SA TUKTOK ng bundok ng Elementu, napanood ni Hariya ang lahat ng nangyari. Abot hanggang Elementu ang masamang panahon at ramdam na ramdam ni Hariya ang kadiliman sa tuktok ng bundok. Kaya naman gamit ang kaniyang kapangyarihan ay nakita niya ang mismong pagbabalik anyo sa pagiging tao ng tatlo sa malalaking gorilya at dalawang batang unggoy na hindi niya inasahang mangyari. Matagal na niyang alam ang tungkol sa tagapagligtas pero bakit may kutob siyang mag-iiba ang takbo ng kuwento ng tagapagligtas?
“Bakit? Bakit tayo lang? Bakit hindi tayong lahat ang bumalik sa dati?! Bakit?!”
Kanina pa niya pinapanood ang nangyayari kay Ulay. Iyon ang pangalan ng tagapagligtas at bubuhay sa limang tagapangalaga ng mga brilyante at bato. Kitang-kita niya kung paano manlumo ang binatang si Ulay. Niyayakap lamang ito ng kaniyang magulang na nasa anyong gorilya pa rin. Tanging silang tatlo lamang ang naging tao na nakatayo sa harapan. Dahil gustong malaman ni Hariya ang susunod na mangyayari. Ipinagpatuloy na lamang niya ang pakikinig sa kaniyang pinapanood.
“Ulay, huwag mong masyadong sisihin ang iyong sarili. Hindi mo kasalanan kung bakit kayong tatlo lamang ang bumalik sa pagiging tao,” pag-aalo ng reyna Aliya sa kaniya.
“Tama ang iyong ina, Ulay. Tandaan mong nasa iyo pa ring mga kamay nakasasalay ang pagtalo at pagpapabagsak sa mangkukulam na si Helya. Ngayong nakabalik ka na sa pagiging tao, masisimulan mo na rin ang iyong bagong pagsubok,” dagdag turan naman ng kaniyang amang hari.
Bumitaw sa pagkakayakap si Ulay. Tumayo ito at pinahiran ang kaniyang mga luha. Tiningnan ang mga umiiyak at nalulungkot na mga kasamahan. Napalunok nang laway na lamang si Ulay at pinatatag ang sarili. Pagkatapos niyon ay matapang siyang nagsalita sa harapan ng nakararami.
“Kung ito ang nakatadhana na sa ating mga sumpa, na ako lang, si Aurora, at si Satur ang bumalik sa pagiging tao, gagawin ko ang lahat upang maibalik ang kaharian at matanggal ang sumpa sa inyo!” matapang at maotoridad na tinig ni Ulay.
“Magaling, Ulay. Hindi mo ba naalala ang sinabi ko sa iyo nakaraan lang? Dumating na nga ang araw na pinakahihintay ko, anak. Handa ka na sa iyong mabigat na responsibilidad. Ngayon, uulitin ko sa kanilang harapan ang katanungan ko sa iyo. Handa ka na bang malaman ang paraan para mabawi ang kaharian, Ulay?” tanong ni Aliya sa kaniyang tao nang anak na si Ulay.
Pansamantalang katahimikan ang namayani. Ang mga batang unggoy at mga gorilya ay tahimik ring hinihintay ang magiging sagot ni Ulay sa kaniyang ina sa harapan ng nakararami. Dahil alam niyang may nakaatang na malaking responsibilidad na naghihintay sa kaniya at kailangan niyang matanggal ang sumpa sa kanila at bawiin rin ang kanilang kaharian. Dahil sa mga naiisip na iyon ni Ulay ay desido na siyang tanggapin ang panibagong hamo na maririnig niya mula sa kaniyang inang si Aliya.
“Handa na po ako, ama, ina. Handa na po akong makinig sa ituturo ninyong gagawin ko,” may diin at may kasamang tapang na sagot ni Ulay.
“Nasisiyahan akong makita ang matapang na bersyon ng iyong sarili, Ulay. Ngayon, makinig ka sa aking sasabihin. Mula sa Gororiya, sa kagubatang ito ay magsisimula kang maglakbay sa dalawa hanggang tatlong bundok. Dadaan ka sa mababaw at malalalim na ilog. Kailangan mo ring lagpasan ang mga balakid, at panganib na naghihintay sa iyo bago mo marating ang pangatlong bundok na kung tawagin ay Elementu. Sa bundok na iyon, ay matatagpuan mo ang matandang ermitanyong tutulong sa iyo kung paano mo magagapi si Helya at mabawi ang kaharian. Siya na rin ang makakapagsabi sa iyo kung paano matatanggal ang sumpa at kung paano kami makakababalik sa anyong tao. Malinaw naman siguro ang aking mga tinuran, hindi ba, Ulay?”
Sa haba ng litanyang iyon ay naintindihan naman ni Ulay ang ibig sabihin ng kaniyang ina. Malinaw para sa kaniya na kailangan niyang dumaan sa panganib, sa ilog, at sa mga bundok bago marating ang pangatlong naghihintay sa kaniya sa bundok ng Elementu mula sa kagubatan ng Gororiya.
“Malinaw po ang lahat sa akin, mahal na inang reyna. Susundin ko po ang mga sinabi ninyo at hahanapin sa pangatlong bundok ang matandang ermitanyo. Itataya ko po ang aking buhay para sa ikabubuti ng nakararami, ina, ama,” sagot nito at agad na yumuko sa harapan ng kaniyang amang hari at inang reyna.
“Hindi po namin iiwan si Ulay, mahal na hari at reyna. Samahan ko po siya sa kaniyang paglalakbay,” pagsingit naman ni Aurora. Gaya nang ginawa ni Ulay, lumuhod din ito at yumuko sa kanilang harapan.
“Asahan po ninyong magiging mas poprotektahan ko po ang prinsipe. Sasamahan ko rin po sila ni Aurora sa anumang panganib na kakaharapin nila. Naging matalik na magkaibigan na po kami noong nasa anyong gorilya pa lamang. Kaya, huwag po kayong mag-alala sa kanila.” Lumuhod na rin si Satur upang bigyang katiyakan ang mga salitang binitiwan nina Ulay at Satur.
Masaya namang pinakinggan nina Yalu at Aliya ang kombiksyon ng mga binatang sina Ulay at Satur kasama ang dalagang si Aurora. Halos mapunit ang labi ng hari at reyna sa mga narinig mula sa tatlo. Magsasalita na sana ang dalawa nang may marinig silang dalawang boses sa kanilang likuran. At nang makita kung kanino nanggaling ang mga tinig, tila binuhusan ng malamig na tubig ang lahat.
“Sasama po kaming magkapatid sa prinsipe, kay Aurora at Satur, mahal na hari. Payagan po ninyo kami, mahal na reyna,” sagot ng kambal na babae sa harapan ng hari at reyna.
“Paumanhin po, mahal na hari at reyna. Hindi ko po kasi mapigilan ang aking kambal na sumingit. Katulad ng prinsipe, ni Aurora, at Satur ay silang dalawa rin ang nakabalik sa normal bilang tao,” paghihinging paumanhin naman ng isang inang gorilya sa kanilang harapan.
Hindi naman makapaniwala si Ulay na may dalawa pang nakabalik sa normal. Ngayon, lima na silang nasa anyong tao. May makakasama na rin sila kung papayag ang hari at reyna.
“Payagan na po ninyo kami ng aking kambal na sumama sa kanila, mahal na hari at reyna,” ang kambal na lalaki naman ang nagsalita at humingi ng permiso sa harapan nila.
“Kami ay natutuwang malaman na may dalawang makakasama ang prinsipe,. Ngunit hindi ba ninyo narinig mga bata na mapanganib ang lalakbayin ng prinsipe? Ilang taon na kayo? Anong mga pangalan ninyong dalawa?” tanong ni reyna Aliya. Sinegundahan naman ito ni Yalu. Tumango naman sa likuran nila sina Ulay, Aurora at Satur na halos pasukan na ng langaw ang kanilang bunganga sa pagkabukas.
“Muli akong humihingi ng paumanhin sa aking mga kambal, mahal na reyna. Labingwalong taon na po ang kambal kong mga anak. Nakatatandang kapatid po nila ang nahuli ni Helya noong maglaban ang prinsipe sa batis. Kasama po silang naliligo noong araw na iyon. Kaya ganoon na lamang ka-pursigido ang kambal ko na sumama sa paglalakbay ng prinsipe,” may lungkot sa mga salitang binitiwan ng inang gorilya nang mga sandaling iyon. Naintindihan ni Aliya kung saan nanggagaling ang sakit na iyon. Napabuntong-hininga na lamang siya nang malalim.
“Ako nga po pala si Uno,” sagot ng kambal na babae.
“Ako naman po si Dano, mahal na reyna,” sagot naman ng kambal na lalaki sa harapan ng reyna.
“Paumanhin pong muli kung hindi ko naipakilala ang aking mga anak. Si Uno po ang babae at si Dano naman pa ang lalaki, mahal na reyna,” maikling paliwanag naman ng ina ng kambal.
“Kung iyan ang inyong nais at dahil mukhang sabik naman ang prinsipe na may kasama pang iba, pinapayagan ko na kayo, Uno, Dano. Nasa tamang edad na rin naman kayo para samahan sila. Hindi naman siguro magiging mahirap kina Aurora at Satur lalo na sa prinsipe na may aabagahin silang hindi bihasa sa pakikipaglaban. Hindi ba?” nagkomento na ang haring si Yalu at ibinaling ang tingin kay Ulay. Sasagot na sana si Ulay nang muli nilang marinig ang boses ng kambal.
“Magaling ako pamamana,” sagot ni Uno.
“Bihasa naman ako sa paglangoy kahit gaano pa kalalim ito,” si Dano naman ang nagsalita.
“Turo sa amin ng aming kuya Unano!” sabay pa nilang turan. Muntik pang mapahagalpak sa tawa ang lahat nang marinig ang pangalan ng kuya nito.
Pero dahil alam ng lahat ang pagluluksa ng mga ito, mas pinili na lamang nilang manahimik nang mga sandaling iyon. Mas pabor na rin kina Aurora at Satur na may mga kakayahan din ang mga itong magagamit nila sa kanilang paglalakbay kasama ang prinsipeng si Ulay.
“Alam kong hindi lang iyan ang kayang gawin ng kambal, mahal na hari at reyna. Pumapayag na rin akong isama sila sa aming paglalakbay,” sumagot na si Ulay nang matapos na ang lahat ng diskusyon.
“Kung ganoon, wala na kaming ibang ihahabilin sa inyong lahat kung hindi ang sabihin na mag-iingat na lamang kayo. Dalangin naming lahat na magtagumpay kayo sa inyong sisimulang paglalakbay. Basta tandaan mo na lamang ang mga sinabi ko, Ulay,” dagdag bilin ni Aliya sa anak.
“Iyo ring pakatatandaan, Ulay na sa iyong mga kamay nakasalalay ang kaligtasan ng apat na iyan. Gawin mo na lamang na isang pagsubok din ang gagawin mong paglalakbay para sa iyong paghahanda bilang susunod na hari ng Bahaghari,” hindi rin nagpahuli si Yalu sa pagbibilin sa kaniyang anak at sa mga kasama nito.
Napuno naman ng mahihinang halakhakan ang paligid. Kahit paano ay nabawasan na rin ang bigat at lungkot sa kanilang mga mukha. Napalitan iyon ng saya at tuwa na may kasamang kaba dahil magsisimula na ang paglalakbay ng prinsipe upang mabawi ang kahariang ninakaw ni Helya sa kanila. At kasama sa paglalakbay na iyon ay ang mahanap ang matandang ermitanyo at makakuha ng impormasyon tungkol sa paraan kung paano talunin ang kalaban at matanggal ang sumpa sa natitirang mga Bahaghari sa Gororiya.