Perrue, Elementu,
Ang Pinakamasayang Bayan,
Sa Nakalipas na Limangdaang Taon
Ang Perrue ang isa sa maituturing na pinakamasayang bayan o maliit na kaharian ng Elementu. Dito makikita ang nanari-saring mga mukha ng kasiyahan ng mga iba't ibang uri ng nilalang. Dito rin sa timong-kanlurang bahagi ng Elementu lamang nananahan ang mga mortal. Kung bibilanging ni Feru ang mga tao, halos kalahati ng dalawang daang tao ang nakatira.
Noong mga unang daang taon sa Perrue, walang may gustong manirahan ang mga mortal sa kanilang bayan. Mga dayo lang kasi ang mga ito at alam nilang mapanganib ang mga tao. Pero dahil si Feru na ang namumuno nang mga panahong iyon, ito ang nagdesisyon at ginawang masaya ang bayan ng walang sigalot o anumang awayang namagitan sa mga Perruan (tawag sa mga taong nakatira sa Perrue).
Dahil sa pagiging masiyahin ni Feru ay naakit niya ang mga mortal at maging ang mga kalahating mortal, at imortal na maging mabait sa isa't isa. Kaya, sa loob ng nakalipas na limangdaang taon, ang sampung taong dayuhang bumisita sa kanilang bayan ay lumobo at nanganak hanggang sa dumami na nga sila. Ang Perrue lang ang may maraming bilang ng naninirahan sa mga bayang sakop ng Elementu. At dahil nga sa pagdami ng bilang ng mga Perruan ay natuwa ang engkantado.
Ang pagiging masigla, masiyahin, at mapagmahal na pamumuno ni Feru ang naging dahilan kung bakit sa loob ng nakalipas na limangdaang taon ay tahimik, masaya, at puno ng pagmamahal ang bayan ng Perrue. May mga nagtangkang pumasok upang kumuha ng mga mahahalagang bato pero hindi nagtagumpay dahil alam ni Feru na may masama silang mga hangarin. Ngunit imbes na parusahan ang mga ito gaya ng pagpapakulong, pagpapatapon, o pagpatay sa mga ito, mas piniling burahin ni Feru sa isipan ng mga masasamang dayo ang masamang balak at pinalitan ng magandang hangarin. Kaya ang ilan ay nanatili't naging parte ng pamumuhay ng mga Perrue.
“Magandang umaga, mahal na reyna Feru. Tsa-a po para mainitan ang inyong sikmura sa gagawin po ninyo ngayong umaga,” bati sa kaniya ng isang Perruan at inilagay sa maliit na mesa sa kaniyang harapan ang tsa-a.
“Maraming salamat. Hindi ka na sana nag-abala pa,” nakangiting sagot naman ni Feru sa kaniya.
“Kulang pa po ang pagsilbihan kayo sa mga naitulong ninyo para sa Perrue, mahal na reyna. Taglay pa rin po ninyo ang napakalapad at sinserong ngiti sa inyong mga labi magpa-hanggang ngayon. Bagay na hindi namin mabitaw-bitawan pagkat nakakahawa po, mahal na reyna. Kung mayroon na po sana kayong napupusuan, may makakasama na rin po kayo bilang hari sa inyong trono,” dagdag pa nito. Napayuko pa ito sa mga tinuran niyang nakangiti.
Lihim namang ngumiti si Feru at kinuha ang maliit na lagayang may lamang tsa-a at ininom ito. Hindi na ito sumagot sa mga binitiwang salita ng isang Perruan. Sanay na sanay na siya sa mga panunukso ng kaniyang mga Perruan. Pero wala sa isipan niyang magkaroon ng katuwang sa buhay. Kahit na halos limangdaang taon na rin ang nakalipas sa kaniyang buhay.
“Ako po ay magpapaalam na, mahal na reyna Feru. Panalangin naming lahat ang masayaang araw na itong muli para sa iyo at sa Perrue,” aniya at nagpaalam na nga ito sa kaniyang harapan. Isang matipid na ngiti na lamang ang pinakawalan ni Feru at muling ininom ang tsa-ang binigay sa kaniya.
Nakaupo siya sa maliit na balkonahe ng kaniyang maliit na kaharian nang makaramdam siya ng kakaibang ihip ng hangin, at mahihinang pagyanig ng lupa. Maging ang mga hamog nang umagang iyon ay mainit at ang mga apoy ay tila unti-unting namamatay. Napahawak sa kaniyang dibdib si Feru at napagtantong dumating na ang pinakakinatatakutan niyang panganib para sa Perrue.
“Ito na marahil ang araw na sinasabi ng engkantado. Sa loob ng halos limangdaang taon ay hindi ko pa ganoong nagagamit ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin. Sa pagkakatanda ko, ako lang ang hindi lumiwanag nang nasa bundok ako ng Elementu. Lahat sila ay nagsiliwanag ang mga katawan maliban sa akin. Ito na ba ang oras na kailangan kong maging seryoso sa harapan ng mga kalaban?”
Ang mga katanungang iyon ay biglang sumagi sa aking isipan. Pero dahil may kutob na si Feru na pumaparoon na sa Perrue ang mga kalaban, kailangan na niyang bigyang babala ang mga ito at palikasin. Walang sinayang na sandali ang reyna at pinuno ng Perrue. Tumayo ito sa balkohane papababa at palabas ng kaniyang palasyo. Pagkalabas ay pinatunog na niya ang tamburin. Dahil alam na ng mga Perruan ang ibig sabihin ng mga tunog ng tamburin na iyon, hindi rin nag-aksaya ng oras ang mga iyon at nagtungo sa labas ng palasyo upang pakinggan ang i-aanunsiyo ng kanilang reyna Feru. At nang makitang halos nasa harapan na niya ang mahigit dalawang daang Perruan, sinimulan na ni Feru ang kaniyang pakay.
“Paumanhin sa biglaang pagtawag sa inyong lahat dahil isang panganib ang nag-aabang sa ating lahat sa bayang ito. Nais kong magtungo at magsilikas ang lahat sa bundok ng Elementu,” pagsisimula niya. Ang lahat ay matamang nakinig pero nagtataka sa biglaang pagsabi nito na magsilikas.
“Kung magsisilikas kami, mahal na reyna, kasama ka, hindi ba?” tanong ng isang kalahating mortal na dalagang nag-abot sa kaniya ng tsaa kanina. Ito ang bumasag ng katahimikan sa kanilang lahat.
“Irona, alam kong malaki ang respeto mo sa akin at pagmamahal ninyong lahat sa akin, pero sa pagkakataong ito, hindi ako makakasama. Ngunit, susunod ako sa inyo doon sa tuktok ng bundok ng Elementu,” pagtitiyak nito kay Irona. Kahit alam niyang walang kasiguraduhan kung makakasunod nga siya, pero susubukan niya.
“Kahit may agam-agam ako, susundin pa rin kita pagkata nakangiti ka pa rin sa aming lahat na mga Perruan. Ngunit, paano kung hindi ka makasunod sa amin? Sino ang magiging pinuno naming mga Perruan?” muling pagtatanong ni Irona kay Feru. Napaghahalataan kasi nitong tila hindi nagsasabi ng totoo ang kaniyang reyna.
“Ikaw, Irona,” mabilis ang pagsagot na ginawa ni Feru. Nakita nito ang pagkagulat sa dalagang si Irona. “Sa iyo ko iiwan ang mga Perrue. Tandaan mo lamang ang mga naituro ko na sa iyo. Sa inyong lahat na narito ngayon sa aking harapan, huwag na huwag ninyong hayaang umusbong sa inyong puso ang galit, kasakiman, at kasamaan. Maipapangako kong babalik ako pero hindi ko masasabi kung kailan. Kaya, panalangin ko ang inyong kaligtasang makarating sa tuktok ng bundok ng Elementu.”
“Kung iyan ang iyong napagdesisyunan, mahal na reyna at kahit na hindi namin alam kung sino o anong uri ng nilalang ang iyong makakalaban, panalangin din namin ang iyong kaligtasan. Dahil ngayon pa lang ay binigyan mo na ako ng pagkakataong maging gabay ng mga Perrue, nais ko ring utusan ang mga magigiting nating mga Perruan na ikaw ay samahan para proteksyunan,” dagdag naman ni Irona at naglakad ito patungo sa reyna at niyakap siya nang mahigpit.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ni reyna Feru ang pag-iyak, paghagulgol, at pagluha ng mga Perruan. Gustuhin man niyang magpakita ng kahinaan ay hindi niya magagwa, pagkat nakaukit na sa kaniyang puso at isipan ang pagiging isang mapagmahal at masiyahin. Niyakap niya rin nang mahigpit si Irona at hindi na pinigilan pa ang gusto nitong mag-iwan mga mga malalakas na Perruan upang may magtanggol sa kaniya.
“Malayo pa ang inyong paglalakbay na gagawin, mga Perruan. Mula sa timog-kanluran, kailangan ninyong maglakbay patungong kanluran upang marating ang bundok ng Elementu. Doon ay nakakasiguro akong magiging ligtas kayong lahat. Palapit na nang palapit ang mga kalaban. Umalis na kayong lahat, ngayon din!”
Lumakas ang boses ni Feru. Ramdam na ramdam na niya ang paglapit ng mga kalaban. Wala na ring inaksayang oras si Irona at ang ibang Perruan. Binilisan na nila ang paglalakad at naiwan na nga sa tabi ni Feru ang mahigit dalawampung mga lalaking Perruan. Malayo na sa kaniyang paningin si Irona at ang iba pa. Nang mawala na ito sa kaniyang paningin, doon na rin mabilis na kumilos ang mga lalaking Perruan at pumagitna nang may lumabas na nilalang sa kanilang harapan. Sa unahan ng mga ito ay ang may malaking tiyan at napaghahalataang gutom na gutom na.
“Nasaan ang pinuno ng bayang ito? Nasaan ang brilyanteng ametista? Nasaan?!” sigaw nito nang tumigil sa harapan ni Feru. Gaya nang nakasanayan ay naglakad patungo sa harapan si Feru at ngumiti sa kaniyang bisita.
“Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo? Maaaring malaman ang inyong mga pangalan? Nasa bayan kayo ng Perrue at ako, si Feru ang reyna ng bayang ito. Baka puwedeng madaan natin sa mabuting usapan ang inyong pakay?” kalmado at mahinahon si Feru nang mga oras na iyon pero hindi ang kaharap niya.
“Nakakainis ang iyong mga ngiti, Feru. Ang isang may magandang mukhang katulad mo ay kinaiinisan ko. Nasa iyo ba ang brilyante ng ametista? Iyon lamang ang aking pakay. Kung maibibigay mo sa akin iyon, ngayon din ay walang dugong dadanak sa maliit na kahariang pinamumunuan mo,” inis at galit na sabi ni Vatu. Susugurin na sana nito si Feru nang maramdaman niya ang kamay ni Bulcan sa kaniyang balikat.
“Ang isang katulad mo ay kailangang sagutin ang katanungan. Paumanhin sa aking kasamang si Vatu. Siya lang naman ang may lakas ng loob na kunin ang ametista pagkat mahilig itong kumain ng iba't ibang klase ng bato at brilyante. Ako nga pala si Bulcan, ang may hawak na ngayon ng pulang brilyante mula sa Karbo. Siya naman sina Giginto, ang may-ari na ngayon ng brilyanteng ginto mula sa Arum. Katabi naman niya si Ururu na nakipaglaban sa ilalim ng karagatan makuha lang ang batong akwamarin sa Beryl. At ang panghuli ay si Bagyo na hawak ang batong opal mula sa reyna ng Sixila. Ngayong nagpakilala na kami, maaari mo nang ibigay sa amin ang brilyanteng ametista kung ayaw mong may mangyaring masama sa iyo at sa mga kasama mo, reyna Feru.”
Mahaba ang pagpapakilalang ginawa ni Bulcan sa harapan ni Feru. Pero naging dahilan na iyon ng kaniyang galit dahil narinig nito sa kaniya ang mga batong alam niyang mula sa kaniyang naging kaibigang sina Diyamande, Auru, Aquarina, at Shila. Ngayong, nakatakda na nilang kunin ang batong ametista sa kaniya, oras na upang ipamalas niya ang kakayahang mayroon siya.
“Hinding-hindi ninyo makukuha ang ametista sa aking katawan. Dahil sa oras na ito, isinusumpa ko kayong lima sa pagpaslang sa aking mga kaibigan!”
Ang galit na iyon ay naging hudyat upang maramdaman ni Feru ang kakaibang init sa kaniyang katawan. Gulat na gulat naman pero nakangiti ang mga nilalang sa kaniyang harapan nang makita ang pagliliyab ng katawan ni Feru. Sabik na sabik naman si Vatu sa nakikita nang malamang nasa katawan ni Feru ang batong kailangan niyang makuha.
“Kung iyan ang iyong nais, malugod naming pauunlakan ang iyong hiling na kalabanin kami, reyna Feru! Sasapitin mo rin ang sinapit ng iyong mga kaibigan!”