(Liyan's Past)
Walang pagsidlan ang kasiyahan noon ni Liyan kasama ang kaniyang kambal na si Liyon. Bata pa lamang sila ay hindi na sila mapaghiwalay na dalawa. Anumang mayroon siya ay ibinabahagi niya ito kay Liyon.
Mapa-laruan man o pagkain, walang hindi kayang ibigay o i-share si Liyan sa kakambal. Kapag binubully naman si Liyon sa paaralan noong nag-aaral pa sila, si Liyan palagi ang tagapagtanggol niya. Kaya, lumaking silang sanggang-dikit na dalawa. Bagay na ikinatuwa pareho ng kaniyang mga magulang.
Ngunit, isang hindi inaasahang pangyayari ang bumulaga sa kanilang dalawa. Pabalik na sila noon sa Maynila. Mula sa kapitolyo ng Baguio ay binabagtas ng kanilang sasakyan ang Kennon Road, kung saan zigzag ang daanan. Isa sa pinakadelikadong highway sa buong mundo ang Kennon Road... noon.
"Nag-enjoy ba kayo sa pamamasyal sa malamig na Baguio, mga bata?"
"Yes, daddy."
"Wala ba kayong naiwang alaala roon?"
"A lot mommy."
Sariwa pa sa alaala ng sampung taong gulang na si Liyan ang mga tanong ng kaniyang magulang sa loob ng sasakyan. Ang mga malalapad na ngiti ng kakambal na si Liyon, maging ang masasayang mukha na kanyang ama at ina. Subalit, hindi niya inakalang iyon na pala ang huling mga salitang maririnig niya sa kaniyang kakambal.
Hindi nila inasahan ang biglaang pagbulusok ng isang malaking ten-wheeler truck sa kanilang sasakyan at gumulong-gulong pababa ito. Sira-sira ang mga windshield, windpipe, at mga bintana ng sasakyan nang bumagsak ito sa bulubundukin pinakababang parte ng bundok ng Sierra Madre sa Kennon Road.
(PRESENT TIME)
Naglalakad na sa kahabaan ng Ayala Avenue patungong Philippine Stock Exchange area si Liyan nang makatanggap siya ng mensahe mula kay Miko na change location daw sila. Hindi raw convenient para sa kaniya ang pumunta ng opisina. Kaya napagdesisyunan niyang sa Ayala Triangle na lamang sila magkita.
Pumayag naman si Liyan. Mas malapit kasi ito sa tirahan niya sa Buendia, kaya naisipin niyang sumakay lang sa isang jeep at bumaba sa Columns, sa tapat ng RCBC building, along Makati Medical. Mula roon ay naglakad siya at dumaan sa underpass hanggang sa marating niya ang Ayala Triangle.
Nang mga oras na iyon ay sinipat muna ni Liyan ang kaniyang relo. Mula sa oras kanina ay binago rin ni Miko ito. Kaya naging alas diyes nang umaga ang kanilang tagpuan doon sa Ayala Park. Walang gaanong tao pa roon dahil nga sa may kainitan na. Tanghaling tapat, ika nga.
Naglakad-lakad pa si Liyan at hinanap ang isang malamig at preskong damuhan. Naroon na raw kasi si Miko sa isang malawak at preskong Bermuda grass ng parke. Kaya ganoon na lamang ang paghahanap ng kaniyang mata. Sa wakas ay nakita niya rin itong nagse-set up ng kaniyang ipipinta.
"Magandang umaga po, sir Miko," bati nito sa nakatalikod at nag-aayos na pintor.
"Magandang umaga rin Liyan. Nice meeting you. Please sit down on the available area in front of me," sagot naman ni Miko habang ipinagpapatuloy ang pag-set up.
Umupo naman sa isang mahabang telang nakalaan sa harapan ni Miko si Liyan. Nang komportable na siya sa kaniyang inuupuan ay nag-retouch muna ito gamit ang maliit na face powder na dala-dala niya kahit saan man siya magpunta. Simpleng white tees and fitted pants lang at sneakers ang outfit niya. Nakatirintas na rin ang mahaba nitong buhok.
"Everything is fine, now, Liyan. Shall we start?"
Napaangat ang tingin ni Liyan sa binata nang magsalita ito. Mabilis niyang tinapos ang pagre-retouch niya at tumango sa binata. "Hindi naman siguro ikaw ang iguguhit ko ngayon, hindi ba?"
"Hindi po, sir Miko," lihim na natawa si Liyan sa sinabi nito. Agad itong umiling tanda na hindi siya ang ipipinta niya.
"I was kidding, Liyan. I know. Just call me, Miko." Napatawa na rin ito sa ekpresyon ng mukha ng dalaga. Hindi yata inasahan nito ang pagbibiro niya.
"Ito nga po pala ang mga larawan." Inabot ni Liyan ang isang family photo kay Miko at tiningnan.
"What a happy family. Silang tatlo ba ang iguguhit ko?" tanong ni Miko.
"Opo. Ang nasa left at right side po ay ang aking ama at ina, tapos ako po iyong nasa left center katabi ng mommy ko at right center naman na katabi ng daddy at katabi ko si Liyon, ang aking kakambal."
Lihim na natuwa si Miko nang marinig nito ang sinabi ng dalaga. Tatlo ang ipapaguhit niya. Ibig sabihin lamang ay magiging tatlong linggo niyang makakasama ang kaniyang ina. Hindi siya puwedeng magkamali sa kontrata niya sa nilalang na iyon. Tandang-tanda pa niya ang mga sinabi nito noong una siyang pumayag sa gusto nito mabuhay lamang ang kaniyag ina.
"Isang buhay lamang ang nais mong ibigay sa akin, Miko. Wala kang dapat ipag-aalala kung mahigit sa isang tao ang ipapaguhit sa iyo. Basta akin ang taong humiling sa iyo na iguhit ang larawan ng mahal nila sa buhay."
"Kung ganoon po, kapag tatlong yumao ang iguguhit ko, tatlong linggo ko ring makakasama ang aking ina?"
"Tama. Makakasama mo siya ng matagal. Iyon nga lang kailangan mong muling maghanap ng bagong biktima bago ang itinakdang katapusan ng tatlong linggo. Dahil kung hindi babalik ang iyong ina sa vegetative state. Alam mo ang tinutukoy ko, Miko."
"Opo, naintindihan ko po. Maraming salamat po. Utang ko po ang buhay ko sa inyo sa pagliligtas sa buhay ng aking ina. Asahan po ninyo na susundin ko ang nakalagay sa kontrata upang habambuhay kong makapiling ang aking ina."
Nawala siya conversation nila ni Liyan nang mga oras na iyon. Kaya naman nang mapansin niyang kamay ng dalagang iwinawagayway na sa harapan niya ay doon lamang siya bumalik. "Ipagpaumanhin mo, Liyan. May naalala lang ako."
"Okay lang po iyan. Ganiyang-ganiyan ang nawi-witness ko sa tuwing ipinapakita ko ang family photo namin. Hindi talaga maiwasang bumalik sa ating alaala ang nakaraan, sir Miko."
Nagkunwari lamang si Miko na may naalala siya pero tila makatotohanan sa dalaga ang mga sinabi nito. Hindi na lamang siya sumagot pa. Bagkus ay sinimulan na niyang iguhit ang tatlong larawan sa hugis parisukat na canvass nito.
"Tatlong canvass ba ang iguguhit ko o isang family photo na lang?" tanong nito at pagkaklaro kay Liyan.
"Isang buong family photo na lamang po na kasama ako at ng aking pamilya." Nakangiti pa rin ito pero may bahid ng kalungkutan ang mga salitang binitiwan ng dalaga.
"Masusunod, Liyan."
Alam na alam niya ang ganoong pakiramdam. Ang mawalan ng mahal sa buhay ay walang kasing lungkot. Wala man siyang alam sa kung saang lupalop ng Pilipinas ang kaniyang ama, mas matimbang naman sa kaniya ang kaniyang inang buong buhay nito ay inilaan para makapagtapos at magtagumpay siya sa larangang kaniyang pinili.
Malamig nga ang hanging dumadampi sa balat nina Miko at Liyan sa spot kung saan nagsisimula nang gumalaw ang mga daliri at brushes ni Miko. Unti-unti na ring napapansin ni Liyan ang pagdami ng mga tao. Malinaw na rin niyang naririnig ang mga tinig ng mga aso at pusang gala sa paligid niya.
Concentrate na concentrate lamang si Miko sa kaniyang pagpipinta habang sinusulyapan ang hindi nakatingin sa kaniyang si Liyan. Tila malalim din ang iniisip ng dalaga. Nagpokus na lamang si Miko sa kaniyang iginuguhi at hinayaan na lamang ang dalagang magmasid sa kapaligiran.
Hindi maiwasan ni Liyan na hindi maging emosyonal kapag nakikita ang isang masayang pamilya, na may kasamang ama at ina sa kaniyang harapan. Minsan na rin niyang sinisi ang sarili kung bakit pa siya nabuhay. Bakit hindi pa siya isinama sa kanila. O kung bakit nangyari ang lahat noon sa kaniya.
Tandang-tanda pa niya ang mukha ng kaniyang ama at ina sa loob ng sasakyang gumulong-gulong at bumagsak sa bangin sa Kennon Road. Duguan ang mga mukha nilang apat. Ang kakambal naman niya nang panahong iyon ay hindi na gumagalaw. Na-trauma pa siya nang makita itong wala nang buhay sa tabi niya. Tinangka niya ring sumigaw pero wala siyang lakas noon.
Sinubukan niyang alugin ang upuan ng kaniyang mommy at daddy pero lantang gulay na rin ang mga ito. Hindi na rin gumagalaw silang pareho. Dalawang araw pa ang nakalipas bago natagpuan ng mga rescuers ang kinabagsakan nila. At sa loob ng dalawang araw na iyon, hindi maiwasan ni Liyan na sisihin ang sarili kung bakit kumapit pa siya sa pangalawang buhay na ibinigay sa kaniya. Naging ulilang lubos siya pagkatapos makaligtas sa aksidenteng iyon.
"Maaari ko po ba muna kayong iwan dito, sir Miko? Maglalakad-lakad lamang po ako sa paligid." Tumango ang binata at tumayo naman ang dalaga.
"SIge. Balikan mo na lang ako kapag handa ka nang makita ang family photo ninyo." Nginitian siya ni Miko at ngumiti rin ito sa kaniya.
Bakas na bakas sa mukha nito ang lungkot. Tila muling nanumbalik ang alaala ng nakaraan ng dalaga, kaya pansin na pansin ito ni Miko. Kailangan ni Liyan ang panahon upang tuluyang mawala na sa isipan nito ang mapapait at masasamang bangungot ng nakaraan niya. Ngunit, para kay Miko, malamang isang gabi na lamang ang igugugol ng dalaga sa mundo dahil pagkatapos na pagkatapos niyang iguhit ang family photo nila, buhay naman ni Liyan ang magiging kapalit upang makasama niyang muli ang kaniyang ina.
Nang makalayo na ang dalaga sa kinaroroonan ni Miko ay agad itong tumakbo at naghanap ng malapit na Rest Room sa parke. Hindi na kasi niya kaya ang lungkot na nadarama. Bumalik na naman kasi sa alaala nito ang mapait na nakaraan niya sa bangin, sa Kennon Road accident. Hinanap niya ang nakarondang guwardiya at nang makakita siya ay nagtanong agad si Liyan kung saan ang malapit na comfort room. Itinuro naman sa kaniya ng guard at dumiretso na roon ang dalaga. Sa bakanteng cube ay doon na tahimik na bumuhos ang kaniyang mga luha.