Ikadalawampung Kabanata: Paghahanap sa Susunod na Biktima

1141 Words
Nakauwi si Miko Talavera na nakahingang muli nang maluwag sa kaniyang condo, na walang alalahaning bagay tungkol sa paggaling ng kaniyang ina. Nang makapasok sa loob ng unit ay sa kuwarto ito ng kaniyang ina dumiretso. Nakangiti siyang pinagmasdan ang natutulog na ina. Lumapit pa ito roon at hinawakan ang kaliwang kamay at hinalikan. Inilagay niya pa ito sa kaniyang pisngi at nagsalita. "Isang linggo pa lang ang nakalipas nang muli kitang masilayang nakangiti, ina. Kaya sabik na sabik na naman akong marinig ang iyong mga tawa. Huwag kang mag-alala dahil magigising kang muli at sisiguraduhin kong bago ka muling mawalan nang malay ay may imbak na akong mga obra. Bukas, makalawa ay alam kong makikita na naman kita at maririnig ang kalabog ng mga sandok at kaldero sa ating kusina. I love you." Matapos halikan ang kamay, pisngi at noo ng ina ay lumabas na ito at tinungo ang kinaroroonan ng kaniyang silid. Hinubad kaagad ang lahat ng suot na damit at inihagis ito roon sa rack, kung saan nakalagay ang marurumi niyang mga damit. Nang matanggal ang huling pang-ibabang saplot ay pumasok na ito sa loob ng bathroom at nag-shower. ... Sa maliit na eskinita naman ay papasok na si Vlad sa kinaroroonan ng tinutuluyan niyang maliit na apartment. Kasya lamang ang isang tao sa daanang iyon. Pero kapag makakalabas ka sa maliit na shortcut na iyon mula sa kalsada ay bubulaga naman sa iyo ang isa na namang maluwang na kalsada. Tatawid lamang si Vlad sa kabila at makikita na niya sa kaliwa ang dalawang palapag na apartment. Sa pangatlo at panggitna ang apartment na iniwan na ng kaniyang mahal na asawang si Lala. Nakatayo siya sa labas ng gate ng apartment niya at nanumbalik sa kaniyang alaala ang araw na umuwi siya. Sa labas kasi ng gate na iyon niya biniitiwan ang pumpon ng mga rosas na ibibigay sana niya sa asawa upang i-celebrate ang unang buwan ng kanilang pagsasama. Hindi na nga lang niya ito naabutan pang buhay. Iwinaksi na lamang ni Vlad sa isipan ang anumang masamang naalala niya. Masaya naman siya kahit paano ay hawak niya ang malaking larawang ipinaguhit niya kay Miko. Ito ang magiging gamot sa pangungulila niya kay Lala. Nang mabuksan ang kandado ay agad siyang pumasok at ini-lock ito. Baka kasi maulit ang nangyari at siya naman ang looban. Gustuhin man niyang lumipat ng ibang matutuluyan pero wala siyang sapat na perang pang-deposito. Kaya mas pinili na lamang niyang manirahan doon. Bukod sa bayad na pala ito dahil kay Lala, na siyang nagbayad ng lease at renta ng buong taon, ay isa na ring pasasalamat na ipinagkaloob sa kaniya ng asawa kahit pa wala na ito ngayon sa kaniyang tabi. Pagkapasok na pagkapasok sa loob ay maingat niyang inilapag ang portrait sa ibabaw ng mesa at pumunta muna ng banyo upang makapagbawas ng mabigat niyang pantog na kanina pa pinipigilan. Isang minuto rin siyang nakatayo sa inidoro at umihi bago nagpagpag. Matapos umihi at buhusan ng tubig ang inidoro ay bumalik siya mesa at kinuhang muli ang painting. Ipinasok niya ito sa silid nilang mag-asawa. Dahil mag-isa na lamang siya ay sinigurado niyang makikita niya ito sa tuwing magigising siya sa umaga, o bago matulog sa gabi. Sa mismong harapang ng kaniyang kama niya isinabit ang canvass at pansamantalang humiga sa kama. Pinagmasdan niya nang maigi ang bawat korte ng mukha ng yumaong asawa. Matangos ang ilong nito. Morena ang kutis at mahaba ang kulay itim na buhok na abot hanggang balikat. Lagi din itong nakangiti at tamang-tama ang larawang ipinaguhit niya kay Miko dahil kuhang-kuha nito ang natural na ngiti ng kaniyang mahal na asawang si Lala. "Napakaganda mo pa rin, Lala. Kung hindi sana ako umalis sa tabi mo noong araw na iyon, ay hindi mo sana sinapit ang malagim na pangyayari sa buhay mo. Kasalanan kong iniwan kang mag-isa. Sana ay mapatawad mo ako. Hanggang ngayon, may parte pa rin sa isipan at puso ko ang pagsisisi. Sinisisi ko pa rin paminsan-minsan ang aking sarili sa nangyari sa iyo." Hindi na namalayan ni Vlad na sunod-sunod na ang pag-agos ng mga luha sa kaniyang mata. Ang kaniyang pinakamamahal na asawang si Lala lamang ang nakapagpapaiyak sa kaniya. Buong buhay niya ay walang sinumang nagpapaiyak sa kaniya. Siya ang halos o kadalasang nagpapaluha sa mga kaibigan o kakilala niya. Pero iba si Vlad pagdating kay Lala. Si Lala ang halos nagpabago sa magulo niyang mundo. Ngayong wala na siya ay hindi na alam ni Vlad kung kaya pa niyang mabuhay o sumunod na lamang sa namapayang asawa. Nang mga sandaling iyon ay unti-unting bumibigat ang talukap sa mga mata ni Vlad at napapikit sa kaiiyak hanggang sa makatulog na nga ito. ... MULA SA maliit na siwang ng bintana ng condo unit ni Miko Talavera ay lumabas ang itim na usok. Dahan-dahan itong naglakbay patungo sa direksyon at kinaroroonan ng susunod niyang biktima. Kung saang lokasyon ang malapit sa kaniya ay doon una siyang magpapahinga at hahanapin ang painting na iginuhit ni Miko. Takipsilim na nang lumabas ang itim na usok na iyon at walang nakakapansin sa kaniyang paglipad-lipad sa kawalan. Kung paano niya nalalaman ang bawat tirahan ng magiging biktima niya, siya lamang ang nakakaalam at walang iba. Maliban na lamang kung ibibigay ni Miko sa kaniya ang mga address nila. Pero halos lahat ng mga biktima niya ay siya ang nakakatunton ng tirahan ng mga ito. Patuloy lang ito sa paglipad. Mula Makati patungong Alabang, at Parañaque, nakarating ang itim na usok na iyon. Dahil amoy na amoy na niya na nasa tamang siyudad na siya ay nagpatuloy siya sa paglipad, hanggang sa makita niya ang isang eskinitang masikip at doon dumaan. Napatigil pa ito sa gitna nang maamoy niya ang pamilyar na amoy ng mga paintbrush na gamitn ni Miko. Sinundan niya ang amoy na iyon hanggang makalabas siya sa eskinitang iyon. Tumawid ito at kumaliwa at napadpad sa mismong harapan ng apartment ng biktimang uunahin niyang patayin. Sa gitna ng apartment na iyon, sa nakabukas na bintana ay pumasok ang itim na usok na iyon at hinanap ang painting. Patuloy ito sa paglipad-lipad at paghahanap sa loob ng apartment ng nagngangalang si Vlad. Nang makita ang silid kung saan mahimbing na natutulog ang susunod niyang biktima ay nakita rin nito sa wakas ang painting. Doon ay agad siyang pumasok at pansamantalang nagtago. Hihintayin na lamang niya ang pagsapit ng hatinggabi bago simulan ang pagpaslang sa biktima. "Ako ay magtatago pansamantala sa painting na ito. Napakaganda naman ng babaeng ito. Alam kong sabik na sabik ka nang makita ni Vlad. Kaya sisiguraduhin kong makakasama ka niya mamayang hatinggabi at magkikita kayong muli. Ikaw ang papatay sa kaniya, Lala." Ang mga ngiti nito ay siya lamang ang nakakarinig. Sa apat na sulok ng silid ni Vlad ay humahalakhak ito nang walang sinumang nakakaririnig ng boses niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD