“Nagtagumpay ako! Nagtagumpay ako!!” sigaw nang sigaw si Helya nang umagang iyon.
Walang pagsidlan ang kasiyahan niya nang makita sa salamin ang nangyari sa Gororiya. Hindi rin nito inasahan na ganoon ang kahihinatnan ng engkantasyong sinambit niya mula sa Libro ng Mahika. Nagtagumpay siyang saktan, sugatan, at sirain ang sumpang ginawa niya sa iba. Nagtagumpay siyang lima sa mga Bahaghari lamang ang nakabalik sa dating anyo nitong mga tao. Kasama roon sa naging tao ay ang prinsipeng si Ulay, ang isang babaeng hindi niya kilala pero kapag sumasagi sa isipan niya ang mukha nito ay naiirita siya, at ang isa pa ay isang binata, na kung hindi siya magkakamali ay kawal ng Bahaghari. Ang dalawa naman ay kambal na hindi niya inakalang mga kapatid pala ng batang unggoy na tinanggalan niya ng puso.
“Sinong mag-aakalang lima lang kayong magbabalak na talunin ako? Tingnan lang natin kung hanggang saan kayo dadalhin ng mga paa ninyo sa paglalakbay ninyo. Gagawa ako ng paraan para mapigilan kayong marating ang bundok ng Elementu. Walang hindi makakaligtas sa paningin ng isang malakas ng mangkukulang ng Salamang!”
Kasabay ng mga halakhak na iyon ni Helya ay ang mahihinang pagkulog sa labas ng kaharian ng Bahaghari. Tumayo pa ito at naglakad-lakad palabas ng trono at nagtungo sa malawak na balkonahe ng kaharian. Doon ay tuloy pa rin sa pagkulog na may kasamang kidlat sa harapan niya. Ang mga halakhak ni Helya ay lalong dumagdag sa sungit ng panahon nang mga sandaling iyon.
“Salamin, ikaw na ang bahala sa paglalakbay na gagawin nina Ulay. Sa iyo ko iaatas ang mga paghihirap at pagsubok na pagdaraanan nila. Gusto kong pahirapan mo sila. Mas mahirap pa sa ginawa ko noong mga unggoy at gorilya pa sila!” utos nito kay Salamin na sinamahan pa ng mas malakas pang mga halakhak.
“Masusunod po, mahal na reyna Helya. Ako na po ang bahala sa kanila. Wala po kayong poproblemahin. Gagawin kong bangungot ang kanilang paglalakbay. Sisiguraduhin kong hindi sila makakarating ng buhay sa bundok ng Elementu,” pagsisiguro ni Salamin. Mukhang may nakahanda na rin itong plano para sa paglalakbay nina Ulay.
“Dapat lang. Dahil kung mabibigo ka ay hinding-hindi ka na makababalik pa sa pagiging tao!” pananakot sa kaniya ni Helya.
Natahimik na lamang si Salamin. Hindi na ito sumagot pa dahil alam niyang wala rin naman siyang kapangyarihan para salungatin si Helya. Kung makakawala lang sana siya sa mahika niya pero hindi niya magawa. Si Helya ang sumumpa sa kaniyang maging salamin at pumayag na maging kanang kamay nito bilang salamin niya. Hindi pa tamang panahon para maalala niya ang nakaraan niya. May mga bagay pa siyang dapat na gawin para sa ikasisiya ng kaniyang among si Helya. Ngunit, hindi rin mawaglit sa kaniyang isipan ang mga panahong naging tao siya.
“Bakit hindi ka pa umalis, Salamin? Ihanda mo na ang unang pagsubok mo kina Ulay. Alis na!” utos at sigaw nito sa nakalutang na salamin.
“Paumanhin, reyna Helya. Aalis na po ako ngayon din,” sagot nito at mabilis na naglaho sa tabi ni Helya. Naiwan namang tuloy pa rin sa pagtawa at paghalakhak si Helya balkonaheng iyon, na walang anumang ibang iniisip kung hindi tagumpay sa kaniyang ginawa.
...
SAMANTALA... mula sa bundok ng Elementu ay ginamit ni Hariya ang kaniyang kapangyarihan upang kausapin sa isipan si Aliya, ang ina at reyna ng Bahaghari. May nakahanda nang plano ang engkantado at bantay ng Elementu pero kailangan muna niyang makausap ang ina ni Ulay upang ipaalam dito ang pagsubok na kailangang malagpasan ng prinsipe. Sa tuktok ng bundok ay umupo si Hariya. Pansamantala muna siyang bumalik sa pagiging isang makisig na engkantado. At nang handang-handa na ay pumikit ito at tinawag mula sa bundok ng Elementu patungo sa kagubatan ng Gororiya ang nasa anyong gorilya na si Aliya.
“Aliya. Aliya. Naririnig mo ba ako?” tawag nito. Kasalukuyan namang naghahanda pa si Aliya para sa pag-alis ng kaniyang anak at ng apat pang mga Bahaghari nang marinig niya ang boses ng hindi pamilyar na nilalang sa kaniyang isipan.
Kaliwa at kanan pa itong tumingin sa kaniyang paligid nang muli niyang marinig ang pagtawag sa kaniya ng boses na iyon. Tumayo muna ito nang hindi napapansin ng kaniyang asawang hari at ng prinsipe. Nang masigurong walang nakakita sa kaniya, sa likuran ng isang malaking puno ng Gororiya sumagot si Aliya.
“Sino po sila? Ano po ang kailangan ninyo sa akin? Ako po si Aliya,” sagot nito at hinintay na muling magsalita ang tinig na iyon.
“Mabuti naman at naririnig mo ako. Hindi ko kailangang magpakilala pero alam kong pupunta rito sa bundok ng Elementu si Ulay, ang prinsipe, ang iyong anak upang malaman kung paano matatalo si Helya, hindi ba?” sinagot ni Hariya ang tanong ni Aliya pero hindi ito nagpakilala.
“Tama po kayo. Kayo po ba ang maalamat na engkantadong nagbabantay sa bundok ng Elementu?” hindi maalis-alis ni Aliya ang pagkukumpirma sa boses na kinakausap niya.
“Hindi na mahalaga kung ako nga ang bantay na tinutukoy mo, Aliya. Nais ko lamang ipaabot sa iyo na hindi magiging madali ang pagdadaanang pagsubok ng iyong anak at ng mga kasama nito. Masisiguro ko ang kanilang kaligtasan kapag narito na sila bundok ng Elementu. Ngunit hindi ko hawak ang kanilang kapalaran sa paglalakbay na kanilang sisimulan, Aliya. Dahil malayo ang Gororiya para kayo ay protektahan, isa lamang ang magagawa ko. Ang dalhin kayong lahat sa bundok ng Elementu at dito hihintayin natin ang tagumpay ng prinsipe.”
Pagkatapos sabihin iyon ni Hariya ay hindi na muli pang narinig ni Aliya ang tinig na iyon. Sa kaniyang isipan ay kumpirmado siyang ang engkantado ng bundok ng Elementu ang nakausap niya. Dahil sa mga narinig ay nagsisigaw na agad si Aliya upang pagsabihan sana sina Ulay na oras na para sila ay maglakbay. Ngunit, hindi niya inasahan ang biglaang paglaho ng mga ito sa kanilang harapan.
“Anong nangyari, mahal? Nasaan na ang mga bata?” nagtatakang tanong ni Yalu nang makita nang personal ang paglaho ng kaniyang anak at ng apat pang kasama nito.
Wala namang makuhang sagot si Aliya sa tanong ni Yalu. Lalo pa siyang nagulat nang isa-isang nawala sa kanilang harapan ang ibang mga batang unggoy at mga gorilya. Noon lang din naalala ni Aliya ang mga sinabi ng tinig na iyon. Kaya hindi na siya magtataka kung ang huling mawawala sa kagubatan ng Gororiya ay siya. Hindi nga siya nagkamali dahil nang siya na lamang ang matira ay muli niyang narinig ang tinig ng nakausap niya kanina.
“Ikaw na lang ang natitira sa Gororiya, Aliya. Oras na para ikaw naman ay dalhin ko rito sa Elementu. Huwag ka nang mamroblema sa iba, narito na sila at ikaw na lamang ang hinihintay.”
Hindi na rin nagsalita pa si Aliya. Pumikit na lamang siya at nang dumilat, nakita niya ang kaniyang sariling nasa harapan ng isang nakasisilaw na liwanag. Kulang na lamang ay mabulag siya nang mga oras na iyon. Nawala lamang siya sa liwanag na iyon nang marinig niya ang boses sa kaniyang likuran.
“Aliya, alam mo ba kung nasaan tayo?” dinig niyang tanong ni Yalu. Nang lingunin niya ang hari ay narinig na lamang niya ang boses ng tinig na iyon nang walang ibang nakaririnig.
“Ang bundok na ito ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng bantay ng Elementu. Ang sinumang magtatangkang lumabas ay hindi makakalabas dahil sa matibay na harang na nakapalibot sa paligid ng bundok na ito. Malaya kayong maninirahan dito nang walang anumang panganib, Aliya. Hintayin na lamang natin ang tagumpay ng prinsipe at ng mga kasama nitong makarating ng ligtas sa Elementu.”
Huling mga kataga na ang narinig niya mula sa tinig na iyon. Kahit hindi ito nagpakilalang bantay o engkantado ng Elementu, alam ni Aliya na siya iyon. Nakahinga naman siya nang maluwag sa mga salitang narinig niya mula sa engkantadong iyon at ibinaling na lamang ang atensyon sa haring si Yalu.
...
SA LABAS NAMAN ng Gororiya ay gulat na gulat na mukha ang makikita kina Ulay, Aurora, Satur, at ang kambal na sina Uno at Dano.
“Ang bilis naman nating nakawala sa kagubatan? Saang direksyon na tayo tutungo nito?” nagtatakang tanong ni Aurora. Sinegundahan naman ito ni Satur habang ang mga kambal naman ay tumango na lamang din ang kambal dahil wala rin naman siyang maisasagot sa tanong ni Aurora.
“Wala na tayong magagawa. Magpasalamat na lamang tayong sa mabilis na paraan tayo nakalabas ng Gororiya. Simulan na lamang natin ang ating paglalakbay sa direksyon kung saan nanggagaling ang hangin,” sumingit na si Ulay dahil maging siya ay wala ring matinong sagot sa tanong ni Aurora. Hindi na lamang niya binanggit pa ang tungkol sa hari at reyna dahil alam niyang nasa mabuti na rin naman silang kalagayan.
“Tama ang iyong tinuran, Ulay. Sundan na lamang ninyo ang direksyon ng hangin. Mag-iingat na lamang kayo sa panganib na kahaharapain ninyo sa dalawang bundok na inyong aakyating bago marating ang bundok ng Elementu. Dalangin ko ang inyong kaligtasang makarating sa inyong paroroonan.”
Lahat ay napatigil nang marinig nilang lahat ang boses na iyon. Napayakap pa ang kambal sa isa't isa sa takot. Sina Aurora at Satur naman ay tahimik lamang. Naghihintay na lamang ng hudyat mula sa prinsipe upang makapagsimula na silang maglakad sa landas na tatahakin nila. Ang panandaliang pananahimik ni Ulay ay iwinaski na lamang niya sa isipan at nagpokus na lamang sa kauna-unahang paglalakbay niya bilang tao.
“Sa silangan ang ating unang pupuntahan. Iyon ang sinasabi sa akin ng hangin. Ihanda ang inyong mga sarili sa anumang panganib. Maging mapagmasid. Kayong dalawa, Uno at Dano ay dapat nasa gitna naming tatlo. Malinaw naman siguro ang aking mga salitang binitawan, kaya huwag na tayong mag-aksaya ng panahon dahil malapit na ang takipsilim.”