Sa Bundok ng Elementu
ISANG MALALIM NA buntong-hininga ang pinakawalan ng engkantadong nagbalatkayong matanda na si Hariya. Nasa tuktok ito ng bundok at kanina pa nagmamasid sa buong Elementu. Alam niya ang lahat ng nangyari. Mula sa pagsilikas ng mga Karbona, ng mga Arumian, ng mga Berila, ng mga Sixilan, at ng mga Perruan ay nakita niya ang buong pangyayari. Kung tatanungin siguro ito kung mailalahad at mailalarawan niya ang buong pangyayari, magagawa niya kahit nakapikit pa ang mga mata.
“Kung pinahintulutan mo sana ako, mahal na reyna ng kalikasan, disin sana ay hindi mangyayari ang sinapit ng mga tagapangalaga ng mga brilyante at bato.”
Nakatingin siya sa kawalan. Sa tahimik pero malungkot na kulay puting mga ulap ay naroon siya nakatitig. Laylay ang mga balikat na napaluhod na lamang. Gustuhin man niyang iligtas ang mga reyna at hari, na naging pinuno ng Karbo, Arum, Beryl, Sixila, at Perrue, hindi rin niya magagawa. Pagkat nakasulat na noon pa man ang mangyayari sa limang kaharian at maliit na bayang kaniyang itinatag.
“Kung naririnig mo sana ako, mahal na Malaya, bigyan mo ako ng palatandaan kung kailan darating ang bubuhay sa kanilang lima. Ipinapakiusap ko po, mahal na Malaya.”
Mabigat ang kalooban ni Hariya dahil personal niyang nakita kung paano pinaslang, pinatay, at tinanggalan ng buhay sina Diyamande, Auru, Aquarina, Shila, at ang pinakamabait niyang tagapangalaga na si Feru. Kaya ganoon na lamang ang pagsusumamo niyang bigyan siya ng senyales o kahit tanda man lamang sa kung sino ang itinakdang babawi sa mga brilyante at batong yaman ng kalupaan ng Elementu.
“Ako'y humihingi ng paumanhin sa inyo, mga mahal kong tagapangalaga. Wala man lamang akong nagawa para iligtas kayo mula kina Bulcan, Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu.”
Masama pa rin ang kalooban ni Hariya pero kailangan niyang maging matatag pagkat nasa kaniyang mga kamay naman ang kaligtasan ng mga Karbona, Arumian, Berila, Sixilan, at Perruan. Malapit nang dumating ang mga Karbona sa paanan ng kaniyang bundok na pinangangalagaan at kailangan niyang tanggalin ang harang upang makapasok ang mga ito. Ganoon rin ang gagawin niya sa mga Arumian, Berila, Sixila, at Perruan na sa tingin naman niya ay matagal pa bago makarating sa bungad ng bundok.
Pansamantalang inayos muna ni Hariya ang kaniyang sarili dahil nasa anyo pa rin siya ng matandang engkantado at kulang na kulang ang kaniyang lakas para sa napakabigat na kalungkutan. Kung hindi siya titigil sa kakaiyak at kasisisi sa kaniyang sarili ay baka mawalan siya ng malay. Pinakalma na lamang niya ang kaniyang sarili at ipinikit ang mga mata nang makapagpahinga muna saglit sa nakitang sinapit ng kaniyang mga tagapangalaga.
...
ANG HINDI ALAM ni Hariya, lumitaw ang isang dilag sa mismong naiwang mga kalalakihang mga Karbona, malapit sa paanan ng bundok ng Elementu at inakit ang mga ito palapit sa kaniya. Nilibang niya ang mga ito sa kaniyang pagsasayaw at sa kumikintab at kumikislap ng kagandahan sa araw na iyon. Malayo pa naman kasi ang takipsilim at gabi kaya, nasa kagandahang taglay pa rin ang kaniyang alindog at kagandahan. Nang magtagumpay ay mabilis niyang pinitik ang kaniyang mga daliri at nawala ang mga kalalakihang iyon sa kaniyang harapan.
“Ramdam kong may natitira pang mga kalalakihan sa Elementu. Ako ang nag-utos kina Bulcan, Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu na nakawin ang mga brilyante at bato, kaya dapat lang na gawin ko rin ang gusto kong manguha ng aking magiging mga alipin. Tanging replika lamang ito ng aking katawan pero sapat na para maakit sila kapag may makasalubong ako.”
Naisiwalat ng dilag ang mga katagang iyon sa kaniyang isipan at mabilis na umikot, dire-diretso pang naglahong parang bula ito sa lugar na iyon. Matalas ang pakiramdam ng dilag at maging ang pang-amoy nito ay malakas dahilan para ang mga sumunod na naakit niya ay walang iba kung hindi ang natirang mga kalalakihang natagpuan niya sa kanluran, timog, hilaga, at timog-kanluran. Katulad ng nauna niyang ginawa ay dinaan nito sa hipnotismo ang pang-aakit sa kanila. Pagkatapos niyon ay isa-isa niyang inuwi ito sa kahariang kaniyang ninakaw.
“Sa wakas! Nagtagumpay ako. Nagtagumpay akong makakuha ng mga alipin!” bunying-bunyi ang magandang dilag nang makabalik sa kaniyang tahanan at habang nakaupo sa tronong ninakaw ay siya namang pagkulubot ng kaniyang balat.
Ang nakalugay nitong mga buhok ay naging kulot-kulot at buhol-buhol. Ang likod naman nito ay naging katulad ng isang kuba. Ang ilong nito ay lumaki na puno ng mga malalaking taghiyawat. May mga sugat-sugat din ang mga kamay at paa nito. Walang nakakita sa kaniyang pagbabagong-anyo kaya, hindi nito alintana ang pagbabalik sa normal ng kaniyang katawan.
“Muntikan na pala akong mahuli kung hindi ako nakabalik kaagad bago ang takipsilim. Mabuti na lamang at dito na sa kahariang ito ako bumalik sa normal. Pero hindi bale, nagtagumpay naman akong makakuha ng maraming alipin. Maaari na rin akong magsanay ng aking mga mandirigma.”
Ang mga ngiti nito ay sadyang dumadagundong at umaalingawngaw sa loob ng bulwagan ng tronong kaniyang kinauupuan. Walang tigil. Walang nakakarinig maliban sa kaniyang sarili. Ni hindi na nga niya nabilang ang mga araw, taon, at daang taon hanggang sa malapit na rin ang pagsapit ng ikalimangdaang taong sumpa niya kay Ulay at sa mga Bahaghari. Na kasama sa kaniyang isinumpa ay ang hari at reyna. Ninamnam na lang muna niya ang kasiyahang nararamdaman sa tagumpay na ginawa para mahanap ang mga kalalakihang kaniya ng alipin at alilang gagamitin niyang mandirigma kung sakaling magkakaroon siya ng kalaban.
...
SAMANTALA... sa timong-kanlurang bahagi ng Elementu, pagkatapos ng huling pagnakaw at pamamaslang sa reyna ng Perrue na si Feru at ang mga kasama nito ay nagpahinga muna sina Bulcan, Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu. Nakuha na nila ang mga brilyante at bato. Katulad na lamang ng pulang diyamante sa kamay ni Bulcan mula sa Karbo, sa puso ng pinaslang niyang si Diyamande.
Panay naman ang tingin at inspeksyon ni Giginto sa nakuha niyang gintong bato mula sa puso ng pinaslang niyang si Auru ng Arum. Si Ururu naman ay inalala pa rin ang bagsik at hirap na sinapit niya mula sa laban nila ni Aquarina, mula sa Beryl, makuha lang ang brilyanteng akwamarin. Nahirapan din si Bagyo sa pagkitil ng buhay ni Shila dahil tulad niya ay parehong hangin ang kapangyarihan nito, ngunit sa huli sa kaniya pa rin napunta ang huling halakhak at napasakamay ang batong Opal.
Ang panghuli naman at pinakamalaki sa lahat na si Vatu ay muntik nang mawala sa pokus sa pagpatay kay Feru ng Perrue dahil sa taktika nitong puno ng pagmamahal. Mabuti na lamang at gutom na gutom siya at talaga namang ginamit ang malaking tiyan para higupin ang mga ito at maitarak ang punyal ng kasamaan sa puso ni Feru. Nagtagumpay naman siya at habang nagpapahinga nga panay na ang nguya nito ng mga batong nakuha niya mula sa Karbo, Arum, Beryl, Sixila, at Perrue.
“Hind ka ba titigil sa pagnguya, Vatu? Nakakainis na ang ingay ng mga ngipin mo e,” reklamo ni Bagyo na kanina pa iritang-irita sa tunog ng pagnguya ni Vatu.
“Wala kang pakialam, Bagyo. Kung naiingayan ka, lumayo ka sa akin dahil gutom ako. Baka ikaw pa ang makain ko,” matapang na sagot ni Vatu sa kaniya. Ni hindi nga nito tiningnan nang matagal si Bagyo.
“Hayaan mo na si Vatu, Bagyo. Gamitin mo na lang ang kapangyarihan ng hangin para iyon na lang ang marinig mo sa iyong paligid. Huwag mo lang kami munang idamay ha?” mabilis na pinigilan ni Bulcan ang dalawa bago pa ito mag-away na dalawa. “Gayahin mo sina Giginto at Ururu, Bagyo. Nakaupo lang ang mga ito at inuusisa ang mga hawak na brilyante at bato.”
“Hindi ba isa ka rin sa hindi maalis-alis ang tingin sa pulang diyamanteng hawak mo? Huwag mo nga akong pakialaman!” inirapan nito at tinaasan ng kilay ang itinuturing nilang pinuno sa kanila.
Tumalikod na lamang ito sa kanilang apat at lumayo muna. Ilang saglit pa, nakita na lamang ni Bulcan na sinunod din naman ni Bagyo ang suhestyun nitong gamitin na lamang ang kapangyarihan ng hangin para wala siyang marinig na anumang ingay. Napailing na lamang si Bulcan at ibinalik na lamang ang tingin sa hawak na pulang diyamante. Manghang-mangha rin kasi ito sa hawak niyang bato.
“Sinong mag-aakalang napakaganda mo palang klaseng bato? Paano kaya kita itatago nang hindi ka na mabawi sa akin? Pero hindi naman babangon ang isang patay na para kunin ang mga brilyante at bato sa amin, hindi ba?”
Biglang sumagi sa kaniyang isipan ang mga katagang iyon at napagtantong wala naman pala siya, silang dapat na ipag-aalala dahil wala nang magtatangka pang magnakaw o bawiin ang mga kinuha nila. Pinaslang na nila ang mga pinunong bawat kaharian at bayan ng Karbo, Arum, Beryl, Sixila, at Perrue. Iyon ang pagkakaalam ni Bulcan.
Walang kaalam-alam ang mga ito na sa paglipas pala ng limangdaang taon ay may magbabalik upang kunin ang nararapat na para sa kaniya, hindi lamang sa lupain ng Bahaghari, kung hindi pati na rin ang lupain ng Elementu.