"Panget!"
"Ang taba-taba mo naman. Ayaw mo bang magbawas ng timbang?"
"I'm sorry pero isang prank lang ang lahat. Napagkaisahan ka lang namin. Hindi totoong mahal kita. Na may gusto ako sa iyo. Walang babaeng magkakagusto sa isang tulad mong walang ibang gawin kung hindi ang lumamon."
"Pakamatay ka na lang. Wala ka namang silbi. May trabaho ka nga pero kasya lang sa tiyan mo. Diyan lang napupunta ang lahat ng pinagpaguran mo."
Ilang beses na ba sa isipan niyang iyon narinig ang mga katagang ayaw niyang marinig? Paulit-ulit na lang sila. Iyon ang sinasabi ng isipan niya. Walang araw, gabi at oras na hindi siya kakantyawan, sisiraan, pagagalitan, ipa-prank, at ang mas malala pa ay sasaktan nang walang kalaban-laban.
"Kasalanan ba ang maging malusog? Ang maging mataba?"
Ilang beses na rin naitanong ni Omar sa isipan ang mga salitang iyon. Mahilig siyang kumain. Oo at inaamin niyang ganoon siya. Iyon ang nakasanayan niya. Pinalaki siyang malusog kahit noong kabataan niya. Pero ang inakala niyang mamahalin siya ng pamilyang kinalakihan niya ay kinamumuhian pala siya. Kinakantyawan. Pinapahiya sa ibang tao. Binu-bully at higit sa lahat sinasaktan ng ama at ina.
"Bakit ba kasi kita ipinanganak kung hindi mo kayang pigilan ang kasibaan mo ha, Omar?" minsang bulyaw sa kaniya ng ina.
"Katayin na lang kaya natin iyan at ibenta ang mga lamang-loob? May silbi pa siguro," banta naman ng ama niya noon.
"Palayasin na lang natin iyang si Omar, tay, nay. Dagdag palamunin lang siya rito sa bahay natin," asta naman, kantyaw at suhestyun ng kuya niya noon.
"Paulit-ulit na lang!" galit niyang turan sa isipan.
Kaya nang mabigyan siya ng pagkakataong maglayas ay lumayas talaga si Omar. Wala sa isipan niya ang magbawas ng timbang. Motto niya kasi ay ang food is life to live. Kaya kahit pa gumawa naman siya ng paraang makapasok sa trabaho, hindi pa rin siya tinanggap. Nagkaroon lang siya ng raket na buhayin ang sarili sa pagiging hacker. At least doon ay malaki ang kinikita niya. Kahit delikado na baka mahuli siya ay ipinagpatuloy niya lang ito. Doon siya kumikita at inaambunan naman ang pamilyang galit na galit sa kaniya noon.
Muli siyang tinanggap sa kanilang pamamahay pero panay naman ang hingi nila sa kaniya. Umabot pa nga sa puntong pati bank account niya at credit card ay kinuha. Tinakot pang papatayin kung hindi ibibigay ang password niya. Walang magawa si Omar kung hindi ang maging sunud-sunuran na parang aso sa kaniyang pamilya. At nang sukdulan na ang ginagawang pamamahiya at pambu-bully sa kaniya ng pamilya, kahit pa sariling dugo at pawis niya naman ang ginamit niya para lang matustusan ang pangangailangan nila ay hindi pa rin sapat iyon sa harapan nila.
"Ilang beses na akong nabigo. Ilang beses na ring bumangong mag-isa. Pero kahit na nagtatagumpay naman ako ay mas marami pa rin ang kabiguang natatanggap ko. Hiyang-hiya na ako sa sarili kong ayaw tantanan ng malas. Mas mabuti pang wakasan ko na lamang ang buhay ko ngayon."
Iyon ang sumagi sa kaniyang isipan. Gusto niyang wakasan ang buhay na mayroon siya. Pagod na pagod na ang utak niya. Hindi na rin kaya ng katawan niya ang mga pananakit na ginagawa nila sa kaniya. At ang mga sinabi niyang iyon ang naging dahilan upang maging interado ang nilalang sa kaniya.
Naaamoy niya sa lalaking iyon ay takot, pagsisisi, at matinding pagnanais na wakasan ang sarili. Isa na namang pagkain para sa kaniya ang nakahain at hindi niya ito puwedeng balewalain. Kailangan niya munang makuha ang puso nito bago wakasan ang buhay niya. Lumipad siya patungo sa direksyon ng lalaki. Hindi nito napansin ang presensya niya. Kaya na rin naman niyang mag-anyong tao pero limitado lamang. Lilinlangin lang niya ang lalaki nang sa ganoon ay matigil muna siya sa balak nito. Kapag hindi siya nakinig, papasok siya sa katawan nito at kokontrolin siya.
"Gusto mong wakasan ang buhay mo sa pinakamdaling paraan?" aniya nang makalapit at nakitang lumingon sa kaniya ang lalaki. Nag-aatubili pa ito sa umpisa pagkat hindi niya kilala ang kausap. Pero dahil na-eengganyo siya sa tanong nito ay sumagot si Omar.
"Paano?" iyon ang sagot na nakuha niya rito, bagay na ikinatuwa niya. Gustong malaman ng matabang binata ang paraan na gagawin ng nilalang na iyon sa kaniya.
"Simple lang. Hawakan mo ang aking kamay at dadalhin kita sa lugar na walang makakaalam ng iyong kamatayan," iyon ang tanging sagot na nakuha niya mula sa kaharap. Hindi man lamang napansin ni Omar ang tuso at mapanuksong ngiti nito sa kaniya. Kusang nagkaroon ng sariling isipan ang mga daliri niya.
Nang ilahad ng kausap ang kamay nito sa kaniya, hindi namalayan ni Omar ang pagpasok ng itim na usok patungo sa katawan niya, naging dahilan ng kaniyang pagiging tuliro at wala sa wisyong pumanaog mula sa bubungan. Tila isang abandonadong gusali ang kaniyang pinuntahan at nang makabababa nga upang pigilan ang pagtalon sa mataas na gusaling iyon ay sinimulan na ng nilalang na iyon ang kaniyang planong pagpaslang at pagdukot sa kaniyang puso.
Gamit ang katawan ni Omar ay naghanap ito ng bagay na matulis. Dahil puro kalawangin ang nakikita niya sa paligid, muli siyang naghanap pa hanggang sa makita nito ang nakausling bakal. Ididiin na sana ng nilalang na iyon ang katawan ni Omar sa mahabang bakal na iyon nang mapansin niya ang kumikislap na bagay. Saktong may nakita siyang matulis at mahabang kableng puwedeng gamitin upang saksakin ang katawan ni Omar. Kinuha niiya iyon at napangisi siya.
Walang inaksayang oras ang nilalang at agad nitong itinarak ang kable sa dibdib ni Omar. Dumaloy ang pulang likido sa kaniyang dibdib. Lumabas ang itim na usok sa katawan ni Omar at nag-anyong tao. Nginitian niya si Omar at marahang ipinasok ang matutulis at mahahabang mga daliri sa dibdib nito upang dukutin ang kaniyang puso.
"Ito ang sinasabi ko sa iyong mabilis at pinakamadaling paraan ng pagkitil ng iyong buhay, binata," bulong nito kay Omar habang patuloy sa pagbulwak ang dugo mula sa kaniyang dibdib at sa kaniyang bunganga.
Dahan-dahan binunot ng nilalang na iyon ang puso ni Omar at namuti ang mga mata nito. Bago tuluyang mangisay ay malakas na inihagis ng nilalang na iyon ang katawan ni Omar at pinagpiyestahan ng mga tao. Ang nilalang naman na hawak-hawak ang puso nito ay mabilis na naglaho at kinain ang nakuha niya mula kay Omar.
Nang maitago ang sarili mula sa mga mata nang mga tao at maubos kainin ang puso ni Omar, agad siyang bumalik sa kinaroroonan ng condo ni Miko Talavera upang magpahinga muna. Kota na ang dalawang puso para makalimutan niya ang emosyong sumisibol sa kaniya kapag nakikita si Agna.
"Babalik na muna ako roon at magtatago sa pader. Isasarado muna ang pandinig nang hindi ko marinig ang boses ni Agna. Ganoon na lamang ang gagawin ko. Napagod ako sa pagkain ng dalawang pusong iyon. Pero masarap pagkat hinog iyon sa pilit."
Ganoon nga ang kaniyang ginawa. Sa kabilang kanto lang naman kasi sa Makati ang mga naging biktima niya. Kaya mabilis ding nakauwi ang nilalang na iyon. Nang makitang bukas pa rin ang terrace ay pumasok siya bilang itim na usok. Naroon pa rin sa sofa si Miko at mahimbing na natutulog. Hindi niya mahagilap si Agna pero naririnig niya ang mga tunog ng kubyertos at pinggan sa kusina.
"Naghuhugas siya. Mainam at walang makakakita sa akin. Makatulog na nga."
Pumasok siya sa pader at doon ay naglaho. Sa loob ng pader na iyon doon nagpahinga at natulog ang nilalang. Sinigurado niyang nakasarado ang pandinig niya upang hindi maabala ang kaniyang gagawing pagtulog.
SAMANTALA, nagising si Miko sa ingay ng mga kubyertos at pinggan. Nang dumilat ay napansin niyang wala siya sa kaniyang silid. Nang maalala ang dahilan, napangiti siya.
"Naghuhugas marahil at naglilinis si ina sa kusina. Lilipat lang muna ako sa aking kuwarto pero bago iyon ay sisilipin ko muna si Ina sa kusina."
Tumayo si Miko Talavera at nag-inat-inat. Sinigurado niya munang wala siyang suot na tsinelas o sapin sa paa upang hindi marinig ang mga yabag niya. Nang masilip ang ginagawa ng ina sa kusina ay lihim na napangiti si Miko.
"Sadyang gising na nga si ina. Sumasayaw-sayaw pa ito kahit walang musika habang naghuhugas ng mga hugasan sa lababo. Hindi pa rin siya nagbabago. Sapat na sa aking makitang nagising na siya at nagsasaya. Papanhik na lamang ako sa aking kuwarto at doon ay ipagpapatuloy ko ang aking naudlot na pagtulog."
Ibinaling na ni Miko ang atensyon sa direksyon ng kaniyang silid at doon ay marahan ding naglakad upang hindi siya marinig ng ina. Dahan-dahan din niyang pinihit ang seradura ng pintuan ng kaniyang kuwarto. Pumasok siya roon at marahan ding isinara ang pintuan. Muling nag-inat-inat si Miko at isa-isang tinanggal ang kasuotan at iniwan lang ang itim na underwear at agad na lumundag sa kaniyang kama upang matulog. Naka-on naman ang aircon sa average temperature nito kaya hindi na niya kailangan pang i-adjust ito. Pumikit na lamang siya at hinayaan ang katawang lamunin ng kawalan.
...
SA MALIIT NA ESPASYOng tinutuluyan nina Sam at Danilo, natapos ding maglinis ni Sam. Hindi na niya muli pang tiningnan o sinulyapan ang kaibigang muling natutulog sa maliit na katre.
"Hindi kaya narinig niya ang mga sinabi ko habang natutulog kanina? O posible bang naramdaman niyang binuksaa ko ang buttones ng short niya at tiningnan ang nasa loob ng pang-ibaba niya?"
Napapailing at naiinis si Sam nang mga oras na iyon. Hindi mawaglit sa isipan nito ang sinabi ni Danilo sa kaniya nang dumilat ito sa harapan niya.
"Salamat nga pala sa pagliliigpit ng mga gamit ko sa pagpipinta at sa ginawa mo sa akin kanina ha?"
Naalala niya ang sinabi nito sa kaniya kanina. Pero hindi niya mawari kung tungkol ito sa nagawa niya sa pang-ibaba niyang kasuotan. Lalo tuloy siyang nakaramdam ng pagkapahiya.
"Ano na lang kaya ang iisipin no'n? Baka sabihin niya minamanyak ko talaga siya. Bakit kasi hindi mo napigilan, Sam?"
Nakadungaw na siya ngayon sa maliit na bintana ng inuupuhang silid. Napapabuntong-hininga nang malalim. Hinahanap sa isipan ang mga sagot sa kaniyang katanungan.
"Iwas-iwas din kasing gawin akong ulam, Sam."
Lalong naramdaman niya ang pamumula ng pisngi nang maalala na naman ang huling sinabi nito sa kaniya. Hindi niya mawari kung biro lamang ang mga salitang iyon ni Danilo sa kaniya. Sadyang nahihiya na tuloy siya. Hindi na niya alam kung paano haharapin ang kaibigan. Wala na tuloy yata siyang mukhang maihaharap pa sa kaniya.
"Mas mainam naman siguro na magsabi ako ng totoo, hindi ba?" kausap niya ang sarili. "Pero hindi naman masama ang magtanong? Iyon nga lang baka iniisip na talaga ng Nilo na iyon na matagal ko na siyang pinagnanasaan. Kainis!"
Iba't ibang mga bagay na ang naiisip at tinatanong ng kaniyang utak. Gusto niya rin namang magtapat. Ramdam din naman niyang may alam si Danilo pero hindi niya pa kayang isiwalat ang nararamdaman niya para sa kaniya. Sadyang gusto pa rin niyang manatili silang dalawang magkaibigan.