Kabanata Disisais: Mag-isang Tinalo ang Mabangis na Hayop

1621 Words
Sa Kagubatan ng Gororiya Ulay's Point of View Pagkatapos ng pag-uusap namin ng inang reyna na si Aliya, nagpaalam ako sa kaniya na pumunta ng batis nang mag-isa. Sugatan pa rin at nagpapahinga si Satur habang si Aurora naman ay wala pa ring malay. Magpupumilit sana si Satur na samahan siya upang may magbantay sa kaniya pero hindi pumayag si Ulay. Umiling ito at nakiusap sa harapan ng amang hari at reyna na ibigay ang oras na kailangan niya para sa sarili. “Paumanhin, Satur pero hindi kita maaaring isama. Kailangan kong mapag-isa at magnilay-nilay sa mga sinabi sa akin nila ama at ina.” Hindi na nagpumilit pa si Satur. Laylay ang balikat nito nang umiling ang aking ama at ina. Napangiti na lamang ako kanina sa aking ama at ina dahil pinayagan akong mag-isa. Pero hindi ibig sabihin na hindi na sila mag-aalala sa akin. Mahigpit pa rin ang bilin ng mga ito na mag-ingat ako. Mabagal lang ang ginawa kong paglalakad kanina mula sa pinakagitna ng kagubatan patungo sa paborito kong tambayan ng aking ina, na nalaman na rin ni Aurora at Satur. Nang marating ko nga ang bungad ng batis ay nagulat ako sa hitsura nito. Parang dinaanan ng lindol at matinding bagyo. Wasak at warak na rin ang ibang mga puno sa paligid nito. Pero nanatili pa rin namang kalmado at malamig ang tubig sa batis na iyon. Napailing na lamang ako habang dahan-dahang ibinababa ang mga paa para basain ito. “Malamig at nakakakiliti pa rin sa paa ang lamig ng tubig sa batis na ito. Nakakalungkot lang dahil ako ang naging dahilan kung bakit nasira ang ibang parte nito.” Naisiwalat ko na lamang ang mga katagang iyon sa aking isipan. Napabuntong ako nang malalalim na buntong-hininga at pinakawalan din agad ito. Mainam na ring mapag-isa dahil mas nakakapag-isip ako nang maayos. Nakailang panganib na ba akong hindi ko pa rin mapanindigang ako ang tagapagligtas na nila? Nakatatlo na sa pagkakatanda ko. Paano kung may pang-apat at ako lang ang mag-isang haharap sa kalaban? Magagawa ko kayang protektahan ang aking sarili? “Magagawa mo kung pagkatiwalaan mo ang iyong sarili, Ulay.” Napatigil ako sa pagtatampisaw ng aking mga paa nang marinig ko ang isang hindi pamilyar na tinig. “Sino ka?” tanong ko sa boses. Nagpalipat-lipat pa ako ng tingin sa paligid. Taas at baba rin ang tingin ko sa mga puno at nagbakasakaling baka nagtatago roon ang nagsalita pero wala akong makita. “Hindi na mahalaga kung sino ako. Pero kilala na kita, Ulay. Ihanda mo ang iyong sarili dahil tama ang iyong mga tinuran sa sarili na may isang panganib na kailangan mong lagpasan mag-isa ngayong araw na ito,” sagot nito na tila nabasa rin yata ang nilalaman ng aking isipan. “Anong ibig ninyong sabihing panibagong panganib?” muling tanong nito pero hindi na siya nakatanggap ng sagot mula sa tinig na iyon. Parang naglaho na lamang ito na parang bula. Nanatili akong tahimik upang makinig nang maigi pero lumipas na ang halos kinse minutos ay wala na akong narinig mula sa kaniya. Ang inakala kong may-ari ng boses at tinig nang mga sandaling iyon na nag-iingay na sa likuran ko ay isa na namang mabangis na nilalang na muntik na akong lapain. “Bakit ba ang daming mababangis ngayon? Ako talaga ang puntirya ha? Kagagawan ba ito ni Helya?” tanong ko agad sa sarili ko nang makaiwas. Tumayo ako at tiningnan nang masinsinan kung anong klaseng hayop ang kalaban ko ngayong mag-isa, bagay na naalala ko na sinabi sa akin ng tinig na iyon. May dalawang malalaking sungay itong hugis letrang dobolyu sa abakadang natutunan ko noong ako ay musmos pa lamang. Malaki rin ang katawan nito at may buntot na parang ahas. Umuusok rin ang ilong nito at nagpapadyak. Anumang oras ay susungayin na yata ako ng isang mabangis na may mukha ng kalabaw at buntot ng ahas. At dahil sa nakikitang kalaban ay nakaramdam na naman ng pangangatog ang aking mga kalamnan sa paa at tuhod. “Maging matapang ka, Ulay!” umalingawngaw na naman sa batis na iyon ang boses. Napalunok ako ng laway at sinubukang sundin ang kaniyang sinabing maging matapang. “Umiwas ka pakanan, Ulay!” Umiwas ako sa sungay ng papalapit na hayop pakanan at muntik pa akong matumba sa tubig ng batis kung hindi lamang ako nakakapit sa katawan ng isang malaking puno. “Anong susunod kong gagawin? Kung sino ka man, tulungan mo ako!” “Gagabayan lamang kita sa iyong gagawin, Ulay. Pero nasa iyong mga kamay pa rin ang kaligtasan mo. Ilag pakaliwa!” mabilis itong nakasagot sa hiling ko at nakailag ako pakaliwa sa panunugod na naman ng mabangis na kalabaw na buntot ng ahas. “Gumulong ka!” Gumulong naman ako agad at nakita ang buntot ng kalabaw na iyon na kumagat sa katawan ng malaking puno. Ang kagat niyon ay naging lason sa puno na unti-unting naging kulay abo at naglaho sa harapan ko. Lalo tuloy akong nakaramdam ng takot at panghihina sa nakita ko nang mga oras na iyon. “Gaya ng sinabi ko, Ulay. Pagkatiwalaan mo ang sarili mo. Isipin mo kung paano mo niligtas ang magulang mong hari at reyna. Ang iyong kaibigang si Aurora ng dalawang beses, at si Satur. Magagawa mo, Ulay kung susubukan mo. Magmadali ka, kung hindi kamatayan ang naghihintay sa iyo.” Litong-lito na ang isipan ko at nanginginig pa rin ang mga kamay at paa ko sa nangyayari. Ito na nga ang kinatatakutan kong mag-isa lang ako at malayo ang sentro ng kagubatang ito para humingi pa ako ng tulong. Sa aking sarili nakasalalay ang kaligtasan ko. Sinunod ko ang sinabi ng boses na iyon at pinakalma ang aking sarili habang tinitingnan ang mabangis na hayop na naghahanda na namang sungayin ako. “Isipin mo ang lahat, Ulay. Alalahanin mo ang ginawa mo bago ka nagligtas sa kanila. Magagawa mo kung pagkatiwalaan mo ang iyong sarili.” Pinilit kong patatagin at palakasin ang aking saril. Ikinuyom ko ang aking dalawang mga kamay sa lupa. Inihanda na rin ang mga paa sa mabilisang pag-ilag kung sakaling unahan ako ng kalabaw na may buntot ng ahas sa pag-atake. Nakipagpalitan ako ng masasamang titigan sa kalaban ko at paunti-unti ay sumagi sa isipan ko ang mga nangyari bago ako nagkaroon ng tapang para iligtas noon ang aking ama, ina, ang mga Bahaghari, si Aurora at si Satur. Nang maalala kung paano ay naramdaman ko ang init na dahan-dahang nagigising sa aking katawan. Napayuko na ako nang mga oras na iyon dahil nagliliyab na sa loob ang galit na aking nararamdaman. Nang magtamang muli ang paningin namin ng mabangis na hayop na iyon, ako na ang unang sumugod. Tumalon ako nang mataas at bumagsak sa kinaroroonan ng aking kalaban. Mabilis itong nakailag pero nahawakan ko sa leeg ang buntot nitong nasa anyong ahas. Mahigpit ko iyong hinawakan at hinatak. Pinaikot-ikot at pinaghahampas sa katawan ng malalaking puno. Malakas ko ring binagsak ang ulo nito sa lupa at dinagan ng aking malaking katawan. Hindi pa ako nakuntento sa aking ginawa. Kinagat ko ang buntot nitong may ulo ng ahas at pinutol. Dinig na dinig ko ang paghiyaw nito sa sakit at isinunod ko ang paghawak sa dalawang sungay nito at pinagbabali isa-isa. Binali ko na rin ang bunganga nito nang hindi na ito makaperwisyo pa sa akin. Nang wala na itong buhay, narinig kong muli ang tinig na iyon. Wala na kasi ako sa aking sarili nang ginawa ko ang pagpaslang sa nilalang na iyon. “Lumusong ka na sa batis, Ulay nang sa ganoon ay mapakalma mo na ang iyong isipan. Sundin mo ang aking sinabi at magmadali kang magtungo sa batis. Ngayon din, Ulay.” Kahit wala pa sa sarili ay nagkaroon ng sariling isip ang aking mga kamay at paa. Nagtungo ako sa batis at lumusong doon. Tinagalan ko ang paglublob ng aking buong katawan sa tubig hanggang sa kumalma na ang aking isipan at umahon. “Kumusta ang iyong pakiramdam, Ulay? Naalala mo na ba ang iyong ginawa?” ang tinig na iyon ay hindi pa rin nawala sa akin. Ang tanong na iyon ang nagpagulat pa sa akin nang makita ko ang nakahandusay, ilang metro lang ang layo sa aking katawan ng mabangis na hayop. “Hindi ko po alam kung ano ang ginawa ninyo sa akin, pero naalala ko po ang lahat. Nagawa ko bang mag-isa na paslangin ang hayop na iyan?” sagot ko sa hindi pa nagpapakilalang tinig. “Oo, Ulay. At dahil iyon sa pagtitiwala mo sa iyong sarili. Ang batis na iyong laging tambayan ay hindi isang normal na batis lamang. Ito ang batis ng kagalingan at pagbabalik ng mga alaalang nawala sa kagubatan ng Gororiya. Sa iyo lamang umepekto ang kapangyarihan ng batis na ito,” paliwanag nito sa akin na hindi ko alam kung maniniwala ba ako o hindi. “Maniwala ka man o sa hindi, may koneksyon ang batis na ito at ang kagubatan ng Gororiya sa responsibilidad mo sa susunod na limangdaang taon. Kung paniniwalaan mo ang lahat at pagkatiwaalaan ang iyong sarili, mabubuhay ka at ang iba pa sa Gororiya hanggang matapos ang sumpa sa inyo ni Helya. Hanggang sa susunod nating pagkikita rito sa batis, Ulay. Binabati kita sa iyong tagumpay na matalo ang iyong kalaban nang mag-isa.” Magtatanong pa sana ako kung ano ang pangalan ng boses na iyon, pero hindi ko na narinig pa ang kaniyang tinig. Tinig na nanggagaling sa aking nag-aalalang ina ang narinig ko na lamang. Nagtatakbo na ito kasama ang aking amang hari, si Satur at ang nagising nang si Aurora. Pero bago pa man sila nakalapit, bigla na lamang akong nawalan ng malay at natumba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD