Sa Kanlurang Bahagi ng Elementu,
Arum, Elementu
Sa Nalalapit na Pagtatapos ng Limangdaang Taon
Titig na titig at puno ng galit ang mga matang makikita sa halos limangdaang taon na ang edad pero kakikitaan pa rin ng kakasigan at katapatangang pinuno, hari ng bayan ng Arum na si Auru. Galit na galit dahil sa ginawang pagpapatalsik sa mga kasamanaha niyang Arumian. Si Bagyo ang gumawa niyon nang hindi man lamang nito binigyan ng pagkakataong makita ang kakayahan ng mga kasama sa pakikipaglaban.
“Ang inyong paglitaw sa bayang ito ay isang bagay na inyong pagsisisihan sa huli. Ang pagpapatalsik sa aking mga kasama ay magiging mitsa ng isang labang hinding-hindi ninyo malilimutan. Humanda kayo sa aking paghihiganti!”
Ang kaninang nakangiti lang na si Giginto ay natahimik nang makita ang biglaang paglabas ng malakas na enerhiya mula sa katawan ni Auru. Ang kaniyang galit ang naging dahilan upang unti-unting lumabas sa kaniyang katawan ang kulay gintong enerhiya. Pansamantalang napaatras ang mga ito. Pinagmasdan ang pagbabagong-anyo kung mayroon man sa kaharap na si Auru. Tuloy-tuloy lang sila sa panonood habang niyayakap na ng gintong enerhiyang iyon ang buong katawan ni Auru.
Hindi naman ramdam ni Auru ang nangyayari sa kaniyang katawan pagkat ang kaniyang isipan ay nasa mga kasamahang pinatalsik ni Bagyo. Ang mga mata nito ay nag-aalab pero kulay ginto nang hindi niya alam. Nang lamunin siya ng gintong enerhiyang iyon at yakapin doon na siya sumigaw nang pagkalakas-lakas. Ramdam na ramdam ng mga kalaban ang pagyanig ng lupa sa ginawang pagsigaw na iyon ni Auru.
Saglit man kung titingnan ang ginawang pagsigaw na iyon ni Auru, matagal naman para kay Giginto ang pagbabagong-anyo nito. Nang mawala na ang gintong enerhiyang iyon ay nakita nilang lahat ang kumikislap at kumikinang na si Auru. Nababalutan ito ng mga kulay gintong pananggalang sa katawan. At ang ikinagulat at ikinatuwa ni Giginto habang pinagmamasdan ito ay ang gintong batong nakalutang sa ulo nito.
“Magaling, Auru. Nailabas mo rin ang hinahanap kong gintong bato. Ngayon sapat na ang aking lakas para kunin iyan mula sa iyo!”
Aatake na sana si Giginto nang makita ang unti-unting pagbaba ng nakalutang na gintong bato pababa sa noo ni Auru. At hindi nito inasahan ang paglaho ng bato sa noo ng kaniyang kakalabanin.
“Gusto mong makuha ang bato? Patayin mo muna ako!” matapang na sagot ni Auru at mabilis na ibinagsak ang dalawang paa at niyakap ang dibdib bago pinakawalan ang mga kulay gintong enerhiya sa harapan nina Giginto.
“Magsi-ilag kayo!” mabilis na sigaw ni Giginto nang makitang ang mga gintong enerhiya bigla-bigla na lamang nagiging mga hugis-triyanggulong mabilis na umiikot patungo sa kanilang harapan.
Mabilis naman ang mga mata ni Bagyo at nakagawa ito agad ng matibay na pananggalang sa kanilang lima. Ang mga hugis triyanggulong enerhiyang iyon ay nlipad lang ng kapangyarihan ng hangin ni Bagyo. Dahil sa ginawang iyon ni Bagyo ay lalong nagngitngit sa galit si Auru. Hindi ito natinag sa ginawang harang ni Bagyo. Bagkus ay itinaas pa niya ang dalawang mga kamay at muling nagpaulan ng mga hugis triyanggulong bagay. Mula sa maliliit ay naging malalaki ang mga ito. Hindi rin inasahan nina Giginto ang sumunod na nangyari.
“Huwag kayong tumayo lamang riyan! Gumawa kayo ng paraan dahil mababasag na ang harang na ginawa ko!” buwelta ni Bagyo. Nakita ng mga ito na napapaluhod na siya para lang protektahan sila.
“Tanggalin mo ang harang, Bagyo! Ngayon din!” biglang sumigaw si Bulcan at lahat ay napatingin nang makita ang pagsulpot ng hugis triyanggulong bundok na mula sa lupa. “Talon!”
Sumunod si Bagyo sa sinabi ni Bulcan. Sina Ururu, at Vatu naman ay mabilis ding tumalon at gumulong sa magkabilang direksyon habang si Giginto ay mabilis namang gumawa ng hugis bundok ding mula sa lupa upang sanggain ito. Nang lahat sila ay nakaligtas, hindi na naman nila inasahan ang mga sunod-sunod na atake ni Auru. Kaliwa at kanan nitong ginagalaw ang mga kamay. Tuloy pa rin ang pagbagsak ng mga mabibigat na bagay sa kanilang harapan.
Hindi nakapaghanda ang iba pero daplis lang kung maituturing nina Bulcan, Ururu, Bagyo, at Vatu ang mga sugat na tinamo nila sa balikat, paa, at mga kamay habang si Giginto naman ay panay ang sangga ng atake ng pinuno ng Arum na si Auru. Dahil gigil na ito sa ginagawang atake ni Auru, itinodo na rin ni Giginto ang pakikipaglaban.
“Ganito pala ang gusto mo, Auru. Sige, pagbibigyan kita sa dahas na gustong-gusto mong gawin!”
Pagkatapos sabihin ang mga salitang iyon ay agad na bumuwelo si Giginto at tumalon nang mataas. Nakasunod naman ang tingin ni Auru sa kalaban. Habang papababa ito sa kaniyang kinatatayuan, nakita nito ang biglang paglabas ng mahabang dila ni Giginto. Ganoon rin ang matutulis na mga kuko nito sa kamay at paa. Upang protektahan ang sarili ay inutusan niya ang kapangyarihan ng ginto na dagdagan ang pananggalang sa kaniyang katawan.
“Kapangyarihan ng lupang nagmumula sa buong kalikasan ng Elementu, protektahan mo ang isang tulad ko. Magtagumpay man ako o hindi sa labang ito, sa kapangyarihan mo ipinauubaya ko ang buhay ko!”
Narinig ng kapangyarihang iyon sa kaniyang katawan ang kaniyang pagsusumamo. Nakatanggap naman agad ng kasagutan si Auru at naramdaman ang mabalasik na pagsiksik pa ng kaniyang suot na baluti sa katawan. Buong katawan, mula ulo hanggang paa ay balot na balot na ito.
“Hindi uubra sa akin ang baluting iyan, Auru! Humanda kang basagin ko ang gintong kasuotan mo!” sigaw ni Giginto mula sa itaas. Malapit na rin itong bumagsak at si Auru naman ay nakahanda na ang mga braso at katawan para sanggain ito.
Ang ibang mga kasama ni Giginto na sina Bulcan, Ururu, Bagyo, at Vatu ay kanina pa nag-aabang sa susunod na mangyayari. Palipat-lipat din ang mga tinginan ng mga ito sa dalawa. Tila nakikinita na ng mga ito kung sino ang magtatagumpay at kung sino ang matatalo. At nang dumating na nga ang pinakahihintay ng mga ito na makita, nanatili pa rin silang tahimik sa harapan ng dalawa.
Ang mahabang dila ni Giginto, ang mga matutulis na kuko nito sa kamay at paa ay handang-handa nang bumagsak sa puno ng gintong baluting nakabalot sa kaniyang katawan. Ang lupain ng Arum ay nakaabang sa mangyayari at nang bumagsak nga sa lupa si Giginto at sunod-sunod na pinaglalatigo ng dila ang panangga ng kaharap, nanatili lang na nakatayo si Auru.
Malalakas ang enerhiyang nagmumula sa dila nito, sa mga suntok, at sipa nito dahilan para mapaatras si Auru. Ngunit nanatili pa rin itong nasa posisyon ng walang bahid ng anumang takot. Kahit ramdam na nito ang unti-unting pagkawasak ng ibang parte ng kaniyang baluti. Nang makakuha ng pagkakataon ay agad na nahawakan ni Auru ang mahabang dila nito at mahigpit na hinawakan iyon ng kaniyang kaliwang kamay. Ilang saglit pa ay hinila niya ito at pinaikot-ikot. Inihagis niya ito sa kinaroroonan ng kaniyang mga kasama pero imbes na saluhin ay hinayaan lang nila ito. Kaagad silang umilag para hindi matamaan.
Hindi naman nag-aksaya ng oras si Auru dahil parang kidlat itong nagtungo sa kinabagsakan ni Giginto. Walang kamalay-malay naman ang hari ng Arum na naghihintay na pala ang huling laban niya. Nang mapadpad sa nakadapang si Giginto, mabilis niya iyong hinawakan sa leeg pero hindi niya inasahan ang matibay at malakas na kamao nitong sumuntok sa kaniyang mukhang may baluti pa. Hindi agad nakabuwelo si Auru at nakaramdam ng pagkahilo. Ni hindi nga nito nakita ang pagtayo ni Giginto at muli siyang pinaulanan ng suntok at sipa. Sa huli ay napatumba siya ng kalaban.
“Hindi na kita hahayaan pang gumanti sa akin, Auru. Ito na ang magiging katapusan mo sa bayang pinrotektahan mo!”
Binalaan pa ni Giginto si Auru at dinaganan ito. Itinuloy niya ang panununtok sa mukha at dibdib ni Auru na suot pa rin ang baluti. Malalakas ang mga suntok na iyon dahilan para hindi na makaganti si Auru. Nawawasak na rin ang baluti sa mukha niya at nang ipadapo nga ni Giginto ang huling suntok nito sa mukha, doon na nawalan ng ulirat si Auru. Pero hindi roon tinapos ni Giginto ang laban. Dahil ang pakay niya ay ang makuha ang gintong bato, tumayo na ito at ang kanang kamay nitong may matutulis na kuko ay ginawa niyang matulis at mabigat na bato upang itarak sa dibdib ni Auru.
Wala pa ring imik ang mga kasama ni Giginto sa ginawang pakikipaglaban nito kay Auru. Iyon na marahil ang matagal na labang nakita nila. Sa pinuno ng Arum lang sila nasugatan at kay Auru lang napuruhan din si Giginto. Ngayon ay masasaksihan nila kung paano wasakin at itarak ni Giginto ang kanang kamay nito sa dibdib ng wala nang malay na si Auru. At nang itarak nga iyon ay nakita rin nila kung paano dumilat si Auru at napaubo ng dugo.
“Magsisimula nang magluksa ang lupain ng Arum sa iyong pagkamatay, Auru. Akin na ang gintong batong nakatago sa iyong puso!” aniya nang maibaon ang kanang kamay at makapa ang matigas na bagay sa puso ni Auru.
Ilang saglit pa ay hinugot ni Giginto ang kamay at napasigaw sa tuwa nang matanggal ang puso ni Auru. Pinisa niya iyon at nagsisigaw nang makita ang kumikinang pero puno ng dugong gintong bato.
“Sa wakas! Nasa akin na ang gintong bato! Nagtagumpay ako!” panay ang sigaw nito habang ang wala nang buhay namang si Auru ay nanatiling dilat na nakahandusay sa likuran ng nagbubunying si Giginto.
Napailing at napangiti na lang din sina Ururu, Bulcan, Vatu at Bagyo dahil natapos na rin ang laban ni Giginto sa pinuno ng Arum na si Auru.