Walang pagsidlan ang kaligayan niya. Walang oras na hindi siya ngumingiti kapag kasama niya ang taong mahal niya. Tanging dalawa na lamang kasi sila ang nagtutulungan noon upang maiahon sa kahirapan ang kanilang buhay.
Kahit salat sa buhay ay hindi ito naging hadlang sa kaniya na makapagtapos ng kolehiyo sa kursong Fine Arts in Painting. Iginapang siya ng kaniyang ina. Kahit paglalabada ay pinatos ng ina upang may pambayad ito sa matrikula niyang napakahamal at sa isang pribadong unibersidad sa U.P. Diliman lang naman siya nag-aral.
Ang kaniyang ina ang naging ama at ina niya sa pag-aaral niya. Lahat ng pangangailangan niya, kahit mahal ito o kahit hindi alam kung saan kukunin ang pambili at pambayad ay naitawid siya ng taong pinakamamahal niya sa kaniyang pag-aaral. Kaya ang ipinalit niya ay ang pagiging masigasig at masipag sa pag-aaral.
Ilang araw at buwan din ang ginugol niya sa paggawa ng mga proyekto niya. Ginawa niya ring paraan ang pagpipinta upang kahit paano ay may pambili siya sa kumakalam niyang sikmura. Natural na kasi sa kaniya ang pagguhit, kaya marami-rami din siyang naibebenta o nagpapaguhit sa kaniya.
Ang sipag at tiyaga niya, ang pagsusunog ng kilay niya ay nagbunga din dahil nakapagtapos siya. Ang pagtatapos na iyon ang nagbigay ng pagkakataon sa kaniya upang pasalamatan ang inang kayod-kalabaw ang ginawa mairaos lang ang pag-aaral niya. Nagbunga ang lahat ng pagkakawang-gawa ng ina at ang pagiging masinop at masipag din niya.
Lumipas ang halos limang taon ay nakawala na sila ng kaniyang ina sa mukha ng kahirapan. Naging matagumpay siya sa larangan ng pagpipinta. Kaliwa at kanang binibili ang kaniyang mga obra at iniimbitahan din siyang magpinta sa loob at labas ng Pilipinas.
Dahil sa kasipagan niyang iyon ay nakapag-ipon siya at nakabili ng sarili niyang bahay. Hindi lamang ito isang simpleng bahay dahil may tatlong palapag at may isang malaking garahe at fountain pa ito sa labas. Sa ikalawang palapag ay naroon ang kaniyang studio at mga painting.
Nakahinga rin nang maluwag ang ina niya sa paggabay at pagtulong sa kaniya. Kaya hindi rin maubos-ubos ang biyayang ipinagkaloob niya sa ina. Paroo't parito din sila sa loob at labas ng bansa upang magbakasyon. Paraan na rin niya ito upang pasalamatan ang ina sa lahat ng ginawa niya. Nang minsang idaos niya ang kaarawan ng ina ay napaiyak ito sa kaniyang mensaheng kahit sinong ina na makaririnig ay luluha sa kaniyang mga salita. Mga katagang tagos sa puso ang pagbigkas na isang napakalaki at hindi malilimutang mensahe niya para sa nag-iisa niyang ina.
Mahal kong nanay,
Walang salita ang hihigit pa
Sa pagmamahal na ibinahagi mo sa akin
Kahit noong ako ay musmos pa.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ko
Dahil lagi kang nariyan, magkasama tayo.
Sa iyo ko natutunan ang ngumiti,
Sa iyo ko natutunan ang magbanat ng buto,
Sa iyo ko rin natutunan ang magmahal kahit walang-wala tayo.
Dahil sa iyo, nagkaroon ako ng pangarap na ibalik sa iyo ang mga sakripisyo mo.
Sa kaarawan mong ito, hinihiling ko
Na sana bigyan ka ng Panginoon ng mahabang buhay,
Mahabang buhay na kasama mo ako, laging masaya at malayo sa disgrasya at peligro.
Dahil ikaw, o nanay ko, higit kailanman ay walang papantay sa pagmamahal at sakripisyong ibinahagi mo.
Nagmamahal,
Ang iyong sikat na pintor na anak.
Agad niyang niyakap ang inang luhaan. Mahigpit na mahigpit na tila wala nang bukas at walang gustong bumitaw. Labis-labis na pasasalamat, buong pusong pagtanggap sa bawat sakripisyong naibahagi ng ina sa kaniya. Na kahit dalawa lang sila ay hindi masukat ang kaligayan pareho ng isa't isa.
Subalit, sa bawat tagumpay at kasiyahan ay mayroon din itong kalungkutan at kababagsakan. Dahil isang aksidente ang hindi nila inasahang darating sa kanila. Katatapos lamang nilang maligo sa karagatan, sa isang beach resort sa Antique noon. Masayang nagkakantahan ang dalawa sa loob ng kotse kung saan ang siya ang nagmamaneho at ang ina nito ay nakaupo sa front seat.
Aliw na aliw sila pareho sa pagkanta ng paboritong kanta ng kaniyang ina na My Way nang hindi sinasadyang mabangga sila ng isang malaking trak na may karga-kargang sugar canes. Mabilis na inilihis nito ang manibela pero nakaligtaan pala nila parehong magsuot ng seat belt at dumiretso sa bangin ang kotseng minamaneho niya.
Nagpagulong-gulong ang sasakyan at pareho silang nawalan pa ng malay. Nagising na lang siya dalawang linggo ang nakalipas at doon ay kaniyang nalaman na ang kaniyang ina ay dalawang linggo na ring nakaratay sa higaan nito sa ospital. Kahit hindi pa magaling ay tinangka nito na tanggalin ang mga nakatusok sa kaniyang mga aparatu upang puntahan at makita ang kalagayan ng ina.
Hindi siya pinayagan ng mga nars at doktor, kaya nagsisigaw na lamang ito at nagwawala.
"Gawin niyo ang lahat mabuhay lang ang ina ko. Gusto ko siyang makita. Bitiwan niyo ako! Dalhin niyo ako sa aking ina!"
"Hindi po maaari ang gusto niyo, sir. Wala pa po kayong lakas. Sinasabi lamang po namin sa iyo na wala pa pong malay ang iyong ina. Huminahon po kayo. Kailangan niyo rin pong magpagaling."
"Hindi! Gusto kong makita ang nanay ko! Kung hindi niyo ako papayagan, nakiki-usap akong gawin niyo ang lahat magising lang siya. Kahit magkano babayaran ko, magising lang ang nanay ko."
Hindi na rin napigilan ng mga nanonood ang mapaluha. Tumango na lamang ang doktor at sinenyasan ang nars na turukan na ito ng pampatulog. Nang makatulog na ito ay siya namang paglitaw ng isang misteryosong nilalang sa kaniyang panaginip.
"Sino ka? Nasaan ako? Patay na ba ako?"
"Gusto mong mabuhay ang iyong mahal na ina, hindi ba?"
"Opo. Gustong-gustong ko. Kung sino ka man at kung may alam kang paraan ay tulungan mo ako. Iligtas mo ang aking ina. Siya lang ang mayroon ako."
"Matutulungan kita pero sa isang kondisyon. Kailangan mong magpinta ng patay. Ang sino mang interesadong makita, o maiguhit kahit sandali man lamang ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay iguguhit mo. Dalawampung-buhay ang kailangan ko. Sa bawat patay na iginuguhit mo ay may buhay akong kukunin. Sa bawat kaluluwa ng mga buhay na aking mapapaslang, ang kapalit ay ang kaligtasan, at kalusugan ng iyong pinakamamahal na ina. Tatanggapin mo ba?
Hindi na nagdalawang-isip ito at umoo sa nilalang na iyon sa kaniyang panaginip.
"Oo. Tinatanggap ko, kapalit ng kaligtasan at buhay ng aking ina. Gagawin ko ang lahat makasama ko pa siya nang matagal."
"Magaling ang iyong pagpapasiya. Bukas na bukas din ay magbubukas ang panibagong yugto ng iyong buhay para sa iyong ina."