Sa Kagubatan ng Gororiya
Sa Loob ng Mahigit Apat Na Raang Taon
Ulay's Point of View
MATULING LUMIPAS ang mahigit apat na raang taon at ang mga Bahaghari ay nasanay na kaming mamuhay sa loob ng kagubatan. Maging ang hari at reyna ng Bahaghari sa anyong malaking gorilya at ang mga sakop namin, kasama ako ay natagpuan na rin ang mga sariling sanay na sa galaw ng kagubatan ng Gororiya. Kung ikukumpara ang aming mga nakasanayan noong kami ay mga tao pa lamang ay masasabi kong mas natuto kami sa mga gawaing hindi naman nagagawa noon.
Walang hari at reyna, o prinsipe sa Gororiya. Pawang mga titulo lamang ang mga iyon. Kahit na tinatawag pa rin akong prinsipe, o ang aking ama na hari at ang aking ina na reyna, nginingitian lang nila ito. Hindi naman nagbabago ang kanilang pagiging isang mabait at responsableng magulang sa akin at sa mga Bahaghari. Iyon ang hinding-hindi mawawala sa kanila. Bagay na higit kailanman ay gustong-gusto ko na mamana sa kanila. Nalalapit na rin ang pagtatapos ng limangdaang taon at halos lahat kami ay nag-aabang na bumalik sa pagiging isang tao. Lalong-lalo na ako dahil nangako ang aking ina na sasabihin niya ang paraan kung paano matalo si Helya.
Kung tungkol naman sa mga panganib sa iba't ibang parte ng Gororiya, hindi pa rin nawawala iyon. Matagal na rin naming pinagdudahan na ang lahat ng mga nakalaban namin ay mula sa sumpa ni Helya. Kaya, hindi na bago sa amin kung may sumulpot man o lumitaw na mga mababangis na hayop sa aming harapan. Ang pinangangalagaan lang naman namin ay ang halos limangdaang tao nang Bahaghari. Sa Gororiya na rin kasi ang ibang mga unggoy at gorilya nagkaanak. Kaya, ang limangdaang tao noong nasa Bahaghari pa ay nadagdagan na.
Sa loob rin ng mahigit apat na raang taon ay nagawa ko ring kontrolin ang aking kapangyarihan. Naaalala ko na rin kung paano ko naililigtas ang aking magulang, at ang iba pang mga gorilyang nasa panganib. Lalo rin akong naging mas napalapit kay Aurora at kay Satur bilang aking matatalik na kaibigan. Hindi na rin kami napaghihiwalay dahil halos araw-araw sa kagubatan at batis ay magkasama kaming tatlo. Hindi na rin masyadong nag-aalala ang aking amang hari at inang reyna dahil kasama ko naman si Satur. Naging matapang na rin si Aurora at hindi na rin ito basta-basta tagapangalaga ko na lamang. Naging isa na rin itong matapang na sundalo sa kagubatan ng Gororiya.
Sa batis na rin ako halos namamalagi upang alamin ang tungkol sa boses na tumulong sa akin kung paano maging matapang. Sa mga unang daang taon ay naririnig ko pa itong nagsasalita sa akin kapag mag-isa lamang ako sa batis. Hindi pa rin ito nagsasabi kung sino siya at kung ano ang kaniyang pagkakakilanlan. Kaya sa nakalipas na mahigit apat na raang taon hindi ko na ito muli pang narinig kapag bumibisita ako sa batis.
“Iniisip mo na naman ba ang tungkol sa diwata ng kagubatang ito, Ulay?” tanong sa akin ni Aurora. Nahanap na naman niya ako sa batis.
“Nahanap mo na naman ako. Hindi talaga ako makakapagtago sa iyo, Au,” sabi ko sa palayaw niyang Au. Binigyan ko na ito ng palayaw para hindi ako mabulol. Na nagustuhan naman niya.
“May iba ka pa bang pagtataguan maliban dito sa batis?” Napalingon naman agad ako nang marinig ang isa pang pamilyar na boses ni Satur. Hindi na rin ito nahihiya pang hindi ako tawagin sa aking pangalan o sa titulo ng isang prinsipe.
“Isa ka pa, Satur. Sinusundan mo ba si Aurora? Umamin ka ngang may gusto ka sa kaniya?” hindi ko alam kung bakit ko nasambit ang ganoong tanong kay Satur. Halata naman kasing matagal na niyang gusto si Aurora. Lihim pa akong napatingin kay Aurora nang mga oras na iyon.
“Naku, Ulay, huwag mong ibahin ang usapan. Ikaw ang pinag-uusapan natin dito at hindi ako. At saka, matagal ko na ring nilinaw sa iyo na wala akong gusto kay Aurora. Kaibigan lang talaga, hinid ba Aurora?” sagot ni Satur at nang ituon nito ang atensyon kay Aurora, isang nanlilisik na mga mata ang nakita niya.
Napangisi ako. Alam na alam ko namang may gustor rin si Au kay Satur. Pero katulad ni Satur, mas nauna kong nagustuhan si Aurora. Sa unang dalawa hanggang tatlong taon ay nalaman ko na lamang sa mga kilos niya na hindi ako ang tipo niya. Kahit pa araw-araw na kaming magkakasamang tatlo, kitang-kita ko pa rin kung paano maglambingan ang dalawa. Kahit nasasaktan akong hindi para sa akin ang mga matatamis na ngiti ni Aurora, malaki naman ang pasasalamat ko sa kanilang dalawa dahil hindi nila ako iniiwan kapag nasa panganib ako. Kaya, anuman ang mangyari, magkatuluyan man sila kapag bumalik na ang lahat sa normal, tatanggapin kong wala pang nakalaan para sa akin upang aking magiging kabibiyak. Maghihintay na lamang ako kung kailan pagkat ang aking isipan ay nasa paghihiganti pa rin kay Helya.
“Ang dami na namang langgam dito. Hamtik yata ito kasi masakit kapag nangagat,” patawa kong biro sa kanilang dalawa. Nang magkatitigan ay doon lamang sila umayos na dalawa. Tumayo na lamang muna ako upang lumayo sa kanilang dalawa dahil masyado na silang matamis.
Nasa tubig na ako nang mga oras na iyon at humiga-higa nang may maramdaman akong kakaibang pagyanig. Tumayo ako at nakita ang mga nagtatakang mukha nina Aurora at Satur. Hindi kami nagsasalita nang mga sandaling iyon pero alam naming isa na namang panganib ang nag-aabang sa amin. Ito na rin ang kauna-unahang panganib na ma-eengkwentro namin sa halos apat na raang taon sa Gororiya. Lumapit ako sa kanilang dalawa. Talikuran kami. Tinalasan namin ang aming pakiramdam at siniguradong nakabukas ang aming mga mata at tainga sa hindi inaasahang pag-atake. Nanatili kaming tahimik. Halos pigilan namin ang aming paghinga nang sunod-sunod na naramdaman namin ang pagyanig.
“Maghanda na tayo sa panibagong laban!” sigaw ko sa dalawa at sabay-sabay naming ibinagsak sa lupa ang aming malalaking mga kamao. Ilang saglit pa ay nakita na namin ang aming makakalaban.
Tatlong magkakasunod at mabibilis na pagyanig ang muling naramdaman naman at nang masilayan ang mga kalaban, nagmamadali rin kaming naghiwa-hiwalay nang isa-isa itong tumalon sa aming harapan. Kaharap ko ngayon ang isang malaking tigreng may dalawang ulo. Nang ibaling ko naman ang aking tingin sa kaliwa ko, kaharap naman ni Aurora ang isang malaking osong may kamay ng palaka at sa aking kanan naman ay kalaban na ni Satur ang isang itim na lobong may malaking ngipin ng kunehong nakalabas sa bunganga nito.
“Mag-iingat tayong lahat, Au, Satur!” sigaw ko at mabilis na umilag sa malalaki at matutulis na kuko ng tigreng may dalawang ulo.
“Kaya natin ito!” sumigaw din si Aurora. Hindi na nga ito kagaya ng dati na tahimik lang. Nakipagtagisan na rin ito nang malakas na sigaw sa kalabang osong may kamay ng isang palaka.
“Hindi tayo patatalo, Aurora. Lalaban tayo!” gumanti rin ng sigaw si Satur habang nagsisimula na rin itong depensahan ang sarili sa mga kagat ng lobong may ngipin ng malaking kuneho.
Tutok na tutok na ako sa aking kalabang tigre. Kaliwa at kanan na itong kanina pa naghahampa sa aking katawan gamit ang mahahabang buntot nito. Ako naman ay panay rin ang huli sa buntot niyang hindi ko mahuli-huli. Nang muli nitong gamitin ang buntot para hampasin ako, natiyempuhan ko itong mahawakan at hindi na nag-aksaya pa ng oras na paikutin ito at ihampas-hampas sa malalaking katawan ng puno sa batis na iyon. Nang maihagis ko ito palayo sa akin, mabilis itong nakabuwelo at tumalon sa puno. Hindi ko naman inasahan ang pagtalon nito sa akin at nakahanda na ang malalaking kuko para sugatan ako. Mabilis kong iniharang ang aking dalawang kamay at iyon ang nasugatan ng malalaking kuko nito.
“Huwag kayong mag-alala sa akin. Kaya kong lagpasan ang kalaban ko. Ituon na lamang ninyo ang inyong atensyon sa inyong mga kalaban!” sigaw ko nang makita ang tingin nina Aurora at Satur na nakikipagsukatan na ng lakas sa dalawang kalabang hinaharap ng mga ito.
Bumalik ang mga tingin nito sa kani-kanilang mga laban habang ako naman ay muling naghanda upang gisingin ang natutulog na galit at kapangyarihan sa aking katawan. Nang muling tumalon ang tigreng may dalawang ulo sa aking harapan, sinabayan ko rin ang pagtalon nito at ihinanda ang aking kanang kamao. Dalang-dala ko na rin ang bigat ng katawan ko at saktong sasalubungin na ako ng dalawang ulo ng tigre nang buong lakas kong sinuntok ang kanang ulo nito't bumagsak sa lupa. Pagkabagsak ng paa ko sa lupa ay siya namang paghawak ko sa paa nito't muling inihampas sa malalaking puno.
Dinig na dinig ko ang malalakas na hiyaw nito pero hindi pa rin ito tumitigil hanggang hindi ko napapatay. Kaya, hindi na ako nag-aksaya ng marami pang oras at ibinuhos ko na ang aking galit sa dalawang tigreng may malaking ulo. Sa pagkakataong iyon ay nahawakan ko na ang dalawang ulo nito. Ang isa ay kinagat-kagat ko habang ang isa ay buong puwersa kong binabali ito hanggang sa marinig ko ang malalakas na tunog ng nabali nitong ulo. Isinunod ko na rin ang isa pang ulo nitong kanina ko pa kinakagat. Binali ko rin iyon at nang makitang hindi na ito gumagalaw, na nakalabas na ang dila, hinawakan ko ito sa buntot at inihagis sa kalaban ni Aurora.