Sixila, Elementu
Sa Hilagang Bahagi,
Sa Nakalipas na Limangdaang Taon
SA NAKALIPAS na limangdaang taon, ang hilagang bahagi ng Elementu na kung tawagin ay Sixila, ay nasa pangangalaga at protekyson ni Shila. Ang pangalawang babaeng binigyan ng responsibilidad ng engkantado ng Elementu. Isa si Shila sa pamilya ng mga lambanang kayang gayahin ang sinumang napapadpad sa kanilang maliit na pamayanan.
Dahil nga sa kaniyang pagiging isang lambana ay nagagawa niyang linlalingin ang mga gustong sakupin ang kanilang bayan. Mabilis din niyang nahuhuli ang mga magnanakaw na magtatangkang kunin ang ilan sa mga likas na yamang pinakatago-tago ng Sixila. Pero nasa kaniya pa ring katawan ang nag-iisang brilyante ng Sixila na kung tawagin ay Opal.
Alam niyang mahalaga sa Elementu ang batong Opal kaya, ganoon na lamang ang kaniyang pagtago rito. Binigyan siya ng engkantado ng responsibilidad na hindi alam ng mga Sixila. Sixilan naman ang tawag sa mga taong nakatira sa Sixila. Ganoon na lamang ang pagpoprotekta nito sa kaniyang maliit na pamayanan.
Naalala niya ang una at huling beses na napadpad at tumungtong siya sa pinakatuktok na bundok ng Elementu. Ang pagkikita niya sa mga iba pang isandaang taon ang edad katulad niyang sina Diyamande, Auru, Aquarina, at Feru. Hinding-hindi rin niya makakalimutan ang napakapreskong hangin sa tuktok ng bundok na iyon. At dahil rin sa kaniyang pagmamahal sa elemento ng hangin, sa kaniya napunta ang Opal, ang kaisa-isang brilyante ng hangin na kailangan niyang pangalagaan sa loob ng kaniyang katawan.
Bilang tinatawag na reyna at pinuno ng Sixila, magaan lang para kay Shila ang responsibilidad na iyon. Para na rin kasi siyang hari kung titingnan pagkat alam na alam niya kung paano lulusutan at malalaman ang mga kalabang paroon at parito sa kanilang bayan. Wala ring kapintasang makikita ang mga taga-Sixila sa kaniya, maliban lang sa maiksi ang pisi ng pasensiya nito. Pero nasa tamang lugar ang pagiging mainisin, o magagalitin niya.
“Magandang umaga, reyna Shila. Kumusta po kayo?”
Halos araw-araw na kung batiin siya ng mga taga-Sixila. Mapa-umaga man, tanghaling tapat, o gabi ay binabati siya ng mga ito. Siya lang naman ang nag-iisang lambanang babaeng ipinanganak na may kakayang magpalit ng anyo kapag natitimbrehan niyang nasa panganib ang kaniyang mga tauhan. At dahil sa araw-araw na bating iyon, isa lang naman ang isinasagot niya sa kanila.
“Napakasarap ng simoy ng hangin sa umaga.”
“Tanghaling tapat pero malamig pa rin sa pakiramdam ang init sa bayang ito.”
“Mahamog na at hindi ko palalagpasin ang makatulog nang mahimbing habang hinahagkan ng hanging ito ang aking buong katawan.”
Ganoon na palagi ang isinasagot niya. Hindi naman siya mailap pero sadyang umiiwas lang talaga siyang makisalamuha sa mga taga-Sixila. Hindi kasi siya ang tipong kailangang sumagot nang matino kung hindi naman importante. Ngunit, hindi naman niya kinakalimutang ngumiti sa kanilang harapan kapag magalang siyang binabati.
Nasa napakagandang gising siya nang mga oras na iyon nang maramdaman niya ang kakaibang ihip ng hanging humalik sa kaniyang pisngi at yumakapa sa kaniyang buong katawan. Hindi ito katulad ng presko at masarap sa pakiramdam na hanging palagian niyang nasasamyo. May dala itong panganib at babala, na alam niyang may kinalaman na ito sa sinasabi ng engkantado sa kanila na sa pagsapit ng limangdaang taon, ang Elementu ay gagambalain ng mga hindi inaasahang bisita.
“Hangin. Hangin. Ibulong sa akin ang nangyayari sa Elementu,” bulong niya at usisa niya sa kaniyang isipan. Nakapikit ito upang pakinggan ang sagot ng hangin sa kaniyang tainga. Isa rin sa kaniyang kakayahan ang mabasa ang panganib sa pamamagitan ng ihip ng hangin.
Nang makuha ang sagot sa kaniyang tanong, walang inaksayang oras si Shila at sa isang malakas na pagsibol lang nito ay naipatawag niya ang mga Sixilan na pumunta sa pinakasentrong bahagi ng kaharian. Nasa gitna na si Shila nang isa-isang magsisulputan ang mga ito sa kaniyang harapan. Dahil alam na alam din niya ang mahigit isandaang taong nasa kaniyang pangangalaga, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at sinabi sa mga ito ang dahilan ng pagpupulong.
“May ibinulong ang hangin. Isang panganib ang paparating. Kaya kaligtasan ng Sixila ang aking dapat na sundin. Lahat kayo ay inuutusan kong magsimula nang maglakad pa-Kanluran. Ang kanluran ang mabilis na daanan para makarating kayo sa tuktok ng bundok ng Elementu. Doon sa tuktok na iyon nasisiguro ko ang inyong mga kaligtasan,” sa patulang paraan ay nasabi niya ang kaniyang utos sa mga taga-Sixila. Kaligtasan lang naman ng taga-Sixila ang nais niya kaya, kailangan niyang palikasin na ang mga ito upang magtungo sa bundok ng Elementu.
“Maiiwan po ba kayo rito, mahal na reyna?” tanong sa kaniya ng matalik na kaibigang si Ramir. Nakatayo ito sa tabi nia nang mga sandaling iyon at nagtataka sa ipinag-utos nito sa kanila.
“Oo, Ramir. At dahil walang mamumuno o gagabay sa kanila sa daang tatatahakin, inaatasan kong ikaw ang manguna sa kanilang paglalakbay hanggang makarating kayo sa bungad, paakyat ng bundok ng Elementu. Malinaw naman siguro ang mga salitang iyon, Ramir nang walang anumang pagtutol o pag-aalinlangan. Tama?” ipinaliwanag at sinabi na niya ang magiging papel ni Ramir sa kanilang paglikas. “At kung sakali mang hindi ako makahabol sa inyo sa tuktok ng bundok, sa iyo ko na iiwan ang mga Sixilan, Ramir. Ikaw ang magsisilbing pinuno nila.”
Pansamantalang natigil ang pagtatanong ni Ramir. Sa halip na salungatin o pigilan o tutulan ang mga salita ni Shila, na alam niyang hindi niya magagawa, hinarap na lamang niya ang iba pang kasamahan at inutusang maiwan upang may kasama ang reyna sa pagtatanggol sa kaniyang sarili mula sa kapahamakan.
“Hindi kita mapipilit sa iyong nais na gawin, reyna Shila, pero maiiwan sa iyo ang labinlima sa mga kawal na iyong itinalaga upang ipagtanggol ka. Dalangin namin ang iyong kaligtasang mabuhay at magkita tayo sa bundok ng Elementu. Kami ay maglalakbay na.”
Hindi na rin nagsalita si Shila sa mga tinuran ni Ramir. Tumango na lamang ito. Taas ang noo nitong pinagmasdan na lamang ang paglisan nina Ramir kasama ang ibang mga taga-Sixila. Sa kauna-unahang pagkakataon, sa loob ng halos limangdaang taon, noon lang nakaramdam ng lungkot si Shila. Pero dahil alam naman niya ang dahilan kung bakit kailangan niyang gawin iyon para sa kaligtasan nila.
“Ihanda ang inyong mga sarili sa paparating na kalaban. Narito na sila,” utos ni Shila nang bulungan siya ng hangin na paparating na ang kalaban. Saktong pagharap nga niya sa mga natirang Sixilan, sumulpot sa kanilang harapan ang mga halimaw na kalaban.
“Isa na namang eksena nang maliit na katunggali ang makikita namin sa bayang ito. Sino ang hari ng lugar na ito? Magsalita na kung ayaw ninyong paliparin ko kayo sa malayo!” mainit ang ulo ni Bagyo nang marating ang pangatlong bayan. Malayo-layo rin kasi ang nilakbay nila mula Karbo, Arum, at Beryl bago makapunta sa Sixila. “Sixila ang lugar na ito, hindi ba? Nais kong makuha ang brilyanteng Opal sa bayang ito!”
Mataas pa rin ang boses nito. Hindi ito pinigilan nina Bulcan, Giginto, at Ururu dahil ang tatlo ay napasakamay na ang mga brilyante ng Karbo, Auru, at Beryl. Tanging sina Bagyo at Vatu na lamang ang naghihintay pa na makuha ang pakay. Ngayong kay Bagyo na ang karapatan upang maging mapanakit, pinakitaan na agad nito sina Shila.
“Ako ang reyna ng Sixila. Nasa akin ang batong hinahanap mo pero kailangan mo akong talunin nang hindi nandadamay ng ibang tao!” malakas ang boses na pinakawalan ni Shila at nagulat pa ang mga kalaban lalong-lalo na si Bagyo nang makita ang pagbabagong anyo nito sa kanilang harapan. Ang mga Sixilan naman ay kibit-balikat na lamang na nakapokus ang atensyon sa mga kalaban.
“Hindi ko inaasahang sa maliit na bayan palang ito ay may isang katulad mong kayang gayahin ang isang tulad ko. Pero sa mga tinuran mo, wala akong susundin!”
Pagkatapos sabihin ni Bagyo iyon ay mabilis itong nagpakawala ng kapangyarihan ng hangin at liliparin na sana ang labinlimang Sixilan sa tabi ni Shila. Pero hindi alam nito na nautakan din siya ni Shila pagkat ang mga nakatayong pinulbos ni Bagyo ay mga hindi ito. Nakita na lamang nitong nasa likuran ito ni Shila.
“Mukhang nakahanap ka ng katapat, Bagyo. Mas mautak sa iyo ang reyna ng Sixila. Bakit hindi mo na lamang kalabanin ang mg iyan at kami na ang bahala sa labinlimang mga kasama niya?” bulong ni Bulcan pero dinig na dinig ito ni Shila at mabilis na inutusan ang hangin na ibulong sa tainga ng mga Sixilan ang mensahe niya. Tumango naman ang mga ito at naging seryoso sa likuran ng reyna upang ihanda ang kani-kanilang mga sarili.
“Isa kang hunghang para linlangin ako sa iyong kakayahan, Shila. Pagmasdan mo ang aking kapangyarihan!” galit na galit si Bagyo. Unti-unting lumalabas sa kaniyang mga palad ang maliit na ipuipo at ihahagis na sana niya iyon kay Shila nang ihipan lang ito ni Shila.
“Paumanhin, pero hindi ako tumatanggap ng labanang hindi ko pa nakikilala ang aking mga kalaban. Kung iyong mamarapatin, nais kong malaman ang inyong mga pangalan. Ito ay isang pagiging pormal lang naman para kahit mamatay ako sa inyong harapan, hahanapin ko ang inyong kaluluwa sa Ilog ng Kamatayan,” may bahid ng pang-iinsulto ang mga katagang iyon sa harapan nina Bagyo pero imbes na sagutin ito, si Bulcan na ang nagpakilala.
“Siya si Bagyo. Ako naman si Bulcan, na pumatay sa hari ng Karbo na si Diyamande. Siya naman si Giginto ang pumaslang kay Auru, na siyang pinuno ng Arum. Ang nasa kaliwang bahagi ko naman ay si Ururu, ang halimaw ng dagat na kumitil sa reyna ng Beryl na si Aquarina. Ang panghuli ay ang walang kabusugang si Vatu. Ngayong nakilala mo na kami, maaari mo na bang pagbigyan si Bagyo sa kaniyang laban?”
Matapos marinig ang mga pangalan ng kaibigan ay hindi na napigilan ni Shila ang galit. Pinapalibutan na siya ng malalakas na hanging handa nang kalabanin si Bagyo dahil sa mga ginawa ng mga kasamahan nitong pagpatay sa kaniyang mga kaibigang nakilala niya sa tuktok ng bundok ng Elementu.