SA CONDO NI MIKO
Habang naghihintay na magising ang ina ay naalala ni Miko ang nakaraan niyang pakikipag-usap sa nilalang na iyon. Hindi niya inakalang magagawa niyang makikipagkontrata sa isang demonyo kapalit ng buhay ng pinakamamahal niyang ina. Ayaw niyang mawalay sa ina. Siya na lamang ang bukod-tanging tao at pamilyang mayroon siya. Kaya, hindi niya hahayaang mawala ito sa kaniyang paningin. Gagawin niya ang lahat makasama pa niya ito nang matagal.
Walang pagsidlan ang kaligayan ni Miko noong mga panahong iyon. Walang oras na hindi siya ngumingiti sa tuwing nakikita ang presensya ng kaniyang ina. Kapag kasama niya ang taong mahal niya, iba ang pakiramdam niya. Naging mas malakas siya. Matatag. Walang sinusukuang kahit na anumang problema. Tanging dalawa na lamang kasi sila ang nagtutulungan noon upang maiahon sa kahirapan ang kanilang buhay. Sa kanilang dalawa sila humuhugot ng mga lakas at tatag. Kahit salat na salat ay nagagawa pa rin nilang ngumiti noon.
Kahit salat sa buhay ay hindi iyon naging hadlang sa kaniya upang tapusin ang kaniyang pag-aara. Ang makapagtapos ng kolehiyo sa kursong Fine Arts in Painting ang regalong maibibigay niya sa ina kapalit ng mga paghihirap at pagsasakripisyo nito sa kaniya. Walang hindi kayang gawin si Miko para sa ina. Iginapang siya ng kaniyang ina lalo na ang kaniyang pag-aaral sa kurong Fine Arts. Natural lamang na magsipag siya at pagsipagan ang bawat pawis at pagod ng ina. Kahit pa nga sa paglalabada ay pinatos ng kaniyang inang si Agna,upang may pambayad ito sa matrikula niyang napakahamal at sa isang pribadong unibersidad sa U.P. Diliman lang naman siya nag-aral. Iyon ang paboritong paaralang gusto niyang pasukan maging dahil naroon ang kursong nais niyang matututunan. Naalala pa niya ang kanilang pag-uusap noon. Nang minsang makita niyang nahihirapan ang ina ay bigla niyang sinabi rito na titigil na lamang at magtatrabaho upang tulungan ang ina.
"Ma, hindi ko na tatapusin ang Fine Arts," minsang nasabi nito noon nang makauwi mula sa unibersidad at nakita ang inang hindi pa rin nakakatapos sa ginagawa nitong paglalabada.
"Maghunus-dili ka, anak. Anong sinasabi mong tumigil? Huwag. Hindi ako papayag." Napapailing ang ina at sadyang ayaw nitong pumayag sa desisyon niya. Nilapitan siya nito at kinausap nang masinsinan.
"Miko Talavera. Iyan ang ipinangalan ko sa iyo dahil labis kitang minahal at inalagaan. Ayaw kong sayangin mo ang talento mo. Alam kong matagal mong hinintay ang pagkakataong makuha ang gustong-gusto mong kurso at paaralang nais mong pasukan. Kaya hindi ako nagdalawang-isip na igapang ka, anak." Nakangiti ito noon sa kaniya at hinding-hindi niya malilimutan kong paano siya nito hinimok na huwag itigil ang kursong pawis at pagod ng ina ang ginamit makuha lamang ang gusto niya.
"Pero Ma, hindi ko po kasi kayang nakikita kayong ganiyan. Na nahihirapan. Kayo lang ang mayroon ako. Tayong dalawa na lang magkasama. Ayaw kong may mangyari sa iyong masama o magkasakit ka," aniya noon pero isang ngiti lang ang iginanti sa kaniya ng ina.
"Tama ka, Anak. Dalawa na lang tayo. Ikaw ang susi upang makawala ako sa pagsasakripisyong ito. Kaya, huwag na huwag kang susuko. Kapag nakapagtapos ka na, at makapagtrabaho ay titigil na rin ako sa ganitong paglalabada. Pero sa ngayon, pag-aaral mo muna ang aasikasuhin ko ang hanggang sa makapagtapos ka."
Hinding-hindi niya makakalimutan ang mga salitang iyon. May punto naman ang ina. Kaya ganoon na lamang ang pagpupursigeng ginawa niya para lang tapusin ang kursong halos isakripisyo na ng ina ang buhay ito sa pag-aaral niya.
Ang kaniyang ina ang naging ama at ina niya sa pag-aaral niya. Si Agna ang naging ilaw at ama ng tahanan habang lumalaki siya at nagkakaisip. Siya ang naging takbuhan niya sa mga madidilim niyang daanan. Lahat ng pangangailangan niya, kahit mahal ito o kahit hindi alam kung saan kukunin ang pambili at pambayad ay naitawid siya ng taong pinakamamahal niya sa kaniyang pag-aaral. Kaya ang ipinalit niya ay ang pagiging masigasig at masipag sa pag-aaral. Hindi siya tumigil. Pinanindigan niyang kaya niya ring suklian ang hirap at pagsasakripisyong ginagawa ng ina para sa kaniya. Ganoon niya kamahal ito. Sa isip niya, walang hindi kayang gawin ang ina para sa kaniya.
"Kung kaya ni Mama, makakaya ko ring makapagtapos. Tulungan lang kaming dalawa."
Ikinintal niya iyon sa kaniyang isipan at ibinuhos ang talino sa pag-aaral. Ilang araw at buwan din ang ginugol niya sa paggawa ng mga proyekto niya. Ginawa niya ring paraan ang pagpipinta upang kahit paano ay may pambili siya sa kumakalam niyang sikmura. Natural na kasi sa kaniya ang pagguhit, kaya marami-rami din siyang naibebenta o nagpapaguhit sa kaniya. Bata pa lamang siya ay nakitaan na siya ng talento sa pagguguhit. Kahit paano ay nakakatulong din siya sa inang nagsasakripisyo habang nasa paaralan ito at nagsusumikap. Ang mga naiguguhit niya ang siyang nagiging pambili ng materyales niya at pagkain minsan sa unibersidad. Hindi na masamang sa maliit na paraan ay nababawasan niya ang bigat at pasanin na nararanasan ng ina.
Ang sipag at tiyaga niya ang naging simula ng kaniyang sunod-sunod na tagumpay sa unibersidad. Kinilala ang kaniyang talento at nabigyan pa ng pagkakataong maisama ang mga guhit niya sa mga patimpalak sa loob at labas ng unibersidad. Ang pagsusunog ng kilay niya ay nagbunga din dahil nakapagtapos siya. Halos anim na taon din ang kursong tinapos niya. Ang pagtatapos na iyon ang nagbigay ng pagkakataon sa kaniya upang pasalamatan ang inang kayod-kalabaw ang ginawa mairaos lang ang pag-aaral niya noon. Nagbunga ang lahat ng pagkakawang-gawa ng ina at ang pagiging masinop at masipag din niya. Mangiyak-ngiyak pa siyang ibinigay at iniabot ang diploma sa ina nang umakyat ito noon sa entablado, sa araw ng kaniyang pagtatapos kasama siya.
Lumipas pa ang halos limang taon ay nakawala na sila ng kaniyang ina sa mukha ng kahirapan. Nakuha na niya ang diploma at naging matagumpay na pintor naman siya sa larangan ng pagpipinta. Kaliwa at kanang binibili ang kaniyang mga obra at iniimbitahan din siyang magpinta sa loob at labas ng Pilipinas. Bagay na hindi na kayang bitawan ni Miko Talavera dahil iyon na pala ang simula ng pagkukunan niya ng salapi para sa kanilang dalawa.
Ganoon niya kamahal ang inang ginawang araw ang gabi at ang araw ay umaga para sa kaniya. Sinong anak ang hindi tutuparin ang ipinangakong kaginhawaan sa inang walang araw na hindi naiisip ang mga kailangan niya sa kaniyang pag-aaral? Natural lamang na suklian niya ang bawat hinagpis, lungkot, sakit, at mga pekeng ngiti nito noon sa kaniya. Na kahit sa likod ng mga ngiting iyon ng ina ay nalaman niyang matatag pa rin ito para sa kaniya.