Balik Sa Sentro,
Sa Batis ng Gororiya
Ulay's Point of View
Alalay nang alalay ako ngayon sa nanghihina pang mga katawan nina Aurora at Satur. Kahit nagkaroon na ito ng mga malay ay hindi pa rin naman kaya ng mga ito na dumilat. Kaya kaliwa at kanan, sa aking mga balikat sila nakalagay. Sinigurado ko namang kasunod ko lamang ang mga batang unggoy pabalik sa sentro, sa gitna ng kagubata ng Gororiya.
“Dalhin mo sina Aurora at Satur sa batis, Ulay.”
Pamilyar ang tinig na iyon at kung hindi ako nagkakamali ay iyon ang boses na pagmamay-ari ng batis. Matagal ko ring hinintay na marinig ang boses na iyon. Napangiti akong bigla. Hindi ako sumagot pero sapat na ang aking pagtango at pag-iba ng direksyon sa paglalakad patungo sa batis na aking naging santuaryo. Tahimik lang ako habang naglalakad nang muling magsalita ang tinig na iyon.
“Ramdam kong sinisisi mo ang iyong sarili, Ulay,” aniya. Isang malalim na buntong-hininga agad ang pinakawalan ko bago sinagot ang tanong niya.
“Hindi naman. Malungkot lang dahil hindi ko man lamang nasaktan si Helya sa ginawang panlilinlang at panloloko nito,” malungkot kong sagot pero siniguradong hindi ako nawawala sa pagiging masiyahan habang tuloy lang ako sa paglalakad sa direksyong pupuntahan ko.
“Isang natural na damdamin. Isang bagay na hindi kailanman mawawala iyan sa isipan kapag naging isang alaala na ito,” sabi nito na hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin.
“Ang nais ninyong sabihin ay?” sagot ko naman agad nang may pagtataka. Ang totoo sa isipan ko lamang siya sinasagot.
Hindi ako nagpapahalata na may kausap ako dahil baka matakot ang mga batang unggoy na kasama kong naglalakad ngayon patungo sa batis. Nilingon ko muna ang mga ito at pinangiti.
“Babalik tayo sa batis ha? Doon ay gagamutin ng tubig ang inyong kaba at kung may mga sugat man ay maghihilom din ang mga ito roon.”
Pagkatapos sabihin sa kanila iyon ay muli kong itinuon ang aking paningin sa aking dinaraanan at muling narinig ang boses ng kagubatan.
“Kung sisisihin ang iyong sarili, uusigin ka ng iyong konsensya. May mga bagay na hindi mo na kaya pang balikan. Kung nailigtas mo man o hindi ang batang unggoy na iyon, hindi mo pa rin hawak ang kanilang kapalaran.”
Malalalim ang mga katagang iyon pero sapat na para magpakawala ako nang isa na namang malalim na buntong-hininga.
“Bakit hindi mo na lamang ituon ang iyong atensyon sa mga ibang Bahaghari, sa sentro ng kagubatan, Ulay? Iyong pakatandaan na nalalapit nang matapos ang limangdaang taon at babalik ka na sa normal. Kayong lahat ay babalik sa pagiging tao at may naghihintay na bagong misyon para sa iyo.”
Hindi ko man mahinuha ang ibig sabihin ng mga katagang iyon pero alam kong may kinalaman ito sa sinabi sa akin noon ng aking ina na kapag natututunan ko na ang lahat ng bagay rito sa Gororiya ay sasabihin naman niya sa akin kung paano ko makukuha mula sa kamay ni Helya ang kaharian ng Bahaghari. Magtatanong pa sana ako sa boses na iyon nang mapagtanto kong nasa harapan na ako ng batis. Hindi ko na rin narinig ang boses, kaya inutusan ko na lang ang mga batang unggoy na magtampisaw sa batis.
“Maaari na kayong maligo sa batis nang maghilom ang inyong mga sugat kung mayroon man,” sabi ko at isa-isang nang nilublob ang kani-kanilang katawan sa tubig.
Marahan ko namang ibinaba ang mga katawan nina Aurora at Satur sa tubig, sa batis na iyon upang maghilom ang kanilang mga sugat at upang palakasin ang kani-kanilang mga katawan. Inilublob ko na rin ang aking katawan para kalmahin ang aking isipan. Sinimulan kong galawin ang aking mga kamay upang lumangoy sa malalim na parte ng batis na iyon habang hinahayaan lamang sa mababang parte ng batis sina Aurora at Satur para maibalik ang kanilang mga lakas.
“Tama ang boses na iyon. Nalalapit nang magtapos ang limandaang taon. Halos isang daang taon na lamang ang hihintay namin at matatapos na ang sumpa ni Helya.”
Ang mga salitang iyon ay naging isang inspirasyon para sa akin na sundin ang sinabi ng tinig na iyon. Na kailangan kong ituon ang atensyon sa natitirang mga Bahaghari. Kasama sa aking babantayan ay ang aking dalawang kaibigan na sina Aurora at Satur, at ang aking amang hari at inang reyna. Nangako rin akong kukunin ko kay Helya ang ninakaw nitong karapatan at kaharian naming Bahaghari.
“Tama. Ganiyan nga dapat ang iyong isipin, Ulay. Nawalan ka man ng isang kinailingan mong protektahan, nasa iyo pa ring mga kamay nakasalalay ang kaligtasan ng iyong dalawang kaibigan, ng iyong hari at reyna, at ang natitirang mga Bahaghari. Kaunting tiis na lamang at mababalik na tayo sa pagiging tao.”
Unti-unti kong nilulublob ang aking katawan sa malalim na parte ng batis na iyon at doon sa ilalim ng tubig ay aking ipinangako sa isipan na gagawin ko ang lahat masigurado lamang na walang mamamatay. Na walang kukunin si Helya. Sa aking mga kamay nakasalalay ang lahat. Hinding-hindi ko bibiguin ang aking amang hari at inang reyna.
“Prinsipe!” boses ni Satur.
“Ulay!” tinig ng aking amang si Yalu.
“Nasaan ka, anak!” sigurado akong kay inang reyna Aliya iyon.
“Mahal na prinsipe!” si Aurora naman ang naririnig ko.
Hindi ko alam na kanina pa pala ako sa ilalim ng tubig. Ni hindi ko man lamang namalayan na kanina pa pala ako naroon habang iniisip ang mga bagay-bagay sa pagtatapos ng limangdaang taon. Dahil kanina pa ako tinatawag ay umahon na muna ako at sinagot sila.
“Nandito ako!” sabi ko at kumaway pa bago marahang lumangoy patungo sa mababa at nagsimulang maglakad patungo sa gising na palang sina Aurora at Satur.
Nasa harapan ko rin ang amang hari at inang reyna. Nasa likuran na rin nila ang iba pang mga Bahaghari na nasa anyong gorilya. Kasama ng mga ito ang mga batang unggoy. Ngunit napansin ko ang mukha ng isang umiiyak na gorilya. Siya muna ang pinansin ko at ipinagtaka ng aking magulang. Doon ako dumiretso sa kaniya at nagulat siya nang lapitan ko siya.
“Ikaw ba ang ina ng isang batang unggoy na nawawala?” tanong ko sa malungkot na boses.
“Mahal na prinsipe, ako nga po,” matipid na sagot lang niya. Ni hindi nga ito nagalit sa akin. Hinihintay ko ngang sumbatan niya ako pero hindi. Wala akong narinig mula sa kaniya.
“Paumanhin kung hindi ko nagawang iligtas ang inyong anak sa kamay ni Helya. Maari po kayong magalit sa akin sa anumang paraan na gusto ninyo.” Yumuko ako sa kaniyang harapan at pumikit. Hinihintay ang gagawin niya sa akin pero isang yakap lang ang ibinigay nito sa akin.
“Wala kang dapat na ipag-alala, mahal na prinsipe. Naikuwento na sa akin ng mga niligtas mong hindi mo rin naman kasalanan. Oo, malungkot ako dahil walang kasiguraduhan pang makababalik pa siya sa atin. Alam kong may masamang balak si Helya na nagsumpa sa atin sa aking anak. Kung matagal nang nakatadhanang mawawala sa akin ang aking anak ay malugod ko iyong tatanggapin. Pero kapag matapos na itong sumpa ay sisiguraduhin kong magbabayad ng mahal ang bruhang iyon.”
Inangat ko ang aking mukha at nagpasalamat sa pag-iintindi nito sa sitwasyong hinarap namin kanina. Doon ko na rin napagtanto ang ibig sabihin ng mga salitang ng tinig na kausap ko kanina sa aking isipan. Na wala na nga tayong magagawa sa mga bagay o pangyayaring nakatakda na. Ang mga huling salita rin niyon ay nagpangiti sa akin. Tumayo ako at taas-noong nagsalita sa harapan ng mga Bahaghari.
“Malapit nang magtapos ang limangdaang taon. Ang nais ko lamang sabihin sa inyo ay maging mapagmasid sa inyong kapaligiran. Alam nating may mga mababangis pa ring hayop na kailangan nating harapin, kaya nakikiusap ako sa inyo na maging maingat. Huwag rin kayong mabahala o mag-alala pa dahil sisiguraduhin kong walang makukuha si Helya o magtatagumpay na masama sa ating lahat ditong naninirahan sa Gororiya. Kapag nakabalik na tayong lahat sa normal na tao, ipapangako ko sa inyong lahat na babawin ko ang kaharian natin sa kamay ni Helya.”
Ang mga katagang iyon ay naging inspirasyon sa akin at sa mga nakinig sa mga sinabi ko. Nakangiti akong isa-isang tiningnan ang ekspresyon sa kanilang mga mukha. Masasaya ang mga ito at walang takot na makikita. Nang dumako ang aking tingin sa aking amang hari at inang reyna, napakalapad ng mga ngiti nila at mahigpit akong niyakap.
“Binabati kita sa iyong matatag at matapang na paninindigan sa iyong pangako, Ulay. Karapat-dapat ka nang maging ating susunod na hari ng Bahaghari,” bulong sa akin ni amang haring Yalu. Napangiti lang ako.
“Huwag muna, mahal,” pagbibiro ni inang reyna Aliya. “May dadaanan ka pang mga pagsubok bago mo mabawi ang ating kaharian. Magkagayunpaman ay hindi kita iiwang walang alam sa gagawin mo, Ulay.”
Lalong lumapad ang aking ngiti sa mga tinuran ng aking ina at ginantihan rin ang mahigpit nilang mga yakap. Pagkatapos niyon ay narinig ko ang samu't saring mga inga sa aking likuran. Tanda na nagbubunyi sila at pinapatatag pa ang aking kalooban.
“Magiging tao tayong muli!”