Lumipas pa ang isang taon ay isang ganap na pintor na si Danilo. Mahigit isang taon din siyang namalagi sa kalakhang Maynila. Sa magulo, maingay, at mapanganib na siyudad na parte ng Kamaynilaan ay doon nakipagsapalaran si Danilo. Dito na rin niya ipinagpatuloy ang paghahanap sa kaniyang pakay, na matagal na panahon na rin niyang hindi pa natatagpuan.
Bata pa lamang siya ay kinahiligan na niya ang pagpipinta. Alam niya sa kaniyang sarili na ito ang hilig niya at naging panata na niya mula noon pa man na pangarapin ang maging isang pintor. Natigil lamang ang kaniyang pagguhit nang mamatay ang kaniyang ama. Lubos ang pangungulila niya noon.
Ngunit, hindi niya iyon pinakita sa natitira pa niyang mahal sa buhay, ang kaniyang ina. At ang hilig niyang pagpipinta ay isinantabi niya upang alagaan ang kaniyang ina. Dalawa na lamang sila noon, kaya ganoon na lamang ang paghinto niya sa kaniyang pangarap.
Subalit ilang buwan lamang ang nakalipas noon, matapos pumanaw ang kaniyang ama, ay natagpuan niya ang karumal-dumal na sinapit ng kaniyang ina. Pira-piraso ang parte ng katawang nagkalat sa silid nila ang tumambad sa kaniya nang minsang inumaga na siya sa pag-uwi. Sa nasaksihang pangyayaring iyon ay isinumpa niyang maghihiganti siya. Ipaghihiganti niya ang kaniyang magulang lalo na ang kaniyang ina at sa iba pang mga kababayan niyang nawalan din ng mahal sa buhay, na ang puno at dulo para sa kaniya ay walang iba kung hindi ang tumakas na pintor na nakatira sa malaking bahay sa kanilang maliit na kumunidad.
Ang salaring kaniyang hinahanap ay isang pintor din at kilala sa kanilang baryo. Iyon nga lang ay hindi niya ito matagpuan sa laki ng Maynila. Nang mapadpad siya sa lugar ay hindi niya alam kung paano at saan siya magsisimulang maghanap sa salarin ng kanilang baryo. Kaya naisipan munang mag-aral ni Danilo ng pagpipintor.
Likas na matalino si Danilo at alam niyang apat na taon o mahigit pa ang gugugulin niya upang makapagtapos ng pagpipintor. Mabuti na lamang at may isang nagmagandang-loob na tulungan siya nang siya ay minsang malagay sa bingit ng kamatayan. Mag-iisang taon na iyon pero sariwa pa rin sa kaniyang isipan ang buong pangyayari.
Sakay ng isang barko noon ay napadpad si Danilo sa Maynila. Sa sobrang delay ng biyahe, ang inakala niyang maaga o tanghaling tapat na dating niya sa pier ng Maynila ay naging hatinggabi. Hindi pa mandin siya nakatulog nang maayos, sa pagbabakasakaling makararating siya nang mas maaga sa kaniyang paroroonan. Nagkamali tuloy siya ng akala. Kahit marami siyang nakasabayang mga pasahero hatinggabi na iyon pababa ng pier ay estranghero pa ring maituturing ang isang tulad niya.
Nagtanong-tanong din siya kung saan ang malapit na dormitoryo o pahingahan nang sa ganoon ay pansamantala munang maibsan ang antok at pagod sa kaniyang katawan para makapagpahinga. Ilang kanto at ilang eskinita na rin ang dinaanan niya, na tila may bahid ng pangamba at peligro ang gabing iyon para sa kaniya.
Hindi niya inakalang malalagay ang mismong buhay niya sa panganib nang gabi ding iyon sa kamay ng mga hindi niya kilalang mga tao.
"Maaari po bang malaman kung saan ako puwedeng tumuloy dito? Maaari po ba ninyo akong tulungan?" tanong niya sa isang lalaking nakasalubong niya. Mukha namang mabait ito, kaya siya nakapagtanong pero iba pala ang mangyayari. Iba kasi ang titig nito sa kaniya at may kung anong pakay na hindi napansin ng estranghero pa noong si Danilo.
"Ibigay mo sa akin ang mga gamit mo, pati na ang perang mayroon ka," bulong nito sa kaniyang likuran. Naramdaman niyang tila may isang matulis na bagay ang nakadikit sa kaniyang tagiliran. Pero hindi siya nagpatinag. Nasiko niya ang lalaki at agad na tumakbo. Iyon lamang ang tanging paraang alam niya para makatakas sa kaniya.
Mabilis siyang tumakbo pero mas mabilis ang lalaki kaya naabutan din siya. Nakatikim pa siya ng suntok sa panga at nang pilit na inaagaw sa kaniya ang kaniyang dalang bag ay inambahan siya nito ng saksak. Ayaw rin magpatalo ni Danilo. Nakikipagbuno rin ito kay kamatayan at nakikipagpatintero sa kalaban. Hindi niya binitiwan ang kaniyang mga gamit. Mawawalan siya ng mga bagay kapag ibinigay niya ito sa lalaki. Alam niya sa kaniyang sarili na hanggat maaari ay hindi niya ito ibibigay sa lalaki.
Inis na inis at galit na galit ang lalaki sa kaniya kaya pinagtatadyakan siya at pinagsisipa. Hindi pa ito nakuntento at sinaksak siya nito sa tagiliran at braso. Dahil sa sakit at hapdi ay nabitawan niya tuloy ang mga gamit niya at mabilis na iniwan siya ng lalaking nakahandusay na duguan sa lupa.
Pinilit niyang idilat ang mga mata at sinundan nang tanaw ang tumatakbong lalaking sumaksak sa kaniya, pero nagtatalo ang liwanag at dilim na kaniyang nararamdaman. Magkagayunpaman ay hindi niya hinayaan ang mga mata na pumikit. Doon ay nakita niya ang isa pang estrangherong nakikipagbuno sa lalaki at nakuha ang mga gamit niya. Tumalima naman ng takbo ang lalaking nakasaksak sa kaniya habang ang estrangherong nakabawi sa kaniyang mga dala ay nilapitan siya at agad na sinaklolohan.
"Naalala mo na naman ang nangyari sa iyo, Nilo," pamilyar sa kaniya ang tinig at alam niyang si Samuel iyon, ang lalaking nagligtas sa kaniya. Kaya lumingon siya sa harapan nito.
"Pasensya ka na, Sam. Hindi ko makalimutan ang ginawa mong pagtulong sa akin. Ikaw pa ang nagpagamot sa akin," malaki ang pasasalamat nito sa kaniya dahil halos lahat ng kailangan niya ay naibigay sa kaniya. Mula sa pagpapagamot, matitirhan, pagkain, at mga gamot ay siya ang gumastos.
"Wala iyon. Nagkataon lang din naman na napadaan ako roon. Alam mo namang laking Maynila ako at alam ko ang pasikot-sikot sa siyudad lalo na sa malapit sa pier. Madami talagang mga snatcher at mamamatay-tao roon. Ipinadala ako ng langit para tulungan ka, Nilo" napatawa na lamang silang pareho. Tama nga naman si Sam.
Matapos kasi ang insidenteng iyon ay naging mas maingat na si Danilo. Kahit sa pakikipag-saup sa kahit na sinumang tao ay napakamausisa na ng kaniyang mga mata. Okay na ang isang beses na bagong salta pa lamang siya sa Maynila kaysa ang masundan pa ng pangalawa at mahigit pang beses na maloko siya. Kaya napakalaki ng utang na loob niya kay Samuel. Siya ang tumayong mga mata at paa niya noong nagkasakit siya at nag-aagawbuhay pa. Kung hindi dahil sa kaniya ay patay na siya ngayon at hindi na niya matutupad pa ang ipinangako niyang hustisya sa puntod ng napaslang na ina.
"Ang galing mo talagang magpintor ah. Puwede ba akong magpaguhit sa iyo. Yong nudes?" napahagalpak na naman sila pareho sa katatawa. Kahit kailan talaga si Samuel ay walang kalaswaang nasasabi. Kahit matabil ang dila nito at may pagmahalay ang utak ay mabait ito sa kaniya.
"Maiba ako. Baka gusto mong i-showcase ang mga gawa mo sa isang exhibit. Ito ang flyer o," sabay na iniabot ni Samuel ang flyer sa kaniya at sinuring maigi ito.
"Baka mahanap mo ang hinahanap mo diyan sa exhibit na iyan. Kung hindi man ay baka ma-discover ka at makilala pa. Baba lang muna ako at bili ng pagkain natin. Maiwan na muna kita rito sa studio mo," tumango lang si Danilo sa kaibigan nang magsalita at magpaalam sa kaniya upang bumili ng kanilang makakain.
Pinagmasdang mabuti ni Danilo ang flyer at binasa iyon. May punto kasi si Samuel at tila nae-engganyo siya.
Calling all artist, painters and the likes.
We are inviting you to share your paintings with us.
Paint with a Cause.
Guhit mo, tulong mo.
Kailangan lamang niyang magregister at dalhin ang kaniyang mga obra roon. Sa isip ni Danilo, tama si Samuel. Ito na marahil ang sagot sa hinahanap niya. Ito na rin siguro ang magiging daan upang matagpuan niya ang taong ninanais niyang makita at mapaghigantihan. Kaya walang pag-aatubiling tinawagan niya ang numero ng lugar ng exhibit upang magparehistro.
SAMANTALA, sa isang unit sa Makati ay hindi maipinta ang muka ni Leo. Kung kailang malapit na ang kaniyang exhibit ay saka naman nanghina ang kaniyang ina. Lantang gulay na naman ito at naghihikahos.
Kailangan na naman kasi nito ng isang patay na maipipinta at buhay na mapapatay upang magpatuloy ang buhay ng kaniyang ina. Ngunit, hindi niya alam kung sino pa sa kaniyang mga empleyado ang nangangailangan ng tulong niya.
"Isang tao lang ang kailangan mong muli. Isang guhit lang muli ang kailangan mong ipinta kapalit ng ilang araw na namang buhay ng iyong ina."
Muli na naman siyang binubulungan ng tinig sa kaniyang isipan. Ganoon palagi ang sinasabi sa kaniya. Hindi siya puwedeng humindi dahil buhay ng kaniyang nag-iisang ina ang nakasalalay. Hindi na niya mabilang kung ilang buhay na ang napatay nito. Gusto na niyang sumuko pero sadyang mahal na mahal niya ang kaniyang ina. Ayaw niyang mawala ito sa kaniya.
"Ayaw mo na ba? Hindi ba at mahal na mo ang iyong ina? At alam kong gagawin mo ang lahat, mabuhay lamang siya. Ako ay nandito lamang para tulungan ka. Hiling mo ay tutuparin ko pagkat dahil din sa iyo ay nabuhay ako. Isang tao lang at muling sasaya ang buhay ng iyong ina."