Sa Condo ni Miko Talavera
Mahigpit pa rin ang pagkakayakap ni Miko sa kaniyang inang si Agna. Dahil hindi naman basta-basta makakawala ang ina sa anak, iniusog na lamang ni Agna ang anak at dinala sa mahabang sofa. Doon ay umupo silang dalawa. Umayos naman si Miko sa pagkakaupo at humiga sa mga hita nito.
"Mahal na mahal kita Ma, Nanay," aniya ni Miko. Dalawang tawagan na ang ginawa niya para sa kaniyang ina. Nakangiti lang ang ina.
"Magpahinga ka na lang muna, anak. Dito lang muna ako sa tabi mo," sagot naman ni Agna habang nilalambing ang anak sa pamamagitan ng paghimas nito sa buhok nito sa ulo.
Tumango lang si Miko. Ipinikit ang mga mata at sinimulang isiping makatulog. Ilang araw na ba ang nagdaan? Ilang puso na ba ang nawala? Ilang tao na ba ang inakit niya makuha lamang ang mga pusong kinakailangan niyang maibigay sa nilalang na iyon? Hindi na niya mabilang.
Iwinakli na lamang ni Miko ang isiping iyon sa kaniyang isipan. Matagal-tagal pa rin naman bago dumating ang araw na mag-collapse na naman o makatulog nang matagal ang ina. Kaya, hindi na muna niya iisipin pa ang mga iyon. Pahinga muna ang iisipin niya at wala nang iba.
Si Agna naman ay nagpatuloy sa paghimas sa ulo ng kaniyang anak. Napapangiti lang ang anak. Pansin niya iyon. Napangiti na rin siya. Kailan ba ang huling naglambing ang anak sa kaniya? Ang alam lang niya ay todo-kayod siya noon para maitawid ang mga pangangailangan niya. Naalala din niyang gusto na sana ng anak niyang sumuko dahil nakita niya ang mga sakripisyong ginawa niya para sa kaniya.
Mabuti na lamang at hindi siya pumayag. Dahil sa mga pagsisikap niyang iyon ay nagtagumpay ang anak. Nagbunga ang mga pinaghirapan niya para sa kaniya. Walang pagsidlan ang kaligayahan niya nang makapagtapos ito ng pag-aaral at nakapagtrabaho. Ang hilig niya sa pagpipinta ay nadala niya hanggang sa kaniyang kursong kinuha at naging daan din upang unti-unting matupad nito ang mga pangarap niya para rin sa kaniya.
"Salamat, anak," naibulong na lamang ni Agna ang mga salitang iyon sa kaniyang isipan. Kahit ang totoo ay sadyang gusto niyang bigkasin ang mga salitang iyon sa kaniyang anak na si Miko.
Sikat na ang anak. Alam na alam din naman niya ang nangyayari sa kaniya. Ang mga obra nitong nasa loob pa ng kaniyang silid nakalagay ay ebidensya ng kaniyang pagpapakapagod. Walang araw na hindi yata ito nagtatrabaho. At nag-aalala din siya para sa anak. Pero ang hindi lang maipaliwanag ni Agna ay kung bakit tila nakakatulog siya nang matagal at wala man lamang naikukuwento ang anak tungkol sa kaniya kapag nagigising ito. Isang napakalapad na ngiti lamang ang ibinibigay nito sa kaniya. Bagay na kaniyang ipinagtataka.
Magkagayunpaman ay inaalis na lamang niya ito sa kaniyang isipan. Ang mahalaga sa kaniya ay magkasama pa rin silang dalawa. Kay tagal na panahon na rin buhat nang mawala sa kanilang dalawa ang kaniyang pinakamamahal na asawa. Ang alaalang iyon ay tila hindi na niya mahanap sa kaniyang memorya. Nakalimutan na rin niya ang pangalan nito. Napapailing na lamang siya kapag wala siyang maalala tungkol sa ama ni Miko.
Masaya na rin siyang kahit papaano ay hindi naman nagtatanong sa kaniya si Miko. Mukhang wala rin kasi itong balak na tanungin siya tungkol sa kaniyang ama. Wala rin naman kasi siyang maisasagot. Kahit pilitin lang niya sa isipang maalala ang tungkol sa asawa niya ay hindi niya talaga maalala. Para sa kaniya, sapat nang kasama niya ang anak. Silang dalawa na lamang ang natira. Kaya, gagawin din niya ang lahat na maproteksyunan si Miko.
"Mag-iingat ka na lamang palagi, anak. Iyan lang ang tanging hiling ko para sa iyo. Walang tutulong sa iyo ngayon kung hindi ako. Tayong dalawa pa rin."
Muli na namang naibulong ni Agna ang mga iyon. Hindi na rin napigilan ng kaniyang emosyon na lumuha. Pinahiran na lamang niya ito bago pa mahulog sa mukha ng anak na nakapikit sa harapan niya. Sadyang mahal na mahal niya ito. Wala siyang ibang hiling kung hindi ang makasama pa ito nang matagal. Kahit pa tumatanda na rin siya at minsan nakakaramdam ng panghihina ay gusto pa rin niyang mabuhay nang matagal kasama siya.
Kahit na ako ay matanda na,
Gusto kong ikaw pa rin ang kasama.
Walang araw at gabing hindi ka naiisip.
Ang iyong presensya ang dahilan ng aking mga pagpupuyat sa gabi.
Nagsimulang kumanta si Agna. Na lalong nagbigay ng magandang tulog sa isipan ni Mika. Nakita niyang napangiti ito kahit nakapikit. Kaya ipinagpatuloy niya ang pagkanta.
Sa lahat ng oras na kasama ka,
Aking hiling na huwag kang mawala.
Pagkat sa iyo ako humuhugot ng lakas.
Ikaw ang simula at ako namana ang magiging wakas.
Sa iyo ako kumukuha ng lakas,
Na sa araw-araw na nakikita kita,
Puso ko ay natutuwa, maligayang ikaw palagi ang kasama.
Tanging sa iyo umikot ang aking mundo,
Mahal na mahal kita, anak.
Ikaw ang buhay ko.
Ikaw ang ligaya ko.
Ikaw ang lakas ko.
Ikaw ang biyayang natanggap ko.
Huwag kang mawawawala.
Pagkat hindi ko kakayaning hindi ka nakikita.
Mahal na mahal, na mahal na mahal.
Mahal na mahal kita, anak.
Tinapos rin niya ang kantang ginawa lang niya sa isipan. Hindi nga niya matandaan kung may talento ba siya sa pagkanta o wala. Kung mayroon man, kailan siya huling kumanta? O kung anong kanta ba ang kinakanta niya para sa anak noong bata pa ito. Wala talaga siyang maalala.
Muli niyang pinagmasda ang natutulog nang anak na si Miko. Mahimbing na ang tulog nito dahil naririnig na niya ang mga mahihinang hilik niya. Gusto niyang matawa dahil nakabuka na ang bunganga nito. Pinigilan na lamang niya. Dahan-dahan siyang umalis sa kinauupuan habang marahang hinahawakan ang ulo ng anak at inayos ito sa sofa. Nang maiayos ang pagkakahiga ng anak ay nag-inat-inata muna si Agna bago iginala ang mga mata sa loob ng condo ng anak.
"Mukhang kailangan kong maglinis ng buong condo ng anak ko. Kailan ba ang huling linis ko rito? Bakit wala akong maalala?"
Napapalatak na lamang si Agna sa isipan at napapailing kapag pinipilit na maalala ang lahat. Ngunit bigo siya. Iniwan na lang muna ang anak na nakahiga sa sofa at tinungo ang kusina upang simulan ang kaniyang paglilinis.
ANG HINDI ALAM NI AGNA, kanina pa pala nakatingin at nagmamasid ang nilalang sa living area ng condo ni Miko kay Agna. Hindi man niya alam ang tumatakbo sa isipan niya pero nalalaman niyang may kinalaman ito kay Miko at sa nawawala niyang alaala.
Hindi rin nakaligtas sa nilalang na iyon ang napakagandang tinig ni Agna. Ang mga salitang binigkas nito ay patungkol sa kaniyang anak at sa kanilang dalawa. Mahal na mahal nga niya ang anak niyang si Miko. Sadyang tagos para sa normal na tao ang mga binigkas nitong mga salita at liriko sa kantang kinanta ni Agna. Ang pag-awit na iyon ni Agna ay nagdulot din ng kakaiba sa kaniya.
"Ano itong nararamdaman ko? Hindi ako puwede makaramdam ng ganito. Hindi ito maaari!"
Inis na inis siya dahil tila nagkakaroon na siya ng emosyon. Hindi siya puwedeng magkaroon niyon dahil baka hindi matuloy ang plano niyang pagkain ng mga puso. Matagal niyang pinlano iyon at hindi puwedeng masira lamang ng emosyong nararamdaman niya ang gusto niyang matupad para sa sarili.
"Kailangan ko munang umalis sa condo ni Miko. Kailangan kong maghanap ng mabibiktima upang mawala ang nararamdaman kong ito. Hindi ako puwedeng manatili rito. Baka lalo lang lumala ang sitwasyon ko. Kailangan ko ng puso. Puso. Puso."
Dahan-dahang lumabas sa kaniyang pinagtataguan ang nilalang na iyon. Ang itim na usok na nagmumula sa pader ng living area ay dumiretso sa balkonahe ng condo ni Miko at lumabas. Pansamantala pa itong tumigil sa alapaap upang makinig ng mga boses ng mga puso ng desperadong mga tao. Iyon ang hahanapin niya upang ibuhos ang lahat ng atensyon sa pagkain nito.
"Talo ako sa pustahan."
Hindi iyon ang hanap niya. Muli siyang nakinig.
"Nakakainis ang asawa ko. Ramdam kong may ibang babae ito pero hindi ko mahuli-huli. Ang mas malala pa ay sinasaktan niya agad ako kapag tinatanong ko siya o kino-corner ko siya. Nakakainis!"
Masyadong pakialamera ang puso. Ayaw niya sa ganoon. Ang gusto niya ay ang pusong naghahanap ng kalinga at desperadong makuha ang atensyon ng ibang tao. Kulang ang nararamdaman niya sa isang babaeng hinahanapan ng butas ang pangagaliwa ng asawa. Nakinig siyang muli. Ilang beses. Paulit-ulit. Naiirita na siya. Wala yata siyang mahanap sa ganoong lokasyon. Lumipad siya sa kalapit na lugar, malapit sa condo ni Miko at nakinig.
"Lagi na lamang ganito. Ayaw ko na sa mundo. Kaunting pagmamahal lang naman ang hinihiling ko. Bakit kailangang ako ang magdusa sa mga kasalanan nilang hindi makatao? Bakit kailangan kong pagbayaran ang mga iyon? Gusto ko na lang mawala. Gusto ko na lamang mamatay. Ayoko nang mabuhay!"
Iyon ang nais niya. Desperado itong mamatay. May pagkakataon na siyang makain ang puso nitong naghahanap ng atensyon at pagmamahal. Mabilis niyang hinanap ang pinanggagalingan ng tinig. At nang mahanap ito ay hindi na siya nagdalawang-isip na pumasok sa katawan nito dahil may binabalak siyang gagawin bago kunin at kainin ang kaniyang puso.