Kabanata BenteTres: Ang Opal sa Puso ni Shila

1513 Words
Sixila, Elementu Sa Hilagang Bahagi ng Bundok KANINA pa nakalipot ang malalakas na hangin sa paligid ni Shila. Napapaatras na rin ang mga Sixilan na nanatili sa tabi niyang nang mga oras na iyon. Ang mga kasamahan naman ni Bagyo ay umurong lang nang kaunti para bigyang daan ang laban ni Bagyo sa reyna ng Sixila na si Shila. Ramda na ramda na rin ng mga ito ang lakas ng hangin sa pagitan ng dalawa. Kulang na lamang ay liparin sila ng hanging iyon. Pero nakokontrol namanng dalawa ang kani-kanilang mga kapangyarihan. “Hindi ko gustong mandamay ng ibang tao, o kalaban, Bagyo. Kung gusto mong makuha ang batong opal, labanan mo ako nang mag-isa!” Hinamon na ni Shila si Bagyo dahil alam na nitong kanina pa ito gigil na gigil sa kaniya. Ang batong Opal lang naman ang pakay niya at kailangan niya itong protektahan sa abot ng kaniyang makakaya. Lalo pa at nakasalalay sa kaniya ang kaligtasan ng naiwang mga Sixilan. Nakatayo lang ito sa kanilang likuran. Pero walang alam si Shila na nautakan naman siya ni Bagyo. Habang nagsusukatan ng mga parehong kapangyarihan ang dalawa, kanina pa pala ito isa-isang pinatutumba at pinapaslang ang labinlimang mga Sixilan na nasa likuran niya. Hindi na sana sasabihin ni Bagyo ang ginawa kay Shila pero dahil sa kadaldalan ni Vatu, narinig niya ito at parehong tumigil ang paglabas ng kani-kanilang mga kapangyarihan. “Nakakagutom tingnan ang ginawa mong pamamaslang sa kanila, Bagyo. Bakit hindi mo na lang tapusin ang laban na na iyan? Kanina pa ako naiinip at mas lalong nagutom ang aking tiyan sa panonood sa walang kabuhay-buhay na laban ninyong dalawa,” komento ni Vatu pero hindi na ito nakatingin sa kanilang dalawa. Magkasabay namang nagkatinginan sina Shila at Bagyo pero saglit lamang iyon. Naibaling kasi nito ang atensyon sa mga pinatay ni Bagyo nang hindi nito namamalayan. Nakalutang ang mga ito sa hangin at wala nang buhay. Kontrolado pa rin naman kasi ni Bagyo ang kapangyarihan niyang iyon, kaya hindi alam ni Shila na habang galit na galit siya at nakikiusap kay Bagyo na huwag mandamay ng iba, nalinlang siya nito. At dahil sa nakitang krimeng ginawa ni Bagyo, unti-unting nilamon ng galit si Shila. Dahan-dahang yumanig ang lupang kinatatayuan ni Bagyo. Ramdam din nina Bulcan, Giginto, Ururu, at Vatu ang mabilis na hanging umiikot sa kanilang paligid. Nang ituon nilang lahat ang atensyon kay Shila na unti-unting niyayakap ng hangin, hindi na napigilan ni Bagyo na atakihin ito gamit ang kaniyang kapangyarihan. Ngunit, sa tuwing inaatake niya ito, binabalikan lamang siya. Hindi nito magawang sirain ang malakas na hanging nakapaligid kay Shila. Sa loob namang hanging pinalilibutan si Shila, tuloy pa rin ito sa pagluha nang hindi namamalayan ang pagbabagong-anyo niya. Nang sumabog na ang hanging yumayakap sa kaniya ay doon nakita ni Bagyo ang lumulutang na batong Opal sa ulo ni Shila. Lalong lumuwa ang kaniyang mga mata. Kumikinang ito sa nakikitang premyo. Abot-langit ang ngiti nito at hindi na makapaghintay na matalo si Shila. Ang katawan naman ni Shila ay kumikislap na sa kulay abong kasuotan nito. Bumaba rin ang batong Opal na nakalutang mula sa kaniyang ulo patungo sa nakabukas nitong mga palad. Habang pumapasok at nawawala ang batong iyon sa kaniyang palad ay nagsalita si Shila. “Nakiusap ako sa iyo na huwag idamay ang ibang tao. Pero anong ginawa mo? Pinatay mo sila nang hindi ko namamalayan. Isa kang tuso, Bagyo. Bagay nga sa inyong tawaging kaaway at walang mga puso pagkat puntirya ninyo palagi ang mahihinang nilalang. Ngayong nakita mo na ang batong Opal, tingnan natin kung makukuha mo ito sa akin!” Pagkatatapos sabihin ang mga katagang iyon ay lumitaw ang kapangyarihan ng hangin sa katawan ni Shila at pagkumpas pa lamang ng mga kamay nito ay nakatikim na ng sunod-sunod na pag-atake nito kay Bagyo. Buwal-buwal na rin ang mga puno at halaman nang mga oras na iyon. Ang mga bagay ay pinapalutang ni Shila at pinagtatapon ito kay Bagyo. Ang huli ay panay naman ang sangga at harang para hindi para maiwasan ang mga mabibigat at matutulis na bagay na kanina pa bumabagsak sa harapan niya. “Hindi kita mapapatawad sa pagpatay mo sa mga Sixilan, Bagyo!” panay pa rin ang kontrol nito sa kapangyarihan ng hangin habang hindi rin naman patatalo si Bagyo sa kaniya. Dahil hindi na nga kaya ni Bagyo ang inis, galit na galit na itong nilakasan pa ang kapangyarihang taglay niya at pinagdudurog ang mga bato, pinagpuputol ang mga katawan ng malalaking punongkahoy, pinaghahati ang mga sanga ng puno, at ibinalik ito sa kinatatayuan ni Shila. Hindi napaghandaan iyon ni Shila. Sunod-sunod na malalaki at mabibigat na bagay ang tumatama at bumabagsak sa kaniya. At ang ikinagulat niya ang ang hugis palasong malaking punong bigla na lamang tumusok sa kaniyang dibdib, na naging dahilan ng kaniyang pagbagsak sa lupa. Sinubukang lumaban ni Shila sa pamamagitan ng pagtatanggal ng malaki at matulis na bagay na nakabaon sa kaniyang dibdib. Ngunit lalo lamang iyong bumaon nang diniinan pa ni Bagyo ang pagtarak ng bagay sa kaniyang dibdib. “Ngayon mo sabihin sa akin na tama ang sinabi mong tuso ako at nilinlang kita, Shila?” mahigpit ang hawak ni Bagyo sa nakatarak sa dibdib ni Shila, dahilan para hindi ito makapagsalita. Bula lang nang bula ng dugo ang bibig ni Shila. Gustuhin man niyang lumaban ay hindi na niya magagawa pagkat nakadagan sa kaniyang dibdib ang matulis na kahoy na iyon sa kaniyang dibdib. Kaunti na lang din at kinakapos na siya nang hininga. Lalo pa itong nagsuka ng dugo nang bunutin ni Bagyo ang matulis na kahoy na iyon upang kunin ang pakay sa loob ng kaniyang dbdib. “Wala ka na rin namang pamilya sigurong babalikan, kaya dito ko na tatapusin ang iyong buhay, Shila!” Upang hindi kunin nang personal gamit ang kaniyang mga kamay, inutusan na lamang ni Bagyo ang hangin na unti-unting kunin ang puso ni Shila. Parang magnet naman itong pilit na kumakalas sa kaniyang katawan ang puso ni Shila. Sa huling pagkakataon ay pinilit pa rin ni Shila na pigilan ang kapangyarihan ni Bagyo pero sadyang mahina na ang kaniyang katawan dahil sa mga natamo nitong mga sugat sa iba't ibang parte ng katawan. At dahil din sa ginawang iyon ni Bagyo, napilitan na ring bumigay ang katawan ni Shila at lumabas na ang puso nito't nahawakan ni Bagyo. “Nasa iyong puso pala ang batong Opal, Shila. Pero ikinalulungkot kong sabihin na ako na ang magiging may-ari ng batong ito. Iingatan ko ito gaya ng pag-iingat mo. Palaam at nawa ay mahalin ka ng lupa hanggang maging abo ka na!” “Sa wakas at natapos na rin ang laban ninyo. Puwede na tayong umalis? Gusto ko na ring makuha ang ametista!” reklamo ni Vatu. Agad na itong tumayo at maglalakad na sana pero pinigilan siya ni Bulcan. “Magpahinga muna tayong lahat kahit ilang minuto lamang, Vatu. Bigyan natin ng pagkakataong magpahinga si Bagyo, gaya ng pagbibigay niya sa atin ng pahinga nang maglaban din kami makuha lamang ang mga bato. Makakapaghintay ang ametista sa iyo, Vatu,” anito at imbes na maglakad ay bumalik ito sa pagkakaupo at parang batang inagawan ng laruan na nagmaktol. ... SAMANTALA sa kaharian ng Bahaghari, kontrolado ni Helya ang mga alagad. Kaliwa at kanan itong utos nang utos sa kanila. Mula sa mga bagay na gusto niyang kunin, mga gusto niyang kainin, at mga gamit pampaligo na gusto niyang maisama ay ginawa niya iyon nang walang anumang naaalala ang mga lalaking kasama na niya ngayon sa kaharian. “Ang bagal-bagal. Bilis!” Hindi rin mawala ang paninigaw nito sa mga alaga kapag nagkakamali. Nasisigawan lang niya ito. Nasasampal. Nababatukan o naingungudngod lang ang mga paraan na ginagawa niya dahil hindi siya puwedeng mawalan ng mga alagad. Lalo pa at tuwing umaga lamang siya lantarang nagpapakita ng kaniyang alindog at kagandahan sa harapan ng kaniyang mga alila. Sa tuwing babalik siya sa isang pangit na mangkukulam o mag-isa lang siya sa loob ng kaharian ay nagagawa niyang tingnan matingnan ang nanyayari sa Gororiya. Kaya sunod-sunod din ang pagpapadala niya ng mga mababangis na hayop para bawasan ang mga isinumpa niyang mga Bahaghari. Pero bigo pa rin siya pagkat lagi na lamang nagigising ang isang magagalitin at mabangis na si Ulay. “Hinding-hindi talaga ako mananalo sa iyo, Ulay! Dahil sa iyo ay hindi man lamang nabawasan ang mga unggoy at gorilya sa Gororiya! Kung hindi ka man mapaslang sa anyong gorilya, sisiguraduhin ko namang mapapatay kita kapag natapos na ang iyong sumpa!” Gigil na gigil itong nagsasalita sa harapan ng nakalutang niyang paboriting salamin. Nasa harapan niya ito at nakikita ang mga ngiti ni Ulay kasama ang hindi pa niya nakilalang mga gorilyang tinulungan din itong harapin at kalabanin ang kaniyang mga mababangis na mga nilalang. Ang hindi lang niya pinagtuunan nang pansin ay sina Bulcan, Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu. “Kumusta naman ang mga halimaw na iyon? Iniingatan naman kaya nila ang mga batong pinanakaw ko sa mga pinuno ng mga bayang sakop ng Elementu?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD