Umuwi si Mang Crispin dala-dala ang malawak at malapad na ngiti sa kaniyang mga labi. Bitbit nito ang isang larawang iginuhit mula sa lalaking kaniyang pinagkatiwalaan upang maka-usap ang kaniyang minamahal na anak na si Laurena.
Ilang kilometro din ang kaniyang nilakad. Sa tantiya niya ay mahigit dalawang oras din siyang naglakad hanggang sa marating niya ang kaniyang munting tahanang pinagpaguran niya noong buhay pa ang kaniyang asawa at anak na si Laurena.
Ang totoo ay hindi naman siya ang halos nagpakapagod sa pagpapatayo ng bahay na iyon kung hindi ang kaniyang kaisa-isang anak. Si Laurena ang nagtaguyod sa kanila. Si Laurena ang taong umintindi sa kaniya sa kabila ng labis na pagmamalupit nito sa kaniya dahil sa hindi matigil-tigil na paglalasing.
Umuuwi siya palaging lasing at lagi siyang nananakit sa kaniyang asawa at anak. At sa isang beses na sinaktan niya si Laurena, hindi niya sinasadyang maitulak ito nang malakas at tumama ang likuran ng ulo nito sa isang nakausling pako sa dingding ng kanilang bahay. Nagawa pa nilang mag-asawa na isugod sa pinakamalapit na pagamutan o ospital si Laurena pero hindi na ito umabot na buhay.
Pagdating na pagdating sa kaniyang bahay ay agad na dumiretso si Mang Crispin sa silid ng kaniyang anak. Inilapag niya muna ang larawan sa kama nito at pansamantalang lumabas. Ilang minuto ang nakalipas ay bumalik siyang may dalang pako at martilyo. Tumayo siya sa gitna ng kama at sinimulang pukpukin ang pako upang bumaon ito sa dingding. Nang masigurong okay na ay kinuha niya ang larawan at isinabit na ito.
Pinagmasdan ni Mang Crispin ang iginuhit na larawan at manghang-mangha siya sa bawat parte ng mukha ng kaniyang anak na talaga namang kuhang-kuhang iginuhit ng gumawa niyon. Naalala na naman niyang mag-isa na lamang pala siya sa tahanang iyon. Galit na galit ang kaniyang mahal na asawa sa kaniya at iniwan na siya nito matapos ilibing ang kanilang anak.
Inayos niyang muli ang larawan maging ang higaan at ang kabuuan ng silid ni Laurena. Maayos at nasa tamang puwesto ang mga gamit ng kaniyang anak. Pagkatapos niyon ay lumabas siya at nagluto. Nilinis ang buong bahay at naligo. Kumain at pansamantalang nagbabad sa panonood ng telebisyon hanggang sa hindi na niya namalayang nakaidlip siya.
Ang hindi alam ni Mang Crispin ay unti-unting nabubuhay ang larawan sa loob ng kuwarto ni Laurena. Isang kakaiba at nakapangingilabot na simoy ng hangin ang pumasok sa loob sa silid. At ang unang gumalaw sa larawang iyon ay ang kaniyang mga mata. Tumingin-tingin pa ito na parang nagmamatyag kong may nakatingin sa kaniya o may tao sa loob.
Pagkatapos niyon ay dahan-dahang lumabas ang buong mukha niya hanggang sa magkaroon ito ng kamay at paa. Marahan niya ring inunat-unat ang kaniyang mga kamay, paa at ang buong katawan. Nang masigurong maaari na siyang maglakad ay pinagmasdan muna niya ang kabuuan ng silid.
"Mukhang napakaganda mo, Laurena at sadyang mahal na mahal ka ng iyong ama. Subalit, iyong ipagpaumanhin dahil itong gabing ito ang huling gabi na masisilayan ng iyong ama ang kaniyang buhay."
Isang ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Lumabas siya sa silid. Marahan niyang isinarado ang pintuan upang hindi makalikha ng anumang ingay. Bago bumaba sa hagdang gawa sa kawayan ay tumingin siya roon. Nakangiti siya nang makita ang pakay na nakatulog sa sala habang bukas ang telebisyon.
Hinay-hinay din siyang pumanaog. Sa halip na dumiretso sa sala, pumunta siya sa kusina. Naghanap siya ng bagay na puwede niyang gamiting pamaslang kay Mang Crispin.
"Ginusto mong makita ang iyong anak, Crispin kahit alam mong hindi na puwedeng mabuhay ang isang patay. Kaya malalaman mo ang iyong kapalaran ngayong gabi."
Ngumiti na naman ito habang isa-isang tiningnan ang nakikita niya sa kusina. Dumako ang paningin niya sa isang nakasabit sa dingding na may lamang mga pako at martilyo. Nakita niya rin ang isang pisi na sa tingin niya ay magagamit din niya. Muli ay napangiti siya. Ngiting sabik na sabik sa gagawing pagpatay.
Bumalik siya sa kinaroroonan ni Mang Crispin. Nakabukas pa rin ang telebisyon. Pinatay niya muna ang ilaw sa sala. Tiningnan ang natutulog na ama ni Laurena.
"Kawawang tatay. Hindi niya man lamang makaka-usap ang kaniyang mahal na si Laurena. Pero huwag kang mag-alala dahil magkakasama na rin naman kayong dalawa sa hukay. At sigurado akong doon ay masasabi mo sa kaniya ang nais mong ipadalang mensahe."
Nakayuko na ito sa mukha ni Mang Crispin at tinitigan nang maigi. Sinadya niya munang haplusin ang pisngi nito. Gumalaw si Mang Crispin pero hindi nagising. Marahil ay napagod sa ginawang paglalakad at paglilinis ng kaniyang bahay. Kaya naman agad na hinanda nito ang pisi at dahan-dahang tinalian ang magkabilang kamay at paa ng matanda.
Hindi pa rin ito gumagalaw. Pinatahiya niya ito sa mahaba at malapad na upuan. Ang dalawang kamay ay nakatali na pati ang paa sa katawan ng upuan kung saan nakahiga ito. Mahigpit na itinali iyon na parang nagro-rolyo lamang ng isang malaking sinulid sa isang pagawaan o pabrika.
Marahil ay naramdaman ni Mang Crispin na parang hindi na siya makahinga kaya agad siyang dumilat. Mulagat siya sa kaniyang nakita. Nakatayo sa kaniyang harapan ang anak at piling mga salita lamang ang lumabas sa kaniyang bibig.
"Lau-Laurena?"
"A-anak ko."
"Patawarin mo ako, anak."
Ngumiti ang babaeng si Laurena sa harapan ni Mang Crispin pero hindi ito umimik. Itinaas niya ang isang malaking pako kasama ang martilyo at kinilabutan ang matanda. Bago pa man magbitaw ng isang salita ang matanda ay agad niyang nilagyan ng isang tela ang bunganga nito. Ipinasok niya iyon.
Walang tinig na napasigaw ang matanda nang maramdamang ipinukpok sa kanyang dalawang palad ang isang pako. Tumagos iyon sa dalawa niyang kamay hanggang sa tabla ng upuan. Maluha-luha ang matanda. Nakipagtitigan ito kay Laurena pero isang mala-demonyong ngiti lang ang iginanti nito sa kaniya.
Nagpatuloy pa ang impit na pagsisigaw ni Mang Crispin dahil hindi lang sa kaniyang mga palad bumaon ang mga pako kung hindi ay sa dalawang paa niya rin. Sumunod ay sa kaniyang dalawang mga mata. Luhaan at duguan ang kaniyang mukha, kamay, at paa. At ang huling ginawa sa kaniya ay ang pagtarak ng malaking pako sa kaniyang dibdib. Dumiin at bumaon ito hanggang umabot sa kaniyang puso. Nang araa na iyon ay binawian ng buhay ang matanda.