Mabilis na nakaidlip si Vlad sa kaniyang silid. Walang kaalam-alam ito sa sasapitin niya pagpatak ng hatinggabi. Nakangiti pa itong nakadapa sa kaniyang kama na walang anumang bahid ng kalungkutan. Nang mga oras kasing iyon ay isang paraan naman ang ginawa ng nilalang upang patayin ang kaniyang biktima.
Sunod-sunod ang tunog ng kamay ng orasan ng gabing iyon. Ang kaninang mainit na hangin dala ng maalinsangan na panahon ay unti-unting naging malamig. Pumapasok ito mula sa nakabukas na bintana sa silid ni Vlad. Tahimik lang din ang paligid ng apartment at kalyeng kinaroroonan ni Vlad nang mga sandaling iyon.
Tila nilamon nang buong gabi ang kalyeng iyon at walang sinumang lumalabas nang mga oras na iyon. Maliban na lamang sa mga asong kalye na pagala-gala sa paligid. Tumatahol kahit wala namang tao. Malakas nga ang pakiramdam at pandinig ng mga aso kahit pa wala naman silang nakikita.
Muling tumunog ang mahabang kamay ng orasan at mabilis na dumaan ang mga oras. Nang tumapat ang mahabang kamay sa alas dose ay isang itim na usok ang unti-unting lumabas mula sa canvass. Dahan-dahan itong lumipad upang pumasok sa kamalayan ni Vlad.
Tumihaya na ito sa kaniyang kama at napapangiti dahil nasa ilalim na siya ng isang magandang panaginip.
"Nasaan na ako? Langit na ba ito?" tanong niya sa kaniyang sarili. Kulay puti nga ang nakikita niya sa paligid.
Ngunit nang iginala pa niya ang kaniyang paningin sa harapan niya ay unti-unting nawala ang kulay puti at napalitan ito ng isang kulay berde at patag na talampas. Nasa isang lugar siyang hindi pa niya napupuntahan sa tanang buhay niya.
"Nasa bundok ako? Anong ginagawa ko rito? Nasa panaginip ba ako?"
Muli na naman niyang tinanong ang kaniyang sarili at naglakad-lakad. Sa paglalakad niyang iyon ay dama niya ang sariwang hanging nanunuot sa kaniyang mga balat at humahalik sa kaniyang pisngi. Nang magpatuloy pa sa paglalakad ay nakita niya ang imahe ng isang taong nakahawak ang kanang kamay sa katawan ng isang malaking puno ng Acacia.
"Miss. Puwede bang magtanong?" Marahan siyang lumapit rito at nang lumingon ito ay biglang napaatras si Vlad.
Nakangiti naman sa kaniyang harapan ang taong iyon. Mas lalong hindi siya makapagsaita nang lumapit pa ito at inilapit pa ang mukha sa kaniya. "Hindi mo na ba ako natatandaan, mahal?"
Kulang na lang ay mawala ang mata nito sa pagngiti. Ayaw pa ring bumuka ng kaniyang bunganga. Nang ilahad na ng babae ang kaniyang kamay ay doon na sinubukan ni Vlad na tanggapin ito. Nang magdikit ang kanilang mga palad at tinulungan siyang makatayo ay hindi na napigilan ng babae na yakapin siya nang mahigpit.
"Na-miss kita mahal!" sigaw nito sa kaniyang tainga.
Ramdam ni Vlad ang napakahigpit nitong yakap, kaya wala na ring nagawa ito kung hindi ang tugunan ang yakap na matagal niyang hindi naramdaman mula sa kaniyang yumaong asawa.
"Kung panaginip man ito, pakiusap huwag mo po sana akong gisingin muna. Gusto kong makasama ang aking mahal na si Lala," panalangin nito sa isipan at inilapit pa ang mukha sa leeg ng mahal nitong si Lala.
"Dahan-dahan lang mahal. Marami pa tayong oras na pagsasamahan sa tahimik na bundok na ito," aniya at unti-unting bumitaw sa pagkakayakap kay Vlad.
Nang kumalas silang pareho ay doon na hindi napigilan ni Vlad na mapaluha. "Oh, bakit ka umiiyak? Hindi ba at ayaw na ayaw kong nakikita kang umiyak sa harapan ko?"
Napangiti pa at tumango si Vlad. Siyang-siya nga ang kausap niya. Puwera biro. Asawa nga niya ang kasalukuyang nagsasalita. Si Lala na madalas siyang pinapagalitan kapag nakikita niya itong mahina o umiiyak. Lalo tuloy umigting ang sayang kaniyang nadarama at muling niyakap ang asawa.
"Anu ba 'yan! Kota ka na, mahal. Gala na lang muna tayo rito ha?"
Wala na ring magawa si Vlad. Mas mainam na ring kasama niya si Lala sa bundok na iyon. "Nasaan tayo, mahal? Anong bundok ito?"
"Ang dami mo namang tanong, mahal. Isa itong bundok na inilaan talaga para sa atin, mahal. Dininig kasi ang panalangin mong gusto mo akong makita kahit na saglit lang. Kaya heto ako ngayon, dito sa bundok na ito, naghintay sa iyong pagdating."
Hindi pa rin makapaniwala si Vlad sa kaniyang nakikita at naririnig. Ang bawat salita nito ay awtorisado. Walang puwedeng makabali sa kaniyang mga gustong sabihin. Kapag sinabi niyang tumigila na sa pagtatanong ay hindi na siya dapat na magtanong pa. Hindi pa niya ito minsan nagalit nang todo sa makukulit na pagtatanong niya. Pero ayaw niyang makita iyon. Hindi siya handa kung paano ito haharapin kung sakali mang magalit ito nang labis.
"Mahal, habulin mo ako!"
Hindi namalayan ni Vlad na tumatakbo na si Lala at nagpapahabol na ito. Napangiti naman si Vlad at ginawa ang gusto ng asawa niyang si Lala. Kaliwa at kanan silang naghahabulan sa maberdeng damuhan. Pareho din nilang nasasamyo ang napakapreskong bango at amoy ng mga halaman, bulaklak, at mga punong nasa paligid nila.
Hindi rin matigil-tigil sa pag-request si Lala sa kaniya. Pagkatapos makipaghabulan ay nakipag-piggy ride naman ito sa kaniya. Nagpapahalik sa labi. Nagpapayakap. At ang panghuli ay hindi niya inasahan ang kapilyahan nito, bagay na hindi niya alam kung may ganoong ugali nga ang mahal niyang asawa.
"Bakit, mahal? Ayaw mo bang gawin ko ito sa iyo?" malamig na ang boses nito at dahan-dahan na ring naglalakbay ang mga daliri nito sa kaniyang braso at leeg.
Nakahiga siya sa damuhan habang nakasampa naman sa kaniyang harapan ang asawa. Aaminin niyang hindi pa siya handa sa ginagawa nitong pang-aakit. Hindi rin niya ito nakita sa yumaong asawa. Hindi ganoon ang kaniyang asawa.
"Mahal. Teka. Ano. Ano kasi..."
Hindi tinapos ni Vlad ang alibi niya dahil bigla siyang hinalikan sa labi ni Lala. Sa una ay smack lang pero nang muli siyang titigan ay napansin nito ang kulay itim na mata. Muli siya nitong hinalikan sa labi. Nang magpumilit itong buksan ang kaniyang bibig ay kinagat niya ang labi nito at napabuka tuloy si Vlad. Gustong magreklamo ng kaniyang isipan pero hindi ang kaniyang katawan. Sinabasib pa niya ito ng halik hanggang sa mapapikit siya. Nang dumilat naman ito ay ibang Lala na ang nasa harapan niya. May hawak na itong punyal at handang-handa nang itarak ang bagay na iyon sa kaniya.