Kabanata Katorse: Ang Tunay Na Dahilan

1643 Words
Sa Kagubatan ng Gororiya Ulay's Point of View “Anong na naman ang nangyari?” tanong ko nang magising ako. “Kumusta ka, Satur? Si Aurora?” “Okay lang ako, mahal na prinsipe. Si Aurora ang napuruhan. Hindi pa nagigising,” malungkot na sagot ni Satur sa akin. Nakaupo lang ito sa tabi ko at nagpapahinga habang pinagmamasdan naming pareho ang nakahigang si Aurora. Bumangon ako at umupo habang tinitingnan ang natutulog na si Aurora. “Kanina pa ba siya ganiyan? Hindi pa nagigising?” “Mga limang oras na rin po, mahal na prinsipe,” sagot ni Satur. “Kung pahihintulutan po ninyo ako, mahal na prinsipe, maaari po bang magtanong?” “Magtanong ka lang, Satur. Kaya ko naman sigurong sagutin ang tanong mo, hindi ba?” hindi naman ako humihindi. Nag-aalala pa rin ako sa kalagayan ni Aurora. Sa pagkakatanda ko ay parehong napuruhan ang dalawa dahil sa akin. Mas matindi nga lang ang tama ng suntok sa tagiliran kay Aurora dahil babae ito at madaling masaktan. Naghihintay ako nang mga oras na iyon sa tanong ni Satur habang inaalala pa ang mga nangyari. Ngunit, bigo ako dahil hanggang sa pagkatumba lang nina Satur at Aurora ang mga naalala ng aking isipan. Wala akong mahanap sa aking kamalayan sa tunay na nangyari. Pangatlong panganib na ang hinarap ko at hindi ko pa rin maintindihan kung bakit. “Wala po ba talaga kayong maalala sa mga ginawa ninyong pagligtas sa amin?” narinig ko ang tanong sa akin ni Satur. Napalingon pa ako sa kaniya at nakipagtitigan. Inaarok sa kaniyang mga mata ang lalim ng tanong niya sa akin. “Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maalala, Satur. Pero wala akong matandaang nailigtas ko kayo. Ang alam ko lang ay kayo ang nagligtas sa akin. Kagaya kanina sa nakakatakot na parte ng kagubatan ng Gororiya, kayong dalawa ni Aurora ang nagligtas sa akin.” Gustuhin ko mang magbigay ng sagot, wala talaga akong maalala upang patunayang may ginawa akong pagliligtas sa kanila. Hindi ko talaga maisip kung bakit nila ibinabalik sa akin na ako ang nagligtas sa kanila. Tahimik pa akong umiling para lang sabihin na wala talaga. “Gusto ko lamang pong siguruhin kasi nang nasa bingit na po kami ng kamatayan ni Aurora ay nakita ko po kung paano kayo nagalit at nagwala. Tila kayo ang hari ng kagubatang ito nang mapaslang ninyo ang mabangis na gorilyang iyon sa aking harapan habang walang malay naman si Aurora. Kung hindi man po ninyo maalala, nais kong magpasalamat sa ginawa mong pagligtas sa amin, mahal na prinsipe,” malungkot ang boses nito at ramdam kong parang nanlumo siya sa mga nasabi niyang hindi ko alam. “Kung ako man ang nagligtas sa inyo, Satur hindi ka dapat panghinaan ng loob. Bagkus ay gawin mo pa itong inspirasyon na pagbutihin pa ang iyong pagpoprotekta sa akin dahil hindi namang siguro sa lahat ng oras ay ako ang poprotekta sa inyo. Kahit na hindi ko alam ang tunay na dahilan, nagpapasalamat pa rin akong nagawa ko iyon. Alam ko kasi sa sarili kong duwag ako at matatakutin. Hindi nga ako karapat-dapat na tawaging susunod na hari kung hindi ko kayang protektahan kayong lahat kasama na ang aking amang hari at inang reyna.” Sa mga salitang binitiwan ko, doon ako nakaramdam ng lungkot. Bakit kasi hindi ko maalala? Kasama pa rin ba sa sumpa ito ni Helya sa akin? Na pahirapan ako at hindi maalala ang mga pangyayaring nagawa ko na pala? Paano kung totoo nga ang mga narinig ko mula sa aking amang hari at inang reyna na hindi pala ako takot? Na nagligtas na ako ng mga buhay nang hindi ko nalalaman? Anong mayroon sa akin at paano ko nagagawa iyon? Kailan ko ba malalaman ang sagot? Ilang panganib pa ba ang dapat kung suungin makuha lang ang tunay na kasagutan sa mga tanong ko? “Pero nagawa naman po ninyon, mahal na prinsipe. Matapang naman po kayo at sa nakikita ko ay karapat-dapat po kayong maging susunod na hari ng Bahaghari kapag natapos na natin ang limangdaang pagkabilanggo sa sumpa nito ng mangkukulam na si Helya,” sinubukang pagaanin ni Satur ang loob ko. “Tama ka pero kung hindi ko alam ang totoong dahilan kung bakit ko nagagawa kayong iligtas, blangko pa rin ito sa aking kamalayan at panghihinaan pa rin ako ng loob. Ang mas masaklap pa ay, paano kung malaman ko na at ako naman ang magiging kalaban ninyo?” Hindi na nakasagot si Satur sa mga binitiwan kong salita. Iyon kasi ang kinatatakutang mangyari ng aking amang hari at inang reyna. Maging ako man dahil baka masaktan ko sila at maging rason din ako ng kanilang kamatayan. Tumayo na lamang muna at iniwan sa pangangalaga ni Satur ang natutulog at wala pa ring malay na si Aurora. “Ikaw na muna ang bahala kay Aurora, Satur. Huwag kang mag-alala, hindi ako lalayo. Kailangan ko lang isipin ang lahat ng mga nangyari,” nagpaalam ako sa kaniya at naglakad patungo sa isang bakanteng parte ng kagubatang tanaw lang din naman niya. Doon ay umupo ako at sinamyo ang preskong hangin. Pansamantala akong nanahimik sa parteng iyon. Hinahanap pa rin sa aking isipan ang mga ginawa kong magpapatotoo na nagligtas nga ako ng buhay nang hindi ko namamalayan. Subalit, kahit anong paghahanap ko, hindi ko pa rin talaga matagpuan. Napasubsob na lamang ako ng aking mukha sa aking malalaking mga palad. “Maaari ba akong umupo, Ulay?” pamilyar ang boses na iyong narinig ko mula sa aking likuran. Inangat ko ang aking mukha at nakita ang nakangiting aking ina. Tumango ako at umupo siya sa kaliwang bahagi ko. “Sasali rin ako ha?” sa kanang bahagi ko naman umupo ang aking amang haring nakangiti sa akin. “Iniisip mo ba ang mga nagawa mong pagliligtas, Ulay?” tanong sa akin ni ina. Tumango ako bilang pagsang-ayon. “Ulay, may mga bagay sa ating kamalayan na kahit anong pilit nating hanapin, hinding-hindi natin talaga ito matatagpuan. Maliban na lamang kung ang tunay na dahilan ay dahil sa isang sumpa. Katulad na lang ng nangyari sa atin, anak. Isinumpa tayo ni Helya na maging unggoy at gorilya sa loob ng limangdaang taon,” sumingit si ama at ipinaliwanag ang isang bagay na totoo naman. “Tama ang iyong ama, Ulay. Kami man ay hinahanap namin ang tunay na dahilan kung paano mo kami niligtas sa dambuhalang mga ahas. At posibleng dahil sa sumpa ni Helya kaya ka nagkakaganiyan. Na naalala mo lamang ang mga nangyari bago ka magligtas ng ibang nilalang,” dugtong naman ng aking inang si reyna Aliya. “Paumanhin po, ina kung magtatanong ako. Hindi ko po sinasadyang marinig iyon sa inyo ni ama. Totoo po bang kapag nasa panganib ay nag-iiba ako? Na nagiging matapang ako?” palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Naghihintay ng sagot mula sa kanila. “Totoo ang iyong narinig at tinuran, anak. Iyan ang napansin namin. Ganoon din ang sinabi sa amin nina Aurora at Satur. Hindi mo ba nararamdaman ang kakaibang pakiramdam sa iyong katawan katulad ng galit kapag may nakikita kang nasa panganib o bingit ng kamatayan? Hindi ba kumukulo ang dugo mo sa galit?” sagot nito at dinagdagan pa ng mga tanong na hindi ko alam kung masasagot ko ba o hindi. Pero nang banggitin iyon ni ina, naalala kong nakaramdam nga ako ng kakaibang emosyon. “Nakaramdam po ako ng init sa loob ng aking katawan, ina, ama. Parang may nag-uudyok sa akin na gumawa ng paraang makatulong,” sagot ko at sabay pang nagkatinginan ang aking ama at ina. “Emosyon na parang galit na galit ka na at gustong-gusto mo nang tumulong. Tama ba, Ulay?” pagkukumpirma ni ama. “Emosyon na parang sasabog na sa galit ang katawan mo kaya, wala ka nang ibang paraan kung hindi iwaksi sa isipan ang takot at magsakripisyo. Tama ba ako, anak?” dagdag namang tanong ni ina. Ang mga tanong nila ay tugmang-tugma sa mga naramdaman kong emosyon at tumango ako tanda ng pagsang-ayon at sagot na rin sa kanilang mga katanungan. “Tama ang aming ating hinala!” gulat na gulat ako nang sabay nilang sabihin ang mga katagang iyon. Nagpalipat-lipat ang aking mga tingin sa kanila. “Bakit po ama, ina? Ano po ang ibig sabihin ng mga sagot ninyo? Anong hinala?” ako naman ang nagtataka sa mga ekspresyon ng kani-kanilang mga mukha. “Anak, Ulay, makinig ka. Sa tingin ko ay hindi dahil sa sumpa ni Helya ang dahilan kung bakit ka nakakaramdam ng galit sa tuwing nakikita mo kaming nasa panganib. May kung anong kapangyarihan diyan sa katawan mong tumutulong sa iyong magdesisyon ng tama. Ang pagtulong sa isang nasa panganib ang nagiging dahilan para gisingin ang natutulog mong tapang. Subalit...” sagot ni ina at napatingin ito sa aking amang tila nanghihingi ng tulong sa susunod na sasabihin niya. “Subalit, kailangan mong kontrolin ang galit o emosyong iyan sa iyong sarili dahil baka makasakit ka ng iba o masaktan mo kami. Iyan ang inaalam pa namin, anak. Huwag kang mag-aalala, anuman ang mangyari nandito pa rin kami ng iyong ina para gabayan at tulungan ka. Kung kinakailangang hampasin ka namin para makatulog lang at matigil ang iyong pagwawala, gagawin namin mapigilan ka lamang sa p*******t,” paliwanag ng aking ama. Hindi ko man alam kung ano ang punto nila pero isa lang ang naiisip kong dahilan. Na kailangan kong kontrolin ang aking sarili kapag nakaramdam akong muli ng galit sa aking puso. Iyon din kasi ang kinatatakutan kong huwag mangyari. “Maraming salamat, ina, ama. Huwag na huwag po ninyo akong pababayaan. Ayoko pong saktan kayo o kahit na sinuman sa ating mga Bahaghari. Gabayan po sana ninyo ako. Hindi ko po kayang manakit ng iba, ama, ina. Kilala po ninyo ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD