Ikalabimpitong Kabanata: Ang Dalawang Kliyente

1071 Words
HINDI inakala ni Miko na ganoon pala katindi ang trapiko kapag sasapit ang dapit-hapon. Stuck tuloy siya sa gitna ng mga sasakyan along Airport Road papasok sa destinasyon niya patungong Parañaque, kung saan naroroon at naghihintay na ang kaniyang dalawang kliyente. Labinglimang minuto na lamang ang natitira. Ang kaninang inakala niya ay trenta y minutos lang na biyahe ay halos mag-iisang oras na. Nasisi pa tuloy nito ang GPS sa kaniyang kotse. Namali pa siya ng shortcut na dinaanan. Napabuntong-hininga na lamang si Miko. Nirelaks na lamang niya ang utak. Hindi siya puwedeng ma-stress. Nasa kaniyang mga kamay nakasalalay ang gamot ng kaniyang ina. Hindi siya puwedeng umatras. At mas lalong hindi puwedeng mapurnada ang plano niya sa dalawang kliyente niya. Kaya naman habang mabagal pa ang usad ng mga sasakyan sa harapan niya ay kinuha niya muna ang cellphone at nag-compose ng text messages sa dalawa. "Hi, Milo. Ipagpaumanhin mo kung ngayon lang ako naka-reply sa iyo. Maaari mo ba akong hintayin sa tagpuan natin? Traffic pa kasi rito sa dinaraanan ko patungo riyan. Kung maaari sana ay bigyan mo pa ako ng kaunting palugit. Kahit mga trenta y minutos pa. Okay lang ba?" Matapos ma-click ang Send button sa messages niya, naghintay muna ng ilang minuto si Miko bago i-copy and paste ang kinompose niyang mensahe at palitan lang ang pangalan upang ma-text naman si Vlad. Sakto naman at nag-reply si Milo sa kaniya. "Wala pong problema, sir Miko. Malapit lang naman po ako sa tinutuluyan ko. Kahit gabihin po ako rito sa kahihintay, ay okay lang po. Ingat po kayo sa daan. Hintayin ko na lang po kayo rito." Okay na kay Miko na nag-reply si Milo sa kaniya. Kaya, ginawa na niya ang susunod na hakbang para ma-i-text si Vlad. Pinalitan lang niya ang pangalan at agad na kinlick ang Send button. "Hi, Vlad. Ipagpaumanhin mo kung ngayon lang ako naka-reply sa iyo. Maaari mo ba akong hintayin sa tagpuan natin? Traffic pa kasi rito sa dinaraanan ko patungo riyan. Kung maaari sana ay bigyan mo pa ako ng kaunting palugit. Kahit mga trenta y minutos pa. Okay lang ba?" Umusad na nang kaunti kahit papaano ang mga sasakyan sa harapan niya at ibinalik ang tingin sa pagmamaneho. Nang liliko na siya sa KFC, along MIA road at Coastal Road ay saglit niyang napansin ang cellphone sa driver seat na nagbi-blink-blink. Pansamantala muna siyang tumigil sa gilid ng kalsada at binasa ang mensahe. "Naku, wala pong problema, sir. Marunong po ako maghintay. Bihira po dumating sa akin ang opurtunidad na mapabigyan po ninyo sa aking kahilingan. Kaya okay lang po na maghintay ako kahit anong oras po ninyo gusto. Mag-iingat na lamang po sa pagmamaneho sa daan. Hintayin ko po kayo rito sa labas ng simbahan. Nasa parke na po ako. Salamat." Napangiti na lamang si Miko at bumuntong-hininga muna bago ibinalik ang tingin sa manibela ng sasakyan at pinaandar ito. Sinet niya munang muli ang GPS sa harapan niya sa loob ng sasakyan bago kinambyo ang manibela patungo sa direskyon ng tinuturo ng guide niya. Saglit pa siyang napatingin sa relo at napansing limang minuto na pala ang nakalipas sa oras na alas kuwatro. Dahil hindi na gaanong ma-trapik nang marating niya ang crossing section patungong paliparan o airport ay binilisan niya nang kaunti ang pagmamaneho. ... SA LOOB naman ng condo ni Miko, sa kuwarto ng ina nito ay lumitaw ang itim na usok at isang nilalang ang lumitaw sa natutulog na ina ni Miko na si Agna Talavera. Pinagmasdan pa niya ito nang maigi at nagsalita sa isipan. "Sadyang napakaganda mo pa rin, Agna. Sinong mag-aakalang magku-krus ang ating landas? At ang anak mong si Miko pa ang nakadiskubre sa akin. Siya ang humingi ng tulong. Kahit pa matagal na akong nawala sa mundo mo ay hindi ka nawala sa isipan ko. Matagal ding panahon kitang hinanap." Iba ang mga sinasabi nito sa ikinikilos ng nilalang. Ang mga ngiti nito ay parang mga boses ng limang demonyong nasa loob ng iisang katawan ng isang taong sinaniban. Umuusok lang ito at lumulutang sa kisameng lumalapit sa nakatulog na mukha ni Agna Talavera. "Papahirapan ko ang anak mo, Agna. Hindi ko hahayaang araw-araw siyang magiging masaya. At lahat ng sasabihin ko ay paniniwalaan niya pagkat buhay mo ang nakasalalay. Iyon ang nais ng anak mo at napakasuwerte mo at si Miko ang iyong naging anak. Kung sana ay hindi mo ako iniwan noong mag-isa." Pagkatapos sambitin ang mga huling katagang iyon ay mabilis na naglaho ang nilalang na iyon sa loob ng silid ni Agna Talavera. Naka-respirator na naman kasi si Agna at sa aparatung iyon lamang siya pansamantalang humihinga habang hinihintay na magtagumpay ang kaniyang anak upang muli siyang makabangon. ... SA PARKE kung saan marami na ang taong naglalakad-lakad, kumakain, nagdya-jogging, at nag-uusap ay naroon sina Milo at Vlad. Sa magkaharap na upuan lamang silang dalawa. At walang alam na iisa lang pala ang taong hinihintay nilang dalawa. Napansin ni Milo na kanina pa nakatitig ang lalaking nasa harapan niya, kaya agad siyang umiwas ng tingin. Si Vlad naman ay tila hindi rin nakaligtas sa kaniyang mga titig. Kaya umiwas na rin ito nang tingin. Sa kaliwang bahagi ay doon nakatingin si Milo. Mga batang masayang tumatakbo at hinahabol ng ina nito ang kaniyang pinapanood. Nakaupo lamang sa damuhan ang isang lalaki na nakangiti pa at biglang tumayo at sumali sa habulan ng mag-ina. "Kung nakikita mo sana ngayon ang nakikita ko, Lala. Alam kong magiging mas masaya ka kapag may anak tayo." Isang malalim na buntong-hininga na lamang ang pinakawalan ni Vlad at sa mismong cellphone na lamang siya tumingin. Baka maluha na naman siya kapag makita pa ang masayang mukha ng batang iyon kasama ang magulang. Sa kanang bahagi naman ni Milo ay nakita nito ang isang binatang inaalalayan ang ina sa paglalakad. Hula ni Milo ay na-stroke marahil ang matandang babae at ang anak nitong lalaki ay nakangiti pang tinutulungan ang ina sa paglalakad. Ang pagkakaalam niya ay magandang therapy din iyon sa mga na-stroke. Natigil lamang ang kaniyang panonood nang tumunog ang cellphone niya at binasa ang mensahe galing sa hinihintay niyang pintor. "Nandito na ako sa harapan ng simbahan. Magse-set up lang ako at puwede na kayong pumunta rito. Salamat sa paghihintay." Ganoon rin ang text message na natanggap ni Milo at sabay pang luminga ang dalawa upang hanapin sa harapan ng simbahan ang taong kanina pa nila hinihintay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD