Isang matandang lalaki ang nakikipag-usap sa isang lalaki sa harapan ng isang malaking mansyon. Ang taong ito kasi ay sikat na pintor sa kanilang baryo. Alam ng matanda na matutulungan siya ng pintor sa kaniyang pakay.
Kalat kasi ang balitang kaya niyang buhayin ang mga taong kaniyang iginuguhit. Hindi nga lang niya alam ang magiging kapalit ng kaniyang kahilingan sa pintor.
"Ano po ang sadya ninyo, Mang Crispin sa aking tahanan?" malugod siyang tinanggap at tinanong ng may-ari.
"Gusto ko sanang humingi ng tulong. Alam kong ikaw ang malalapitan ko e."
"Sa abot po ng aking makakaya ay tutulungan ko po kayo. Pera po ba ang kailangan ninyo?" wika nito sa malumanay at nakangiting tinig. Tila binabasa ang isipan ng matanda.
"Hindi pera ang kailangan ko. Kuntento naman ako sa kung ano ang mayroon ako," nakayukong tugon ni Mang Crispin. Ngiti lamang ang iginanti niya sa matanda.
"Kung ganoon, makikinig ako," napapangiti na ito pagkat alam na niya ang hiling ng matanda sa kaniya.
"Matagal ko na kasing nami-miss ang aking anak. Gusto ko sana siyang makita at humingi ng kapatawaran sa kaniya sa aking nagawang kasalanan. Ngunit, hindi ako pinatatahimik ng aking konsyensya. Alam ko kasing malaki ang galit niya sa akin. Maaari mo ba akong tulungan?" pagku-kuwento ni Mang Crispin.
Sandaling tumahimik ang lalaki. Nag-iisip. Pinagmasdang muli ang matanda. Tiningnan ang kaniyang mga mata. Namamasa-masa na ito at talagang sinsero siya sa kaniyang pakay.
"Gagawin ko po ang lahat ng paraan. Kahit sandali man lamang bago ako bawian ng buhay ay makausap ko ang aking nag-iisang anak. Sana ay matulungan mo ako. Nakikiusap akong tulungan mo ako," pagmamakaawa niya. Napabuntong-hininga ang lalaki. Ilang saglit pa ay nagsalita siya.
"Tutulungan ko po kayo, Mang Crispin. Ngunit, kailangan ko po ang larawan ng inyong kaisa-isang anak. Mayroon po ba kayong dala ngayon?" sumilay ang liwanag ng pag-asa nito nang nagtanong siya ng isang larawan.
"Opo. Opo. Ito po. Ito po ang larawan ng aking anak," masayang iniabot ni Mang Crispin ang larawan ng kaniyang anak. Tinitigan naman ito ng lalaki. Ilang sandali pa ay muli itong nagsalita.
"Hindi po ako ang makakatulong sa inyo dahil hindi naman po ako espiritista. Pero may alam akong gawin. Gusto niyo po bang malaman?" tumango lamang si Mang Crispin.
"Sumunod po kayo sa akin, Mang Crispin," sumunod naman ang matanda sa kaniya.
Mula sa pasilyo ng tahanang iyon ay dumiretso sina Mang Crispin sa isang malaking bulwagan. Iba't-ibang likha at obra ang kaniyang nakikita habang paakyat sila sa ikalawang palapag ng mansiyong iyon.
Manghang-mangha pero nababahag ang buntot na tumitingin-tingin lamang si Mang Crispin sa mga obrang iyon.
"Malapit na po tayo, Mang Crispin. Hali na po kayo," agad namang sumunod ang matanda sa lalaki.
Mula sa ikalawang palapag ay naglakad pa sila patungo sa isang silid. Nasa dulo pa ito. Nang buksan ito ay tumambad sa mukha ni Mang Crispin ang isang studio kung saan nagpipinta ang isang pintor.
"Pasok po kayo," aya muli nito sa kaniya. Pagkapasok ay agad na isinara ng lalaki ang pinto.
"Maupo po muna kayo rito at may ilalabas lang po ako," tumango naman ang matanda at umupo sa isang upuan na nasa gitna. Nagmasid-masid siyang muli at namangha.
"Kakaibang pintor marahil ang lalaking ito," bulong nito sa kaniyang isipan.
Sa isang maliit na silid ay pumasok ang lalaki at tila parang may kinakausap na ibang tao. Tumahimik si Mang Crispin at nakinig.
"Nais ko lamang po siyang tulungan. Kaya sana po ay pagbigyan ninyo ang kagustuhan ko. Alam ko po ang ginagawa ko, kaya huwag na po kayong mag-alala. Maiwan ko na po muna kayo rito."
Mulagat si Mang Crispin. Ramdam niya ang biglang pag-ihip ng malamig na hangin maging ang pagtayo ng kaniyang balahibo sa kaniyang mga kamay at leeg. Nang lumabas ang lalaki ay may dala na itong kagamitan sa pagpipinta gaya nang pastel, blank portrait o canvass, pintura, at mga paint brush. Nang maisayos ito sa kaniyang harapan ay inilagay naman nito ang larawan ng kaisa-isang anak ng matanda na si Laurena.
"Nais ko pong ipaalam sa inyo na wala po akong hihinging kapalit sa iyo, Mang Crispin. Ang nais ko lamang ay sana hindi kayo nagkamali sa inyong desisyon," kahit kinakabahan man ang matanda ay sumang-ayon naman ito. Ngumiti siya sa lalaki.
"Iguguhit ko na po ang inyong anak. Hindi po ito matagal at hindi po kayo maiinip," sabi niya.
At sinimulan na ngang iguhit ng lalaki ang litrato ni Laurena. Sinimulan niya sa hugis ng mukha, buhok, mata, at ilong. Hindi makapaniwala ang matanda nang limang minuto ang nakalipas ay nakuha na nito ang hugis at kulay ng mata ni Laurena.
Nang matapos pa ang sampung minuto ay agad na ipinakita ng lalaki ang kaniyang finished product na canvass.
"Ito na po ang larawan ng inyong anak, Mang Crispin. Kamukhang-kamukha na po ba siya?" umurong ang dila ng matanda at manghang-manghang napatango na lamang ito.
"Ibibigay ko na po ang larawang ito sa inyo pero iiwan po ninyo ang litratong ito sa akin. Iyon lamang po ang hihilingin ko. Bukas na bukas po sa kuwarto ng inyong anak kung saan ninyo isasabit ang painting niya ay makakausap niyo po siya. Pagkatapos naman po ng dalawang araw mula ngayon ay bibisitahin ko po kayo at ang obra ko. Maliwanag po ba, Mang Crispin?" hindi na nagsalita ang matanda. Agad niyang kinuha ang canvass o larawan ng kaniyang anak na ipininta sa kaniya.
Magkasabay na lumabas ang lalaki at si Mang Crispin sa studio. Inihatid pa ng tanaw ng lalaki si Mang Crispin hanggang sa malaking gate ng mansiyon. Nang makalabas at malayo na ang kinaroroonan ng matanda ay bumalik na sa loob ang lalaki at umakyat sa kaniyang studio.
Someone's POV
"Magaling ang kaniyang ginawa. Kahanga-hanga. Mayroon na naman akong bagong biktima. Muli na naman akong makakakain ng puso ng tao. Ang saya-saya ko talaga. Kung akala ng matandang iyon ay walang kapalit ang obra, nagkakamali siya. Malalaman din naman niya iyon pagkatapos ng dalawang araw. Kaya, hahayaan ko munang makausap niya ang kaniyang anak na si Laurena."