“Sa tingin mo makakatakas ka sa amin, Ulay?” pananakot ng isang nagliliyab na halimaw.
“Hinding-hindi ka makakaalis ng buhay dito sa lugar na ito, Ulay!” humahalakhak naman ng isang paikot-ikot at lumilipad sa kaniya.
“Kakainin ko ang iyong puso, Ulay! Kakainin ko!” naglalaway namang sabi ng isang matabang halimaw na palapit nang palapit sa kaniya.
“Pupunuin ko ng tubig ang iyong buong katawan, Ulay! Mamamatay kang mag-isa!” dinig namang sabi nito nang lumingon ang isang halimaw na napapalibutan ng tubig. Kulang na lang ay lunurin siya nito.
“Ibabaon kita kasama ng iyong mga kaibigan sa ilalim ng lupang ito, Ulay nang hindi ka magtagumpay sa iyong planong bawiin ang kaharian sa kamay ng aming reyna na si Helya!” ngising-ngisi namang pagbabanta ng isa pang halimaw na nagpapayanig na sa kinatatayuan niya.
Hindi alam ni Ulay kung saang lugar siya. Ang tanging nakikita lamang ng kaniyang mga mata ay ang limang halimaw na hindi niya kilala. Na basta na lamang lumitaw ang mga ito sa kaniyang harapan. Ramdam din niya ang pagyanig ng lupa. Ang lakas ng ihip ng hangin at ang buhos ng tubig na umaalpas na sa paligid ng bundok kung saan siya nakatayo. Nang kaniyang lingunin ang kaniyang likuran, natagpuan na lamang niya ang sariling nasa bingit na ng kamatayan. Bangin na ito at lalo pang lumuwa ang kaniyang mga mata nang makita ang mataas na tubig na lagpas bundok na.
“Aurora? Satur? Uno? Dano? Ama? Ina?” sunod-sunod ang pagbanggit niya sa pangalan ng mga taong nakikita niya sa harapan sa patanong na paraan.
“Pagmasdan mo ang kamatayang naghihintay sa iyong mga mahal sa buhay, Ulay! Pagmasdan mo!”
Isang tinig na naman ang narinig niya at nang mahagilap ng kaniyang mga mata ang nagsalita, magkahalong inis at galit ang kaniyang nadarama. Hindi rin niya masikmura ang pangit na hitsura nitong mukha talagang mangkukulam sa kaniyang paningin. Iyon na marahil ang tunay na anyo nito bilang isang mangkukulam.
“Ikaw si Helya?” nanggagaliting sigaw na tanong nito kay Helya.
Gulo-gulo ang buhok. Mahahaba ang buhok nito na tayong-tayo at matutulis pa. Nakalutang pa ito sa kawalan habang hinahayaan ang halimaw na may kapangyarihan ng tubig na patuloy pang ikulong ang mga mahal nito sa buhay sa tubig na iyon. Mayroon pang hugis pulseras na gawa sa tubig-tabang ring sumasakal pa sa mga leeg ng kaniyang mga mahal sa buhay.
“Tama na! Pakawalan mo na sila! Nakikiusap ako, Helya! Pakiusap!” sigaw na nang sigaw si Ulay nang mga sandaling iyon at tila parang alam niyang naduduwag siyang labanan ang mga ito.
Sa pagkakataong iyon ay muling pinagmasdan ni Ulay ang paligid. Wala siyang ibang nakikita kung hindi puro kalaban at kakaibang elementong nasa kaniyang harapan. Ang mga mahal naman niya sa buhay ay parang totoo na hindi sa kaniyang harapan. At nang paulit-ulit niya itong pinagmasdan, doon sumagi sa kaniyang isipan ang lahat ng nangyari sa kaniya. Alam niyang nasa labas pa lamang sila ng kagubatan ng Gororiya at imposibleng magkakaroon agad sila ng kalaban. Nakumpirma pa iyon ni Ulay nang marinig niya ang mga boses nina Aurora, Satur, Uno at Dano na tinatawag siya. Nang lingunin niya ang mga ito sa ilalim ng umaalpas at malaking karagatang nasa kaniyang harapan, natitiyak na niyang nasa isang masamang panaginip lamang siya.
“Ulay!”
“Prinsipe Ulay!”
“Gising, Ulay!”
Sa mga boses na iyon, doon niya naramdaman ang malakas na hagupit ng sampal sa kaniyang pisngi na nagpagising sa kaniya. Mabilis na naimulat ni Ulay ang kaniyang mga mata at nakita ang nagtatakang mga mata nina Aurora, Satur, Uno, at Dano.
“Anong nangyari at kaninong kamay nanggaling ang sampal na iyon?!” Napahawak sa pisngi niya si Ulay. Bumangon ito at nasilaw sa umagang bumungad sa kaniya. Takang-taka naman ang apat at nagtinginan pa ito. “Walang sasagot?”
“Siya!” sabay-sabay pang nagturuan ang mga ito sa kaniyang harapan.
Kay Aurora nakaturo ang hintuturo ni Satur at ganoon din kay Satur kay Aurora. Sina Dano at Uno naman ay kay Aurora rin nakatutok ang mga hinturo. Biglang nahiya naman agad si Aurora sa kanya at napangising tumingin kay Ulay at mabilis na yumuko.
“Paumanhin, Ulay este mahal na prinsipe. Hind ko sinasadyang lakasan ang p********l ko,” paghinging paumanhin agad ni Aurora sa kaniyang harapan. Napakamot na lang si Ulay sa kaniyang ulo.
“Binabangungot ka po, mahal na prinsipe at hindi namin alam kung paano ka gigisingin,” paliwanag ng kambal na si Uno.
“Tinatawag mo ang mga pangalan namin, prinsipe. Maging ang pangalan ng iyong amang hari at inang reyna ay tinatawag mo na parang nasa matinding panganib,” dugtong naman ng kambal na lalaking si Dano. Halatang nag-aalala ang mga ito sa kaniya/
“Nabanggit mo rin ang pangalan ni Helya. Mukhang nasa panganib yata ang iyong panaginip, Ulay. Maaari mong ikuwento sa amin. Makikinig kami,” tutok na tutok namang komento ni Satur.
Lalong napakamot sa ulo ang prinsipeng si Ulay. Gustuhin man niyang humingi ng paumanhin sa kanilang harapan ay pansamantala niya ito munang kinalimutan. Kailangan na nilang bumalik sa paglalakbay bago pa ulit sila abutan ng takipsilim.
“Huwag na muna ninyong isipin ang mga nangyari. Kailangan na nating simulan ang paglalakbay. Tandaan ninyong dalawa hanggang tatlong bundok pa ang ating kailangang lagpasan at mga ilog pang dapat na tawirin bago marating ang bundok ng Elementu. Tayo na?”
Tumayo na ito at inayos ang sarili. Sumunod na rin ang apat upang sundin ang sinabi ng kanilang mahal na prinsipe. Hindi na ang mga ito nagsalita pa o nagtanong pa tungkol sa napanaginipan niya. Mahalaga ang kanilang paglalakbay at walang oras na dapat na masayang sa umagang iyon. Hindi sila magtatagumpay sa kanilang misyon kung may segundo o minutong mawawala sa bawat mga hakbang na kanilang lalakarin patungo sa unang bundok na kanilang aakyatin at unang ilog na tatawirin.
“Kaya natin ito!” sigaw ni Uno.
“Malalagpasan nating lima ito!” dagdag naman ni Dano.
“Para sa babawiing kaharian ng Bahaghari!” sumigaw na rin si Satur.
“Para sa kuya nina Uno at Dano na si Unano!” pabiro namang sambit ni Aurora sa pangalan ng nakatatandang kapatid ng kambal.
Sabay-sabay na humagalpak ng tawa ang lima at nagsimulang maglakad sa kanlurang direksyon. At ang unang destinasyon nilang hindi alam na pangalan ay ang bundok Lihim.
...
SAMANTALA... sa bundok ng Elementu, nakikita ni Hariya ang mga nangyayari kina Ulay. May kakaiba rin siyang nararamdaman sa mga ito na tila kawangis ng mga napaslang na mga tagapangalaga. May mga bagay lamang siyang kailangan alamin upang makasigurong ang limang elemento ay matatagpuan kina Ulay.
Sa mga kambal na sina Uno at Dano nakikita niya ang apoy at tubig pero taliwas sa mga hilig ng mga ito, hangin at lupa ang gusto. Kay Aurora naman niya nakikita ang elemento ng pagmamahal at kay Satur naman ang hangin. Kay Ulay naman ay hindi pa sigurado si Hariya kung tubig o apoy ang nilalaman ng kaniyang puso. Malalaman na lamang niya ito sa mga paglalakbay nila habang papalapit sila sa bundok ng Elementu.
Dahil alam niyang ang unang bundok na kailangan nilang lagpasan ay Bundok Lihim, ihahanda na lamang niya ang mga pagsubok na kailangan nilang harapin. Susubukan niya ang tapang, talino, liksi, talas ng pag-iisip, at maging pagtutulungan sa kanilang lima. Kailanga niyang makita ang gagawin ng mga ito kapag nasa panganib na ang isa't isa. Subalit, kahit alam niyang sa kaniya rin manggagaling ang mga pagsubok, hindi rin niya maiwasang mabahala sa isang bagay na alam niyang nakatingin at sumusunod sa lima.
“Salamin, alam kong mabigat ang iyong pinagdaraanan at dalangin kung mabuksan ang iyong isipan sa tamang landas nang malaman mo ang tunay na kasagutan sa matagal ng tanong na bumabagabag sa iyong isipan. Nawa ay hindi ka magiging hadlang sa paglalakbay ng lima patungo sa bundok Elementu.”
Naisiwalat agad iyon ni Hariya sa kaniyang isipan. Siya lang naman ang nagmamay-ari ng boses ng gabing iyon at nasambit ang mga kataga sa isipan ni Salamin. Wala siyang dapat ikabahala kung mapagtatanto nito ang mali sa kaniyang gagawin. Kung saka-sakali namang magiging dahilan ito sa paglalakbay nina Ulay, mas kailangang lagpasan ng mga ito ang panganib na gagawin ni Salamin sa kanila.
Sa isang hugis-bilog na parang lagusan at salamin ang pigura ay napapanood ni Hariya ang masayang paglalakad ng lima. Para lamang silang mga batang nakawala sa mahabang pagkakakulong. Limangdaang taon rin kasi ang mga itong nasa ilalim ng kapangyarihan at sumpa ni Helya. Masuwerte silang lima dahil nakabalik ang mga ito sa anyong tao at nasa batang-batang katawan. Nasa mabuting kalagayan naman ang hari at reyna ng Bahaghari na nanatili pa ring nasa gorilyang kaanyuan sa paanan ng bundok, malayo sa mga Karbona, Arumian, Berila, Sixilan, at Perruan.
“Nasa maayos na kalagayan at tahimik ang buong paligid at paanan ng bundok Elementu. Wala pa namang makukulit at matitigas ang ulong nangahas na sirain ang harang nakapaligid dito. Kung mayroon man ay nasisiguro kong walang makakalabas. Kaligtasan lang naman para sa kanila ang aking hangad at hindi ko hahayaang mangibabaw ang kasamaan sa bundok na aking pinangangalagaang daan at libong taon.”