Ikadalawampu't Apat Na Kabanata: Iguhit Ang Ina

1010 Words
Madaling araw na nang palipad-lipad ang itim na usok na iyon at hinahanap ang daan pabalik sa kinaroroonan ng condo ni Miko. Nang mga oras na iyon ay hindi makatulog si Milo at napadungaw ito sa may bintana ng kaniyang kuwarto. Napapabuntong-hininga pa ito nang mapansin niya ang kulay itim na usok na lumilipad sa taas. Kumurap-kurap pa siya nang ilang beses bago muling tingnan ang itim na usok na iyon. Ngunit bigla rin itong naglaho sa kaniyang paningin. Napailing na lamang si Milo nang mapagtantong ilusyon lang siguro ang kaniyang nakita. "Ano kaya iyon? Baka kulay itim na ulap lamang iyon kasi tahimik naman ang kalangitan. At saka madaling araw na kaya at baka dahil sa antok lang at kung anu-ano ang nakikita ko. Makatulog na nga." Iwinaksi na lamang sa isipan ni Milo ang kaniyang nakita at agad na bumalik sa kaniyang kinahihigaan. Naisaayos na rin naman niya kanina pag-uwi niya ang larawan ng kaniyang ina. Nakasabit na ito sa pader, itaas ng kaniyang kama, sa uluhan nito. Bago humiga ay nag-flying kiss pa ito sa larawan ng inang ipinaguhit niya. "Matutulog na po ako, Ina. Bantayan mo po ako ha? I love you." Masaya itong humiga sa kaniyang katre at pinatay na ang maliit na lampara sa loob ng kaniyang silid. ... MAHIGIT dalawang oras ding naglakbay sa alapaap ang itim na usok bago siya nakabalik sa condo unit ni Miko sa Makati. Sa siwang ng maliit na bintanang nakabukas doon pumasok ang itim na usok. Tinungo muna nito ang silid ni Miko. Nakabukas naman ang pintuan ng kaniyang kuwarto kaya nakapasok din siya roon at lumitaw sa harapan ng natutulog na pintor. "Ito na ang canvass ng isa sa aking biktima. Iiwan ko na lamang ito dito sa iyong silid, Miko. Ibabalik ko muna ang hininga ng iyong ina dahil nagtagumpay ako sa isang biktima. Bago ang tanghaling tapat ay babalik ako sa lugar naman ng pangalawang biktima at gawin ang susunod kong balak sa kaniya. Magpapahinga lang muna ako ng ilang oras." Bago lisanin ang silid ng pintor ay ibinuka muna nito ang bibig at isang maitim na usok ang lumabas at nagkorteng canvass ito sa kaniyang kamay. Inilapag nito ang painting sa paanan ng kama at naglaho upang puntahan ang silid ni Agna at ibigay pansamantala ang hininga nito. "Hindi ka pa tuluyang magigising, Agna hangga't hindi ko pa napapatay ang susunod kong biktima. Maghihintay pa ng isang buong araw si Miko bago niya muling masilayan ang iyong nakangiting mukha at masiglang katawan." Matapos sambitin iyon ay dahan-dahan siyang nagpalabas ng itim na usok at ipinasok ito sa ilong ng natutulog na si Agna. Nang matapos ang paglilipat ng hininga sa ina ni Miko ay agad naman itong naglaho sa loob ng silid. Sa apat na sulok lang naman ng condo ni Miko ito nagtatago. Magpapahinga lamang siya upang may lakas na ulit itong gawin ang balak sa susunod niyang biktima. ... SA TINUTULUYAN ni Danilo at Sam, nakabukas pa rin ang ilaw sa silid nito. At sa silid ding iyon doon natutulog si Sam. Iisang katre lang kasi ang mayroon sa tinutuluyan nilang maliit na bahay. Malawak naman ang katreng iyon, kaya hindi na rin siya lugi sa pagtulog kahit na magkatabi pa silang dalawa ni Sam. Madaling araw na ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Nakatingin lang siya sa mahimbing na natutulog na si Sam, na ang tanging suot ay boxer brief. Napailing na lamang ito. Sanay na siya sa kaibigan dahil wala namang malisya sa kaniya kahit pa matulog pa itong hubad. Minsan na rin kasi niyang nagawa ang matulog na hubo at hubad katabi si Sam. At wala namang nangyaring ginalaw siya nito pagkat alam niyang hindi naman bakla ang taong tumulong sa kaniya. Nakatitig lamang si Danilo sa limang painting na tinitingnan niya. Ilang linggo na lamang ay magtatapos na ang pasahan para sa exhibit. Tinawagan pa nga siya kaninang hapon ni Senya para ipaalala sa kaniya ang nalalapit na ebalwasyon ng painting isusumite niya para maisama sa exhibit at para na rin makilala ang obra niya. Kanina pa rin kasi siya binabagabag sa pagpili ng ipapasa niya at madaling araw na ay hindi pa rin siya makakapili. Sa limang painting na ginuhit niya ay wala siyang mapili. Hindi sa hindi maganda ang pagkakaguhit ng mga ito, kung hindi dahil sa hindi niya makita ang kahalagahan ng naiguhit niya. Sa pagkakatanda niya kasi ay naiguhit lamang niya ang limang painting na iyon out of boredom o pampalipas oras lamang. Ang larawan ng kaniyang tinutuluyan na ginawa niyang moderno ang pagkakaguhit sa mga kagamitan ay nagawa niyang iguhit dahil gusto lang naman niyang magliwaliw. Ang isa namang painting niya ng eskinita ay naiguhit niya dahil nakita niya ang masasayang mga batang naglalaro sa eskinitang iyon na walang kahit na anong problemang inaatupag. Ang pangatlo naman ay ang larawan ng mga batang naglalaro ng gagamba habang ang pang-apat na naiguhit niya ay ang kaibigan nitong si Sam na nagpupumilit na iguhit din siya. Ang panghuli sa kaniyang obra ay ang dapit-hapon o bukang-liwayway na sa tingin niya ay papasa naman pero hindi siya ganoon kakampante. Napabuga na lamang nang malalim na buntong-hininga si Danilo at inubos na ang 3n1 na kape niyang tinimpla kanina. Pangatlo na niya ito at hindi niya alam kung magtitimpla pa ulit siya. Tumayo muna siya at tinungo ang sirang bintana ng kanilang silid. Nakita niyang nagpalit ng posisyon at tumihaya si Sam. Muli na naman siyang napailing nang makita ang nakaumbok at nakatayong alaga nito sa boxer brief. Pinatay na lamang ni Danilo ang lampara at dahan-dahang naglakad patungo sa bintana. Sa sirang bintanang iyon ay dumungaw si Danilo. PInagmasdan ang tahimik na kalangitan at mangilan-ngilang mga kabahayang nasa baba ng kaniyang tinutuluyan. Malalim itong nag-isip at hindi naiwasang sumagi sa isipan ang malagim na sinapit ng kaniyang ina. Sa puntong iyon ay doon biglang rumihestro sa isipan ni Danilo na iguhit ang mismong sinapit ng kaniyang ina. Iyon ang pinakamagandang ideyang naiisip niya at sisimulan niya ito kahit pa hindi na siya makatulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD