Ikadalawampu't Anim Na Kabanata: Lasunin Si Milo

1061 Words
Natigil sa pagkukusot ng mga nilalabhang damit si Milo nang mapansin niya ang pagsilip ng pamilyar na mukha. Agad itong napatayo at hindi alintana ang basang katawan at shorts na tumakbo palabas ng banyo at niyakap ang matagal nang pinananabikang ina. Napahagulgol pa ito sa balikat niya na parang batang matagal na nawalay sa ina. Mahigpit na mahigpit ang kaniyang yakap at ang inakala niyang totoong buhay na ina ay niyakap rin ito. Nagsalita pa ito na ka-boses na ka-boses ng kaniyang mahal na mahal na ina. "Pinapabayaan mo na naman ang sarili mo, Milo. Bakit parang namamayat ka yata?" sabi nito na lalong nagpaiyak sa kaniya. "Ang mabuti pa ay bumitaw ka na sa pagkakayakap at tapusin mo na ang mga labahan mo. Maligo ka na rin at ako ay maghahanda naman ng paborito mong pagkain. Marami ka naman sigurong imbak na mga sardinas dito, hindi ba?" Bumitaw nga sa pagkakayakap nang mahigpit si Milo at tumango sa harapan ng ina habang pinupunasan ang mga luhang walang tigil sa pag-agos sa kaniyang pisngi. Tumalikod na ito sa ina at tinungo ang banyo upang tapusin ang kaniyang nilalabhan. Lumingon-lingon pa ito para masiguradong nariyan pa rin ito. Hindi naman umalis pa sa kinatatayuan ang ina ni Milo. At nang makabalik nga sa banyo upang tapusin ang lalabhan at nang makaligo na rin ay tinungo naman ng inakala nitong ina ang maliit na kusina upang maghanap ng luluting sardinas na lalagyan ng itlog. Kahit na kontrolado ang mga galaw nito ng nilalang na nasa loob ng kaniyang utak ay nagpatuloy pa rin ito sa kaniyag ginagawa. Hinugasan niya muna ang kawali at inihanda ang tatlong kamatis. Pinaghiwa-hiwa niya muna ito. Binati na rin niya ang tatlong pirasong itlog at agad na binuksan ang sardinas. Pinaghiwalay niya ang sabaw nito at agad na dinurog-durog hanggang sa maihalo nito sa itlog. Isinalang niya ang kawali sa de-kalan at pinainit ito ng ilang minuto. Nang masigurong mainit na ang kawali ay nilagyan niya ito ng kaunting mantika. Sinunod nitong inilagay ang sardinas na may itlog at hinayaang maging kulay brown bago baligtarin. Matapos ang tatlo hanggang limang minuto ay inihain na niya ito sa malaking plato. Tiningnan niya muna kung may nakaluto ng kanin sa rice cooker at saktong mayroon na nga. "Ginutom ako kaya wala akong choice kung hindi ang sakyan ang kabaliwan ni Milo, na inakalang niyang tunay na ina. Mabuti na lamang at alam na alam ko ang mga bagay na tungkol sa kaniya. Kakainin ko ang parte ko pero lalagyan ko ng lason ang kakainin niya." Lihim itong napapangiti sa kaniyang iniisip na plano. Naghanap siya ng ipapatak niyang lason sa lahat ng sulok ng kusina hanggang sa maalala niyang naglalaba pala si Milo at may zonrox itong ginagamit roon. Kinatok niya ang anak sa banyo na kasalukuyan nang naliligo nang mga oras na iyon upang sabihan na iabot sa kaniya ang zonrox. Maglilinis lang siya ng lababo. Sumunod naman ang masunuring anak at inabot nga sa kaniya ang zonrox na kulay puti. Pagbalik sa kusina, sa harapan ng mesa ay siniguro muna niyang naisalin na nito ang parte niya sa isang plato bago patakan ng isang kutsarang zonrox ang sabaw ng sardinas na hiniwalay niya kanina. Ganoon din ang ginawa nito sa tortang sardinas na niluto nito para sa kaniya sa nakahiwalay na plato. Ilang saglit pa ay nagsalin na rin ito ng kanin sa malaking bandehado at saktong nakalabas na ng banyo si Milo upang magtungo sa silid nito at kumuha ng maisusuot na damit. Umupo na sa silya nito ang nagkunwaring buhay na yumaong ina ni Milo habang ang huli ay mabilis na nagbihis sa silid nito. Habang nagsusuklay si Milo sa harapan ng maliit na salaming kaharap niya ay hindi niya maiwasang mapailing. Hindi rin makapaniwala ang kaniyang isipan na muli niyang makikita ang kaniyang ina. Naibulng pa nito sa isipan na kung panaginip man ito ay sana ay huwag na muna siyang gisingin pagkat, nag-e-enjoy pa siya sa masayang pagbisita ng inakala niyang ina. Matapos magsuklay ay humugot nang malalim na paghinga si Milo bago lumabas ng kaniyang silid upang samahan ang ina sa mesa para kumain. Nang marating ang hapag-kainan ay binigyan nito ang ina ng napakalapad na ngiti bago umupo sa harapang silya. "Kumusta ka naman rito, anak?" Naduduwal pa sa isipang ang nilalang na iyon nang lumabas sa bibig nito ang mga salitang iyon. Napayuko pa si Milo dahil hindi pa rin makapaniwala ang utak na nasa harapan pa rin niya ang ina at nakikipag-usap ito sa kaniya. Nakangiti pa ito. "Sa awa ng Diyos ay naka-survive naman po ako, 'Nay." "Mabuti kung ganoon. Tandaan mo palagi ang mga bilin ko sa iyo. Kahit pansamantala lamang itong pagkikita natin ay hindi naman kita kinakalimutan, anak. Oh, siya kumain na tayo. Nakahanda na rin ang plato mo. Mauna ka nang kumuha ng kanin mo at ilagay sa iyong plato." Isang sinserong ngiti naman ang ibinigay ni Milo bago sinunod ang utos ng ina na kumuha na ng kanin niya. Wala naman itong kaalam-alam na ilang minuto na lamang ay magtatapos na rin ang buhay niya sa mundo. Takam-takam pa itong kumuha tortang sardinas at ipinatong sa kanin. Ibinuhos naman nito ang kaunting sauce ng sardinas sa paligid ng kaniyang kanin at sa ulam nito. Muli itong ngumiti sa ina, na pinagmamasdan lang ang galaw ng kutsara, tinidor, at plato nito. Dahil paborito niya ang ulam na iyon na palaging niluluto ng kaniyang ina, hindi na siya nag-aksaya ng oras sa pagsubo. Nakatatlong subo pa ito nang maramdaman niya ang bahagyang pagbilis ng t***k ng puso at paninikip ng dibdib. Wala namang pakialam ang inakala niyang ina habang inilalahad ni Milo ang mga kamay nito na nagbabakasakaling tulungan siya ng ina. Hindi ito nangyari dahil kusang natumba sa silyang kinauupuan niya si Milo. Nagdedeliryo at tumitirik ang matang bumubula ang bibig. Ang inakala niyang ina ay ibinaling na lamang ang atensyon sa pagkaing nasa plato nito at nilantakan muna iyon. Kanina pa kasi siya gutom na gutom at simple lang ang ginawa niyang pagpatay sa biktima nitong si Milo. Tinangkang gumapang ni Milo pero hindi na niya nakayanan pa ang paninikip ng dibdib at patuloy na pagbubula ng kaniyang bibig. Ilang sandali pa, kasabay ng huling tunog ng nagsasalpukang mga kutsara at tinidor ay tumigil na rin ang pagtibok ng puso ng binatang si Milo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD