Ikadalawampu At Pitong Kabanata: Pansamantalang Pamamahinga

1121 Words
Sa tahanan ni Milo pa rin, patuloy sa pagkain ang pumaslang sa kaniya. Ang inakalang ina ni Milo ay takam na takam pa sa pagsubo ng niluto nitong pagkain. Hindi man lamang nirespeto ang may-ari. Para sa kaniya ay isa lamang iyong kabayaran sa hiling nitong iguhit ang mukha ng ina nito. Na siya namang pinagbigyan niya mula sa pangangailangan na rin ni Miko Talavera. Hindi niya pinalalagpas ang anumang hiling ng binata para sa ina nitong sa kaniyang mga kamay nakasalalay ang buhay. Nang mabusog ay agad siyang tumayo at tinungo ang painting sa loob ng silid ng ina ni Milo. Pinagmasdan pa niya ito nang maigi at napailing sa pagkadismaya. "Sayang ang iyong anak. Hindi man lamang niya na-enjoy ang kaniyang kabataan. Sabik kasi sa iyong pagkawala. Kaya hindi ko na rin pinatagal ang buhay niya. Mas kailangan ka niya kaysa sa buhay na mayroon siya sa kasalukuyan. Magpaalam ka na sa iyong anak na si Miko." Matapos ang mga salitang iyon ay unti-unting naging kulay itim na usok ang babae at pumasok ito sa painting. Nang makabalik ay agad itong naglaho. Ang kulay itim na usok naman na natira ay naghanap na rin ng lalabasan upang lisanin ang tahahan ng isa sa kaniyang biktima. Babalik na ito sa condo ni Miko Talavera upang makapagpahinga sa dalawang biktimang kaniyang pinaslang. SA CONDO unit naman ni Miko ay mahimbing pa ring natutulog ito. Maging ang kaniyang inang si Agna ay tulog pa rin ito at naghihintay na lamang ng oras na magising muli. Dahil lagpas alas tres na nang hapon ay natatakpan ng liwanag ng sikat ng araw ang kulay itim na usok na patuloy sa paglalakbay pabalik sa condo ni Miko. Nauna nang dumating at lumitaw sa silid ni Agna ang painting na iginuhit ni Miko. At unti-unti na ring bumabalik sa normal ang pagtibok ng puso ni Agna. Senyales na rin ito ng kaniyang muling pagkabuhay pagkat dalawang tao na naman ang nawalan ng buhay sa kahilingan ng anak na makapiling siya. Mabilis ang takbo ng oras. Gayundin ang paglalakbay ng itim na usok sa tindi ng sikat ng araw. Narating din nito ang unit ni Miko Talavera. At sa nakabukas na bintana ng condo, doon siya dumaan at pumasok. Sa living room ng unit ay lumitaw ang anino at marahang naglakad patungo sa silid ni Agna Talavera. Sa halip na buksan ang pintuan ay lumusot lamang ito at nang makitang iba na ang posisyon ng tulog ni Agna, napangiti ito. Nagtagumpay si Miko. Ilang oras na lamang ay magigising na rin ang ina at siya naman ay magsisimula pa lamang umidlip. ... SA LUGAR kung saan nanunuluyan si Sam, abala na rin ito sa paglilinis ng inuupahan nilang maliit na boarding house. Habang naghuhugas ng pinggan sa lababo ay hindi maalis-alis sa isipan ni Sam ang painting na ginuhit ni Danilo. Puyat na puyat pa nga ang kaibigan nang makita itong tinapos ang obra. Lalo pang tumindig ang balahibo niya nang mapagmasdang maigi ang larawang iginuhit ni Danilo. Pruweba ang mga nagkalat na dugo at amoy ng dugo sa mga pinturang naihalo pa nito nang itapon niya ang laman. Ang mas nakakapangilabot ay ang mismong resulta ng obra niya. Amoy na amoy ang natuyong dugo sa canvas. Pira-pirasong mga bahagi ng katawan ang naiguhit nito at hindi makapaniwala si Sam na ganoon ang gagawing painting ni Danilo. Marahil hindi ito makapagpili ng ipapasang obra para sa nalalapit na ebalwasyon. At alam niyang importante para kay Danilo ang maging bahagi ng exhit na iyon. Napailing pa si Sam nang matapos ang pagbabanlaw sa huling platong kaniyang hinuhugasan. Malapit na ang tanghaliang tapat at tulog na tulog pa rin si Danilo. Hindi niya gigisingin ito dahil sadyang napagod talaga siya sa pagpipinta. Ang tanging magagawa na lamang niya ay suportahan ito sa kaniyang ginagawa. Kung ano man ang binabalak nito ay alam din naman niyang sasabihin ito sa kaniya ni Danilo. Maghihintay na lamang siyang marinig mula sa kaniya ang rason kung bakit ganoon ang obrang kaniyang ginawa. Magsasaing na sana si Sam nang mapatigil siya at pagmasdan ang mahimbing na natutulog na si Danilo. Napaupo pa ito sa tabi niya at inilapit pa ang mukha. Napakaamo. Pulang-pula ang mga labi. Makakapal ang kilay. Hugis triyanggulo din ang mukha na bumagay sa katangkaran nito. "Kung hindi ka siguro pintor, baka pinagpipyestahan ka na sa isang sikat na online magazine. O hindi naman kaya ay nakabalandra na ang iyong buong katawan sa harapan ng camera at nakatutok ang mga ito sa photoshoot mo." Napapangiti pa ito habang napapaisip sa kahalayang tumatakbo sa kaniyang utak hinggil sa maaaring naging trabaho ng kaibigang para sa kaniya ay naging hulog ng langit. Walang pagsidlan ang kaligayahang nararamdaman niya kapag kasama at nakikita palagi si Danilo. "Sana sa paghahanap mo ng kasagutan at paghihiganti sa sinapit ng iyong ina ay mapagtanto mong mas masarap pa ring mabuhay nang walang galit sa puso, Danilo." Hindi na napigilan ni Sam na hawakan ang pisngi ng kaibigan. Hinimas-himas pa niya ito mula noo hanggang pisngi nang hindi namamalayan ang pagdilat ng mga mata ni Danilo. Mulagat naman si Sam at biglang namula ang pisngi sa hiya. Agad niyang tinanggal ang kamay at tumayo. Ibinaling ang atensyon sa pagsalok ng bigas sa malaking lata ng Rebisco at hinugasan ito. Hindi talaga siya lumingon sa hiya. Kaya hindi niya nakita ang pagbangon at pag-inat-inat ni Danilo. "Anong oras na, Sam?" tanong nito habang pipikit-pikit pang inaalis ang muta sa kaniyang mata. "Malapit nang magtanghali. Ito nga oh, magsasaing na ako. Bababa rin ako para bumili ng ulam natin sa labas," sagot naman nito na tila matino naman at hindi naman siya nautal. "Ganoon ba? Salamat nga pala sa pagliligpit ng mga gamit ko sa pagpipinta at sa ginawa mo sa akin kanina ha? Balik tulog muna ako. Apat na oras pa lang yata akong nakatulog. Gisingin mo na lamang ako kapag luto na ang kanin o nakabili ka na ng ulam ha? Iwas-iwas din kasing gawin akong ulam, Sam," pagbibiro ni Danilo at muling humiga. Pansamantala namang naistatwa si Sam at muntikan na niyang maibuhos ang laman ng bigas sa rice cooker nang marinig ang sinabi ni Danilo. "Salamat nga pala sa pagliligpit ng mga gamit ko sa pagpipinta at sa ginawa mo sa akin kanina ha?" "Iwas-iwas din kasing gawin akong ulam, Sam." Sa inis nito ay gusto na niyang maglaho sa harapan ng natutulog nang muling si Danilo. Hindi niya inakalang lalabas sa bibig ni Danilo ang mga iyon. Kaya naman malakas ang kutob niyang kahit puyat ito ay ramdam niya ang lahat ng mga ginagawa niya sa kaniya. Ibinalik na lamang niya ang atensyon sa paglilinis ng bigas at napailing sa anumang tumatakbo sa kaniyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD