nanay ko! Kung hindi niyo ako papayagan, nakiki-usap akong gawin niyo ang lahat magising lang siya. Kahit magkano babayaran ko, magising lang ang nanay ko."
Hindi na rin napigilan ng mga nanonood ang mapaluha. Tumango na lamang ang doktor at sinenyasan ang nars na turukan na ito ng pampatulog. Nang makatulog na ito ay siya namang paglitaw ng isang misteryosong nilalang sa kaniyang panaginip.
"Sino ka? Nasaan ako? Patay na ba ako?"
"Gusto mong mabuhay ang iyong mahal na ina, hindi ba?"
"Opo. Gustong-gustong ko. Kung sino ka man at kung may alam kang paraan ay tulungan mo ako. Iligtas mo ang aking ina. Siya lang ang mayroon ako."
"Matutulungan kita pero sa isang kondisyon. Kailangan mong magpinta ng patay. Ang sino mang interesadong makita, o maiguhit kahit sandali man lamang ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay iguguhit mo. Dalawampung-buhay ang kailangan ko. Sa bawat patay na iginuguhit mo ay may buhay akong kukunin. Sa bawat kaluluwa ng mga buhay na aking mapapaslang, ang kapalit ay ang kaligtasan, at kalusugan ng iyong pinakamamahal na ina. Tatanggapin mo ba?
Hindi na nagdalawang-isip ito at umoo sa nilalang na iyon sa kaniyang panaginip.
"Oo. Tinatanggap ko, kapalit ng kaligtasan at buhay ng aking ina. Gagawin ko ang lahat makasama ko pa siya nang matagal."
"Magaling ang iyong pagpapasiya. Bukas na bukas din ay magbubukas ang panibagong yugto ng iyong buhay para sa iyong ina."
Tinanggap niya ang alok na iyon kapalit ng buhay ng ina. Kung nagawa ng ina na magsakripisyo para sa kaniya noon ay nagawa rin niya. Kung walang hindi kayang gawin ang ina sa anak, magagawa din niya.
"Miko, anak. Bakit hindi ka pa nagpapahinga?" boses ng ina ang narinig niya agad at napangiti siya.
"Ma, salamat at nagising na kayo." Agad siyang tumayo at niyakap nang mahigpit ang ina.