"Hoy, Nilo! Napanood mo ba ang balita noong isang araw?" tawag at tanong ni Sam kay Danilo.
Kasalukuyang nasa harapan ng mesa ang isa habang si Danilo naman ay inihahanda pa lamang ang mga plato at kubyertos upang makakain na sila.
"Napanood ko kahapon sa tindahan diyan sa labasan. Grabe nga e. Parang inaswang," sagot niya nang makaupo na rin siya sa harapan ng mesa at isa-isa ring isinasalin ang lutong ulam na nabili ni Sam sa labas.
"Hindi ka ba nagsasawa sa isda, Sam?" pansin nitong napapadalas na yata ang pagbibili niya ng isda. Mapa-prito o sinabawan ito ay iyon ang binibili niya.
"Hindi naman. Masustansiya nga ang isda kaysa sa ibang mga pagkaing mamantika e," tipid at nakangiting sagot lamang ni Sam.
"Huwag mong sabihin na pati talong ay paborito mo rin?" biglang natigilan naman ang kaharap ni Danilo nang tanungin ito tungkol sa piniritong talong sa katanghaliang tapat.
"E, sa iyan lang ang mura e. Alam mo namang kapos pa tayo sa budget. Pero baka magustuhan mo ang talong na i-oofer ko?" Kumindat-kindat pa ito sa harapan ni Danilo habang ang huli ay napailing na lamang.
"Nasa harap tayo ng pagkain, Sam. Huwag ka nang maging bastos. Alam ko ang tinutukoy mo. Hindi tayo talô."
Sabay na nagtawanan na lamang ang dalawa sa bawat biro ng isa't isa. Nagsimula na silang magsandok ng kanin at kumain ng kanilang pananghalian. Takam na takam namang kumakain si Danilo habang pinagmamasdan ni Sam ang bawat subo, nguya, at lunok nito.
"Kung makatanong ka kanina e, parang ako lang ang hindi mahilig sa isda at talong a?" patawa nito. Muntik pa siyang bugahan ni Danilo ng kinakain niya.
"Kumakain ka na lang," sinaway na lamang nito si Sam matapos uminom ng isang basong tubig. Hindi na talaga mababago ang pagiging palabiro nito. Kahit na kailan.
"Maiba ako. Kailan ka pupunta sa opisina para isumite ang obra mo?"
Patuloy lamang silag pagnguya at paglunok. Pero nang marinig ang tanong na iyon ni Sam ay napaisip bigla si Danilo. Hindi pa kasi niya alam kung alin sa mga obra niya ang ipapasa niya at ipapakita para ebalwasyon sa susunod na mga linggo.
"Nahihirapan pa akong pumilit. Dapat ang maipapadala ko roon ay iyong magugustuhan talaga nila at maisasama sa exhibit. Pagkakataon ko na rin iyon na magpakitang gilas. At kapag nakapasa ang isa man sa obra ko ay mabibigyan na ako ng pagkakataong makita ang mga painting ng sikat na pintor na iyon."
Hindi na tuloy pinansin at nakinig si Sam sa kaniya. Nahuli pa nga niya itong puno ang bibig ng pagkain. Nang magtama ang kanilang paningin ay ngumiti lang si Sam. Ipinagpatuloy na lamang ni Danilo ang pagkain. Saka na lamang niya poproblemahin ang tungkol sa exhibit.
...
MATULING LUMIPAS ang mga oras ay hindi namalayan ni Vlad na nakaidlip na pala siya ng ilang oras. Madilim na tuloy ang buong paligid ng kaniyang apartment. Pupungas-pungas pa itong bumangon at saka binuksan ang ilaw sa loob. Tumambad sa kaniya ang larawan ng kaniyang yumaong si Lala na nakangiti sa harapan niya.
"Pasensya ka na, mahal ko. Napagod lang ako at nakaligtaan kong kumain. Maghahanda muna ako ng hapunan ko at babalik din sa pagtulog."
Humalik siya sa kaniyang palad at ipinasa ang halik niya sa bibig ng kaniiyang asawang nasa larawan at lumabas muna sa kaniyang kuwarto. Binuksan niya ang maliit lata ng biskwit at doon ay kumuha ng dalawang pancit canton. Nagpakulo muna siya ng tubig at inihanda ang ingredients.
Tatlo hanggang limang minuto ang nakalipas ay nahiwalay na niya ang mainit na tubig sa pinakuluan niyang canton at isinalin ito sa maliit na pinggan. Hinalo niya nang maigi ang mga sangkap sa noodles hanggang sa umupo na siya sa harapan ng mesa at nilantakan ito. Mabilis ang pagkain niyang iyon kaya, parang hindi lang siya kumain.
Hindi kasi siya mahilig kumain nang marami sa gabi. Pero noong nabubuhay pa ang asawa ay hindi puwedeng kaunti lang ang kaniyang kakainin. Ngunit, wala na ang kaniyang mahal na asawa. Wala nang babatok sa kaniya kapag nakalimutan niya ang isang bagay. Wala na ang babaeng inibig niya upang pagalitan siya o pamaywangan kapag nagkakamali siya. At kinakailangan pa niyang mag-adjust hanggang sa tuluyan na nga siya maka-move on.
Alas otso pasado pa lamang nang mga oras na iyo. Hindi na hinintay pa ni Vlad na matunaw ang kinain niya. Inilagay na lamang niya sa lababo ang mga hugasan at bumalik sa kaniyang kuwarto matapos uminom ng dalwang basong tubig. Bago pinatay ang ilaw sa silid ay muli siyang nagbitaw ng flying kiss sa larawan ng kaniyang asawang nakaharap sa kanilang kama.
"Bantayan mo ako, mahal ha? Good night. I miss you and I love you, Lala."
Tumalikod na ito sa painting at hinarap ang kama. Pinatay na niya ang ilaw sa loob at agad siyang dumapa roon at ipinikit ang mga mata. Hindi na inalintana ang tiyang kakakain pa lamang. Ang nais niya lang sa gabing iyon ay magpahinga muna.
ANG HINDI ALAM ni Vlad ay narinig ng nilalang na nasa loob ng painting ang boses at mga sinabi niya. Napailing lang ito.
"Sana nga ay pagod ka lamang ngayong gabi, Vlad. Lubusin mo na lamang ang pahinga mo at pagtulog. Ilang oras na rin lang ay makakalabas na ako rito at makikita mo na ang taong matagal mo ring pinanabikang makita at makasama, kapalit ng iyong buhay."
Matinis at tahimik ang pagtawa nito. Soundproof kung mailalarawan sa loob ng painting ang kaniyang paghalakhak na may kasamang tawa ng maraming demonyo. May nalalabing apat na oras pa bago pumatak ang alas dose. Gaya ng nakasanayan ng nilalang ay ganoon din ang gagawin niyang pagkuha sa buhay ni Vlad.
Nakatulog na si Vlad. Nakadapa pa rin pero maririnig na ang mahihinang paghilik nito. Unti-unti na ring pumapasok ang may kaunting alinsangan na hangin sa buong silid. Nanatili pa ring gising sa loob ng painting ang nilalang na iyon. Naiinip na rin siya. Gusto na rin niyang malakabas sa painting upang tingnan ang kabuuan ng apartment kung may pagkaing makakain ba siya mayamaya.
"Bigla yatang tumunog ang tiyan ko. Tiisin ko na lamang muna ang mainit na lugar na ito."