"Ingrata!"
"Sinvirguenza!"
"Inutil!"
"Walang silbi!"
Iilan lamang sa mga katagang paulit-ulit na rumerehistro sa utak ni Perla. Saan nga ba nagsimula ang lahat? Sa pagkakatanda niya ay sampid lang siya nang manirahan sa maliit na espasyo sa may Pembo, sa Makati. Studio Type lang inuupahan ng madrasta niya.
Sampid nga lang siya kung maituturing dahil nang pumunta siya sa Pembo, bitbit ang kapirasong papel na may sulat-kamay ng yumaong ama, at ipinakita ito sa dating kasintahan, mariin itong tumanggi nang una sa kaniyang pagbisita. Pero dahil may iniwan namang panggastos ang yumaong ama para sa babae, tinanggap naman siya.
Noong una ay natitiis pa niya ang bawat pakikitungo nito. Wala kasi siyang alam na matitirhan. Doon lang sa babaeng itinuring na niyang madrasta siya nakikitira. Pero ang perang dapat sana ay sa kaniya mapupunta upang may ipanggastos sa sarili, nilulustay lang ng babae. Ilang beses na rin niya itong nakikitang may inuuwing lalaki. Tahimik lamang siya.
Ginagampanan naman ni Perla nang maayos ang kaniyang trabaho dahil nga nakikitira lang siya at wala siyang ibang mapupuntahan. Pinatos na rin niya ang alam niyang trabaho gaya nang paglalabada at pagbebenta ng gulay sa maliit na talipapa na malapit lang sa tinitirhan nila.
Ang bawat perang naiipon niya ay hindi nakakaligtas sa kaniyang madrasta. Alam kasi nitong nagtatrabaho siya kaya palagi siyang hinihingian. Kung hindi naman mapagbigyan ay ninanakawan siya at pinipilit na magbigay minsan. Nang minsang mahuli niyang itong naghahalughog ng pera sa kaniyang silid at nakita ang pinagtataguan niya ng pera, doon na umibwal ang galit ni Perla. Mahigit isang taon din siyang nagtimpi.
"Kapiranggot na pera lang e, ayaw magbigay? Napakadamot mo naman!" aniya ng madrasta niya sa kaniya. Palusot lang nito para maipagtanggol ang sarili sa kahihiyang nahuli na siya sa akto sa ginagawang pagnanakaw ng perang hindi kaniya.
"Kapiranggot? Ilang puyat at pawis ang inilaan ko makuha lamang ang perang iyan. Tapos ikaw? Nanakawin mo pa? Hindi pa ba sapat ang perang galing sa bulsa ko na ibinilin sa akin ng tatay ko, na ipinangsugal at pinagpusta mo? Tapos, ngayon sasabihin mong kapiranggot lang?"
Hindi na nga napigilan ni Perla na sumbatan at sigawan ang babaeng itinuring niyang pangalawang ina, pero ni minsan ay hindi siya tinratong tao kung hindi basahan.
"Ang lakas din ng apog mo ano para sigawan ako at sumbatan? Kulang pa! Kulang pa ang perang mula sa iyong ama sa mga kasalanan niya sa akin noon. Pinatira kita dahil sa kaniya. Wala kang utang na loob!" pinandilatan siya ng mata. Kinuwelyuhan at saka sinampal. Pero hindi natinag si Perla.
"Utang na loob? Hindi ba at binabayaran ko naman iyan sa mga trabahong ginagawa ko? Ako pa ang bumibili ng pagkain at ulam mo, tapos sa akin mo isisisi ang mga iyan? Okay lang naman sanang nakawin mo ang bawat sentimong ipon ko kapalit ng pagtanggap mo sa akin at ituring na tao at hindi isang basahan o hayop!"
Mag-asawang sampal ang pinakawalan ng madrasta ni Perla sa pisngi niya. Malulutong ang mga iyon at damang-dama niya ang hagupit niyon, na tila dumikit pa sa pisngi niya. Sukdulan na nga ang galit na mayroon siya sa babae. Oo, desperado siya sa atensyon. Desperado siya sa pagmamahal. Desperado siyang makuha ang katiting na atensyon at pagmamahal sa babaeng kumupkop sa kaniya. Inakala niyang madali pero hindi pala. At ngayon, dinala siya ng kaniyang mga paa palabas sa eskinitang iyon.
"Lagi na lamang ganito. Ayaw ko na sa mundo. Kaunting pagmamahal lang naman ang hinihiling ko. Bakit kailangang ako ang magdusa sa mga kasalanan nilang hindi makatao? Bakit kailangan kong pagbayaran ang mga iyon? Gusto ko na lang mawala. Gusto ko na lamang mamatay. Ayoko nang mabuhay!"
Iyon ang mga katagang sinasambit niya sa kaniyang isipan. Matapos siyang kaladkarin ng babae palabas ng tinutuluyan niya, para siyang baliw na wala sa sariling naglakad hanggang sa marating niya ang daan patungo sa highway. Dinig na dinig niya ang iba't ibang busina ng sasakyan sa highway na iyon. At isa lang ang pwede niyang gawin. Iyon ay ang magpasagasa o mabundol ng rumaragasang sasakyan.
"Ayoko na. Tama na ang buhay na ipinagkaloob mo sa akin!"
Sa mga oras ding iyon, sabik na sabik ang nilalang sa puso niyang desperado sa pagmamahal at atensyon. Kaya naman, wala na siyang inaksayang oras upang gawin ang kaniyang susunod na plano. Agad siyang pumasok sa katawan ng babae at kinontrol ang isipan at galaw ng katawan. Nabasa niya ang lahat ng pinagdaanan nito. Gustong-gusto niyang bumalik sa bahay ng babaeng iyon.
Wala na sa wisyo si Perla. Ang kaninang pagpapatiwakal ay biglang napalitan ng matinding galit at paghihiganti. Umalis siya sa highway na iyon. Naglakad pabalik sa daanang patungo sa bahay ng kaniyang madrasta. Kontrola ang buong katawan at isipan niya ng nilalang na iyon. Gustong-gusto niyang matikman ang dalawang puso. Isang puso ng paghihiganti at isang pusong batong mamaya ay magmamakaawa sa harapan niya.
"Anong ginagawa mo rito?" bungad sa kaniya ng madrasta nang makapasok sa loob. Hindi sumagot si Perla. "Sumagot ka!"
Isang malakas na sampal ang natikman niya. Tiningnan ni Perla nang masama ang mukha ng madrasta at doon ay nakita niya ang takot sa mga mata nito. Ilang saglit pa ay marahang naglakad si Perla patungo sa kaniya. Panay naman ang atras ng babae dahil tila napapansin na nito na may kakaiba kay Perla.
"Perla! Lumayas ka rito ngayon din!" sigaw niya sa kaniya. Ngunit, patuloy lamang sa paglalakad si Perla sa direksyon niya.
Ilang saglit pa ay nagulat ang babae sa kaniya. Mas lalo kasi nitong binilisan ang paglakakad at nang mahawakan ang leeg ng babaeng kinaiinisan niya, agad niya itong iniuntog sa matigas at sementadong pader ng studio na tinutuluyan nila.
Paulit-ulit.
Makailang beses.
Nagmakaawa pa ito bago tuluyang pumikit.
Tuwang-tuwa ang nilalang sa kaniyang nakikita. Ilang saglit pa ay naglakad si Perla patungo sa kusina habang kinakaladlad ang biktima niya. Nang marating ang kusina, hinanap niya ang pakay ng patalim. Kitang-kita naman niya itong kumikislap malapit sa lababo. Kinuha niya iyon at agad na ginamit upang buksan ang dibdib ng kaniyang biktima at hugutin ang puso nito.
Nang lumabas na ang puso nito, sinunod naman niya ang sarili. Tinaga niya ang dibdib niya at gaya nang ginawa nito sa babae, pinaikot niya rin ang punyal hanggang sa matanggal niya ang balat niya at dukutin ang puso nang mag-isa. Tuluyan na itong pumikit at agad na lumabas ang nilalang na iyon sa katawan ni Perla.
"Magaling, Perla. Nakapaghiganti ka na. Napatay mo na ang babaeng nagdulot sa iyo ng napakaraming pagdurusa. Winakasan mo na rin ang iyong buhay at salamat sa regalong mga puso ninyo. Gutom na ako at kailangan ko nang kainin ang mga puso ninyo."
Wala nang inaksayang sandali ang nilalang na iyon. Nauna na niyang kinuha ang puso ng babae at kinain na parang kumakagat lamang siya ng crispy pata o hindi nama kaya ay balat ng lechon manok. Sarap na sarap ito sa pagnguya. Walang kahit na anumang panulak sa harapan. Gutom na gutom lang talaga siya. Nakalimutan na rin niya ang emosyong kanina ay kakaibang naramdaman niya.
Nang maubos ang unang puso ay isinunod niyang kainin ang puso ni Perla. Dinukot niya ito sa nakausling dibdib at agad na nilantakan din. Napapapikit pa ito sa pagkaing hilaw na kaniyang kinakain. Nakita at naramdaman niya kasi ang pagiging desperado nito kanina at nasisiyahan siyang kainin ang puso ni Perla. Ilang minuto pa ang nakalipas ay naubos din niyang kainin ang mga iyon.
Tumayo siya at iginala ang mga mata sa paghahanap ng maiinom. Panulak ika nga. At nang makita ang isang pitsel na may lamang tubig, kinuha niya ito at ininom ng buong pagkauhaw. Wala siyang tinira. Ni wala ngang kahit kaunting patak o tulo ng tubig ang natapon. Sadyang uhaw na uhaw talaga siya. Nang maubos ay napadighay siya. Bihira sa isang katulad niya ang mabusog.
Ngayong tapos na siya sa kaniyang pakay, oras na upang lisanin ang bahay ng mga biktima. Muli itong bumalik sa pagiging itim na usok at hinahanap ang nakabukas na bintana at doon lumabas. Pumailanlang pa ito nang mataas. Babalik na sana siya sa direksyon kung nasaan ang condo ni Miko nang may marinig siyang tinig ng isang biktima. Hinanap niya ang pinanggalingan ng boses at nakita niya itong nakatayo sa bubungan. Mukhang magpapatiwakal. Gusto niya ang mga eksenang iyon.
"Ilang beses na akong nabigo. Ilang beses na ring bumangong mag-isa. Pero kahit na nagtatagumpay naman ako ay mas marami pa rin ang kabiguang natatanggap ko. Hiyang-hiya na ako sa sarili kong ayaw tantanan ng malas. Mas mabuti pang wakasan ko na lamang ang buhay ko ngayon."
Naaamoy niya sa lalaking iyon ay takot, pagsisisi, at matinding pagnanais na wakasan ang sarili. Isa na namang pagkain para sa kaniya ang nakahain at hindi niya ito puwedeng balewalain. Kailangan niya munang makuha ang puso nito bago wakasan ang buhay niya. Lumipad siya patungo sa direksyon ng lalaki. Hindi nito napansin ang presensya niya. Kaya na rin naman niyang mag-anyong tao pero limitado lamang. Lilinlangin lang niya ang lalaki nang sa ganoon ay matigil muna siya sa balak nito. Kapag hindi siya nakinig, papasok siya sa katawan nito at kokontrolin siya.
"Gusto mong wakasan ang buhay mo sa pinakamdaling paraan?" aniya nang makalapit at nakitang lumingon sa kaniya ang lalaki.
"Paano?" iyon ang sagot na nakuha niya rito, bagay na ikinatuwa niya.
"Simple lang. Hawakan mo ang aking kamay at dadalhin kita sa lugar na walang makakaalam ng iyong kamatayan."
Inilahad nito agad ang kamay. Nag-aalalangan pa nang una ang lalaki pero bumigay rin ito at hinawakan ang kamay ng nilalang na iyon.