Kabanata Trenta Y Singko: Kalahating Oras Ang Nakalipas Mula sa Labas ng Gororiya

1551 Words
MALAPIT NANG SUMAPIT ang takipsilim. Pero hindi pa sila nangangalahating oras sa paglalakad mula sa labas ng Gororiya. Malayo-layo na rin ang kanilang nilalakad at mahaba-haba na rin ang kalahating oras na paglalakad na iyon. Kaya naman, nagpahinga na muna sina Ulay, Aurora, Satur, Uno, at Dano sa lilim ng isang punong manggang kanilang natagpuan. “Sino ang marunong magsiga sa atin dito?” tanong ni Ulay nang makitang ang apat ay nakaupo na sa damuhan. Sari-saring mga sagot sa pamamagitan ng kanilang ekspresyon sa mukha ang nakita ni Ulay. Parehong nakayuko ang mga ulo nina Aurora at Satur habang ang kambal naman ay nakangiti lang. Ilang saglit pa ay sumagot rin ang kambal. “May alam po kami sa pagpapa-apoy, mahal na prinsipe,” sagot ni Uno. “Ako na po ang bahalang maghanap ng mga tuyong dahon at mga sanga ng punongkahoy sa paligid, mahal na prinsipe,” sagot naman ni Dano. “Hephep, sandali lang Dano. Hindi ka puwedeng umalis ng walang kasama. Satur, samahan mo si Dano na manguha ng mga tuyong dahon at sanga,” utos nito sa naglalambingang sina Aurora at Satur. Napailing na lamang si Ulay nang mga oras na iyon. “Kaya ko na po, prinsipe Ulay,” protesta ni Dano pero mabilis namang nakatayo si Satur at agad siyang tinawag. “Sandali, Dano. Mapapagalitan ako ni Ulay kapag wala kang kasama,” sigaw nito sa kaniya at inakbayan ang labingwalong taong gulang na binata. “Hays, hindi ko aakalaing ganito na agad ang kahihinatnan ng aming paglalakad. Hindi pa naman kami nakalalayo sa kagubatan ng Gororiya ay nasabik na agad ako sa aking ama at ina,” komento ni Ulay sa kaniyang isipan. Umupo lang muna ito sa damuhan at nakatingala sa kalangitan. Napansin ni Aurora at Uno ang pag-iisa ng prinsipe. Magkasabay pang nagkatinginan ang dalawang babae bago nagpasiyang lapitan ang prinsipe. Umupo sa kaliwang tabi nito si Aurora at sa kanan naman si Uno. “Anong atin at bakit kayo tumabi sa akin?” nagtatakang tanong ni Ulay sa kanila. Pareho niya itong tinitigan sa magkabilang bahagi niya. Naghihintay ng kasagutan sa kaniyang katanunangan. “Malalim ang iniisip mo, Ulay. At saka, ano ang tinitingnan mo? Wala pa namang bituin sa ganitong takipsilim a?” paggbibiro sa kaniya ni Aurora. Lihim pa itong napangiti sa kaniyang sariling biro. “Nasa tamang edad na rin naman po ako para makinig sa kung anumang nais mong sabihin, mahal na prinsipe,” komento naman ni Uno na tila parang matanda na ang tono ng kaniyang pagsasalita. Isang malalim na buntong-hininga na lamang ang pinakawalan ni Ulay bago sinagot. “Pinatatawa ba ninyo ako o sinasamahan sa aking pag-iisa?” “Sinasamahan!” magkasabay pang sumagot ang dalawa. Kulang na lang ay marindi siya sa boses ng dalawa. Mabilis niyang tinakpan ang dalawang tainga upang pisil-pisilin ito. “Sige na. Suko na ako sa inyong dalawa. Oo na, wala pang mga bituin at hindi naman ganoon kalalim ang aking iniisip. Kung mayroon man, kaligtasan nating lahat at ang misyon nating malagpasan ang pagsubok na darating pa sa ating harapan. Ang panalanging makabalik na rin sa tao ang ating hari at reyna at ang iba pang mga nasa Gororiya.” Pagkatapos sabihin ang mga katagang iyon ay ibinalik ni Ulay ang kaniyang tingin sa kalangitan. Hindi pansin ng mga ito ang paglukob ng kadiliman sa kinauupuan nilang dalawa. Pansamantalang nilamon ng katahimikan ang tatlo. Dahil rin sa katahimikang iyon ay binasag ni Uno ang katahimikan sa pagitan nilang tatlo. “Alam kong malungkot ka rin, mahal na prinsipe. Ganiyan rin ang naramdaman ko nang malayo sa amin ang aming kuya. Ni hindi nga namin alam kung buhay pa ito o patay na,” narinig namang pareho nina Ulay at Aurora ang sinabi ni Uno. Bigla tuloy silang nakaramdam ng lungkot. Kahit hindi nila tingnan ang mukha o ekspresyon ni Uno ay alam nilang lumamlam at mangiyak-ngiyak na rin ito. “Paumanhin, Uno. Alam kong alam mong may kasalanan ako kung bakit hindi ko nailigtas ang iyong nakatatandang kapatid na si Unano. Kung nagawa ko lang sanang--” hindi natapos ni Ulay ang kaniyang sasabihin nang pigilan siya ni Uno. “Wala po kayong dapat na ihingi ng tawad, mahal na prinsipe. Naiintindihan ko po. Ipinaintindi po sa amin ni amang at ni inang. Kaya nga po kami sumama sa inyo ay upang maging malakas rin na kagaya mo. Nakita namin nang personal kung paano ka nag-iiba kapag galit noong nasa anyong gorilya ka at kami naman ay mga batang unggoy pa lamang,” nakangiti ito sa kaniyang harapan pero panay naman ang punas nito sa kaniyang pisngi ng luhang pumapatak. Tumayo na lamang si Aurora at lumipat sa direksyon kung saan nakaupo si Uno at niyakap niya ito. Hindi naman makapagsalita si Ulay dahil alam niyang kahit nakangiti si Uno ay naroon pa rin ang sakit ng pagkawala ng kaniyang nakatatandang kapatid. Mahirap. Malungkot. Masakit. Ganoon ang mga emosyong mararamdaman ng isang taong nawalan ng mahal sa buhay. “Nandito na kami!” masiglang bati naman ni Satur. Nasa likuran naman nito si Dano at pareho silang may hawak na mga pangsigang mga sanga ng punongkahoy. Mabilis na umalis sa pagkakayakap si Uno kay Aurora at pinahiran din niya ang mga luhang pumatak sa pisngi nito. Tumayo ito agad at nagtatakbong nilapitan ang kapatid na si Dano. Inalalayan niya ito sa hawak na mga tuyong dahon at mga sanga ng punongkahoy. Inilagay naman ni Satur ang mga kahoy niyang naipon at nagsimula nang magpa-apoy ang kambal. Nanatili namang nakaupo na nakatingin lang sina Aurora at Ulay sa kambal na masayang nagtutulungan. Lumapit na rin si Satur at umupo sa tabi nilang dalawa. Nagtataka sa kung bakit ganoon na lamang kung tingnan ng dalawa ang kambal, nagtanong na agad ito sa kanila. “Nahuli yata ako sa balita. Anong meron sa kambal ha, Aurora?” kay Aurora nakatuon ang tingin nito agad bago ibinaling kay Ulay. “Ulay? Mahal na prinsipe?” “Huling-huli ka na nga talaga sa balita dahil hindi mo nakita at narinig kung paano magsalita si Uno. Mukha pa siyang matanda sa ating tatlo,” pabirong sagot naman ni Aurora kay Satur. Narinig man ni Ulay ang tanong ni Satur at ang sagot ni Aurora ay hindi niya ito pinansin. Nasa mga kambal ang kaniyang tingin. Nagniningas na kasi at nagliliyab na ang mga tuyong dahon, at mga sanga ng kahoy na sinindihan ng dalawa gamit lamang ang pagsalpukan at pagkiskis ng dalawang mga bato. Napakamot na lamang sa ulo si Satur at ibinalik ang tingin sa apoy at sa dalawang kambal. ... SAMANTALA... nahanap naman ni Salamin ang kinaroroonan nina Ulay dahil sa apoy na nakikita niya, ilang metro lamang ang layo mula sa labas ng Gororiya. Gamit ang kapangyarihan nitong hindi makikita ng kahit na sino ay pinuntahan niya ang liwanag ng apoy. Doon ay nakita niya ang limang masayang nagsisiyahan at nagpapahinga sa harapan ng nagniningas na mga apoy. Walang kahit na anumang bagay ang makakapagpigil sa tuwa at sayang ipinagdiriwang ng mga ito sa harapan ni Salamin. Ang unang plano niya sana para kay Ulay ay magsisimula sana ngayong gabi. Ngunit dahil sa nakikitang saya sa mga mukha ng mga ito. Kaya imbes na sirain ni Salamin ang gabing iyon ay pinagmasdan na lamang niya ang ginagawa ng mga ito. Dahil hindi naman siya nakikita ay nasa itaas ng puno ng mangga na lamang si Salamin. Habang tinitingnan ang mga nangyayari sa baba. Habang naririnig ang mga halakhakan at mga sayawang ginagawa ng mga ito ay napangiti rin si Salamin. Naalala niya tuloy ang mga sandaling naging tao pa siya. Kasama ang kaniyang pamilya, at bunsong kapatid, nasa isang gubat din sila at masayang nagkukulitan. Parang walang katapusan ang kasiyahan na iyon sa piling ng kaniyang ina, ama, at bunsong kapatid. “Huwag masyadong malikot. Baka mahulog kayo sa bangin ha?” umaalingawngaw ang boses na iyon sa kaniyang alaala. “Mag-iingat po kami, ina,” sagot naman noon ni Salamin sa kaniyang ina habang mahigpit na hinahawakan ang kamay ng kaniyang bunsong kapatid. . Dahil rin sa kasiyahang iyon gaya ng takbuhan, habulan at kung anu-ano pa ay hindi namalayan ni Salamin na nasa bangin na ang kaniyang bunsong kapatid. Huli na nang tinangka niyang hawakan ang kamay ng bunsong kapatid nito. Lalo pa siyang nagulat nang marinig niya ang pagsisigaw ng kaniyang ama at inang nag-uunahan sa pagtakbo sa direksyon kung saan nahuhulog na ang kaniyang bunsong kapatid para sagipin ito. Lalo lamang siyang nagitla nang mapagtantong ang mga ito pala ay tumalon na sa bangin na iyon. Tanging siya lamang ang natira at hindi niya malilimutan ang araw na iyon na mag-isa na lang siya sa bangin at iyak nang iyak. Walang humpay. Walang tigil ang kaniyang pagsisigaw at pag-iiyak. Sising-sisi niya ang sarili sa nangyari sa kaniyang ama, ina, at bunsong kapatid. Kung naging maingat at mapagmasid lang sana siya ay hindi sana nahulog ang bunsong kapatid, at sumunod ang kaniyang magulang. Ang mga alaalang iyon ang hindi malilimutan ni Salamin. Ni hindi nga niya maalala kung paano siya sinumpa ni Helya na maging salamin at kanang kamay niya. Pinangakuan kasi niya nito sa pagsasabing buhay pa ang kaniyang magulang at kapatid at nasa mga kamay nito ang kasagutan kung nasaan na sila ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD