Sa malawak at mahabang pathway sa Manila Bay ay naglalakad-lakad si Danilo. Pinagmamasdan ang bawat mahihinang alpas ng alon sa karagatan. Nakatayo ito at nakatingin sa bawat along humahampas sa mababatong parte ng Manila Bay.
Napabuntong-hininga pa ito nang malalim. Napapapikit habang sinasamyo ang hanging dumadampi at pumapasok sa kaniyang mga balat. Kalimitan na niyang ginagawa ito. Pumupunta sa baybayin. Naglalakad sa pathway hanggang sa maikot niya ang mahaba at sementadong barikada na depensa upang hindi basta-basta makapasok o lumagpas ang tubig sa karagatan.
Ilang beses na rin niyang nakita ang malalakas na alon. Kapag bumabagyo ay sinasadya niya talagang pumunta roon upang personal na mapagmasdan at maramdaman ang bawat hampas at alpas ng mga tubig mula sa karagatan. Isang bagay na hindi niya kailanman maiaalis na gawin habambuhay dahil sa ganoong paraan lamang niya naipapalabas at naiiyak ang pangungulilang nararamdaman niya sa kaniyang magulang.
Dalawampu at walo na siya. Mahigit sampung taon na rin nang huli siyang magdiwang ng kaniyang kaarawan. Ikapitong araw ngayon ng taong kasalukuyan. Ito ang araw ng kapanganakan niya. Ngunit, tahimik ang karagatan. Maalinsangan ang panahon. Hindi niya maiiyak ang gusto niyang maiyak ngayong araw. Nanatili na lamang siyang nakatayo roon at muling pumikit.
"Miss ko na po kayo, ama, ina. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan at binabantayan ako."
Nang mga oras na iyon, matapos pumikit ay bigla na lamang tumulo ang mga luha niya. Pinahiran na lamang niya ito. Hindi ito oras para maging sentimental siya. Iyon nga lang ay hindi talaga maiwasan. Kahit pa nakalagay na sa kaniyang bulsa ang kaniyang dalawang kamay, tuloy pa rin ang pag-agos ng kaniyang luha. Naistorbo lamang ang kanyang moment nang may umakbay sa kaniya at binati siya.
"Happy birthday, Nilo." Hinalikan pa siya nito sa pisngi.
Nagkunwari namang nandidiri si Danilo sa inasal ni Samuel. "Grabe ka! Nag-toothbrush naman ako. Nag-mouth wash pa. Listerine pa nga ginamit ko. Nakailang mumog pa ako. Mabango ang bunganga ko uy!"
Napahagalpak naman ng tawa si Danilo. "It's a prank!"
"Ganoon ha? Marunong ka na palang mag-prank ngayon? Halikan kita ulit diyan e." Ngumunguso na si Samuel sa kaniyang harapan at pinipigilan na lamang ni Danilo na umabot ang nguso nito sa mukha niya.
Magkasabay pa silang tumawa kapag naaalala ang kapilyuhan ni Sam. "Bakit ba kasi hindi mo ako sagutin, Nilo? Para tayo na."
"Ha? Naalog na naman ba ang utak mo at nakalimutan mong pareho tayong lalaki, Sam?"
"E, ano naman ngayon?"
"Seryoso ba ang mga sinasabi mo?"
"Isaprank!"
"Baliw!"
Si Danilo naman ang na-prank. Inakbayan na lamang siya ni Sam at muling binati ang matalik na kaibigan. Katulad ni Danilo, mag-isa na rin si Samuel. Wala na rin siyang pamilyang babalikan o maghahanap sa kaniya. Kaya, ganoon na lamang ang closeness ng dalawa.
"Happy birthday ulit, Nilo. Alam kong espesyal ang araw na ito sa iyo. Araw-araw kaya kitang hinahanap kapag nawawala ka," biglang pagtatapat nito sa kaniya.
"Talagang sinusundan mo ako kapag nawawala ako sa paningin mo?" pagkaklaro naman niya sa kaibigan.
"Kapag ganitong araw lang naman. Pero seryoso, hinanap talaga kita noong araw na nawala ka. Halos buong maghapon akong naghanap mula pier. At dito nga kita nakita, nasa malayo lamang ako noon. Pero tanaw na tanaw ko ang paghagulgol mo," seryoso ang mukha nito at nagpatuloy sa pagsasalita. "Sinundan din kita sa paglalakad mo sa walang hanggang pathway na ito mula Manila Bay. Nasa kabilang pathway lang ako, nakapamulsa. Baka kasi may mangyari na naman sa iyo."
Walang masabi si Danilo kung hindi ang yakapin na lamang ang kaibigan at nagpasalamat. "Thank you, Sam. Basta maraming thank you."
"Hoy! May kapalit ang thank you na 'yan ha?" Napabitaw naman si Danilo at pilyong sinagot ang kaibigan.
"Katawan ko puwede na ba?" Hindi napigilan ni Sam ang mapatawa sa tanong ni Danilo sa kaniya.
"Half-meant ba iyan?" bigla namang napaatras si Danilo nang makita ang ekspresyon ng mukha ni Sam na tila gusto ang tanong niya.
"Sam? Huwag kang magbiro nang ganyan. Ilang beses mo na nakita ang katawan ko. Hindi ba?"
"Oo naman. Magkasabay pa nga tayo minsa naliligo at alam ko na ang sukat at laki ng alaga mo. Mas malaki pa nga ang akin."
"Hayop! Ang libog mo talaga!"
Hindi na matapos-tapos ang tawanan ng dalawa. Para kay Danilo, nagbibiro lamang siya sa mga tanong niya sa kaibigan. Pero sa kabilang banda ay may nararamdaman din siyang kakaiba kay Sam. Mukhang totoo ngang may gusto ito sa kaniya. Ngunit, binabalewala niya lang ito.
Tahimik lang din si Sam nang mga oras na iyong nakatingin sa karagatan. Parehas na silang nakaupo ngayon at tinitingnan ang mahihinang alpas ng mga alon. Napatitig pa siya sa katabing si Danilo at napangiti.
"Sana ganoon ka palagi, Nilo. Mas gugustuhin ko na lamang na itago itong nararamdaman ko sa iyo. Gusto kong lagi ka lamang na masaya."
Naisiwalat na lamang ni Samuel ang mga katagang iyon sa kaniyang isipan. Kahit ilang beses pa siyang magbiro kay Nilo ay gagawin niya. Hindi naman niya masisisi ang puso na magkagusto sa parehong kasarian. At kay Danilo lamang nangyari iyon. Nang una niya itong makitang duguan at nasaksak sa pier ay doon na nagsimula ang lahat. Sa paglipas ng maraming taon, lalo lamang napalapit ito sa kaniya. Pero ni minsan ay hindi siya nagtangkang mag-take advantage rito.
Ang gusto lang niya ay makatulong sa kung anuman ang kailangan ni Nilo. Nagawa naman niya ito kahit pa salat din siya sa pera. Wala na rin kasi siyang pamilyang mahihingian. At sa pagiging kargador sa mga shipping lines, sa pier, sa tuwing dadaong ang mga malalaking barko ay isa si Sam na nakaantabay upang magbuhat ng mga karga mula sa barkong dumaong. Doon niya kinuha ang mga pinangkakain niya at pinagbibili ng gamot noon kay Danilo. Doon na rin nagmula ang pambayad nito sa pagpipinta.
"Sana lang ay huwag kang magbago. Kung sakali mang malaman mo ang totoong nararamdaman ko sa iyo, sana huwag mo akong iwan, Nilo. Nandito lang ako palagi sa iyo."
Muli na naman niyang naibulong na lamang sa isipan ang mga katagang iyon habang nakatitig sa masayang mukha ng matalik na kaibigang abala sa pagtingin sa karagatan.
"Happy birthday, Danilo! May kaunting handa sa bahay natin. Kaya mas mabuti pang tapusin mo na muna ang pagsesenti mo nang makakain na tayo. Pawisan ka na rin at amoy na amoy ko na ang anghit sa kilikili mo."
Agad na tumayo na si Sam at hindi na nag-abala pang tingnan ang reaksyon ni Nilo. Alam na alam na niya kasing hahabulin siya nito at kukutusan. Iyon nga ang nangyari. Pagkatapos amuyin ni Danilo ang kilikili ay agad itong sumigaw at hinabol ang papalayong si Samuel.
"Hoy! Hayp ka talaga! Walang amoy ang kilikili ko. Safeguard kaya sabong ginamit kong pangkuskos dito. Hoy! Sam!"
Natatawa na lamang si Sam at nagpatuloy sa pagtakbo habang ang huli ay habol-habol naman siya. Isa ang araw na iyon sa pinakamasayang araw para kay Sam. Ang araw na nakita niyang masaya ang matalik na kaibigang si Danilo. Ang taong lihim na nagpapasaya sa kaniyang puso.