"Pabili po ng coke. 'Yong Zero. Salamat."
Kasalukuyang nasa isang maliit na tindahan si Danilo at bumili ng coke zero upang maibsan ang uhaw sa kaniyang lalamunan. Nang mga oras na iyon ay napanood niya ang isang balita sa telebisyon.
"Isang babae, natagpuan sa kaniyang condo unit na walang nang buhay.
Kinilala ang biktima sa pangalang Liyan Minerva.
Nagulantang ang buong building na tinutuluyan nito nang madiskubre ng kaniyang kaibigan sa kaniyang condo na wala na itong buhay.
Ayon sa kaibigan. Magda-dalawang araw na kasi itong hindi nagre-reply sa kaniya. Hindi na rin ito nakikitang pumapasok sa kaniyang trabaho.
Nang bisitahin nga niya ang condo at makailang beses na kumatok, walang nagbubukas sa kaniya ng pinto.
Doon na raw nakaramdam ng kakaiba ang kaibigan at agad na bumalik sa reception area upang kausapin ang manager ng building, nang ma-check ang kalagayan ng kaibigan sa loob.
Pumayag naman ang manager nang makausap niya ito sa reception. At nang buksan nga nila ang condo ni Liyan, hindi napigilan ng mga ito ang mapatakip sa ilong. Amoy na amoy mula sa loob ang masangsang at natuyong dugo.
Nang sinuri pang maigi ng kaibigan ang silid ng biktima, doon na ito hindi makapaniwala sa sinapit ni Liyan. Tadtad ang buong katawan nito ng saksak. Ang nakapangingilabot pa, nakita niya sa buong silid ang mga putol na kamay nito at mga paa.
Reiman Sorio po para sa Nagbabagang Balita."
...
"Coke Zero po ninyo," bumalik sa wisyo si Danilo nang marinig nito ang sinabi ng tindera at agad na inabot sa kaniya ang hinihingi nitong coke zero. "Delikado na talaga sa panahon ngayon."
Inabot na lamang ni Danilo ang bayad sa tindera at agad kinuha ang sukli bago umalis. Naglalakad na siya pabalik nang sumagi sa isipan niya ang sinapit ng babae sa balitang kaniyang napanood.
Putol ang mga paa. Nagkalat din ang mga kamay sa buong silid nito. Mistulang karumal-dumal ang nangyari. Ganoong-ganoon din ang sinapit ng kaniyang ina nang madatnan niya ito sa kanilang bahay noon, pagkauwi na pagkauwi niya mula sa trabaho.
"Sana lang ay hindi tama ang iniisip kong may kinalaman ang pagkamatay ng babaeng si Liyan sa painting. Sana lang."
Tinungga na lamang at inubos ni Danilo ang nabiling coke zero, bago nagpatuloy sa paglalakad pabalik sa ka tinutuluyan niya.
...
Kasalukuyang naglilinis ng buong bahay si Milo nang marinig nito na ang tunog ng kaniyang cellphone. May mensahe yata siyang hindi inaasahan, kaya naman pansamantala siyang tumigil sa kaniyang ginagawa. Hindi ito makapaniwala sa natanggap na text. Binasa pa muna niya ang mismong text niya bago ang reply ng sender.
"Magandang araw po. Nabasa ko po ang post ninyo online tungkol sa libreng pagpapaguhit. Ulilang lubos na rin po ako at araw-araw ko pong hinihiling na sana ay makausap ko man lamang kahit sa aking panaginip ang aking yumaong ina. Siya ang huli kong nakasama bago ito malagutan nang hininga. Matagal na rin siyang nasa malayong lugar. At nais ko po sanang ipaguhit ang kaniyang larawan. Sana ay mapaunlakan mo po ang aking kahilingan."
Halos isang linggo na rin pala ang nakararaan nang mag-text siya sa pintor. At hindi nga niya inakalang mag-rereply ito sa kaniya. Hindi maipaliwanag ang kaniyang pananabik nang mga oras na iyon. Tila ayaw pa ng kaniyang mga kamay na hawakang maigi ang cellphone, at ng mga mata nito na basahin ang sagot sa kaniyang kahilingan. Bumuntong-hininga muna at hinarap ang mensahe.
"Ipagpaumanhin mo kung ngayon lamang ako naka-reply. Gusto kong matupad ang kahilingan mo. Nais ko ring malaman ang kumpleto mong pangalan at ang eksaktong lugar kung saan ka nakatira. Kung mamarapatin mo ay ikaw na mismo ang mag-set ng lugar kung saan tayo magkikita. Ihanda mo na lamang ang larawang ipapaguhit mo at dadalhin ko naman sa lokasyong gusto mo ang aking mga kagamitan sa pagpipinta. Salamat."
Wala nang inaksayang oras o kung ano pa mang pagdadalawang-isip si Milo. Agad siyang gumawa ng reply sa pintor at sinend ang mga ito. Sinagot niya rin ang mga katanungan nito at ibinigay ang impormasyong kailangan niya.
"Hindi ko po maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon, sir. Kahit matagal po akong naghintay ng reply mula sa iyo ay hindi po ako pinanghinaan ng loob na maghintay. Ngayon pa lamang po ay magpapasalamat na po ako sa pag-reply ninyo. Ako nga po pala si Milo Rios. Dalawampu at tatlong taong gulang. Nakatira sa Sitio Ibay, Liwanag, Alabang. Kung iyong mamarapatin ay ako na lamang po ang pupunta sa lugar na gusto mo at doon na po tayo magkita. Muli, maraming salamat po."
Nakahinga rin nang maluwag si Milo matapos i-click ang Send sa kaniyang cellphone. Naghintay muna ito nang ilang minuto bago makatanggap ng reply mula sa pintor.
"Sorry for the late response. Sige, kung iyan ang gusto mo, ako na ang magse-set ng lokasyon para sa iyo. How about somewhere in Parañaque rin? Either sa harapan ng Bamboo Organ Church, or nearby. Okay lang ba?"
Muling nag-type naman ng response si Milo. "Sige po. Mas malapit po siya sa tinutuluyan ko. Anong oras po tayo magkikita?"
"That's good. Sige, set na natin iyan mga 4:00 p.m. later. Is that okay?"
"Opo. Saktong-sakto po iyan. Wala naman po akong gagawin mamay. Maraming salamat po ulit."
"Walang anuman. Dalhin mo na lamang ang larawan ng iyong yumaong ina dahil kailangan ko iyon para maiguhit siya nang libre."
"Opo, dadalhin ko po. Lubos po ang pasasalamat ko sa iyo, sir. Salamat po ulit."
Hindi na nakatanggap ng reply si Miko. Nagtatalon na ito sa tuwa at napapasuntok sa hangin. Masaya ang kaniyang puso na sa wakas ay binigyan din siya ng pagkakataon na matupad ang kaniyang kahilingan.
SAMANTALA, sa unit ni Miko, matapos itong makapag-shower ay natanggap niya ang mensahe ni Milo. Naibigay naman nito sa kaniya previously ang kaniyang tirahan at maging ang lokasyon. Pero nagbago ang set-up at siya na ang mismong nagbigay ng eksaktong lokasyon, kung saan sila magkikita na dalawa.
Sa Bamboo Organ Church niya napili dahil hindi pa niya ito napupuntahan at gusto niyang iguhit ang larawan ng yumaong ina ni Milo na nasa harapan ng ancient church na iyon. Kahit pa alas y kuwatro pa ang kanilang pagkikita, maghihintay pa rin siya. Alam niyang kailangan niya iyon upang manumbalik ang sigla ng kaniyang ina.
Hindi kasi niya inasahan na magko-collapse ito at inis na inis siya dahil isang linggo pa lamang ang nakalilipas ay nawala na ang epekto ng kapangyarihan ng nilalang na iyon sa kaniyang ina. Tatlong tao nga ang iginuhit niya pero isang tao lang ang namatay. Kaya, kailangan niyang magdagdag ng dalawa pa. Muli siyang nag-scroll sa kaniyang cellphone at hindi niya inasahan ang isa na namang magandang balita sa kaniya.
"Ako po ay magbabakasakali na sana ay mapansin po ninyo itong aking text, sir Miko. Isang construction worker lamang po ako na nawalan ng asawa. Isang buwan pa lamang kaming kasal nang mapaslang siya ng isang magnanakaw, na sa katanghaliang tapat ay nilooban ang aming bahay. Isang linggo na rin ang nakalipas mula nang mailibing siya at hindi ko pa rin matanggap ang kaniyang pagkawala. Kung mamarapatin po ninyo ay nais ko pong ipaguhit ang kaniyang larawan nang araw-araw ko po siyang masilayan. Ako nga po pala si Vlad."
Pag-iisipan muna ni Miko kung ano ang -irereply kay Vlad. Mahigit isang linggo na rin pala ang text ng biyudong iyon. Kaya kailangan muna niyang ayusin ang mga schedule niya bago ito replayan.