SUMAPIT NA ANG GABI at nakatulugan na nina Ulay, Aurora, Satur, Uno, at Dano ang pagsasaya. Ni hindi nga sumagi sa isipan nilang magagawa nila ulit iyon sa nakalipas na limangdang taon. Paraan na rin nila ito upang makalimutan pansamantala ang lungkot at pangungulila na malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Ang kasiyahang nadarama nila nang gabing iyon ay hindi inakala ni Salamin na babalik sa kaniyang mga alaala. Siya lang kasi ang bukod-tanging naroon sa mataas na bahagi ng puno ng mangga at nanonood.
Habang lumalalim at lumalalim ang gabi ay napapaisip si Salamin kung tama ba ang naging desisyon niya noon na maging alipin ni Helya. Naiisip rin niya na baka nagsisinungaling lang si Helya sa pagsasabing nasa kamay nito ang kaniyang magulang at ang bunsong kapatid. Dahil sa paninisi sa sarili at pagmamahal sa nangyari sa kaniyang magulang at sa bunsong kapatid na sinisisi pa rin ang sarili sa pagkahulog nito sa bangin kasama sila.
“Kung may lakas lang sana akong kalabanin si Helya at malaman ang totoong nangyari sa aking mga mahal sa buhay ay masasagot na ang mga tanong ko. Ngunit, hindi ganoon ang nangyari. Mas natakot akong sisihin ng aking ama at ina sa pagkahulog ng aking kapatid. Kung naging maingat at hindi ako pabayang kapatid ay wala sanang nangyaring masama sa kaniya. Hindi sana ako umoo sa kung anumang binabalak ni Helya. Kaya, heto ako ngayon, may planong kailangang lagpasan. Kailangan kong bigyan ng pagsubok ang mga taong iyan.”
Kahit nasa anyong salamin siya ay may pakiramdam ito. Tandang-tanda niya kung paano niya hiniling kay Helya na huwag burahin ang alaala niya sa kaniyang magulang at bunsong kapatid. Muntikan na iyong mawala kung hindi lang siya nakiusap nang taimtim sa babaeng hindi pa niya alam na mangkukulam noon.
“Nasa aking mga kamay ang kasagutan sa iyong katanungan at nasa aking mga kamay rin ang buhay ng iyong magulang at bunsong kapatid, Salamin. Kung nais mong makita pa silang buhay, kailangan mong mapasailalim sa aking kapangyarihan. At kapag napasailalim ka na sa aking kapangyarihan ay nararapat lamang na burahin ko ang iyong alaalala pansamantala,” sabi noon sa kaniya ni Helya. Hinding-hindi niya makakalimutan ang mga katagang iyon.
“Kung iyan po ang nais ninyo, Helya ay papayag akong maging alipin mo pero hindi ko po tatanggapin ang huling mga sinabi mong alisin ang alaala ko,” malungkot at iyak nang iyak nitong sabi noon ni Salamin kay Helya.
“Hindi ako papayag! Hinding-hindi kita papayagan sa gusto mo! Kailangan mong sundin ang gusto ko! Kung ayaw mong...” naputol ang sasabihin ni Helya noon nang makitang lumuhod na si Salamin sa harapan niya.
“Nakikiusap po ako. Gawin na po ninyo ang lahat ng gusto ninyong ipagawa sa akin. Tatanggapin ko po iyon, at susundin ko kayo nang buong tapat at buong puso. Basta huwag mo lang po tanggalin ang alaalang mayroon ako sa aking pamilya. Iyon lang ang mayroon ako. Maawa po kayo, Helya,” kulang na lamang ay lumuha siya ng dugo noon. Sa pagkakatanda niya ay matagal siyang tiningnan at sinuri ni Helya. Nanatili lang siyang nakaluhod noon at tandang-tanda niyang naihi na siya sa kaniyang salawal at nanginginig ang mga tuhod sa pakiusap at pagmamakaawa.
Sa huli ay pinayagan din siya ni Helya. Ngunit ang kapalit ay ginawa siyang salamin upang hindi siya mawala sa kaniyang paningin at lagi siya nitong kasama.
“Dahil ayaw mo sa kagustuhan kong alisin ang iyong alaala, ako naman ang may gagawin sa iyo. Pagkat sinabi mong gagawin mo ang kahit anong nais ko. Kahit na ano ay ihanda mo na ang iyong sarili dahil hindi ko na hihintayin pa ang iyong kasagutan o bigyan ng pagkakataong salungatin o pakiusapan ulit ako!”
Pagkatapos niyang sabihin iyon kay Salamin na nanatili pa ring nakaluhod sa kaniyang harapan. Wala itong kaalam-alam na nagsimula nang bumigkas ng hindi maintindihang lenguahe si Helya at binalot na ang katawan ni Salamin ng kulay itim na liwanag hanggang sa nagulat na lamang siya nang makita ang sariling nasa hugis kwadrado na parihabang salamin.
“Ganito pala talaga ako kaganda sa harapan ng isang salamin. At masaya akong ikaw ang ginawa kong Salamin ngayon, bata. Kaya wala kang dapat na ibang gawin kung hindi ang sundin ang lahat ng sabihin ko at iuutos habambuhay!”
Ang lahat ng mga alaalang iyon ay nanatili pa rin sa isipan ni Salamin habang ibinaling ang tingin sa napakaliwanag na bituin sa kalangitan. Dahil nasa mahimbing na tulog naman sina Ulay, Aurora, Satur, Uno, at Dano. Kaya balik normal muna itong pinagmamasdan ang kalangitan habang unti-unting nauupos ang apoy sa baba kung saan nakatulog ang misyon niya.
“Sabik na akong makita kayo at humingin ng tawad sa iyo, aking kapatid. Ngunit hindi ko magagawa at alam kung hanggang kailan ako mananatili sa anyong ito. Sa mga bituin ko na lamang sasabihin ang aking paghingi ng kapatawaran sa inyo. Ama, ina, kapatid ko, patawarin po ninyo ako sa aking nagawang kamalian. Habambuhay at hanggang ngayon ay pinagsisisihan ko pa rin ang kapabayaan ko. Patawarin po sana ninyo ako.”
Ang mga katagang iyon ay naisisiwalat na lamang ng isang salaming katulad niya sa kalangitan nang walang sinumang nakakarinig maliban sa kaniyang sarili. Ibubuhos na lamang niya ang lahat sa mga bituin hanggang matapos ang gabing iyon dahil bukas kailangan niyang mapigilan ang pagpunta nina Ulay sa Elementu. Nasa kaniyang kakayahan nakasasalay ang kamatayan at pagkabigo ni Ulay upang hindi ito makarating sa bundok ng Elementu. Wala siyang ibang gagawin kung hindi ang bantayan ang mga ito. Bigyan ng matinding pagsubok. Saktan. Sugatan. At kung anu-ano pang puwede niyang gawin mailayo o mailihis lamang ang mga ito sa landas na kanilang tatahakin. Ngunit, sa kaibuturan ni Salamin, iba ang nais niyang gawin.
WALA NAMANG KAMALAY-MALAY sina Ulay, Aurora, Satur, Uno at Dano na nasa taas lang at nasa mga sanga lamang naroon si Salamin. Naibalik na nito ang tingin sa mga natutulog na misyon niya. Habang mahimbing na natutulog ang mga ito ay siya namang pagkarinig ni Salamin sa isang hindi niya pa nakikilalang tinig.
“Alam ko ang hinahanap ng iyong puso. Kung susundan mo ang kabutihan ay mahahanap mo ang kasagutan sa iyong mga katanungan. Kung magpapatuloy ka sa kasamaan, kasamaan rin ang naghihintay sa iyo at hinding-hindi mo na makikita pa ang sagot na matagal mo nang inaasam-asam. Nawa ay patnubayan ka ng iyong karunungan at alaalang nakatatak sa iyong bagong kaanyuan.”
Gulat na gulat si Salamin sa mga narinig. Gustuhin man niyang magsalita ay hindi niya ito magagawa pagkat baka magising niya ang natutulog sa baba. Naghintay pa sana ito ng susunod na sasabihin ng tinig na iyon pero wala na siyang narinig pa. Muling ibinalik na lamang ni Salamin ang mga mata sa malawak na kalangitang puno ng mga nagkikislapang mga bituin.