Sa Kaharian Ng Bahaghari
Gabi nang mga oras na iyon. Nasa tore si Helya. Doon ay nakaharap siya sa malaking kawa. Nagpapakulo ng mainit na tubig. Nasa paanan naman niya ang patay nang batang unggoy. Wakwak ang dibdib. Wala na ang puso nito. Kulay ube at wala na ngang buhay nang mga oras na iyon ang batang unggoy na may puso ng tao. Mabuti na lamang at mabilis silang nakaalis ni Salamin sa kagubatan ng Gororiya. Mabuti na lamang ay nagawa ni Salamin ang parte niyang kontrolin pansamantala ang isipan ni Ulay. Kung hindi ay baka hindi natuloy ang kanilang balak. Hinding-hindi sila makakaalis sa gubat na iyon dahil sa galit ng dating prinsipe at susunod na magiging hara sana ng Bahaghari.
“Pakuluan ang tubig sa malaking kawa. Kumukulo na,” aniya ni Helya nang balikan ang nakasulat sa Libro ng Mahika.
“Kapag kumulo na ay unahing ilagay ang buong puso ng tao,” muli nitong basa sa libro at kinuha ang sariwat at bagong kuha pa lamang na puso ng batang unggoy na dating tao.
“Muling pakuluan ito ng sampung minuto. Pagkatapos niyon ay ilagay ang dilang kalahati ng palaka at ngipin ng buwaya ng sabay,” napailing na lamang si Helya habang sinusunod ang mga nakasulat sa libro.
“Habang pinapakuluan ang mga sangkap ng limang minuto ay ilagay na ang mga tuyong dahon, tatlong piraso ng buhok na mula sa kuneho. At ang panghuli ay ang dagta na mula sa tangkay ng pinakamatandang puno at ang isang pirasong buntot ng kobra.”
Walang pakialam ang matandang hukluban nang mga oras na iyon sa masangsang na amoy na kaniyang pinaghahalo-halo. Ang mahalaga sa kaniya ay makagawa siya ng gayuma para ipainom sa kaniyang mga alipin. Dahil hindi niya mapatay-patay ang ibang mga Bahaghari sa Gororiya dahil sa prinsipeng gorilyang si Ulay.
“Kung hindi ko mapigilan ang pagbabalik ninyo sa pagiging normal na tao ay ihahanda ko naman ang kahariang ito upang hindi na ninyo mabawi. Akin lamang ang kahariang ito at walang sinuman ang dapat na umangkin nito. Ang sino mang may gustong kunin ito ay dadaan muna nang matindi sa aking mga kamay at kapangyarihan!”
Tuloy lang sa paghalo ang matandang hukluban na si Helya habang maliwanag ang buwan sa gabing iyon mula sa tore ng kaharian ng Bahaghari. Ang mga katagang iyon na kaniyang sinabi habang naghahalo ay umpisa pa lamang sa kaniyang mga plano. Pagkatapos haluin nang ilang beses ang kumukulong malaking kawang iyon ay hinayaan muna ni Helya na lumamig ito. Pumunta siya sa isa pang kawang katabi lang nito upang tingnan ang sitwasyon ng mga halimaw niyang sina Bulcan, Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu.
Kadiliman sa aking paningin,
Sa aking puso ay nakatatak rin.
Sabihin sa akin ang nangyayari,
Sa mga halang ang bituka kong mga alipin!
Pagkatapos sabihin ang ritwal na iyon ay dahan-dahang nawala ang mga bula at luminaw ang kumukulong tubig at nakita ang hinahanap niyang mga halimaw na alipin.
“Aba! Aba! Talaga namang wala nang balak na bumalik sa ilalim ng bulkan, lupa, tubig, alapaap, at kagubatan ang mga halang ang bitukang ito ha?” gigil na turan ni Helya sa isipan habang pinagmamasdan ang nangyayari sa isang kumukulong malaking kawa.
Si Bulcan ay nanatiling nasa lupain ng bayan ng Karbo. Dahil wala na rin namang naninirahan doon ay okupado na ni Bulcan ang lugar. Ginawa na niya itong isang bulkang mainit at hindi puwedeng tahanan ng kung sino mang dadayo. Si Giginto naman ay piniling sa Arum naman magtatag ng kaniyang kaharian. Bakod na bakod na malalaki at maliliit na bundok ang Arum. Na halos hindi na ito makikita sa taas. Sinigurado rin nitong walang ibang makakapasok sa tirahang kaniya nang pagmamay-ari.
Nang ibaling naman ni Helya ang tingin sa bayan ng Beryl, sa ilalim ng karagatan, naging yelo naman ang karagatan dahil sa kagagawan ni Ururu. Marahil iyon ang paraan niya upang hindi pasukin ng sinuman ang ilalim ng karagatan dahil inangkin na rin nito ang masaganang kahariang sakop ng Elementu. Ang baya naman ng Shila ay puno ng mga ulap at hamog. Halos hindi na ito makita ni Helya sa kaniyang malaking kawa. Dahil iyon sa kapangyarihan ng hanging dulot ni Bagyo. Kulang na lang ay liparin niyat at itapon sa malayo ang magtatangkang papasok sa kaniyang teritorya.
Ang dating pinakamasayang bayan at kaharian namang sakop ng Elementu na kung tawagin ay Perrue ay isa nang madumi at wala sa kaayusang lugar. Mabaho na ito at nakasusulasok ang amoy dahil sa mga panis na pagkain nang hindi pa nauubos ni Vatu. Mas inuuna kasi nito ang pagkain ng mga batong paborito niya kaysa sa mga nakuha niyang mga pagkain sa kagubatang nasa paligid lang Perrue. Nakaupo na ito sa laki ng katawan at tiyan sa pagkaing walang tigil.
“Mabuti naman at talagang pinanindigan ng mga itong itago nang maayos ang mga ninakaw nilang mga bato. Hindi kasi nila ako puwedeng biguin. Kung hindi ay kamatayan ang naghihintay sa kanilang lima kapag may magtangkang bumawi niyon.”
Kahit paano ay napalitan naman ng ngiti ang mga nakita ni Helya sa mga halimaw na alipin na iyon. Alam niyang hindi niya puwedeng bawiin ang sumpang pagkatapos ng limangdaang taon ay magiging tao na ang mga Bahagharing isinumpa niyang manirahan sa kagubatan ng Gororiya. Kung pipigilan niya itong mangyari sa kabilugan ng buwang darating ay babalikan siya ng kapangyarihan niya at magiging dahilan pa ito ng kaniyang panghihina.
Ibinaling na lamang ng matandang hukluban ang kaniyang atensyon sa lumalamig nang gayuma. Kailangan niya munang subukan iyon sa isang alipin niya. Pero bago ang lahat ay isasalin na muna niya ito sa maliliit na bote. Pagsapit ng umaga ay tatawagin niya ang mga alipin niya at ihahalo sa kakainin ng mga ito ang gayumang kaniyang ginawa. Isa-isang kinuha ni Helya ang maliliit na mga bote at sinalinan na rin ng gayumang kaniyang ginawa gamit ang mga sangkap na mula sa kobra, tuyong mga dahon, tigre, buwaya, dagta ng pinakamatandang puno, kuneho, palaka, at puso ng tao.
“Sigurado akong tatalab ito at makokontrol na rin sila ng gayumang sundin ako kahit hindi ko ginagamitan ng aking kapangyarihang hipnotismo bukas. Puso ng unggoy na dating tao naman ang huling sangkap na hinalo ko, kaya wala akong magiging problema.”
Umabot rin ng kalahating oras ang pagsasalin niya nito at nang matapos ay umupo ito sa upuang nakaharap sa balkonahe ng toreng maliwanag na maliwanag buwan sa kaniyang harapan. Habang pinapanood ni Helya sa orihinal na anyo nito ang buwan ay nakikita niya ang mukha ng prinsipeng si Ulay at naalala ang unang araw na tumibok ang kaniyang puso sa prinsipe. Isa lamang iyon sa mga alaalang inuusig siya ng kaniyang konsensya na isumpa ito at ang buong Bahaghari. Nagawa pa niyang angkinin ang kahariang hindi naman sa kaniya.
“Kung sana ay tinugon mo lamang ang kahilingan kong maging iyong kabiyak, Ulay. Disin sana ay hindi ka nagdurusa sa kagubatan ng Gororiya,” pagsasalita nito sa isipan habang nakatingin pa rin sa buwan at nagkikislapang mga bituin.
“Kay tagal na panahon kong hinintay ang masilayan ka at masabi sa iyo ang mga katagang iyon, pero hindi mo tinanggap. Masakit para sa akin na makita kang nagdurusa sa aking mga kamay sa kagubatan ng Gororiya pero anong magagawa ko kung iyon ang iyong naging pasya, Ulay?” muling pagsasalita nito. Ni hindi nga niya naramdaman ang unang patak ng luhang mula sa kaniyang pisngi.
Iyon ang unang pagkakataong umiyak si Helya sa orihinal na anyo nito. Nasa lahi na niya ang pagiging mangkukulam. Hinding-hindi na niya iyon mababali pa. Maliban na lamang kung may isang taong may busilak ang puso ang hahalik sa kaniya. Naalala niya ang huling argumento ng kaniyang ina bago sila magpatayang dalawa.
“Sa tingin mo may magmamahal sa katulad nating mangkukulam ha? Tingnan mo ang sinapit ng iyong ama, Helya!”
“Kaya ba pinatay mo na lamang si ama nang gusto na niyang umalis sa anino mo?”
“Wala kang galang! Lapastangan kang babae!”
“Kung lapastangan ako, wala kang pusong ina!”
“Inuulit ko sa iyo, Helya. Wala kang makikitang isang lalaking may busilak ang puso na hahalik sa iyo para matanggal ang sumpa! Ipinanganak kang bruha at mangkukulam, mamamatay ka rin sa kung paano ka ipinanganak!”
Sunod-sunod ang mga luhang iyon na pumapatak sa kaniyang pisngi. Tandang-tanda pa niya ang mga katagang iyon na mula sa kaniyang ina. Huli na nang maintindihan niyang iyon pala ang sagot sa kaniyang sumpa. Sinubukan niyang kunin ang permiso ng hari at reyna ng Bahaghari upang gawin siyang kabiyak ng anak nitong si Ulay pero hindi ito tinanggap ng prinsipe. Dahil sa sagot na iyon ni Ulay kaya niya nagawang isumpa ang mga ito.
“Wala na akong balak na mahalin ka, Ulay. Gusto ko na lamang na maging hari at reyna hindi lamang ng Bahaghari, kung hindi pati na rin ng buong Elementu. At mapapasakamay ko ang pangarap na iyon kung kakalimutan ko ang tunay na damdamin ko para sa iyo, Ulay. Kaya kung balak mong makuha ang kahariang pagmamay-ari ko na ay dadan ka muna sa aking mga kamay! Ako ang magiging hari at reyna nito at ng buong Elementu!”