Karbo, Elementu
Sa Pagtatapos ng Limangdaang Taon
“Hinding-hindi mo makukuha sa akin ang pulang diyamante, Bulcan. Dadaan ka sa muna sa aking mga kamay!” matapang na turan ni Diyamande.
Matapos magpakilala ang mga nilalang na bigla na lamang sumulpot sa Karbo ay hindi na nito inaksaya ang oras para ipamalas ang napupurol nang kakayahan niya sa pakikipaglaban. Wala mang matinding kalaban siyang hinarap sa loob ng limangdaang taon, napanatili naman niya ang katahimikan sa lupaing siya ang bantay. Ngayong nasa harapan niya ang mga hindi inaasahang bisita, wala siyang ibang gawin kung hindi protektahan ang natitirang walong Karbona na makikipaglaban sa kaniya.
“Tingnan natin kung hanggang saan ka dadalhin ng tapang mo, Diyamande. Gustuhin mo man o sa hindi, wala kang magagawa dahil mapapasa-akin ang pulang diyamante!” nagsimula nang magliyab ang mga mata nito't pinalibutan na ng nagbabagang apoy ang katawan nito.
Kahit nakaramdam ng pagkagulat si Diyamande sa anyo ni Bulcan ay hindi ito nagpatinag. Nang papagitna na sana ang walong Karbona, mabilis na humarap sa kanila ang ibang mga kasama nitong sina Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu.
“Wala kayong dapat pakialaman sa laban ng inyong haring si Diyamande laban kay Bulcan. Kami ang makakaharap ninyo at hindi siya!”
Kung hindi nagkakamali si Diyamande, si Giginto ang nagsalita sa halip na si Bulcan. Nanatili kasing nakatitig ito sa kaniya habang ang mga mata naman niya ay nasa mga karbona. Tila hindi naman napaghandaan ng mga Karbona ang kanilang sinapit. Bago pa man kasi ang mga ito magpakitang gilas, isa-isa nang lumusot ang matatalim at matutulis na mga kamay ni Vatu sa walang mga Karbona. Maliban sa mahilig itong kumain, paborito din niyang kainin ang mga puso, imortal man ito o hindi, at ang pinakapaborito niya ay ang pagkain ng mga brilyante at bato.
“Nakakagutom e. Paumanhin kung inunahan ko na kayo ha? Manood na lang kayo sa laban ni Bulcan. Ako na ang bahalang kumain sa mga puso ng aking pinaslang,” ngingiti-ngiti pa si Vatu at puno ng dugo ang kaniyang bibig nang humarap ito kina Giginto, Ururu, at Bagyo.
Ang kaninang inis na inis na si Bagyo ay ginulat ni Vatu. Hindi niya inasahan na kahit malaki, at mataba ito sa kanila, mabilis pala itong kumilos. Ni hindi nga nila namalayang nawala na ito sa kanilang tabi at isa-isa na palang tinusok ng matatalim at matutulis na mga kamay niya ang wala sa mga kasama ng pinunong ang pangalan ay Diyamande. Napailing na lamang si Bagyo. Natampal naman ng dalawa pa ang kanilang mga noo sa katakawan ng kasamang si Vatu.
Si Diyamande naman ay awang na awang ang bibig nang personal na makita ang pagpaslang sa mga kasamahan niya. Nanggagalaiti ito sa galit habang pinagmamasdan ang kaliwa at kanang pagnguya ni Vatu ng mga puso ng mga Karbona. Sa puntong iyonn ay tila hindi naramdaman ni Diyamande ang pag-init ng kaniyang katawan. Nag-aapoy ito sa galit na nakatingin sa nakaupong si Vatu. Hindi takot sa posibleng gawin ni Diyamande dala ng galit nito sa nakitang sinapit ng mga Karbona. Pansin na pansin iyon ni Bulcan na pareho na silang nagliliyab. Ikinatuwa pa ito nang huli pagkat magiging patas na ang laban.
“Hindi ko inaasahang may pareho pala tayo ng kapangyarihan, Diyamande. Marahil ay hindi mo sukat akalaing sa isang iglap, nang walang kakurap-kurap ang mga mata ay nagawang patayin ni Vatu ang iyong mga kasama. Tama ba ang pagkakaintind ko sa mga tingin mong iyan?” komento ni Bulcan habang palapit nang palapit ito sa nakatayo at nakatuong mata ni Diyamande kay Vatu.
Hindi pansin ni Diyamande ang mga sinabi ni Bulcan sa kaniya. Wala rin itong kaalam-alam na dahan-dahan na nitong isinasagawa ang planong pag-atake sa kaniya. Sinasamantala ni Bulcan ang galit ni Diyamande na nakatingin lamang sa nakaupong si Vatu. Nang dalawang metro na lamang ang layo nito sa kinatatayuan ng aatakihin, napatigil ito nang magsalita sa harapan niya.
“Sa tingin mo, hindi ko narinig ang pang-iinsulto mo sa aming mga Karbona? Baka iniisip mong hindi ko narinig ang mga sinabi mo, Bulcan?” Humarap ito sa kaniya at nakita ang nagliliyab ding mga matang puno ng galit at paghihiganti. “Pagsisisihan ninyong kinalaban ninyo ang pinuno ng Karbo!”
Sumigaw nang pagkalakas-lakas si Diyamande. Ramdam nito ang pagyanig at paglindol ng lupa. Maging ang tinig ng boses nito ay umabot sa tainga ng kumakain at nakaupong si Vatu. Lahat ay nakatikim ng sugat sa ginawang pagsigaw na iyon ni Diyamande. Ilang sandali pa ay napalingon ang lima sa galit na galit na anyo ni Diyamande.
Nakasuot na ito ng kulay pulang panangga sa dibdib. Maging ang mga kamay at paa ay may pananggalang na. Ang ulo nito ay may koronang hugis diyamante. At ang hindi inaasahan pero natutuwang pagmasdan ni Bulcan ay ang paglitaw ng pulang diyamanteng lumulutang sa ulo nito.
“Sa wakas! Lumabas na ang pulang brilyanteng hinahanap ko! Kukunin ko sa iyo, iyan!” sigaw ni Bulcan at mabilis na umatake kay Diyamande. Kaliwa at kanan itong nagsusuntok at nagsisipa. Subalit, bigo siyang tamaan ito. Nang si Diyamande na ang sumunod na umatake kay Bulcan, hindi niya inasahan ang lakas ng suntok nito sa panga at sa sikmura.
Napaubo ng dugo ang kalaban. Muntikan pa itong matumba kung hindi lang napaluhod ang kanang tuhod at dalawang kamay sa lupa. Hindi niya inasahan ang atakeng iyon pero hindi niya palalagpasing hindi gumanti kay Diyamande. Mabilis nitong inangat ang ulo at nakita ang unti-unting pagpasok ng pulang brilyanteng nais niyang makuha sa dibdib nito. Bagay na lalo pang ikinagalit ni Bulcan.
“Hindi! Hindi ako makapapayag na hindi makuha ang brilyanteng pumasok sa iyong katawan. Papatayin kita, Diyamande! Papatayin kita!” Mabilis itong tumayo at nagpakawala ng maliliit na apoy mula sa kaniyang mga palad habang tumatakbo kay Diyamande.
Walang imik si Diyamande. Umilag ito nang umilag sa mga patamang apoy ni Diyamande. Sa tuwing nakakailag ito ay siya naman ang nagtatapon ng mga hugis diyamanteng mga apoy. Pareho nang nagsusukatan ng lakas ang dalawa. Hindi na alintana ng mga ito ang pag-iwas nina Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu sa mga apoy na kung saan-saan lang itinatapon. Dahil sa inis ay gumawa na lamang ng matibay na harang upang hindi sila matamaan. Dahil may kalayuan si Vatu at hindi talaga iniwan ang pagkain, ginawan na rin niya ito ng harang nang makakain nang maayos.
“Hindi ako patatalo sa iyo, Diyamande! Akin ang brilyanteng iyan! Papatayin kita!”
Nilamon na ng galit at kadiliman ang buong katawan ni Bulcan. Desperado na itong makuha ang kaniyang pakay habang ang huli naman ay hindi rin pahuhuli sa pagpapaulan ng mga atake nito kay Bulcan. May mga parte na ng Karbo ang nagliliyab at nasusunog habang ang mga lupa naman ay butas-butas dahil sa mga itinatapo nilang mga bolang apoy. Nagpatuloy ang sukatan ng kanilang mga lakas pero pansin na pansin ang panghihina ni Diyamande.
Hindi kasi nito napansin na may kasamang lason ang mga huling apoy na pinapatama sa kaniya ni Bulcan. At nang ilagan nga niya ito o sanggain ng kaparehong kapangyarihan, sumasabog ang mga ito ay siya namang paglalanghap niya ng mga usok nito. Ramdam niya ang pagkahilo pero nanatili pa ring maayos ang postura at tindig ni Diyamande. Ngunit hindi na rin niya ito kayang kontrolin pa dahil hilong-hilo na ito. Dinig na dinig niya ang malalakas at mala-demonyong halakhak ni Bulcan.
“Sinabi ko na sa iyo kanina na magtatagumpay ako, hindi ba? Ganito ang mangyayari sa iyo, Diyamande!”
Hindi nakailag si Diyamande nang makalapit si Bulcan sa kaniya at naramdaman niya sa kaniyang tagiliran ang matulis na bagay na bumaon rito. Nang hugutin ito ni Bulcan ay siya namang pagtumba niya. Sunod-sunod ang mga dugong lumabas sa kaniyang bibig. Tinangka niyang bumangon pero tinapakan siya ni Bulcan at muling nakita ang matutulis na mga kamay nitong nagliliyab at ibinaon iyon sa kaniyang tiyan.
Sunod-sunod at paulit-ulit na mga paghugot at baon ang ginawa ni Bulcan sa katawan ni Diyamande. “Hindi mo na kailangang magpaalam pa Diyamande dahil wala ka na ring kasamahang buhay sa ngayon. Kaya, upang hindi na kita makitang nahihirapan pa, tatapusin na kita at kukunin ko na ang brilyante sa loob ng iyong katawan!”
Hindi na nga binigyan pa ni Bulcan na bigyan pa ng pagkakataong makapagsalia si Diyamande dahil ang huling baon ng matatalim at matutulis na mga daliri nito ay mabilis na bumaon sa dibdib nito. Kasabay ng pagbaon ng mga daliri nito ay siya namang unti-unting pagkulay ube ng katawann ni Diyamande. Nang matagpuan ng kamay ni Bulcan ang hinahanap ng brilyante sa dibdib ni Diyamande, mabilis niyang hinugot ang kaniyang kamay at nagbubunying hinalik-halikan ang kumikislap pang pulang brilyante ng Karbo.
“Nagtagumpay ako! Nagtagumpa tayo! Akin na ang brilyante na ito! Napatay ko ang pinuno ng Karbo! Napatay ko si Diyamande!”
Tinanggal ni Bagyo ang harang habang pinakikinggan ng mga ito ang nababaliw nang si Bulcan. Ganoon ito kasabik na makuha ang pulang brilyante at hindi na nga alintana nito na napatay na niya ang nakadilat pa pero hindi na gumagalaw o humihinga pang si Diyamande, ng Karbo.