Kabanata Bente Kwatro: Nang Umiyak ang Pinakamasayang Bayan ng Perrue

1538 Words
Perrue, Elementu Sa Pinakamasayang Lugar sa Elementu Sa Loob ng Halos Limangdaang Taon Nakalayo na ang mga Perruan. Naiwan ang reyna at pinuno ng mga ito sa lupain ng Perru. Kasama ang mga matatapang na Perruan ay naging kasangga ito ni Feru para labanan sina Bulcan, Giginto, Ururu, Bagyo at ang malaking nilalang na nasa harapan niya ngayon. “Alam mo kanina pa talaga ako gutom na gutom e. Masyado nang maraming oras na nasasayang kung tititigan ko lamang ang galit sa iyong napakagandang mukha,” pang-iinsulto sa kaniya ni Vatu. Kitang-kita na kasi ang paglalaway nito. “Dadaan ka muna sa amin bago mo kalabanin ang aming reyna!” sumingit ang isang Perrue pero hindi pa man ito nakaka-atake ay isang malakas na hangin na ang humila sa kaniya palayo sa kanilang dalawa. Hindi makapaniwala si Feru sa nakikitang ginagawa ng mga kasamahan ni Vatu. Sinundan pa kasi ito ng lulubog-lilitaw na si Bulcan at kinuha ang isa ring Perruan. Kinulong naman ni Ururu sa isang malaking bilog na puno ng tubig ang isa pa at ang panghuli ay ang pagbuka ng lupa at nilamon ang katabi nitong mga Perruan. “Itigil ninyo iyan!” hindi napigilan ni Feru ang hinagpis pagkat nasasaktan siya sa pagpapahirap ng mga ito sa kaniyang kasamahan. Tanging siya na lamang ang nakaharap kay Vatu habang ang tatlo pang nakikita niyang sumisigaw dahil sa init na nanggagaling sa apoy ni Bulcan, nalulunod sa tubig ni Ururu, at ang unti-unting pagkapos ng hininga ng isa pa, na kagagawan ni Bagyo ay lalong nagpahirap sa kalooban ng nag-iisang reyna ng Perrue. “Magtataka ka pa ba kung ganoon ang sinapit ng mga kasama mo, Feru? Huwag kang mag-alala dahil dadahn-dahanin ko lang ang pagpaslang sa iyo hanggang makuha ko ang batong ametista sa iyo,” nagpakawala ito ng mala-demonyong ngiti sa harapan ng nakaluhod nang si Feru. Tila nahihirapan ito sa paghinga. Nakatukod na rin ang kanang kamay niya sa lupa habang ang kaliwa ay nakahawak sa didbib nitong unti-unting sumasakit. Sa sobrang sakit nito ay naalala ni Feru ang sinabi sa kaniya ng engkantado sa tuktok ng bundok ng Elementu. “Bakit sila po napapaligiran ng mga kakaibang kulay ng kapangyarihan? Bakit ako walang nararamdaman?” “Dahil hindi pa oras para lumabas sa iyong katawan ang kapangyarihang taglay mo, Feru. Darating ang araw na magigising iyan at matinding sakit ang iyong mararanasan. Na kailangan mong lagpasan.” “Bakit po matagal pa? Hindi po ba kailangang ngayon na?” “Pagkat isa kang nilalang na may busilak na puso at hinding-hindi iyan lalabas hangga't hindi ka nakakaramdam ng matinding kalungkutan, hinagpis, at galit, Feru.” At dahil sa alaalang iyon ay napasigaw si Feru nang malakas. Ang pagsigaw na iyon ay lumikha ng napakalakas ring pagyanig sa harapan ni Vatu. Napaatras pa ito nang ilang hakbang habang ramdam din nina Bulcan, Giginto, Ururu, at Bagyo ang malakas na enerhiyang sumabog sa harapan nila. Ang pagsigaw na iyon ni Feru ay lumikha ng isang mala-kuryenteng harang sa buong katawan niya. Tinangkang atakihin ito ni Vatu pero tumatalbog lang siya. Sa harapan ng mga ito ay ang nakalutang at walang malay na katawan ni Feru. Balot na balot ito ng nagkikislapang kuryente sa katawan. Habang pinagmamasdan ni Vatu ang susunod na mangyayari, doon niya rin nakita ang paglitaw ng kumikinang na batong hinahanap-hanap niya. Naglaway agad ito at parang nagwawalang malaking hayop na sinugod ang harang na nasa harapan niya. “Tingnan mo itong si Vatu, umandar na naman ang pagkagutom niya,” ani Bagyo na lihim na natatawa sa ginagawa ng kasama. Pinutulan na rin nito ng hininga ang isang Perruan na palutang-lutang sa harapan niya. “Ganiyan talaga iyan kapag paborito niyang pagkain ang nasa harapan,” komento naman ni Ururu. Nilunod na rin nito ang isang Perruan at itinapon sa malayo. “Ang pagkain ay pagkain. Paborito man ni Vatu iyan o hindi, kailangan pa rin niyang makuha ang batong ametista para kay reyna Helya,” paninira naman ni Bulcan sa pagbibiro nina Bagyo at Ururu. Sinunog na nito ang isang Perruan bago umupo at nanood sa susunod na mangyayari. “Hindi ba, Giginto?” “Hayaan mo na iyang si Vatu. Baka tayo pa ang pagbuntunan ng galit niyan kapag tinulungan natin siya. Natatandaan naman ninyo kung ano ang mga ginawa niyan habang pinaghihirapan nating makuha ang mga bato, hindi ba? Kaya, natural lang na maghihirap din iyan para makuha ang ametista,” sagot naman ni Giginto sa tanong ni Bulcan. Napailing na lamang ang huli at itinuon na lamang ang mga mata sa panonood. Unti-unti nang nababasag ang harang. Hindi talaga tumigil si Vatu. Kanina pa ito naglalaway pero nang mawala na sa harapan niya ang harang, lumitaw naman ang panibagong anyo ni Feru. Ang hugis pusong batong ametistang ay nakalutang na ngayon sa dibdib ni Feru. Nang tingnan ang mukha nito ay nakapikit pa rin ito, kaya naman ngising-ngisi itong inatake ulit si Feru para hablutin ang batong ametista. Ngunit, hindi niya inasahan ang puting liwanag na lumabas sa kanang palad nito at nahiwa ang kanang braso niya. “Sa tingin mo ay ganoon lang kadali mong makukuha ang batong ametista?” sigaw ni Feru sa kaniya nang mahiwa ang kanang braso ni Vatu. Subalit, hindi naman ito nakaramdam ng anumang sakit. Mas nagulat lang si Feru nang makita niya ang biglaang pagsulpot ng panibagong braso at kamay mula sa nahiwa niya. “Gutom na gutom na gutom na ako, Feru!” Ang boses na iyon ni Vatu ay umalingawngaw. Lalo pa itong nagalit at lumaki na parang dambuhalang malaking baboy-ramo sa harapan ni Feru. Mabilis namang nakailag si Feru sa malalaking kamao nitong gusto siyang hulihin. “Walang hanggang espada mula sa kalangitan, bumagsak ka!” Pagkatapos sambitin iyon ni Feru ay nakita ni Vatu ang pagpasok ng batong Ametista sa dibdib ni Feru. Muli na namang umigting ang galit ng dambuhalang si Vatu at inihanda ang sarili sa nagbabagsakan ng mga maliliit at malalaking espada mula sa kalangitan. Nakangaga na rin ito at isa-isang kinain ang walang katapusang espadang bumabagsak. Dahil sunod-sunod ang pagbagsak ng mga espadang iyon, hindi naman nakaligtas sina Bulcan, Giginto, Ururu at Bagyo, dahilan para ilagan o kalabanin ng mga ito ang mga espada para hindi sila masugatan. “Tapusin mo na ang laban na iyan at patayin si Feru, Vatu!” sigaw ni Bulcan. “Bilisan mo bago pa kaming tatlo rito matuhog ng mga espadang ito, Vatu!” bulyaw naman ni Bagyo habang sina Ururu at Giginto ay panay ang iwas at ilag sa mga espada. Gamit ang kani-kanilang mga kapangyarihan, tinutunaw ni Bulcan ang mga ito, at pinagpuputol naman iyon ni Giginto. Ibinabalik naman ni Bagyo ang mga ibang espada sa direksyon ni Feru habang si Ururu naman ay panay rin ang pagtunaw sa mga iyon. Si Vatu naman ay lalong lumalaki ang tiyan sa kasasalo ng walang katapusang pagbagsak ng espada sa kaniyang harapan. Nagiging metal na rin ang katawan nito. Si Feru naman ay hindi tumigil sa pagkontrol sa kapangyarihang mayroon siya. Ngunit damang-dama na rin niyang hindi na kaya ng katawan nito ang kapangyarihan. Napapaubo na ito ng dugo. Lumalabas na rin ang pulang likido sa kaniyang ilong at tainga. Pero dahil naisip niya ang sinapit sa mga Perruan, at mga kaibigang sina Diyamande, Auru, Aquarina, at Shila sa mga kamay ng kalabang matagal nang itinakdang papatay sa kanila, ibinuhos na lamang ni Feru ang lahat ng kaniyang lakas para hindi matigil ang pagbagsak ng mga espadang iyon mula sa kalangitan, ngunit sunod-sunod na espada rin ang nagpatigil sa kaniyang ginagawa dahil tumama ito sa iba't ibang parte ng kaniyang katawan. Natigil ang pagbagsak ng mga espada. Bumagsak at napahandusay sa lupa ang katawan ni Feru. Si Vatu naman ay napadighay lang matapos kainin ang napakaraming espada. Nang bumalik na ito sa normal, agad nitong pinuntahan ang wala nang malay na katawan ni Feru, saka isa-isang tinanggal ang mga nakatusok na espada. Nang matanggal ang nasa parte ng dibdib nito, uhaw na uhaw itong pinagkakagat ang dibdib ng wala nang buhay na si Feru hanggang sa madukot nito ang puso't piniga. “Nakuha rin kita. Nasa akin na ang batong ametista!” masayang turan nito at agad na ibinuka ang bibig at nilunok nang walang nguya-nguya ang bato. Hindi nito namalayan ang pagkawala ng bangkay ni Feru sa kaniyang harapan. ... SA TUKTOK ng bundok ng Elementu naman ay kumpleto na ang mga bangkay ng limang tagapangalaga ng mga batong ipinagkaloob ni Hariya sa mga ito. Huling lumitaw sa kaniyang harapan ang nakabukas na dibdib ni Feru. “Mahal na reyna Malaya, ikinalulungkot kung sabihin sa inyo na wala na ang limang tagapangalaga. Hayaan na ninyong ako na ang gumawa ng paraan upang pansamantalang itago ang kanilang mga katawan mula rito sa bundok ng Elementu pabalik sa kani-kanilang tirahan.” Naipanalangin iyon nang malakas ni Hariya habang nakaluhod sa harapan ng mga wala nang buhay na katawan nina Diyamande, Auru, Aquarina, Shila, at Feru. “Malapit na ring magtapos ang limangdaang taon at lilitaw ang isang nilalang para kuning muli at ipunin ang mga batong ninakaw. Siya ang magiging susi sa muling pagkabuhay ng aking mga tagapangalaga at magiging sugo ng kapayapaan sa buong Elementu.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD